Hilig kitang tingnan sa malayo. Hindi kasi kita malapitan, nandiyan kasi palagi yung nakababata mong kapatid na babae... si Cheche. Lagi siyang nakabuntot. Lagi siyang nakahawak sa iyo nang kapit-tuko. Siguro kung hindi kayo kilala ng mga tao mapagkakamalan nilang magkasintahan kayo. Sobra kasi siya kung makadikit sa iyo.
Alam mo naiinggit ako kay Cheche. Naiinggit ako sa kanya kasi siya lagi ang kasama mo. Naalala ko rati naglakas-loob akong lapitan ka. Nakita kasi kitang nakatayo mag-isa sa halamanan noon. Hindi pa man din ako nakalalapit nang dumating si Cheche na may dala-dalang supot ng pinamili. Sayang... Akala ko wala siya. Pagkakataon ko na sana.
"May kailangan ka?" tanong niya nang mapansin ako. Umiling ako tapos naglakad na lang palayo dahil sa sobrang hiya. Buti pa siya napansin ako. Ikaw kaya, kailan mo ako mapapansin?
Hindi mo alam matagal na kitang gusto. Matagal na kitang tinitingnan sa malayo. Matagal na akong naiinggit kay Cheche. Matagal na kitang gustong hawakan gaya ng mga hawak niya sa iyo... Makatawanan gaya ng mga pagtawa ninyo... Gusto kitang makasama kahit isang araw lang, tapos titingnan natin ang paglubog ng araw sa dalampasigan at pagmamasdan ang mga ibong lumilipad sa kalangitan. Pero... hanggang pangarap na lang siguro iyon. Nandiyan kasi palagi si Cheche... Hindi kita malapitan.
Isang umagang nagwawalis ako sa labas, napadaan kayo sa tapat ng bahay namin. Napahinto ako sa ginagawa para ngitian ka kaso parang hindi mo ako nakita kasi tuloy-tuloy ang lakad ninyo... o baka dahil hindi mo lang ako gusto.
Nang makalagpas kayo, narinig ko ang tawanan ninyo ni Cheche.
"Tabi po, tabi po, dadaan ang bulag," sabi mo.
"Tama na, kuya," saway ni Cheche habang tumatawa.
Oo nga pala, hindi ka nga pala nakakakita. Nagpatuloy ako sa pagwawalis at naisip kong siguro... kung mapapansin mo lang sana ako... ako na ang magiging pinakamasayang tao.
hehehe...ang kulit nun ah...
ReplyDeletepakiramdaman nalang dapat...
ikaw pala ang sumulat nito ^_^ nabasa ko siya sa tcaf..
ReplyDelete