***
Chapter 26
A Long Story
Dahil sa pagkabigla’y gumilid si Iris at umiwas nang kaunti sa sinasandalang kotse para na rin makaiwas sa balak sa kanya ni Hans. ‘Di niya sinasadyang mabitawan ang scrapbook at nahulog iyon sa paa ni Hans. Kahit na may panghihinayang sa parte ni Hans, hindi na lang niya itinuloy ang balak niya kay Iris. Pinulot niya matapos ang scrapbook. Sa huli ay ‘di rin nasabi ni Iris kay Hans ang gusto niyang sabihin at natulog siyang walang ibang inaalala kundi ang nangyari sa pagitan nila ni Millie.
Nang sumapit na ang panibagong araw, dala pa rin ni Iris sa dibdib ang tinik na dulot ng pagtatagpo nila ni Millie. Wala siyang ibang mapagsabihan at sa mga ganitong pagkakataon, isa lang ang alam niyang puwede niyang lapitan at pagkatiwalaan: si Ellie.
Tunog ng piano ang narinig niya nang magawi siya sa Music Hall at tangi niyang naisip na si Ellie iyon, pinapagana na naman ang mga kamay niya. Sumilip siya sa Piano Room at nakitang mag-isa si Ellie kaya hindi na siya nag-alinlangang pumasok. Tumigil si Ellie sa pagtugtog nang makitang pumasok ang kapatid ng kanyang kasintahan.
Naglakas-loob si Iris, “Ellie, may gusto sana akong sabihin sa iyo.”
“Ano yun?” tanong ni Ellie sa kanya.
Lumapit si Iris kay Ellie at tinabihan niya ito. “Nakita ko na kasi sa personal yung mommy nina Hans at Kyle.”
“A talaga? O, anong meron?”
Inilarawan ni Iris si Millie, “Maganda siya pero ang sama naman ng ugali niya!”
Nagulat si Ellie sa sinabi ni Iris, “Bakit, may ginawa ba siya sa iyo?”
“Kahapon nagkita kami at… at…” tila nahihirapan pa ring maglabas ng saloobin si Iris.
Inalalayan siya ni Ellie, “At?”
“In-offer-an niya ako ng ten million para layuan si Hans!” sa wakas ay nasabi na rin niya.
Nabigla si Ellie, “Ten million?”
“Oo. Tseke!” sagot ni Iris.
Lalong nagtaka si Ellie. “Bakit niya ginawa yun?”
“Hindi ko nga rin alam e! Basta sabi niya 'Ten million. Layuan mo ang anak ko. Layuan mo si Hans!'”
Nag isip-isip si Ellie, “May naaamoy akong ‘di maganda sa mga pangyayari.” Tumayo siya. “Halika, sumunod ka sa akin. May ipakikita ako sa iyo,” sabi niya kay Iris.
Lumabas na ang dalawa sa Piano Room at ilang sandali pa’y nakalabas na rin sila sa Music Hall. Naglakad sila palabas ng gate ng Unibersidad, sunod ay papasok sa maraming puno.
“Teka, saan tayo pupunta? Papunta ito sa wishing well, ‘di ba?” tanong ni Iris na walang kaide-ideya kung bakit ba sila pupunta sa wishing well sa oras na ito.
“Oo, papunta nga ito sa wishing well pero hindi tayo roon pupunta,” sagot ni Ellie na tila nagmamadali at gusto nang maipakita kay Iris ang pakay na lugar.
Ilang sandali pa’y huminto na sila.
“Nandito na tayo,” sabi ni Ellie nang marating na ang lugar.
Nabalot ng katahimikan ang buong paligid nang tumigil na sila sa paglalakad. Wala na ang kaluskos ng damo, tunog ng nadudurog na tuyong dahon at paglagatok ng maliliit na sanga. Huni ng ibon at ihip ng hangin na lang ang sunod nilang narinig. Nakatayo sina Ellie at Iris, magkahawak ang mga kamay at parehong nakatitig sa puno. Maya-maya’y bumitiw si Iris sa pagkakahawak sa kamay ni Ellie at hinawakan niya ang nakitang ukit sa puno. Binasa niya iyon,
“Mildred and Rico,” at pagkabasa niya’y kinilabutan siya. “Ang ibig bang sabihin nito—” Naputol ang sinasabi niya nang magsalita si Ellie.
Hinawakan din ni Ellie ang ukit at tinuro isa-isa ang mga pangalan habang nagpapaliwanag, “Mildred, mommy ni Hans. Rico, papa ni Benjo.”
“Yun na nga, Ellie! Sina Hans at Benjo… magkapatid ba sila kaya magkamukha sila? Ano sila, kambal?” Sumang-ayon si Ellie pero parang ayaw harapin ni Iris ang katotohanan. “P-pero —teka —naguguluhan ako! Noong una inisip kong imposible dahil kung kambal nga sila bakit walang alaala si Hans kay Benjo?”
At nagsimula nang magkuwento ni Ellie.
“Minsang nagawi ako sa lugar na ito, nagpunta ako sa punong ito. Ang punong ito ay nag-iwan sa akin ng alaala, sa aming dalawa ni Ivan. Nakita ko sa puno ang ukit at mula noon, nahiwagaan ako sa mga pangalang nakaukit na para bang may misteryo sa likod nito. Hanggang sa ipakita mo sa akin ang wishing well.
“Hindi ako humiling sa balon. Nagtanong ako. Nagtanong ako kung sino ba sina Mildred at Rico. Tama ka sa sinabi mo noon na totoo ang wishing well kasi nakuha ko ang sagot sa tanong ko. Hindi lang iyan, madalas din akong managinip noon tungkol kay Benjo pero isang araw, nang lumitaw si Hans ay natigil na ang mga panaginip ko. Alam mo, nahiwagaan din ako kay Hans noon. Inisip ko kung bakit ba niya kamukha si Benjo.
“Mukha lang akong walang pakialam pero ang hindi alam ng lahat, nagsasaliksik ako at ang mayroon ako ngayon ay tagpi-tagping kuwento. Hindi pa rin malinaw ang lahat dahil kulang pa rin talaga ang impormasyong nalalaman ko. Kung itinatanong mo kung bakit walang alaala si Hans kay Benjo, siya ang sisihin mo,” itinuro niya ang pangalang nakaukit sa puno, “Dahil sa mommy ni Hans, dahil kay Millie Evans. Inilayo niya si Hans sa tunay niyang pamilya.”
“Ang ibig mo bang sabihin, hindi tunay na anak ni Millie Evans si Hans? Pero ano ang ibig sabihin nito?” ang tinutukoy ni Iris ay ang mga nakaukit na pangalan.
“Rico at Bernadette ang pangalan ng mga magulang ni Benjo. Sila rin ang tunay na magulang ni Hans. Nagmahalan sina Rico at Mildred pero ‘di nila puwedeng ibigin ng higit pa ang isa’t isa dahil magpinsan sila. Iyon ang nalaman ko kay papa,” at ipinagpatuloy niya ang mahabang kuwento niya.
Alam natin ang tunay na nangyari. Alam natin kung paano inibig nina Millie at Rico ang isa’t isa; kung paano iniwan ni Rico at dinurog ang puso ni Millie. Malinaw sa atin ang ginawang pagkuha niya sa sanggol na si Reeve na ngayon ay si Hans na. Si Hans, isang binatang walang alam sa nakaraan o sa tunay niyang pagkatao. Saksi tayong lahat.
Matapos ang usapan nina Ellie at Iris, nalaman na rin ni Iris ang relasyon ng bawat isa. Magpinsan sina Rico at Millie. Si Bernadette ang babaeng pinili ni Rico at iniwan niya si Millie. Nagkaroon sina Rico at Bernadette ng dalawang anak, sina Benjo at Hans, at kinuha ni Millie ang bata. Si Kyle lang ang tanging anak ni Millie. Kung gayon, hindi tunay na magkapatid sina Hans at Kyle kundi magpinsan din, second cousins. At sina Reed, Benjo at Hans ay first cousins dahil ang ama ni Reed at ang ama nina Benjo ay magkapatid.
Huwag rin nating i-isang tabi ang nangyaring aksidente pitong taon na ang nakalilipas. Ang sabi ni Ellie kay Iris ay wala siyang alam sa nangyaring aksidente dahil ayaw nang magsalita ng kanyang ama. Ang sabi’y sapat na ang nalalaman niya at wala na itong ibibigay pa. Hindi alam ni Ellie na may koneksyon pala ang ama niyang si Arthur sa mga Salas. Ang akala niya’y mabait lang ito sa magpinsang Reed at Benjo dahil mga kaibigan nila sila. Yun pala’y may malalim na pagkakaibigang namuo kina Rich, Rico at Arthur.
Sinabi ni Ellie na huwag ipagsabi ni Iris kahit kanino ang nalalaman niya kahit pa sa kuya nitong si Ivan. Kung may una man sa tropang dapat pagsabihan sa kung anong nalalaman nila, si Reed iyon dahil ito ang pinaka may karapatan. Pero hindi pa ito ang tamang panahon para isiwalat ang katotohanan.
Sobra na ang nalaman ni Iris. Sobra na para mahalin at protektahan si Hans laban sa taong nanloko sa kanya. Kaya siguro gustong ilayo ni Millie sa ibang tao si Hans ay dahil sa gusto niya itong solohin, gusto niyang mapasakanya lang. Ayaw niyang maulit ang nangyari kay Rico na naagaw ng ibang babae. Gusto niyang sarilinin si Hans ngayon pa’t habang lumalaki, nagbibinata at nagiging ganap na lalaki ito ay nagiging kamukha ito ng kanyang ama. Lalong bumigat ang nararamdaman ng dalaga. Naaawa siya kay Hans dahil inilayo siya ni Millie sa katotohanan at naaawa rin siya sa kaibigang si Kyle dahil hindi nito gaanong naramdaman ang pagmamahal ni Millie. Inukol lang kasi ni Millie ang panahon niya sa ibang tao na hindi naman dapat. Minahal niya nang lubos si Hans dahil ito ang nakuha niya sa makasariling hangarin niya.
Nang magkaroon ng pagkakataon ay nagkita sina Iris at Hans. Nauna si Iris sa tagpuan at nang dumating si Hans, wala na siyang sinayang na segundo. Nang bumaba si Hans sa kotse ay agad niya itong niyakap. Hindi niya alam kung bakit pero matapos ikuwento ni Ellie sa kanya iyon ay nakaramdam siya ng kalungkutan at naramdaman niya ang bahagi ng kalungkutan ni Hans. Hindi naman akalain ni Hans na yayakapin siya ni Iris, kumbaga hindi niya napaghandaan ang ginawang pag-atake ni Iris. Para siyang ewan na nakatayo samantalang nakayakap si Iris sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang dapat ikilos. Para naman sa parte ni Iris, ito na siguro ang pinaka istupidong bagay na nagawa niya sa buong buhay niya. Hindi siya naging malapit sa mga kaklase niyang lalaki noong nasa elementarya at sekondarya pa siya, o kahit na kanino maliban sa tatay niya at mga kapatid niya. Ngayon nga lang siya naging malapit sa barkada ng kuya niya. Panakaw lang rin nga kung tingnan niya si Benjo noon at bihira lang sila mag-usap. Pero heto siya ngayon, nakayakap siya kay Hans at mas nakakahiya pa nang sabihin niya ang,
“Mahal kita, Hans.”
Sigurado siyang naintindihan ni Hans ang sinabi niya dahil sa naramdaman niyang pagbilis ng tibok ng puso ng binata. Hindi na nga rin siya makahinga dahil sa higpit ng pagyakap ni Hans nang sabihin niya ang mga salitang iyon at sumagot ito ng,
“Mahal din kita, Iris.”
Nakatutuwa nga dahil biglang dumeretso ang dila ni Hans nang sabihin niya ang mga salitang iyon at nakita ang isang napaka gandang ngiti sa mga labi ni Hans. Sa mga oras na ito na tila walang kasiguraduhan ang lahat ng bagay, isa lang ang sigurado: si Iris lang ang babae sa buhay ni Hans, siya lang ang itinitibok ng puso ni Hans.
***
No comments:
Post a Comment