No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Wednesday, April 28, 2010

Sunog!

Alas sais kinse ng umaga. Mula sa mahimbing na pagkakatulog ay ginising ako ng nakababata kong kapatid na si Gigi at natatarantang sinabing may sunog sa kahilerang bahay namin, at dahil gawa sa kahoy at dikit-dikit ang mga bahay rito, paniguradong mabilis na kakalat ang apoy. Mukhang di rin maaapula kaagad gawa nang masikip kasi eskinita ito.

Napabalikwas ako sa kinahihigaan at dali-daling bumangon. Pinanghihinayangan ko ang naputol na panaginip kong nilalagyan ko ng sunblock ang likod ng girlfriend kong si Nina dahil lalangoy kami sa beach.

Wala pa ako sa katinuan, at binalak ko pang magsipilyo at maghilamos (gawain ko kasi yun pagkagising) nang makita kong nagkakagulo na sa loob ng bahay at kani-kaniyang hakot ang pamilya ko ng mga damit at gamit na puwedeng isalba.

"O Andrew! Bakit nakatayo ka pa riyan? Por Diyos por santo naman itong batang ito! Kilos na!" sabi ng nanay ko habang dala-dala ang rice cooker namin at kalan.

Buhat-buhat ng tatay ko at ng kapatid kong si Ramon ang maliit naming ref. "Huy! Tumulong ka rito!" utos sa akin ng tatay kong naka-pajama pa.

Tangay-tangay naman ni Gigi ang kanyang mga laruang paper doll at naiiyak dahil nawawala raw si Marimar, na kung tutuusin e magkakamukha lang naman ang mga paper doll niya.

Natauhan ako nang mag-ring ang cell phone ko. Naalala kong naka-charge pala iyon sa saksakan malapit sa hinihigaan ko. Tinatawagan ako ng girlfriend ko.

"Hello Spongebob ko, tinext ako ni Ramon may sunog daw diyan sa a," sabi ni Nina.
"Oo, ito nga natataranta silang lahat dito," tugon ko.
"O ikaw, nasaan ka?" tanong niya.
"Dito sa kama, malayo pa naman siguro yung apoy. Dulo pa naman itong bahay namin," sabi ko.

Pinagalitan niya ako, "Sira! Ano ka ba! Kumilos ka na!"

"E hindi ko alam kung anong isasalba ko," dahilan ko.
"Yung Spongebob na tuwalyang bigay ko sa iyo," sabi niya. Doon nagsimulang kumilos ang mga paa ko. Kinuha ko ang basket na lalagyan namin ng mga damit, nagtungo ako sa banyo at inilagay ko sa basket yung tuwalyang sinasabi niya.

Nagsunod-sunod ng pagbibigay ng instructions si Nina ng mga gamit na dapat kong isalba habang inaalala yung mga bagay na ibinigay niya sa akin.

"First monthsary... yung tuwalyang Spongebob. Nakuha mo na?" Oo ang isinagot ko. "Second, yung panyong Spongebob, di ba dalawa yun? Yung checkered na blue saka yung may pagka white? Yung white ang cute nga ng embroidered na Spongebob doon, naka-brief lang. Hehe! Kunin mo yung mga yun.
"Third, yung mug na Spongebob. Kasama pa nga niya si Patrick doon.
"Fourth, yung slippers na pambahay na Spongebob. Remember, binili pa natin sa SM yun? Last pair na nga yun kasi ang laki ng paa mo.
"Fifth, yung unan na Spongebob. Sabi mo, di ba, gusto mo ng pillow para may nayayakap ka pag wala ako?
"Sixth, yung stuff toy na Spongebob. Pinag-ipunan ko pa yun for six months. Worth 1000 plus kasi e! Last piece na nga rin yun.
"Seventh, yung pouch bag na Spongebob, limited edition yun. Ang dami ko ngang kaagaw na collectors e!
"Eight, yung wallet na Spongebob. Sira na kasi yung wallet mo, di ba? Kaya ayun, binilhan kita nun.
"Ninth, yung t-shirt na Spongebob. Amazing yun sabi mo kasi glow in the dark yung print. Nung nagpunta ka rito sa amin, sinuot mo yun, di ba? Tapos lights off pa sa kuwarto ko. Ang cute nga tingnan e!
"Tenth, yung picture frame na Spongebob na may collage ng pictures natin.
"Eleventh naman yung diary na Spongebob. Ewan ko lang kung sinusulatan mo yun."

Hindi ako mahilig sa Spongebob. Si Nina ang may gusto nun. Katwiran niya kasi pag nag-break kami at isinauli ko sa kanya lahat ng ibinigay niya e magagamit pa niya. Nagkumahog akong kunin ang lahat ng iyon kasi binurara ko lang sa loob ng bahay yung iba.

Nagpatuloy siya, "Twelfth yung —"

"Wala pa tayong anniversary!" pagputol ko sa sinasabi niya.

Tumawa siya, "Haha! Oo nga pala. Sorry Spongebob ko, excited lang. Yung mga sulat ko sa iyo, yung pictures natin, yung resibo ng unang kinain natin, yung resibo ng unang bus na sinakyan natin, yung ticket ng unang movie na pinanood natin —"

Natulilig na ang tainga ko sa mga sinabi sa akin ni Nina at pinatay ko na ang cell phone ko.

"Andrew, lumabas ka na riyan!" pagtawag ng tatay ko sa akin mula sa labas.

Lumabas na ako ng bahay dala-dala ang basket at nagulat ako nang makita ko si Nina na may galit na mukha.

"Kanina ka pa riyan?!" tanong ko.
"Oo kanina pa at bakit mo ako binabaan ng telepono?" galit na tanong niya.

Sinubukan kong magpaliwanag pero di na ako nakapagsalita nang sampalin niya ako at sabihing, "Break na tayo!" sabay kuha ng dala-dala kong basket at lumakad palayo.

Habang nag-iiyakan sina mama, papa at Ramon nang tupukin ng apoy ang bahay namin, naiwan naman akong nakatulala dahil sa bilis ng mga pangyayari.

Tinapik ni Ramon ang balikat ko at sinabing, "Ok lang iyan, kuya, nasagip ko naman lahat ng mga damit mo."

"Ayun si Marimar!" sigaw naman ni Gigi at may kinuha sa likuran ko. Nakadikit pala ng scotch tape si Marimar sa suot kong sando.

Nang lamunin na ng apoy ang bahay namin e saka pa lang dumating ang mga bumbero at ilang mga tao sa media para mag-interview.

"Kinidnap po ng kuya ko si Marimar," sabi ni Gigi sa isang taga-media.

Saturday, April 24, 2010

Anghel

Naniniwala ka ba sa mga anghel? Kung oo, magagawa mong mabasa ang kuwento sa ibaba.


Noong bata pa ako madalas akong kuwentuhan ni papa tungkol sa mga anghel. Sabi niya sila yung mga banal na espiritung may puting pakpak. Mayroon silang lumiliwanag na bilog na lumulutang sa ulunan nila o yung tinatawag na "halo". Mayroon silang maamong mukha at mayroon ding lumiliwanag na awra. Sabi ni papa hindi natin sila nakikita kasi nga espiritu sila pero kahit ganoon, nandiyan lang sila palagi sa tabi natin. Bawat isa sa atin may anghel na gumagabay at nagbabantay ng bente-kwatro oras. Sabi niya hindi tayo pinababayaan ng mga anghel na malagay sa kapahamakan.

Maraming magagandang bagay ang ikuwento ni papa sa akin tungkol sa mga anghel kaya naniwala akong mabubuti nga sila. Naalala ko nga noong maliit pa ako madalas ko silang iguhit sa papel gaya ng pagkakalarawan sa akin ni papa: may pakpak, may halo, may maamong mukha at may lumiliwanag na awra. Pinupuri ako ni papa dahil sa mga iginuguhit ko. Sa katunayan nga mayroon din siyang iginuhit na anghel. Namangha ako kasi mas maganda ang iginuhit niya kaysa sa akin. Dinikit ko yun sa dingding ng silid ko kasama ang ilang iginuhit ko.

Lumaki akong naniniwalang mayroon akong sariling anghel. Pinangalanan ko pa nga siyang Angelo. May pangalan din pala ang anghel ni papa, sabi niya Cassandra raw.

"Kapangalan ko ang anghel mo, papa?" tanong ko. Nginitian ako ni papa. Siguro kaya ako pinangalan ni papa na Cassandra kasi yun ang pangalan ng anghel niya.

Biglang nagbago ang pagtingin ko sa mga anghel nang tumungtong ako ng unang taon sa mataas na paaralan. Napatunayan kong masasama sila! Sa mga nakalipas na buwan noon napansin kong naging matamlay si papa.

"Papa, ok ka lang?" minsang naitanong ko sa kanya.

Tinugunan niya ako ng ngiti. "Syempre. Bakit, anak?" sabi niya.

"Para kasing ang tamlay mo," pansin ko.
"May iniisip lang si papa," sabi niya. Pagkasabi niya nun, biglang-bigla na lang may lumabas na dugo sa ilong niya.
"Papa! May dugo!" sigaw ko kasabay ng pagturo sa ilong niya.
"Ito naman, para dugo lang." Pinahid ni papa ang dugo sa ilong niya. "O wala na. Magic, di ba?" Ngumiti siya. Doon ko naisip na may karamdaman si papa pero pinagdidiinan niyang wala naman. Natural lang daw na may lumalabas na dugo sa ilong paminsan-minsan.

Isang araw, nagpaalam si papa sa akin. Sabi niya di raw muna siya makauuwi ng bahay kasi magtatrabaho siya sa malayo. Nalungkot naman ako pero sabi niya huwag daw akong mag-alala kasi kasama naman niya ang anghel niya sa pupuntahan niya.

Gabi-gabi pinagdarasal ko si papa pati na rin si mama. Gabi-gabi, kahit hindi niya ako sinasagot, sinasabi ko sa anghel ko na sana naman bantayan niya rin si papa.

Buwan ng Nobyembre, in-excuse ako ni mama sa klase kasi may pupuntahan daw kaming mahalaga. Nagmamadali si mama nang paandarin niya ang kotse. Nagtaka ako kasi sa ospital pala ang punta namin. Dumiretso kami sa isang silid at pagpasok namin, may doktor at mga nurse. Nag-aalalang tiningnan ni mama ang doktor. Nakita kong umiling ang doktor at pagkatapos nun humagulgol si mama. Hindi ko naiintindihan ang mga nangyayari hanggang sa umalis ang doktor at mga nurse, at naiwan kami ni mama sa silid. Nabigla ako nang makita si papa, nakaratay at wala nang buhay.

"Papa!" sigaw ko. Nilapitan ko siya sa kama. "Mama, ano ito?" tanong ko kay mama pero hindi niya ako sinagot, bagkus ay niyakap niya ako nang mahigpit at sabi niya, "Kinuha na siya ng angel niya."

Umiyak ako nang umiyak. Nagalit ako sa anghel ni papa kasi makasarili siya, kasi kinuha niya si papa sa amin!

"Sabi ni papa hindi siya uuwi ng bahay kasi magtatrabaho siya sa malayo at kasama niya ang angel niya. Ang selfish ng angel ni papa! Kinuha niya si papa!" paghihinanakit ko.

Lalo akong nagalit nang ipaliwanag ni mama sa akin ang lahat. Huli na nang malaman kong may leukemia pala si papa at yun ang tumapos sa buhay niya. Doon ko sinimulang kuwestiyunin ang lahat.

Sabi ni papa nandiyan lang ang mga anghel palagi sa tabi natin, na ginagabayan at binabantayan nila tayo ng bente-kwatro oras, na hindi nila tayo pinababayaan na malagay sa kapahamakan. Pero bakit? Bakit ganoon ang nangyari kay papa? Bakit pinabayaan ni Angelo na mawala ang papa ko? At bakit sinabi ni mama na kinuha na siya ni Cassandra na anghel niya?

Nang makauwi ako sa bahay, pinunit ko ang lahat ng mga nakadikit na drawing sa dingding ng silid ko.

"Cassandra, huwag!" pag-awat ni mama sa akin.
"Hindi sila totoo! Walang kuwenta iyang mga anghel na iyan! Pinabayaan nila si papa! Wala silang kuwenta! Kinuha nila si papa sa akin!" umiiyak kong sinabi.

Pinakalma ako ni mama, "Cassandra, tahan na, anak, tahan na."

Tumanda akong sumasalungat sa paniniwala ng nakararami tungkol sa Diyos at tungkol sa mga anghel. Isang araw umalis na lang ako sa bahay. Nagpaalam ako kay mama sa pamamagitan ng sulat na iniwan ko lang sa silid ko. Nagpakalayu-layo ako para hanapin ang sarili ko at para mabigyan ng kasagutan ang mga katanungan ko, hanggang sa nakarating ako sa isang bayang may kakaibang kuwento. Bulung-bulungan sa bayang iyon ang isang lalaking nakakakita raw sa mga bagay rito sa mundo na hindi natin nakikita.

"Alam mo bang nakakakita ako ng mga anghel?" narinig ko na lang bigla sa isang lalaking nasa tabi ko nang magpunta at umupo ako sa tabing-dagat. Natawa ako sa sinabi niya. Hindi kaya siya yung lalaking tinutukoy ng mga tao?
"Talaga?" nakangisi kong sinabi.
"Dayo ka rito kung hindi ako nagkakamali," sabi niya.
"Paano mo nalaman?" tanong ko.
"Sa ayos mo, sa kilos mo, sa pananalita mo," sabi niya. Lumayo ako ng tingin. "May dinaramdam ka?" tanong niya.
"Hindi ako naniniwala sa mga anghel," sabi ko.
"Totoo sila," diin niya. "Naniniwala ka ba sa sinabi ko kaninang nakakakita ako ng mga anghel?" tanong niyang muli.
"Hindi. Sino ka ba para makakita ng mga anghel?" sagot ko.
"Bawat isa sa atin may nagbabantay na anghel." Tinawanan ko ang sinabi niya. Ganyan din kasi ang sinabi ni papa sa akin noon. "Kung iguguhit ko ba ang anghel na nagbabantay sa iyo, maniniwala ka na sa akin?"

Itinaas ko ang balikat ko, "Siguro."

Dumukot siya ng lapis at papel sa bulsa niya. "Lagi akong nagdadala nito," sabi niya. Nagsimula na siyang gumuhit. Minasdan ko siya habang gumuguhit. Ang sarap niyang tingnan. Habang tinitingnan ko siya, naaalala ko si papa. Napakaswabe tingnan ng pagkumpas niya ng kamay. Nang matapos, ibinigay niya sa akin ang papel. Tatlo ang nakita ko sa iginuhit niya.

"Ikaw yung nasa gitna. Yung nasa gilid mo, yun ang nagbabantay sa iyo," paliwanag niya.

Namangha ako kasi ang husay ng mga kamay niya. Kopyang-kopya niya ang mukha ko. Para ako nakakakita ng totoong tao sa guhit niya pero hindi lang iyon ang napansin ko. Pinagmasdan ko ang mga iginuhit niya sa gilid ko. Nakita ko ang karaniwang pagsasalarawan sa mga anghel: may pakpak, may halo, may maamong mukha, may lumiliwanag na awra. Napaiyak ako nang mamukhaan ang sinasabi niyang anghel na nagbabantay sa akin na iginuhit niya. Ang unang nasa iginuhit niya sa kanan ay ang papa ko. Tandang-tanda ko pa ang mukha niya dahil lagi ko iyong tinitingnan sa litrato. Ang isa pang iginuhit niya ang lubusang ipinagtaka ko. Pinahid ko muna ang mga luha ko bago magtanong, "Teka, hindi ba ikaw ito?" Pero pagtingin ko'y wala na ang lalaking katabi ko. Inuuto lang ba niya ako? Pero hindi, alam kong hindi niya kilala ang papa ko!

Maya-maya'y umalon ang dagat at humampas sa akin ang tubig. Nawala na lang bigla sa kamay ko ang papel na hawak ko. Pagkatapos, may nahulog na puting balahibo sa tabi ko kung saan nakaupo ang lalaki kanina. Pagtingin ko, may nakasulat sa buhangin.

"Angelo," pagbasa ko.

Nagsimula na naman akong umiyak nang maalala ko ang nakaraan. "Papa, may angel ako, ang pangalan niya Angelo," sinabi ko noon kay papa.

"Ako naman may angel din, ang pangalan niya Cassandra," sabi ni papa.
"Kapangalan ko ang angel mo, papa?" tanong ko.

Nginitian ako ni papa at hinalikan sa noon. "Mahal na mahal ko ang angel ko," sabi niya.

Naalala ko rin ang sinabi ni mama nang pumanaw si papa, "Kinuha na siya ng angel niya."

Naisip ko na ako siguro ang anghel ni papa na ang pangalan ay Cassandra na kumuha sa kanya para maging anghel ko. Umuwi ako sa amin matapos ang pangyayaring iyon. Humingi ako ng paumanhin kay mama kasi umalis ako nang di nagpapaalam ng personal. Pumunta ako sa silid ko at tiningnan ang dingding nun. Alam kong hindi ko na maibabalik ang mga pinunit kong drawing noong bata pa ako kaya gumawa na lang ako ng panibago. Hindi man ako ganun kagaling gumuhit gaya nina papa at Angelo, alam kong magiging masaya sila pag nakita ang pinaghirapan ko. Niyakap ako ni mama matapos makita ang iginuhit ko sa dingding mismo ng silid ko. Iginuhit ko si mama, ako, at sina papa at Angelo.

Alam kong mahirap paniwalaan ang mga anghel pero base sa naranasan ko, ako na mismo ang nagsasabi... totoo sila kahit hindi natin sila nakikita. Basta maniwala ka lang, hindi nila tayo pinababayaan.


...WAKAS...

Thursday, April 22, 2010

Mr. Kwek Kwek

The Mr. Smile and Ms. Iyakin Series


Pagkagising pa lang nakita ko nang nakasilip si Clara sa blinds ng bintana namin. Dahil sa pagtataka e sumilip din ako at tinanong siya,

"Sinong tinitingnan mo riyan?"
"Yung weird na bagong lipat diyan sa tapat. Nandiyan na naman siya nakaabang," sagot niya.

Isang lalaki ang nakita ko. May katangkaran iyon, tama lang ang pangangatawan at kung tutuusin e may hitsura rin naman. Tinuro ko yung lalaki. "Ayun ba? Yung kumakain ng tokneneng?" tanong ko sa kanya.

Tumigil si Clara sa pagsilip at sumagot, "Oo, si Mr. Kwek Kwek." Aba! May bagong binansagan a!

"Ano namang problema mo kay Mr. Kwek Kwek?" tanong kong muli.

Naiinis siyang sumagot. "Pag lumalabas ako ng bahay lagi niya akong sinusundan! Alam mo yun, kinakausap niya ako e hindi ko nga siya gaanong kilala. FC naman! Gusto niya pa ngang kunin yung number ko e!" kuwento ni Clara.

"Edi ibigay mo yung number mo," sabi ko.

Sumagot siya nang nakataas ang kaliwang kilay, "Ayoko nga!"

"Edi wag. Wag mo na lang pansinin," mungkahi ko.
"Hindi ko naman talaga siya pinapansin kaya nga kinukulit ako," sabi ni Clara sabay alis. Pumunta siya sa kusina at dumulog sa hapag-kainan para mag-almusal.

Sumilip ako uli sa bintana at tiningnan si Mr. Kwek Kwek. Nakatayo lang siya sa labas ng bahay nila at nakatingin sa bahay namin. Nakakatakot! Parang stalker ang dating.

Nang lumabas ako kinahapunan, may sumisitsit. Hinanap ko kung sino, si Mr. Kwek Kwek pala.

"Hi bro!" pagbati niya sa akin. Tinugunan ko siya ng ngiti. Tama, feeling close nga siya gaya ng sabi ni Clara, o baka friendly lang talaga. "Diyan ka nakatira?" tanong niya sabay turo sa bahay namin.
"Oo," sagot ko.
"Ok," tatangu-tango niyang sinabi. "A, ako nga pala si Archie," pagpapakilala niya. "Bagong lipat lang kami rito and... wala pa akong gaanong kaibigan," dagdag pa niya.

Natawa ako sa sinabi niyang pangalan. "Archie?!" tanong ko bilang pagkumpirma sa pangalan niya.

"Oo, bakit?" balik na tanong ni Mr. Kwek Kwek.
"A, may kilala kasi akong Archie rin ang pangalan," sabi ko. Kung naiinis si Clara kasi kinukulit daw siya nito ni Mr. Kwek Kwek, siguradong mas maiinis siya pag nalaman niyang kapangalan ni Mr. Kwek Kwek ang ex boyfriend niya. "Jaybhi nga pala," pagpapakilala ko. Nakipag-kamay ako sa kanya.
"A Jaybhi, puwede bang magtanong?" paghingi niya ng permiso.

Hinulaan ko ang itatanong niya, "Itatanong mo ba kung kaanu-ano yung babaeng nakatira riyan?" Itinuro ko ang bahay namin.

Tila nahiya si Mr. Kwek Kwek, "Oo, ganun na nga."

"Kapatid ko," sabi ko.
"A, what's her name?" sunod na tanong ni Mr. Kwek Kwek.
"Clara," sagot ko.
"May boyfriend siya?" ikatlong tanong ni Mr. Kwek Kwek.

Teka... Nakakaamoy ako ng kakaiba. "Type mo?" bigla kong naitanong.

"Crush ko," pag-amin niya.

Napangiti ako sa nalaman ko. "Lakad kita gusto mo?" alok ko.

"Seriously?" tanong ni Mr. Kwek Kwek.
"Oo! Punta ka sa amin mamayang 7 p.m. Basta mag door bell ka lang. Pakikilala kita," sabi ko.

Lumiwanag ang mukha ni Mr. Kwek Kwek. "Ok, I'll be there. Thanks, bro," pagpapasalamat niya.

Sumapit ang alas siyete ng gabi. Ang sarap ng panonood namin ng TV nang biglang may nag-door bell. Siguradong si Mr. Kwek Kwek na yun. Kadalasang si Clara ang sumasalubong sa sinumang bisita. Ano kaya ang magiging reaksyon niya pag sinalubong niya si Mr. Kwek Kwek? Lumabas si Clara at bumalik nang may takot na mukha.

"O anong nangyari sa iyo?" tanong ko.

Nagpakita si Mr. Kwek Kwek at bumati, "Good evening." Pumasok si Clara na sinundan ni Mr. Kwek Kwek.

Pinatay ko ang TV. "Uy bro, upo ka," alok ko. Pinanlakihan ako ng mata ni Clara. Matapos magpasalamat e umupo si Mr. Kwek Kwek sa sofa. Ayos naman pala itong si Mr. Kwek Kwek, ang pormal ng suot kala mo aakyat ng ligaw.

"A sige, punta muna ako sa room," paalam ni Clara.

Akmang aalis na siya nang hilain ko siya. "Tabi raw kayo ng kapatid ko," sabi ko kay Archie. Inupo ko si Clara sa tabi niya at ipinakilala sa isa't isa, "Clara, si Archie. Archie, si Clara."

Nagulat si Clara, "Archie ang pangalan mo?"

"Yup," sagot ni Archie.

Naging big deal kay Clara ang tunay na pangalan ni Mr. Kwek Kwek. Para maiwasan ang tensyon, nagbukas ako ng usapan. "Ano iyang dala-dala mo?" tanong ko nang mapansin ang dala-dalang plastic ni Archie.

"A ito ba?" Nilabas ni Archie ang laman ng plastic.
"Kwek kwek?!" tanong ni Clara.

Napangiti si Archie. "Oo. Meron pa ako ritong balut at penoy. Nagdala na rin ako ng sawsawan para sa kwek kwek. May matamis, maanghang, may suka. Mayroon ding asin para sa balut at penoy."

Napa-wow ako sa mga dala ni Archie samantalang si Clara e tila nawirduhan lalo.

"Magbabalut ka ba?" natatawang tanong ng kapatid ko.
"A hindi, actually family business iyan. Meron kaming over 200 stalls nationwide," sabi ni Archie. May business ang pamilya, mayaman!
"Ano naman ang pangalan ng business ninyo, 'Mr. Kwek Kwek'?" tanong ni Clara.
"Actually yun nga. Kwek kwek kasi ang unang itininda ng grandfather ko. Siya ang nagpasimula ng business namin," sagot ni Archie.

Tila nagiging interesado na si Clara kay Mr. Kwek Kwek. Sumingit ako sa usapan, "O tama na ang kuwento, kain na muna!" Pinagsaluhan namin ang mga dala ni Archie. Matapos kumain e iniwan ko muna sila. Ayaw pa nga akong paalisin ni Clara pero sabi ko siya naman ang ipinunta ni Mr. Kwek Kwek at hindi ako.

Alas nuebe nang magpaalam si Archie. Mukhang naging ok naman ang pag-uusap nila ng kapatid ko at dahil sa pagbisita ni Archie e hindi na siya iniwasan ni Clara. Sa katunayan, madalas na silang magkasama at napapadalas na rin ang pagpunta ni Archie rito sa bahay.

Isang umaga e nakita ko na namang sumisilip si Clara sa blinds ng bintana ng bahay namin. Dahil sa pagtataka e sumilip din ako at nakita ko si Archie na nasa labas na naman ng bahay nila, kumakain ng tokneneng. Kinumusta ko ang lagay nila. "O kumusta naman kayo ni Mr. Kwek Kwek? Mukhang nakahanap ka na ng bagong love life a!" sabi ko kay Clara.

Tumigil si Clara sa pagsilip at sumagot, "Mabait naman siya. May sense naman kausap. Ok naman kasama and he likes me raw."

"E gusto mo rin naman ba siya?" tanong ko.
"Hindi ko alam. Siguro hindi pa ako ready. Siguro hindi pa ako tuluyang nakaka-get over kay Archie number one. Siguro ok na yung ikaw muna ang lalaki sa buhay ko, kuya Jaybhi," sagot ni Clara.
"Yun naman e! Ako lang daw ang lalaki sa buhay niya! Ok lang iyan. Di mo naman kailangang magmadali," sabi ko sa kanya. Binatak ko ang mga labi niya, "Smile, Ms. Iyakin!"

Ngumiti si Clara. "Tama," tugon niya. Niyaya ko na siyang kumain ng almusal. "Ano bang ulam?" tanong niya.

"Jaybhi hotdog. Mas masarap pa ito sa itlog ni Archie," pagbibiro ko. Nagtawanan kaming dalawa.

Tuesday, April 20, 2010

Party Girl

Alas dos na ng madaling araw. Kung di lang talaga ako nag-aalala sa kanya di ko siya pagtiyatiyagaang hintayin. Madalas na siyang umuuwi sa di tamang oras. Minsan ayoko na siyang pagsabihan kasi sasabihin niya sinesermonan ko na naman siya. Pinaaalalahanan ko lang naman siya kasi naliligaw na siya ng landas.

Sa malayo pa lang tanaw ko na siya. Pasuray-suray siya sa daan at diyos ko po! Ang iksi ng suot! Palalagpasin ko ito ngayon, sige. Siguro sa tingin niya sexy siya sa damit niya. Buti na lang kamo at hindi binastos ng mga tambay sa kanto. Agad ko siyang nilapitan dala ang isang tuwalya.

"A-ano ba?" gulat na tanong niya nang ipatong ko ang tuwalya sa likuran niya. Doon niya napagtantong ako lang pala ito.
"Anong oras na? Uwi ba ito ng matinong babae?" tanong ko sa kanya sa mataas na boses para naman magtanda.

Inirapan niya ako, palibhasa lasing. "Paki mo ba?" mukhang galit pa.

Aalalayan ko pa sana siya umuwi pero hinawi niya ako, "Wag mo akong alalayan, malaki na ako at saka kaya ko ang sarili ko."

Pinabayaan ko na lang siyang umuwi ng bahay mag-isa. Pumasok siya sa pintuan at nagdire-diretso sa banyo. Narinig ko siyang dumuwal, paniguradong gawa ng kalasingan. Dali-dali akong lumapit para hagurin ang likuran niya. Nang mahimasmasan, pinainom ko siya ng tubig. Nang ibigay niya sa akin ang baso e umupo na siya sa sofa.

"Saan ka galing?" tanong ko. "Aga ng uwi mo a," sarkastiskong pagkakasabi ko.
"Diyan lang, nakipag-party sa mga kaibigan," sagot niya.
"Party na naman? E kahapon lang nakipag-party ka na ha," sabi ko.
"Minsan lang naman e!" katwiran niya.
"Minsan? E kung ang 'minsan' na yun e inaaraw-araw mo na, hindi na 'minsan' ang tawag dun," sabi ko.
"Matanda na ako, kaya ko na ang sarili ko," diin niya. Iyan ang palaging sinasabi niya.

Pinuna ko ang ayos niya, "Tingnan mo nga yang damit mo, ang iksi-iksi! Tapos ang kapal pa ng make-up mo. Mukha ka nang—" Pero kung galit ako, mas galit siya sa akin,

"Ano? Sasabihin mong mukha akong pokpok? Sawang-sawa na ako riyan, narinig ko na sa kapit-bahay iyan e! Sige lang! Lagi naman ako natsitsismis dito. Palibhasa kasi matatanda na yang mga tsismosang iyan, hindi nila nararanasang mag-party. Mamatay sila sa inggit. I hate them all!" Humagikgik siya.

Iniba ko ang usapan at ipinaalam ko sa kanya kung ano ang nangyari ngayong araw. "Umalis ka raw ng bahay pagkaalis ko sabi ni Bong. Alas sais ng umaga ang alis ko tapos maaga ka ring naglakwatsa, iniwan mo lang si Missy. Napilitan tuloy um-absent ni Bong para alagaan si Missy."

Nangatwiran na naman siya. "Kasalanan ko yun? E malaki na si Bong, kaya niya nang alagaan si Missy. Saka, ano pa bang pinoproblema mo e may nag-alaga na nga kay Missy?"

Sinagot ko siya, "Ang problema rito yung mga obligasyon sa bahay napapabayaan mo na. Alam mo namang nagtatrabaho ako para sa atin. Ano bang napapala mo sa mga party na iyan?"

Sa gitna ng pagtatalo namin ay may tumawag sa cell phone niya at sinagot niya yun, "Hello bhie? Oo nakauwi na ako. Yes, ngayon-ngayon lang." Inirapan niya ako. "Hay naku heto kauuwi ko lang sinermonan na naman ako." Bigla naman siyang napangiti ngayon. "Punta ka rito later? O sige, puwedeng mga bandang hapon na? Alam mo naman... I need to rest." Nagpaalam na siya sa kausap, "Sige. Bye bhie. Miss you, too. Love you much!"

Tiningnan niya ako nang masama pagkababa niya ng tawag. "Ano? Tatanungin mo na naman ba kung sino iyon?"

"Boyfriend mo?" isang malaking tanong ko.
"Obvious ba?" inirapan niya ako.

Galit na ako. "Alam mo dapat ikaw di ka na lumalabas ng bahay!"

"You wish! E lagi nga akong nakakulong dito, ngayon na lang nga ako lumabas. Saka nagsasaya lang naman ako. Wala ba akong karapatang maging masaya? At saka iyang sinasabi mong obligasyon, puwede ba huwag mong isinusumbat sa akin iyang mga obligasyon na iyan! Isampal mo iyang mga salita mo sa magaling mong ama. Iniwan niya tayo! Tinalikuran niya ang obligasyon niya sa atin!"

Nag-walk out siya pagkatapos. Ayoko na nga sanang makipagtalo kasi gabi-gabi na lang nangyayari ito mula nang iniwan kami ni papa. Pero hindi naman puwedeng di siya sitahin kasi hindi talaga siya tama. Matanda na nga siya pero wala namang pinagkatandaan. Malaki na nga siya pero lumaki nang paurong. Ang hirap pala talagang magpalaki ng magulang.

Wednesday, April 14, 2010

Kung Mapapansin Mo Lang Sana Ako

Hilig kitang tingnan sa malayo. Hindi kasi kita malapitan, nandiyan kasi palagi yung nakababata mong kapatid na babae... si Cheche. Lagi siyang nakabuntot. Lagi siyang nakahawak sa iyo nang kapit-tuko. Siguro kung hindi kayo kilala ng mga tao mapagkakamalan nilang magkasintahan kayo. Sobra kasi siya kung makadikit sa iyo.

Alam mo naiinggit ako kay Cheche. Naiinggit ako sa kanya kasi siya lagi ang kasama mo. Naalala ko rati naglakas-loob akong lapitan ka. Nakita kasi kitang nakatayo mag-isa sa halamanan noon. Hindi pa man din ako nakalalapit nang dumating si Cheche na may dala-dalang supot ng pinamili. Sayang... Akala ko wala siya. Pagkakataon ko na sana.

"May kailangan ka?" tanong niya nang mapansin ako. Umiling ako tapos naglakad na lang palayo dahil sa sobrang hiya. Buti pa siya napansin ako. Ikaw kaya, kailan mo ako mapapansin?

Hindi mo alam matagal na kitang gusto. Matagal na kitang tinitingnan sa malayo. Matagal na akong naiinggit kay Cheche. Matagal na kitang gustong hawakan gaya ng mga hawak niya sa iyo... Makatawanan gaya ng mga pagtawa ninyo... Gusto kitang makasama kahit isang araw lang, tapos titingnan natin ang paglubog ng araw sa dalampasigan at pagmamasdan ang mga ibong lumilipad sa kalangitan. Pero... hanggang pangarap na lang siguro iyon. Nandiyan kasi palagi si Cheche... Hindi kita malapitan.

Isang umagang nagwawalis ako sa labas, napadaan kayo sa tapat ng bahay namin. Napahinto ako sa ginagawa para ngitian ka kaso parang hindi mo ako nakita kasi tuloy-tuloy ang lakad ninyo... o baka dahil hindi mo lang ako gusto.

Nang makalagpas kayo, narinig ko ang tawanan ninyo ni Cheche.

"Tabi po, tabi po, dadaan ang bulag," sabi mo.
"Tama na, kuya," saway ni Cheche habang tumatawa.

Oo nga pala, hindi ka nga pala nakakakita. Nagpatuloy ako sa pagwawalis at naisip kong siguro... kung mapapansin mo lang sana ako... ako na ang magiging pinakamasayang tao.

Monday, April 12, 2010

Paano Ko Sasabihin Sa Kanya?

Anim na buwan na rin kaming magka-text ni Jenny. Almost everyday magka-text kami. Sa internet ko nakuha ang number niya. Aaminin ko, minsan napapabayaan ko na ang mga gawaing bahay dahil madalas kong hawak ang cell phone ko pero paano ko naman siya maiiwasan? Ang sarap niya kayang kausap!

Ang dating two-day-unlimited text ko sa Smart ay naging five-day-unlimited text na lumago sa pagiging five-day-call and text unlimited. Sulit na sulit naman at laging buo ang araw ko kapag nandiyan siya, kapag kausap ko siya sa text at kapag naririnig ko ang boses niya sa phone.

Sa loob ng anim na buwan, iba na ang nararamdaman ko para kay Jenny. Ang simpleng pakikipagkaibigan lang na sinabi ko nang magpakilala ako sa kanya ay lumalim na ngayon. Gusto kong maging akin siya pero parang napaka imposible dahil malayo kami sa isa't isa. Mahirap na ring masaktan. Siguro hanggang special friends na lang talaga kami.

Isang gabing magkausap kami ni Jenny sa phone, nakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam na ngayon ko lang naramdaman. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya. Nasa kalagitnaan kami ng pag-uusap, nagpapalitan ng matatamis na salita, nakahiga ako, dagdagan pa ng patay na ilaw sa loob ng kuwarto. Napaka-romantic ng dating ng pag-uusap namin. Naisip kong kung hindi ko sasabihin ngayon, kailan pa? Alam kong pagtatawanan niya lang ako pag nalaman niya pero hindi ko na talaga kayang itago. Nakahanda ako sa anumang reaksyon niya.

"Jenny," pagtawag ko sa kanya.

Natigil ang sinasabi niya kanina. "O bakit?" tanong niya.

"Puwede bang... Puwede bang mag—" hindi ko kayang ituloy. Gusto ko na lang ibaba ang tawag. Nahihiya kasi ako kay Jenny.
"Puwedeng mag—? Mag ano?" tanong ni Jenny.
"Ano kasi e..." sabi ko.
"Maging tayo ba?!" pahabol na tanong niya. "Hehe," narinig ko ang ganoong pagtawa niya.
"Tatawagan na lang kita mamaya," sabi ko. Gusto ko na talagang ibaba ang tawag. Di ko na kaya ang nararamdaman ko.
"Ano ba? Teka, Kevin, hindi ko maintindihan," sabi ni Jenny.

Nilakasan ko na ang loob ko para masabi ko sa kanya ang gusto kong sabihin. "Kasi Jenny... Jenny puwede bang... mag-banyo muna ako? Lalabas na kasi e."

Tumawa nang malakas si Jenny, "Hahahahaha! Yuck! Kaya pala ang baho. O sige, mamaya na lang. Hahahahahaha!" Sabi ko na nga ba tatawanan niya ako. Pinaghandaan ko na yun.

"Yabang mo! Haha! Sige tawag ako maya ha? I love you!" Binaba ko na ang tawag. Sa totoo lang, first time kong sabihan ng I love you si Jenny. Teka, tama na nga ang ganitong drama. Ang sakit na talaga ng tiyan ko.

Bumangon ako, binuksan ang pinto at kumaripas ng takbo paibaba para pumunta sa banyo.

Wednesday, April 7, 2010

Fan's Day

Masayang musika. Tilian. Mga hindi magkamayaw na tao. Swerte pa kung ma-snatch-an ka sa gitna ng kaguluhan... GAYA KO. Kani-kanina lang hawak-hawak ko pa yung cell phone ko, pagtingin ko nagulat na lang ako kasi wala na sa kamay ko. Hindi ko alam kung paanong nangyari pero hindi na yun mahalaga. Ang mahalaga e matapos ang ilang taon e makikita ko na ang idol ko sa personal.

"Ladies and gentlemen, let us all welcome... Mandy!" sabi ng host.

Lumakas ang tilian ng mga tao nang lumabas na nga si Mandy. Hindi ko na muna inisip ang pagkawala ng cell phone ko. Mas mahalaga ang makita ko si Mandy. Nakakuha naman ako ng magandang pwesto. Ang ganda niya pala talaga sa personal, though mas gusto ko pag on-screen siya. Mas nafofocus kasi siya at mas litaw ang beauty.

"G-g-good morning," pagbati ni Mandy, tila nahihiya pa. Natuwa ang mga tao nang magsalita siya at yun na nga ang senyales na umpisa na ang event.

Nag-enjoy ako sa fan's day. May entertainment gaya ng live bands at games, at syempre picture taking. Kahit nawala ang cell phone kong may camera, nakapagpa-picture pa rin naman ako kasama si Mandy. Nanghila ako ng isang babaeng fan para litratuhan kami. May digi cam kasi siya. Di ko siya kilala pero buti na lang may magandang-loob siya at sinabing ia-upload niya ang picture namin ni Mandy, basta i-add ko lang siya sa facebook at ita-tag niya ako.

Nang matapos ang event, baon ko sa pag-uwi ang isang malaking ngiti. Hindi na nga lang ako nakapagpa-autograph kasi limitado lang ang puwedeng magpa-pirma. Unforgettable experience talaga. Kahit nawala ang cell phone ko, masaya pa rin ako kasi nakita ko ang hinahangaan ko. Sa susunod na fan's day pupunta uli ako. Sana nga next time makakuha na ako ng autograph ng idol kong si Mandy the talking Parrot. Ano, gusto mo bang sumama? : )
Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly