***
Chapter 9
Change of Heart
Kasalukuyang nag-uusap sina Rich at Rico sa labas ng bahay. Kararating lang ni Rico at hindi muna siya pinagbihis ni Rich; kinausap siya agad ng kapatid.
“May utak ka ba talaga?” pag-uumpisa nito.
Nagpintig ang tainga ni Rico sa narinig. “Ano na namang nagawa ko?” tanong niya rito.
“Ilang beses ko bang sasabihing huwag siya! Huwag!”
Nagagalit si Rich kay Rico. Matagal niya nang sinasabing huwag si Mildred pero hindi ito nakikinig at pinipilit pa rin ang gusto. Nakuha na rin ni Rico kung ano ba ang ibig sabihin ng kanyang kapatid. Umiwas siya ng tingin.
“Kayo na ba?” tanong ni Rich. “Huwag kang magsisinungaling. Alam kong hindi ka magaling sa ganyan.” Hindi umimik ang kapatid. “Tama nga ako sa naiisip ko,” pagtatanto niya.
“Paano mo nalaman?” nahihiwagaan si Rico.
“Sinabi sa akin ni Arthur,” sagot ni Rich.
“Ni Arthur? May alam si Arthur?”
“Wala siyang alam. Sinabi lang ni Mildred sa kanya na may boyfriend na siya. Sino pa nga bang puwede kong paghinalaan e ikaw lang itong dikit nang dikit sa pinsan natin? Sa palagay mo ba gusto ka talaga niya?”
“Oo.” Ikinagulat lalo ni Rich ang sagot na iyon. “Oo. Gusto niya ako. Mahal ko siya at sinabi niyang mahal rin niya ako!”
Tumindi lalo ang galit ni Rich, “Itigil mo iyang kalokohan mo!”
“Kalokohan na ba ang magmahal?” tanong agad ni Rico.
Kumalma si Rich, “Hindi kalokohan ang magmahal. Yung minamahal mo ay isang malaking kahibangan! Pinsan natin si Mildred, Rico. Kaunting respeto lang, please.”
At natapos ang kanilang usapan. Si Rich na ang nagparaya. Baka kasi uminit lalo ang diskusyunan nila at kung saan pa mauwi.
Gustong umiyak ni Rico nang mga sandaling iyon. Tumutol na naman ang kuya niya, lagi na lang. Pumasok na siya sa kanyang silid. Doon niya na hinubad ang sapatos niya at nagtanggal din siya ng pang-itaas na damit. Humiga siya sa kama at nag-isip.
“Ano ba ‘tong nararamdaman ko? Mali nga siguro ito…”
Pinikit niya ang kanyang mga mata at huminga nang malalim. Tahimik ang buong paligid. Nakabibinging katahimikan. Wala na siyang naririnig na anuman maliban sa tibok ng kanyang puso.
Dugdug dugdug… Ang tibok ng kanyang puso…
Tinanong niya muli ang sarili, “Kung hindi si Mildred, sino?”
May narinig siyang boses na nanggagaling sa kailaliman ng kanyang puso. Isang boses na pamilyar sa kanya.
“Kuya Rico! Kuya Rico!” naririnig niya ang pagtawag nito sa kanyang pangalan.
Hindi siya nagkakamali. Ang boses na naririnig niya ay ang boses ni Bernadette.
“Bunso…” bulong niya at bumalik lahat sa alaala niya ang mga nangyari noong nakaraan.
Naalala niya, bago niya matagpuan si Bernadette, gulong-gulo rin ang isip niya. Nang makita niya si Bernadette, takot na takot siya. Nang mailigtas niya si Bernadette, napalagay na siya. Nang makilala niya si Bernadette, lagi siyang nauutal kapag nagsasalita. Nang inihatid niya na ito, nakadama siya ng kalungkutan. Ano nga kaya… Ano kaya kung si Bernadette na lang? Kaso, makikita niya pa kaya ito? Hindi naman kasi niya alam kung saan ang bahay ni Bernadette.
Matapos ay isang katok.
“Pasok!” matamlay niyang sagot.
Narinig niyang bumukas ang pinto, tapos ay sumara. Binuksan niya ang kanyang mga mata at laking gulat niya nang makita si Bernadette sa ibabaw niya! Nakatayo ito at kung pagmasdan siya’y sobrang lapit ng mukha sa kanya.
“Hi, Kuya Rico!” nakangiting bati nito.
Nataranta si Rico, “A-a-anong ginagawa mo rito?”
Umayos ng tindig si Bernadette. Bumangon naman si Rico at tinakpan ng unan ang kanyang dibdib.
“Binibisita ka! Masama ba? Buti na lang at natandaan ko ang bahay ninyo.”
“T-teka, gabing-gabi na ha! M-mag isa ka lang?”
Umiling si Bernadette, “Kasama ko si mommy, nasa baba siya. Kausap niya nga ang mama mo e! Nagpunta kami rito para magpasalamat. Hmm. Alam mo na, nagpalipas lang ng ilang araw para bumalik si mommy sa katinuan. Hehe! Grabe yung iyak niya nung nawala ako e! May dala nga pala akong pasalubong.”
Hindi lubos akalain ni Rico na matatandaan pa ni Bernadette ang bahay nila at babalik pa ito para magpasalamat. Masaya rin siya ngunit nandiyan na naman yung kabang nararamdaman niya pag nakikita niya ito.
“A bunso, puwede bang lumabas ka muna?” pakiusap niya.
“Bakit? Pinapasok mo ako tapos palalabasin mo ako,” pagtatampo ni Bernadette.
“Sige na. Saglit lang, magbibihis lang ako. Maghintay ka na lang sa ibaba.”
Ngumiti si Bernadette, “A, ok kuya!” Lumapit siya sa pinto, inikot ang door knob at sinabi, “Baba ka ha!” Umalis na siya.
Naiwan si Rico sa loob. Hinawakan niya ang dibdib niya at naramdaman niyang ang bilis ng tibok ng puso niya.
“Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito pag kaharap ko siya…” Mukhang hindi niya nagugustuhan ang nangyayari sa kanya.
Kinabukasan, sa Unibersidad. Magkakasama na naman ang tatlo, sina Arthur, Rich at Rico. Ikinukuwento ni Rich kay Arthur kung ano ang nangyari kagabi sa bahay nila at ibinibida niya ang ginawang pagliligtas ni Rico kay Bernadette.
“Biro mo, nangyayari pala talaga sa totoong buhay yun! Amazing! Akala ko sa mga pelikula lang yun makikita. Bakit nga pala ngayon ninyo lang naikuwento ito?” si Arthur ang nagsalita. Pinagkatuwaan niya si Rico, “Dapat ka pala tawaging super hero! Super Rico! Haha!”
Ngumiti nang bahagya si Rico, “Loko loko! Super Rico ka riyan!”
Kinahapunan, nang maiwang magkasama ang magkapatid ay humingi ng paumanhin si Rico kay Rich.
“Sorry, Kuya Rich. Sorry kung sinuway kita, kung naging matigas man ang ulo ko.”
“Hindi ka naman kasi nagpapaawat e! Sinusunod mo ang gusto mo, hindi ka nag-iisip. Kung tutuusin, malaki ka na, Rico. Dise nuebe anyos ka na, hindi ka na dapat pinagsasabihan pa. Dapat e alam mo na ang tama sa mali. Ang puwede sa hindi.”
“Alam kong may mali sa akin. Mali ang nararamdaman ko. Hahanapin ko ang sarili ko, kuya.”
“Sige, gawin mo kung ano ang nararapat. Naniniwala naman akong matalino ka. Nabubulag ka lang siguro. Oo, maganda si Mildred at marahil may nakita kang mga katangian sa kanya na wala sa iba pero hindi siya ang para sa iyo. Hindi puwede.”
Binigyan siya ni Rich ng palugit na isang lingo upang makapag-isip at upang itama ang mga maling nagawa niya gaya ng pakikipagrelasyon kay Mildred. Sabi ni Rich, kailangang mailagay niya sa ayos ang lahat habang maaga pa para hindi na lumala ang sitwasyon. Para na rin hindi mag-iwan ng pilat ang sugat na ililikha ng kanyang maling hakbang.
Kinagabihan, usapang puso ang kanilang naging paksa. Naikuwento ni Rich na natitipuhan niya si Margarita Clemente, mas kilala sa palayaw na Rita, na ka-batch niya. Kilala ni Rico si Margarita dahil minsan na itong nangampanya sa klase nila noong nakaraang taon para sa pagiging Bise Presidente ng Student Government. Kung iyon ang liligawan ng kapatid niya, masasabi niyang boto siya rito.
Hindi na hiniling ni Rich na magkuwento pa si Rico tungkol sa love life dahil alam niyang wala itong ibang sasabihin kundi si Mildred, pero nagulat na lamang siya nang tanungin siya nito ng,
“Kuya, anong tingin mo kay Bernadette?”
Matapos ibigay ni Rich ang opinyon niya ay napangiti siya dahil mukhang may ibig sabihin ang tanong na iyon at nararamdaman niyang may pinaplano na si Rico. Mukhang handa na nitong ilagay ang lahat sa tama.
***
No comments:
Post a Comment