No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, September 27, 2009

Bagsik ni Ondoy: Traumatic Experience

Babala: Para sa mga tinatamad magbasa ng mahabang lathalain, huwag mo nang tangkain pang basahin ito kundi mo rin lang naman tatapusin.

anyD's Traumatic Experience


September 26, 2009. Hindi ko makakalimutan itong araw na ito.

Hindi ko na naisip na monthsary pala namin ng bf ko noong nakaraang Sabado. Seryoso. Ang tanging nasa isip ko na lang ay ang makauwi ng bahay, nang ligtas. May isang nag-text sa akin na sinuspende na ang klase noong Sabado sa mga paaralan sa Maynila. Oras na rin naman ng uwian namin kaya hindi ko na inintindi pa kung suspendido ba o hindi.

Bahang-baha na paglabas namin ng school. Buti na lang talaga at may baon akong sandals kundi kawawang-kawawa yung sapatos kong may takong. Yung basketball court sa tapat namin ay nagmistulang swimming pool. Enjoy pa ang mga bata sa paglangoy kasama ang mga lumulutang na basura. Hindi mo na matanaw kung nasaan ba ang benches na dati rati ay inuupuan ng mga naglalaro ng basketball.

Sa pilahan naman ng jeep papuntang SM Manila, blockbuster. Lahat ng estudyante gusto nang makauwi kahit na malakas ang buhos ng ulan. Ang problema, hindi na dumidiretso ng SM Manila ang mga jeep dahil ang balita ay sobra na ang pagbaha. Pinatos ko na kahit ang sabi ng driver e ibababa niya kami sa may tulay. Kung hindi ako nagkakamali, yun yung Ayala Bridge. Pagkababa sa amin doon, tumambad sa amin ang kalunos-lunos na kalagayan ng Maynila. Baha hanggang tuhod. Kanya-kanyang lusong ang mga tao, wala nang pakialamanan basta makapunta ng SM. Mula Ayala Bridge e tinawid namin hanggang makarating ng SM Manila.

Awang-awa ako sa sarili ko. Wala naman kasi ako kasama pauwi, ang laki pa ng dala kong bag. Wala namang gaanong laman. Gusto ko lang talagang magdala ng malaking bag. Naka-palda pa man din ako dahil iyon ang pamasok naming uniporme. Nagpapasalamat na lang ako at may umalalay sa aking lalaki. Sa di kalayuan naman ay nadulas din ako. Inanod yung suot kong sandals, buti at nahabol ko pa. "Hindi ka pwedeng mawala!" dialogue ko, at nakuha ko nga. Dahil sa takot na baka mawala uli, hinubad ko na lang yung tsinelas ko at nilusong ang baha nang nakapaa. Katakut-takot na bagay ang tumakbo sa isip ko na baka may maapakan akong live wire or something at mamatay ako sa gitna ng baha. Ang pangit naman ng magiging pagkamatay ko.

SM Manila. Umaagos ang dugo sa sugat ko nang marating ko ang unang finish line. Ang laki pala ng sugat sa binti ko. Agad akong pumasok sa loob at pumunta sa Watson's. Napabili ako ng tissue at alcohol nang di oras. Inggit na inggit pa ako sa mga taong tuyo ang damit.

Lumabas ako ng mall at nagtungo sa sakayan ng FX pauwi sa amin, sa Lawton naman. May nakasabay akong school mate sa daan. Hindi ko siya kilala pero dahil sa baha ay naging feeling close kami. Lumusob kami sa hanggang tuhod na baha papuntang Lawton. Kaawa-awa ang sinapit ng mga kuliglig na nakasalubong namin sa daan dahil lumubog na rin ang mga iyon. Iniisip ko ring baka pasukin ng kung anong dumi itong sugat na nakuha ko bilang prize, pero bahala na.

Kuliglig: Pedicab na de motor


Image and video hosting by TinyPic
School mate ko.


Lawton. Pag dating namin sa Lawton ay naghiwalay na kami ng school mate ko. Pareho pala kaming taga Cavite, kaso ang daan ko ay pa-Las Piñas. Imaginin mo na lang ang layo ng nilakad namin, mula Ayala Bridge hanggang Lawton. Awang-awa ako sa sarili ko. Sumakay na ako ng FX. Ginutom na rin ako kaya kinain ko yung baon kong Cream-O at uminom ng tubig sponsored by Hidden Spring. Nag-text din ako sa nanay ko. Naging textmate kami sa isang iglap.

Image and video hosting by TinyPic Image and video hosting by TinyPic
Lawton, papuntang LRT Station.
Yan yung posteng sumusuporta sa LRT Railway.


Image and video hosting by TinyPic
Tubig baha


Image and video hosting by TinyPic
Daan papuntang LRT Central Station.
Sa tapat ng stall ng Siomai House.


Image and video hosting by TinyPic
Kapantay na ng baha yung pavement na dinadaan ko malapit sa Metropolitan Theater.


Image and video hosting by TinyPic
Kawawang mga paa. Size 5 yan.


Coastal Road. Pagdating dito, sa kalsada kung saan naghihiwalay ang daan papuntang Las Piñas at Cavite, biglang huminto ang mga sasakyan. Matapos ang ilang oras na paghihintay, napagdesisyunan ko nang bumaba ng FX. Ang dami na kasing naglalabasang mga pasahero mula sa iba't ibang sasakyan. Dahil nagtapang-tapangan akong maglakad mula Coastal Road hanggang Zapote, Las Piñas, ginantihan naman ako ng kalaban na lamig. Akala ko mamamatay na ako pero exaggerated lang pala iyon.

Zapote, Las Piñas. Biglang-bigla naman ako sa nakita kong baha. Napanganga na lang ako dahil pagkamangha sa hanggang bewang na baha. Kaya naman pala tumigil na ang mga sasakyan, hindi na pala kayang tawirin ang baha kung ayaw nilang lumubog. Tinungo ko ang overpass. Mukhang magiging safe ako roon. Nang makarating ako, ang daming stranded na mga tao. Nakuha pa nilang litratuhan ang baha. Nainggit naman ako at ginaya ko sila. Textmate pa rin kami ng nanay ko.

Image and video hosting by TinyPic Image and video hosting by TinyPic
Ang kamangha-manghang baha sa Las Piñas.
Kuha mula sa overpass.


Dumidilim na, pinutol na rin kasi ang linya ng kuryente sa Las Piñas. Gusto ko mang makauwi, wala akong lakas ng loob para suungin ang baha. Buti na lang at may dalawang babaeng lumapit, mga kaedaran na rin ng nanay ko, at nagtanong,

"Miss, taga saan ka?"
"Sa Moonwalk po," sagot ko.
"Doon ka rin pala, doon din kami e, gusto mong maglakad?"
"A... Ayos lang po."

Gusto ko na rin namang tumawid sa baha kaso wala akong kasama, kaya nang alukin nila ako, di na ako nagdalawang isip. Matapos ang ilang pag-uusap e lumusob na rin kami. Tigil muna sa pag-text sa nanay ko. Inipit ko rin sa bra (seryoso) ang cell phone para di mabasa. Tinawid namin ang baha nang nakapaa dahil baka tangayin din ang mga tsinelas namin. Sa paglalakad ay may sumabay ring dalawang lalaki sa amin. Nasa overpass din sila nang mga panahong nag-uusap-usap kami. Sama-sama kaming lumusob sa nakakatakot na baha. Inalalayan pa ako nung kasama naming binata dahil nga takot na takot ako sa baha. Niloko pa kami noong kasama naming babae,

"Uy, baka magkuhaan pa kayo ng number niyan ha!" :p

Nakakatakot dahil hanggang bewang na nga ang baha, ang lakas pa ng agos dahil pababa ang tubig. Umaalon din. Ang bigat sa pakiramdam sa tuwing may sasabit na kung anong bagay sa paa mo habang naglalakad ka. Nakakadiri ang tubig baha. Kung anu-anong lumulutang. Swerte pa kapag naramdaman mong may mainit na umagos sa paa mo. May umiihi na pala. Hindi ko na inintindi kung nabasa man ang underwear ko, o kung tinataas na pala ng tubig baha ang palda ko. Lusong kung lusong!

Pag lagpas ng Zapote, wala nang baha. Patuloy pa rin kami sa paglalakad hanggang sa makahanap kami ng jeep na masasakyan pauwi. Nag-text ako sa nanay ko. Tinawagan pa ako ng tatay kong nasa abroad. Umiyak ako pag-uwi. Basang-basa ako, basa pati mga gamit ko. Ala una ako bumiyahe galing Maynila. Nakarating ako sa Cavite ng alas otso. May remembrance na naman ako sa baha. (See First Remembrance: Charisma ng Baha)


How to clean your wounds:

Image and video hosting by TinyPic Image and video hosting by TinyPic

Finished product
Image and video hosting by TinyPic
Ginamot ko ng Betadine yan,
nagkalat pati yung mga gamit kong basa.
Salamat sa bagyong Ondoy sa pabaong sugat.
Hindi na nga maganda yung legs ko, nagasgasan pa.


--> E ikaw, anong kuwentong Ondoy mo?

Tuesday, September 22, 2009

Kapirasong Sulat ni Trina kay Prince

Naglalakad ako palabas ng SM Southmall, pauwi na, nang makakita ako ng papel na nakatiklop. Mukhang pilas ng notebook. Hindi ko naman sana papansinin kung di ko nakita ang nakasulat na,

To: Prince
From: Trina


Marumi na yung papel, mukhang kanina pa tinatapak-tapakan ng mga taong hindi nakapansin dito. Hindi pa rin iyon nadaanan ng janitor. Dahil mukhang busy ang lahat ng tao, at wala naman silang paki kung ano man ang pulutin ko, kinuha ko na lang yung papel at ibinulsa.

Pagkauwi ko, dumiretso ako sa kuwarto ko. Dinukot ko sa bulsa ang aking panyo, pera at yung papel na napulot ko. Noong una'y nag-alinlangan pa akong buklatin iyon, pero dahil sa katotohanang kinuha ko na rin naman iyon, ay nilubos-lubos ko na.

Dear Prince,

ang una kong nabasa sa sulat. Pilas iyon ng Giordano na notebook. Sinundan iyon ng,

Salamat nga pala sa pagtanggap mo sa akin kagabi sa bahay ninyo. Wala din naman kasi akong ibang mapupuntahan, saka hindi rin naman planado ang pag-alis ko at pagtuloy sa inyo. Aaminin ko, madalas matigas ang ulo ko. May mga pagkakataon ding naiisip kong gusto kong magpakamatay. Sabagay, hindi ko rin naman kasi kayang gawin ang magpakamatay. Sumasagi lang talaga sa isip ko kapag sobrang sama ng loob ko. Pero dahil nandiyan ka, lahat ng naiisip kong negative e nawawala. Lagi ko na lang nakikita ang sarili ko na ngumingiti kapag kasama kita. Na kahit papaano, sa sandaling oras, e hindi ko naiisip na may problema ako.

Nung nandyan ako sa inyo, feel ko ayoko nang umalis. Gusto kitang kasama palagi. Gusto kong maging masaya palagi. Sana talaga lagi na lang kitang kasama. Naisip ko na naman yung tinanong ko sa iyo, "Kapag galit ba ako, kapag umalis ako, hahayaan mo akong umalis, o hahabulin mo ako?" Sabi mo hindi mo ako hahabulin. Inisip kong wala kang pakiramdam. Pero nung dinugtungan mo ng, "Hindi ka naman makakaalis, kasi yakap-yakap kita..." Napangiti talaga ako. Pasensya ka na rin pala kung naging iyakin ako. Ganito talaga ako e, at patuloy kong naiisip yung sinabi mong, "Huwag ka nang umiyak. Huwag ka nang umiyak." Na kahit paulit-ulit mo nang sinasabi e umiiyak pa rin ako. Mukhang tanga. Kung alam mo lang kung gaano kita kamahal. Kung alam mo lang ang pagnanais ko na maging tayo, kahit na mukhang imposible. Kung alam mo lang na bawat paglapit ng mukha mo e gusto kitang halikan. Mahal na mahal kita, Prince. Ayaw kitang mawala sa akin. Sana kahit man lang sa sulat na ito e maipahatid ko sa iyo ang pasasalamat ko sa mga nagawa mo para sa akin. Salamat sa di mabilang na ngiti na nalagay mo sa mga labi ko.

P.S.
Salamat nga pala sa rasyon ng pagkain.
Sa susunod na paglayas ko uli. Hehe!
Joke joke laang!

Trina


Sa nabasa ko, hindi ko alam kung tama ba ang ginawa kong pagpulot sa sulat o dapat hinayaan ko lang na nakakalat iyon doon. Napansin kaya ni Trina na nawala niya ang sulat niya para kay Prince? Kung sino man ang nakakakilala sa kanila, kahit first name lang ang tanging clue, mangyaring paki parating na lang kay Prince ang mensahe ni Trina.

Tuesday, September 15, 2009

Ang Dating Ako

Katatapos lang ng mahaba-habang klase. Mukhang maraming school supplies din ang kailangan ko kaya naisipan kong dumaan sa National Bookstore para mamili ng ilang gamit pang-eskwela. Nang mabili ko na ang mga kailangan kong bilhin, lumabas na ako at tinahak ang daan patungo sa sakayan ng FX, pauwi sa amin.

Sa paglalakad ko, may nakasalubong akong mga magkasintahan. Lahat ng madaanan ko, magkahawak ang mga kamay. Wala namang magawa ang mga mata ko kundi tingnan sila. Ang dami palang ganyan sa Maynila. Nakakainggit naman silang tingnan. Buti pa sila may panahon sa love life samantalang ako e wala nang panahon sa social life. Kailan kaya mangyayaring may kahawakang-kamay ako na makakasama ko rin sa aking paglalakad?

Di bale, masaya rin naman ako kahit itong supot ng National Bookstore ang hawak ng mga kamay ko at yung Heartstrings kong shoulder bag ang kasama ko sa aking paglalakad ngayon...

Wednesday, September 9, 2009

Charisma ng Baha

Malakas ang buhos ng ulan kagabi. Magdamag ding walang patid, mukhang walang balak tumila ang ulan. Dahil dito, bumaha na sa lugar na nadaanan ko. Nakakatawa, hindi ko maintindihan kung bakit sa tuwing babaha na lang, hindi ko maialis ang tingin ko sa baha. Gaya na lang kagabi, nakatitig ako sa umaalong baha habang umaandar ang jeep na sinasakyan ko. Hindi lang ako ang nakatitig sa baha, idadamay ko na rin ang ibang pasahero.

Ang lakas din pala ng charisma ng baha. Kahit sino na lang ay napapatitig at napapamangha! Maski nga yung katabi kong lalaking nananahimik at panay lang ang kalikot sa cell phone niya ay nag-react nang makita ang baha. "Hu! Grabeng baha!" sabi niya. Nasilip ko tuloy yung tinetext niya sa kausap niya, Pauwi pa lang me. Apat na beses yata akong tumingin sa labas ng jeep para silipin ang baha.

Pag baba ko sa lugar namin, ikinagulat ko ang sobrang pagbaha. Dapat talaga hindi na lang ako nanghinayang na sumakay sa tricycle. Napagtanto kong minsan talaga e kailangan mong isakripisyo ang sampung piso mo. Ayaw ko nang ikuwento ang kalunos-lunos (exaggerated?!) na sinapit ko. Ibabahagi ko na lang yung GM ko sa mga ka-text ko.

huhu.. grabe namang
ulan yan.. ang lakas
lakas.. baha na d2
samin.. nbasa ung
sapatos q,
napalusong aq, buti
nlng my baon aqng
tsinelas.. may uwi p
qng dahon.. T_T



Image and video hosting by TinyPic

Remembrance ni anyD sa baha.

Kulay green pa yan kagabi.

Monday, September 7, 2009

Hide and Seek (5)

Hindi nalimutan ni Joel ang ibinilin sa kanya ng ina na daanan niya ang kapatid niya pagkatapos ng klase. Parehong alas sais ang uwi ng magkapatid.

“Kumusta ang first day?” tanong ni Joel kay Anjo.
“Masaya naman, kuya, marami na naman akong kaibigan,” tugon ni Anjo. Maganda na rin iyon. Kahit paano’y nakalimot siya sa multong kinatatakutan.
“A talaga? Mabuti kung ganoon,” sabi ni Joel. Masaya siya para sa kapatid. Naglakad na sila pauwi.

Dahil nabibigatan sa dala, si Joel na ang nagbitbit ng mga gamit ni Anjo. Narinig nilang may nagsalita mula sa likuran,

“Ang bait mo naman,” si Marie.

Nginitian ni Joel ang dalaga nang makita niya ito. “Ikaw pala,” sabi niya rito. “Sabay ka na sa amin,” alok niya.

Sandaling nag-isip si Marie, “Hmm.” Matapos ay pumayag na rin siya, “Sige.” Sinabayan niya ang magkapatid sa paglalakad.

Dahil masyadong tahimik si Marie, naisipan ni Joel na magbukas ng usapan. “Nakita kita kanina ha,” sabi niya.

“Saan?” tanong ni Marie.
“Sa school grounds,” sagot ni Joel. Sinabi rin niya kay Marie ang napansin niya, “Parang malungkot ka yata.”
“May iniisip lang siguro,” sabi ni Marie.

Nagpatuloy si Joel, “School mate pala kita. Anong section ka? Sino’ng adviser ninyo?”

Dahil hindi alam kung ano ang isasagot at dahil hindi na nagugustuhan ni Marie ang pagtatanong ni Joel, sinabihan niya ito ng, “Ang dami mo yatang tanong.”

Napahiya si Joel sa sinabi ni Marie. “Ay, hindi mo ba gustong tinatanong ka?”

“Hindi lang kasi ako sanay na nakikipag-usap sa mga tao,” sagot ni Marie.

Natawa si Joel sa sagot ng kausap, “Haha! Para namang hindi ka tao.”

“Hindi nga,” diretsong sagot ni Marie.
“Hindi ka tao?” pagtataka ni Joel.
“Dyosa kasi ako,” sagot ni Marie na may ngiti sa mga labi.
“Dyosa huh? Palabiro ka rin pala,” sabi ni Joel sa kanya. “Ano nga pala’ng pangalan mo?”
“Pangalan ko?” tanong ni Marie. Tumango si Joel. “Dyosa!” sagot niya.
“Haha! Pinanindigan mo na talaga iyan ha? O sige na nga, Dyosa na lang ang itatawag ko sa iyo.” Nagpakilala si Joel, “Ako nga pala si Joel,” sabay abot ng kanang kamay sa kausap para makipagkamay at pormal na magpakilala.

Huminto si Marie. Dahil doon ay napatigil din ang magkapatid na Joel at Anjo sa paglalakad. Tinitigan ni Marie ang kamay ni Joel, nag-aalinlangan na hawakan ito, tapos ay tumingin siya sa mukha ng binata.

“May problema ba?” tanong ni Joel.

Biglang-bigla na lang nagbago ang reaksyon ng mukha ni Marie, naalerto, at bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

“Bakit?” tanong muli ni Joel. Walang anu-ano’y bigla na lang tumakbo si Marie. “Uy teka, Dyosa! Saan ka pupunta?” tanong ni Joel kay Marie. Naguluhan naman ang batang si Anjo sa ikinilos ng kanilang kasama.
“Bilis!” sabi ni Marie sa magkapatid. Sinundan naman siya ng mga ito.
“Saan tayo pupunta, kuya?” hinihingal na tanong ni Anjo kay Joel.
“Mukhang daan pauwi,” sagot ni Joel.

Pagdating nila sa Vizcarra, sa Kalye Remedios mismo, nakakita sila ng kumpol ng tao.

“Anong meron, kuya?” tanong ni Anjo sa kapatid.
“Hindi ko alam,” sagot ni Joel, naguguluhan sa mga nangyayari, nagtatanong sa sarili kung bakit may taong nagtitipon-tipon.

Nakiusyoso sina Joel at Anjo, pilit na tiningnan kung ano ba ang pinagkakaguluhan ng mga tao. Narinig nilang naghihinagpis ang isang ina,

“Joselito! Diyos ko! Ang anak ko!”

Nagulat si Anjo sa nasilip. Kilala niya si Joselito. Kasama niya itong naglalaro ng tagu-taguan. Wala nang buhay ang batang si Joselito. May mantsa ng dugo ang damit nito. Lumayo na ang magkapatid sa pinangyarihan. Patuloy rin sa pagdami ang mga taong nakikiusyoso. May dumating nang ambulansya para dalhin ang katawan ng batang musmos.

“Isa na namang biktima,” si Marie. Nagulat ang magkapatid sa bigla na lang pagsulpot nito sa likuran nila. “Hindi mo alam kung kailan siya aatake, hindi mo alam kung sino ang sunod niyang ihuhulog sa bangin.”
“Hindi malayong isa sa amin ang isunod niya, di ba?” tanong ni Joel kay Marie.
“Uubusin niya ang lahat ng bata rito, hanggang sa wala nang matira,” sabi ni Marie.
“Bakit ba niya ginagawa yun?” nakakunot-noong tanong ni Joel.
“Sinabi ko na sa iyo, gusto niya ng kalaro. Kaya bantayan mong maiigi si Anjo,” bilin ni Marie kay Joel. Tiningnan ni Joel ang takot na mukha ng kanyang kapatid.

Sumapit ang gabi. Hindi makatulog nang maayos sina Joel at Anjo. Pareho silang naglilikot sa higaan. Natatakot silang isa sa kanila ang susunod na magiging biktima.

“Ano ba naman itong nalipatang nating lugar,” sabi ni Joel sa kapatid. Mukhang may pagsisisi. Tahimik lang naman si Anjo. “Anjo,” pagtawag ni Joel sa kapatid.
“Bakit, kuya?” tanong ni Anjo.
“Walang iwanan ha,” sabi ni Joel.
“Wala,” tugon ni Anjo.

Yumakap si Anjo sa kuya niya at di niya namalayang nakatulog na pala siya. Sa kanyang panaginip, nakaririnig siya ng mga batang nagtatawanan.

“Taya! Taya! Si Alvin ang taya!” malinaw niyang naririnig ang halakhak ng mga ito sa panaginip niya.
“Ang daya ninyo, ako na naman ang taya!” angal ng batang si Alvin, nasa gulang na sampu.
“A basta, ikaw uli!” sabi ng isa nilang kalaro.

Walang nakikita si Anjo sa panaginip niya kundi puro kadiliman, pero malinaw niyang naririnig ang bawat sinasabi ng mga tauhan sa panaginip niya. Nagbago ang takbo ng istorya. Ibang eksena naman ang sumunod.

“O ano? Nandoon ka na naman sa lalaki mo?” sigaw ng isang lalaki. Nagagalit ito sa kanyang kausap.
“Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na wala akong lalaki, Berto?” sagot naman ng isang babae. Pigil ang salita niya dahil sa nakalapat na kamay ni Berto sa leeg niya.
“Sinungaling!” paratang ni Berto. “Nandoon ka na naman sa lalaki mo kaya gabing-gabi ka na umuuwi!”
“Utang na loob, Berto. Naghahanap-buhay ako nang matino!” paliwanag ng babae. Pilit na kumakawala sa mga kamay ni Berto.

Tunog ng bumukas na pinto ang sunod na narinig ni Anjo. Wala siyang nakikita. Naririnig lang niya nang malinaw ang bawat detalye. Pumasok ang batang si Alvin sa kanilang bahay at naalerto sa nasaksihan.

“Itay! Tama na po! Bitiwan ninyo po si Inay!” pakiusap ng bata.
“Inuutusan mo ako?” galit na tanong ni Berto.
“Nasasaktan na po siya, tama na po,” pag-awat ni Alvin.
“O sige, ikaw naman ang masasaktan ngayon!” pananakot ni Berto sa anak. “Alam mo, isa ka pa e! Wala ka nang ibang ginawa kundi maglaro nang maglaro sa labas! Wala kang silbi!” dumadagundong ang boses ni Berto. Dinig ito hanggang sa labas ng bahay.

Sunod na narinig ang isang kalabog. Itinapon ni Berto ang asawa at humampas ito sa pader. Sunod niyang napagbalingan ang anak.

“Peste kang bata ka!” sigaw ni Berto. Pinagbuhatan nito ng kamay ang anak.
“Aray ko po! Itay, tama na po!” hiyaw ni Alvin. Umalingawngaw sa kaloob-looban ni Anjo ang taghoy ng bata.

“Tama na po, Itay! Nasasaktan ako!” sigaw ni Anjo. “Itay, maawa na po kayo!” sigaw niyang muli. Nagpupumiglas si Anjo, naglilikot sa pagtulog. Ang pagsuntok niya sa mukha ni Joel ang nakapagpagising dito.
“Aray!” sambit ni Joel. Bumangon siya nang makitang nagwawala ang kanyang kapatid. “Anjo! Uy, Anjo!” pilit niyang inaawat ang nagwawalang kapatid. “Tama na!!!” sa pag-awat niyang iyon ay nagising ang kapatid niya. Nakahinga na nang maluwag si Joel. Tila wala namang kamalayan si Anjo sa mga nangyari.

Sa labas ng bahay nag-usap ang magkapatid.

“Ano na naman bang napanaginipan mo?” tanong ni Joel.
“Hindi ko matandaan,” sagot ni Anjo.
“Hindi mo matandaan? Alalahanin mo,” pakiusap ni Joel sa kapatid.
“Hindi ko matandaan, kuya,” sagot muli ni Anjo, umiiling.
“Sumisigaw ka kanina,” sabi ni Joel.
“Hindi ko alam yun,” sagot pa ni Anjo.
“Wala ka talagang maalala?” tanong ni Joel.
“Wala. Wala akong matandaan, kuya,” huling sabi ni Anjo. Kahit anong pilit niyang alalahanin ang panaginip niya ay hindi niya matandaan.
“Isa bang panaginip?” isang boses.

Nagulat ang magkapatid nang makita si Marie.

“Ano ka ba? Bakit bigla ka na lang sumusulpot?” tanong ni Joel kay Marie. Nakahawak siya sa kanyang dibdib, tila ninerbyos.
“Kanina pa ako nandito. Busy kasi kayong nag-uusap,” sabi ni Marie sa dalawa. Nilapitan niya si Anjo. “Hindi mo na ba maalala ang panaginip mo?” tanong niya rito.
“Hindi ko maalala ate e,” sagot ni Anjo habang nakatitig sa mga mata ni Marie.
“Sige,” sabi ni Marie. Pinagsabihan niya si Joel, “Joel, huwag mo nang pilitin na alalahanin pa ng kapatid mo ang panaginip niya kung hindi niya na matandaan. Baka sa mga susunod na araw, masabi niya rin sa iyo kung ano ba ang napanaginipan niya.”
“A, o sige,” pagpayag ni Joel.

Nang umalis si Marie, siniko ni Anjo ang kapatid niya. “Hindi ka ba nagtataka sa mga ikinikilos niya, kuya?” tanong niya rito.

“Minsan, oo. Napaka misteryosa niya kasi,” sagot ni Joel.
“Hindi mo ba nakita yung mga mata niya? Parang walang emosyon,” sabi ni Anjo.
“Alam mo, imbis na i-tsismis mo si Dyosa, alalahanin mo na lang yung napanaginipan mo,” sabi naman ni Joel. Natapos na ang kanilang usapan.

Sa paaralan. Habang naglalakad sa school grounds, nakita ni Joel na pasunod-sunod si Marie sa kaklase niyang si Mon. Siya naman ay hindi nagpahalata at sinundan ang dalawa. Tinitingnan ni Joel sina Marie at Mon habang naglalakad. Hindi maintindihan ni Joel kung bakit kanina pa salita nang salita si Marie at mukhang kinakausap si Mon, pero hindi naman ito pinapansin ng binata. Tumigil si Marie sa pagsunod kay Mon, sumuko gawa nang hindi naman siya pinapansin ng kausap. Si Joel naman ay napahinto nang tumigil si Marie sa pagsunod kay Mon. At si Mon, dahil naramdamang may sumusunod sa kanya, ay napalingon at nakita si Joel.

“Uy Joel,” tawag ni Mon kay Joel.
“O?” ang lumabas sa bibig ni Joel.
“Kanina mo pa ba ako sinusundan?” tanong ni Mon.
“Huh? Hindi,” tanggi naman ni Joel. “Bakit?”

Umiling si Mon at nilapitan si Joel, “Para kasing kanina pa may sunod nang sunod sa akin.”

“Meron nga,” sagot ni Joel.
“Meron?!” gulat na tanong ni Mon.
“Kanina pa may sumusunod na babae sa iyo pero hindi mo naman siya pinapansin,” sagot muli ni Joel.
“Babae? Sino?” tanong ni Mon.

Gusto sanang sabihin ni Joel na si Dyosa ang sumusunod kay Mon. Gusto niyang ituro ito pero hindi niya na ito nakita sa paligid.

“Nawala na e,” sabi ni Joel kay Mon.
“Sino kaya yun?” tanong ni Mon. Napataas-balikat na lang si Joel, nagkunwaring hindi niya alam kung sino ang babaeng sumusunod dito.

Dahil sa tawag ng kalikasan, nagpaalam muna si Joel kay Mon, “Mon, CR lang ako.”

“O sige,” tugon naman ni Mon. “Kita na lang tayo sa classroom.”

Naghiwalay na ang dalawa. Tinungo ni Joel ang CR at nang matapos ay lumabas na rin naman siya. Saktong paglabas niya ng pintuan, nakatawag ng kanyang pansin ang narinig niyang paghikbi. Sinundan niya ang paghikbing narinig at dinala siya ng boses sa isang makipot na hagdanan. Mukhang isang fire exit. Nakita niya ang babaeng umiiyak. Nakatakip ang mga kamay nito sa mukha.

“Dyosa, ikaw ba iyan?” tanong ni Joel. Napatingin sa kanya si Marie at nang makita niya si Joel ay pinahid niya ang kanyang mga luha. Nilapitan ni Joel si Marie. “Anong problema?” tanong niya muli rito.
“Si Mon. . .” sagot ni Marie. “Nagbago na siya.” Nagulat naman si Joel sa naging sagot ni Marie. “Maayos naman kami noong una pero. . . nagbago na siya.”

Tahimik lang si Joel. Hindi siya makapaniwala na may pagtingin pala si Dyosa kay Mon.

Nagbuntong-hininga si Marie. “Di bale na nga. Marami namang lalaki riyan, di ba?” tanong nito sa kanya.

“Oo naman,” tanging nasabi ni Joel. Di niya namalayang nakatingin lang pala siya kay Marie mula nang tumayo ito hanggang sa iwan siyang mag-isa sa makipot na hagdanang iyon.

...Itutuloy...

Friday, September 4, 2009

Mukhang Uulan

Kita ko mula sa bintana ng bahay namin ang pagngitngit ng langit. Maitim ang ulap, nagbabadya ng paparating na ulan. Gaya ng nakagawian, nagmamadali na naman ako ngayong umaga. Huli na naman kasi akong papasok sa paaralan.

“Ma, paki handa naman yung baon ko,” pakiusap ko sa aking ina. Walang patumpik-tumpik naman niyang sinunod ang sinabi ko.

Humarap ako sa salamin, sinuklay ang aking buhok, dinukot ang panyo sa aking bulsa, kinuha ang kikay kit sa loob ng aking bag, inilabas ang aking pulbo, itinaktak ang pulbo sa aking panyo, idinampi ang panyong may pulbo sa aking kaliwang pisngi, at sa kanan, tapos ay ipinantay ko na rin sa buo kong mukha.

“Kakain ka pa ba?” tanong sa akin ni mama. Pinagmamasdan niya pala ako habang nasa harap ako ng salamin.
“Hindi na, late na ako e!” sagot ko. Itinago ko na ang mga gamit ko. Nagmamadali ko ring kinuha ang baon ko para sa lunch na nasa mesa, ang pagkaing inihanda ni mama. Nasurpresa rin ako nang lagyan niya ng tubig ang bote kong inuman. “Ma, alis na ako,” paalam ko. Nagmamadali akong lumabas ng bahay.
“Magdala ka ng payong, mukhang uulan,” pahabol niya pang sinabi.
“Meron na!” sagot ko. Hindi ko na narinig ang boses niya nang isara ko ang gate ng bahay namin.

Naglakad akong nagmamadali sa sakayan ng tricycle. “Sa labasan po,” sabi ko sa tricycle driver. Umandar na ang tricycle. Nang makarating sa labasan, sumakay na ako ng jeep at nagtuloy-tuloy na ang byahe ko papuntang paaralan.

Habang tinatahak ang daan, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Ibinaba ng pasahero ang trapal ng jeep. Nakisali na rin ako. Pagkababa ng trapal, may bigla akong naalala. Hindi pa pala ako nakapagpapasalamat kay mama sa paghahanda niya ng baon ko nitong umaga. Hindi ko na mahihintay na makauwi ako ng bahay para sabihin iyon dahil alam kong tulog na siya pagdating ko. Hindi ko rin iyon masasabi bukas ng umaga kasi alam kong magmamadali na naman ako. Nakaisip na rin naman ako ng paraan.

“Salamat, mama,” bulong ko sa hangin. Nasabi ko na, gumaan bigla ang loob ko. Hindi ko lang alam kung makakaabot pa sa kanya ang mensahe ko o baka kasabay na ring aanurin ng patak ng ulan ang mga salitang binitiwan ko.
Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly