Kita ko mula sa bintana ng bahay namin ang pagngitngit ng langit. Maitim ang ulap, nagbabadya ng paparating na ulan. Gaya ng nakagawian, nagmamadali na naman ako ngayong umaga. Huli na naman kasi akong papasok sa paaralan.
“Ma, paki handa naman yung baon ko,” pakiusap ko sa aking ina. Walang patumpik-tumpik naman niyang sinunod ang sinabi ko.
Humarap ako sa salamin, sinuklay ang aking buhok, dinukot ang panyo sa aking bulsa, kinuha ang kikay kit sa loob ng aking bag, inilabas ang aking pulbo, itinaktak ang pulbo sa aking panyo, idinampi ang panyong may pulbo sa aking kaliwang pisngi, at sa kanan, tapos ay ipinantay ko na rin sa buo kong mukha.
“Kakain ka pa ba?” tanong sa akin ni mama. Pinagmamasdan niya pala ako habang nasa harap ako ng salamin.
“Hindi na, late na ako e!” sagot ko. Itinago ko na ang mga gamit ko. Nagmamadali ko ring kinuha ang baon ko para sa lunch na nasa mesa, ang pagkaing inihanda ni mama. Nasurpresa rin ako nang lagyan niya ng tubig ang bote kong inuman. “Ma, alis na ako,” paalam ko. Nagmamadali akong lumabas ng bahay.
“Magdala ka ng payong, mukhang uulan,” pahabol niya pang sinabi.
“Meron na!” sagot ko. Hindi ko na narinig ang boses niya nang isara ko ang gate ng bahay namin.
Naglakad akong nagmamadali sa sakayan ng tricycle. “Sa labasan po,” sabi ko sa tricycle driver. Umandar na ang tricycle. Nang makarating sa labasan, sumakay na ako ng jeep at nagtuloy-tuloy na ang byahe ko papuntang paaralan.
Habang tinatahak ang daan, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Ibinaba ng pasahero ang trapal ng jeep. Nakisali na rin ako. Pagkababa ng trapal, may bigla akong naalala. Hindi pa pala ako nakapagpapasalamat kay mama sa paghahanda niya ng baon ko nitong umaga. Hindi ko na mahihintay na makauwi ako ng bahay para sabihin iyon dahil alam kong tulog na siya pagdating ko. Hindi ko rin iyon masasabi bukas ng umaga kasi alam kong magmamadali na naman ako. Nakaisip na rin naman ako ng paraan.
“Salamat, mama,” bulong ko sa hangin. Nasabi ko na, gumaan bigla ang loob ko. Hindi ko lang alam kung makakaabot pa sa kanya ang mensahe ko o baka kasabay na ring aanurin ng patak ng ulan ang mga salitang binitiwan ko.
No comments:
Post a Comment