***
Chapter 6
Who Are You?
Nagising si Ellie sa kailaliman ng gabi. Bumangon siya at bumaba upang kumuha ng maiinom na tubig; uhaw na uhaw siya. Inilagay niya ang baso sa lababo nang maubos niya na ang huling patak ng tubig nito. Nagdadalawang-isip nga siya kung itutuloy niya pa ang pagtulog niya. Parang ayaw niya nang matulog dahil kapag ipinipikit niya ang mga mata niya, si Benjo lagi ang laman ng mga panaginip niya. Kanina naman, isang babae ang napanaginipan niya, isang babaeng 'di niya kilala. Ngunit malabo ang mukha ng babaeng iyon sa panaginip niya.
Sa nakaraang panahon.
Maganda ang ngiti ni Mildred. Maayos ang kanyang pananamit at napakaputi ng suot niyang unipormeng pinaghirapan talagang labhan ng kanyang ina. Kasalukuyan siyang naririto sa lugar na mapuno, ang lugar na pinupuntahan nila ni Rico. Walang anu-ano'y bigla na lang niyang kinalkal ang mga nagkalat na tuyong dahon, mukhang may hinahanap at nang hindi niya makita ang kanyang hinahanap, lumipat naman siya sa isa pang puno. Palipat-lipat siya; hanap dito, hanap doon hanggang sa natagpuan niya ang kanyang hinahanap. Ang pisong hinulog niya noon ay hawak niya na ngayon. Ito ang palatandaang nagsasaad na rito iyon, sa punong ito siya isinandal ni Rico at dito naganap ang una nilang halik. Ang punong ito ay may malaki nang bahagi sa buhay niya at bilang pag-alala rito, kumuha siya ng scalpel at inukitan ang puno.
Mildred and Rico
Dalawang pusong nag-iibigan na sa paniniwala niya’y hindi mahahadlangan ng sinuman.
Kinagabihan. Inabot na ng dilim si Mildred sa daan. Hindi siya pumasok sa klase; magdamag lang siyang naglagi sa lugar na iyon at naging abala sa pag-ukit ng mga pangalan nila ni Rico. Nang makauwi na siya ng bahay, pinagalitan siya ng kanyang ina dahil marumi ang suot niyang uniporme. Sermon na naman ang natanggap niya pero pagkatapos noon ay nilabhan din ng ina niya ang uniporme niya.
Nagkita sina Mildred at Rico kinabukasan at noong uwian ay nagtungo na naman sila sa paborito nilang lugar. Ipinakita ni Mildred kay Rico ang inukit niyang pangalan sa puno.
“Talagang nag-vandal ka pa ha!” biro ni Rico.
Sumimangot si Mildred. Maganda pa rin siya kahit nakasimangot, “Hindi mo nagustuhan?”
“Syempre nagustuhan ko!” Hinawakan ni Rico ang baywang ni Mildred. “Pero dapat nilagyan mo ng heart tapos may arrow.” Ngumiti si Mildred.
Oras na para umuwi. Inihatid na ni Rico si Mildred sa bahay nito. Umuwi na rin si Rico sa kanilang bahay. Pag pasok niya, hinubad niya ang kanyang sapatos. Nasa study table si Rich, nagsusunog ng kilay. Akala ni Rico ay hindi na siya papansinin ng kapatid dahil abala ito sa pagsusulat pero nang umakyat siya sa hagdan, nagsalita ito.
“Madalas ka nang gabihin sa pag-uwi ha! Saan ka ba nagpupupunta?”
“Diyan lang,” sagot niya. Umakyat siya ng isang baitang.
“Sinong kasama mo?”
“Kaklase ko,” sagot niya, akyat uli.
“At ano naman ang ginawa ninyo? Gumawa ng project?” sarkastikong pagkakasabi ni Rich. Itinigil niya ang ginagawa niya. Si Rico naman ay nanatili sa kinatatayuan niya. Humarap si Rich sa kanya. “Nakita kita kanina, kasama mo si Mildred. Classmate mo ba siya? Sa pagkakaalam ko, magkaiba kayo ng section.”
Natahimik si Rico.
“Sabi ko sa iyo ‘di ba, tigilan mo na siya?”
“Pero Kuya Rich, alam mo namang —“
“Pinsan natin yun. Kadugo natin. Mahirap bang intindihin yun, Rico? Kung ibang babae iyan, hindi kita pipigilan. Huwag si Mildred. Huwag.”
Nagbuntong-hininga si Rico, umiling at itinuloy na ang pag-akyat sa hagdan. Pumasok siya sa kanyang silid. Umupo siya sa kanyang kama tapos ay ibinagsak niya ang katawan niya upang mahiga.
“Huwag si Mildred. Huwag,” tumatak sa isip niya ang sinabi ng kanyang kuya.
“Kung hindi si Mildred, sino? Masama ba talagang mahalin siya? May batas bang nagsasabing bawal mahalin ang pinsan? May limitasyon pala pag nagmamahal…”
Lumipas ang mga oras. Lahat ay nahihimbing na sa pagtulog ngunit bukas pa rin ang mga mata ni Rico. Lumabas siya ng bahay, nagtungo sa garahe, nagsuot ng helmet at pinaandar niya ang motorsiklo ng kanyang kuya. Alas onse na ng gabi ngunit gumala pa rin siya ng ganitong oras. Nagmaneho lang siya; hindi niya alam kung saan siya pupunta basta pinaandar niya lang ang motorsiklo.
Nadaanan niya ang isang tindahan ng alahas. Pumasok siya at tumingin-tingin sa mga display. Naibigan niya ang isang pambababaeng hikaw na ang hugis ay paru-paro. Buti na nga lang at dala niya ang pitaka niya. Balak niyang bilhin ang hikaw at ibigay kay Mildred.
“Para po sa girlfriend ninyo, sir?” tanong ng saleslady.
Ngumiti siya. “Hindi ko pa siya girlfriend pero malapit na niya akong sagutin,” sagot niya. Lumabas na siya sa tindahan at pinaandar ang motorsiklo.
Napadaan siya sa isang tulay. Binagalan niya nang kaunti ang andar nang madaanan niya ang isang babaeng naglalakad nang mag-isa at umiiyak. Nilingon niya iyon sandali. Nang makalagpas na si Rico, may narinig siya. SPLASH! Tumalon ang babae sa tulay at nang lumingon muli siya, wala na ang babae sa paligid! Bumalik uli siya at dumungaw sa tulay. Nakita niyang umaalon ang tubig sa ibaba. Kinabahan siya. Tumingin siya sa kaliwa, kanan at likuran. Walang ibang tao sa paligid kaya tumalon na rin siya.
Malamig ang tubig na humampas sa kanya. Wala sa ibabaw ang babae kaya lumubog siya. Wala siyang makita sa ilalim, lumangoy lang siya nang lumangoy hanggang sa may sumabit sa kanyang kamay —ang buhok ng babae, at umahon na sila. Wala nang malay ang babae. Dinala niya ito sa isang tabi nang mailigtas niya na ito at kaagad na isinagawa ang mouth to mouth resuscitation.
Nilabas ng babae ang tubig na nainom at idinilat niya nang bahagya ang kanyang mga mata.
“Sino ka?” tanong nito kay Rico.
Nawalan uli ng malay ang babae. Pinasan na siya ni Rico at nang makabalik na siya sa tulay dala ang babae, umuwi na siya sa kanilang bahay sakay ng motorsiklo.
***
No comments:
Post a Comment