No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Thursday, December 30, 2010

Uuwi Ako sa Bagong Taon

Ika-tatlumpu ng Disyembre, taong kasalukuyan.

"Kuya, kailan ka ba uuwi?" ilang beses na itinanong ni Japoy sa kuya Leo niya nang tumawag ito sa kanila. Nakipag-agawan pa siya ng telepono kay Wena na bunso nilang kapatid. Umiyak tuloy yung isa kasi ayaw ibigay ni Japoy ang telepono.

Labing isang taong gulang si Japoy, si Wena ay pito at si Leo ay dalawampu't-isa. Malaki ang agwat ng edad ni Leo sa mga kapatid kaya naman sobrang pagmamahal ang ibinibigay niya sa mga ito, sa kadahilanang matagal siyang nanabik na magkaroon ng kapatid.

"Sa Bagong Taon nga uuwi ako," sagot ni Leo na ilan beses na iyong pinauulit-ulit sa kapatid niya.
"Sure ka ha?" paniniguro ni Japoy.
"Oo nga. Kanina ko pa sinasabi. Japoy talaga," tugon ni Leo.

Nung Pasko kasi hindi umuwi si Leo. Inaasahan pa naman ni Japoy na uuwi ang kuya niya. Nalungkot tuloy si Japoy kasi matagal na siyang walang kalaro. Ayaw pa naman niyang makipaglaro sa iba. Naiinis kasi siya sa mga bata sa lugar nila kasi sinisira ng mga iyon ang mga laruan niyang ipinadadala ni Leo sa kanya mula nang makapagtrabaho ito sa Maynila.

"Isasama ko pala si Monica," sabi ni Leo.
"Talaga? Uuwi na rin si Ate Monica?"
"Oo."

Ito ang unang Pasko na hindi nakasama ng magkapatid na Japoy at Wena ang kuya nila. Nagdesisyon kasing magtrabaho si Leo sa Maynila para sundan si Monica na kasintahan at kapitbahay nila na siya ring nagpasok sa kanya sa imprentahan ng diyaryo.

"Ano ba ang gusto mong pasalubong?" tanong ni Leo kay Japoy.
"Kuya, bilhan mo ako ng eroplano. Yung de remote," hiling ni Japoy.
"Eroplano na naman ba? Hindi mo ba natanggap yung regalong pinadala ko noong Pasko?"
"Natanggap! Kaso kuya, sinira ni Wena e! Napaka inggitera kasi!" sagot ni Japoy sabay dila kay Wena at nang-asar pa lalo.
"Sige, ibibili uli kita."

Nagliwanag ang mga mata ni Japoy nang marinig yun, "Yung ganung-ganun din ha!"

"Oo. Yung ganung-ganun din," tugon ni Leo. At napuna ang naririnig na ingay sa background, "Sino ba yang panay ang iyak diyan?"
"Si Wena. Gusto ka raw makausap e ayoko nga!"
"Sabihin mo kay Wena sa Bagong Taon, pag uwi ko, magkukuwentuhan kami magdamag. Sige na at may gagawin pa si kuya. Ingat kayo riyan ha."

At doon natapos ang tawag. Ilang oras ding nagmaktol si Wena pagkatapos nun kasi di niya nakausap si Leo.

Bisperas ng Bagong Taon, niyaya ni Leo si Monica na lumabas para ipagdiwang ang Bagong Taon. Nagpasama na rin si Leo kay Monica sa bilihan ng laruan.

"Buti pinayagan tayong makauwi ano," sabi ni Leo habang tumitingin-tingin ng laruan.
"Oo nga e," tugon ni Monica. "Tagal ko na ring di nakikita sina mama at papa, pati sina Julius at Kristel. Miss ko na sila."
"Sabik na rin ako kina nanay at tatay. Pati na rin kina Japoy at Wena."
"Makulit pa rin si Japoy?"
"Sobra! Sabi ko nga kay Japoy uuwi ka rin e. Hihingian ka ng Pamasko nun!"
"Wala akong ibibigay!" tumawa si Monica.
"Kuripot! Si Japoy pala nagpapabili na naman ng laruan. Sinira raw kasi ni Wena yung laruan na iniregalo ko sa kanya nung Pasko."
"A, kaya pala nandito tayo."

Matapos makapamili ay nagliwaliw pa muna ang dalawa at nang medyo dumilim na at bago pa abutan ng putukan para sa pagsalubong sa Bagong Taon ay inihatid na ni Leo si Monica sa tinutuluyan nito.

"Bukas ha," sabi ni Leo noong nasa labas na sila ng bahay.
"Oo, mag-aayos na ako ng gamit mamaya," sabi ni Monica.

Niyakap ni Leo nang mahigpit si Monica. "Mahal na mahal kita. Ingatan mo sarili mo palagi."

"Drama mo!" tugon ni Monica, sabay kalas ng pagkakayakap ni Leo kay Monica.

Hanggang sa isang sigaw na lang ang narinig kay Monica, "Leo! Leo!!!"

Bagong Taon, alas sais ng umaga.

"Nasaan si kuya?" pupunghap-punghap pa si Japoy nang gumising at nakita si Monica sa sala ng bahay nila.

Tumayo si Monica mula sa pagkakaupo, tikom ang bibig, at inilabas mula sa isang plastic ang kahon ng laruan.

"Ipinabibigay ng Kuya Leo mo."
"Nasaan na nga si kuya?" tanong ni Japoy sa karaniwang makulit na tinig, at tinanggap ang laruan.

Tiningnan ni Monica ang mga magulang ni Leo na siyang tumanggap sa kanya sa ganitong oras ng umaga, tapos ay tumingin siya kay Japoy.

"Japoy... Wala na si Kuya Leo mo..." Napaiyak si Monica nang maalala ang nangyari kagabi. "Natamaan siya ng ligaw na bala... sa ulo."

Biglang-bigla na lang ay nakarinig sila ng pagngawa --si Wena, at kasunod niyon ay nabitawan ni Japoy ang hawak na kahon ng laruang eroplano.



Mag-ingat tayo sa darating na Bagong Taon. Heypi New Year!

anyD ;)

Jollibee Delivery :p

30 minutes lang daw nandun na yung inorder namin. So waiting mode naman kami nina pated at bunso.

Tapos ayan na siya.

ANYD: Kuya, late ka ng 5 minutes.
DB: *With matching yellow na kapote pa na suot* Ay pasensya na po ma'am, ganito ho kasi ang panahon.
ANYD: Ay oo, umuulan nga pala.

At ayun binigay niya na yung order. At nakakaloka kasi nakailang balik din yung delivery boy sa bahay. ;gulong;

*Una. Kulang ng isang iced tea.

DB: Ay ma'am kulang po ng isang iced tea. Ok lang po ba balik na lang ako?
ANYD: O sige ok lang.
PATED: Ten minutes lang ha!
DB: Balik po ako. Huwag po muna ninyong bayaran.
ANYD: Pero pwede na naming kainin?
DB: Ay opo!
ANYD: A akala ko hindi pa pwede baka pagbalik mo nahimatay na kami sa gutom. ;himatay;

Tapos ayun nandiyan na siya uli. Nandiyan na rin ang iced tea.

*Pangalawa. Walang resibo.

ANYD: Magkano po lahat?
DB: Hindi ko po ba naibigay sa inyo yung resibo?
ANYD: Hindi. *Kay pated* May binigay ba?
PATED: Wala.
DB: Sige po balik na lang po ako uli. Hingi lang ako ng kopya.

At umalis na siya.

PATED: Kawawa naman si kuya balik nang balik. Umuulan pa naman.
ANYD: Ano ba ha, ubos ko na tong kinakain ko hindi pa bayad. Ako lang yata binabalikan nun e. ;charing;
PATED: Oo nga. Pasimple pa yata yun e. ;lol;
ANYD: ;gulong;

At ayun na naman siya uli. Nakapagbayad na kami. At nabigyan na rin ng sukli.

DB: Pasensya na po uli.
ANYD: Sige ok lang. ;blush;
PATED: Balik ka uli. :p
DB: Hehe! Pag nag pa deliver po kayo uli.
ANYD: Sige. ;blush;


Jollibee, pede po ba mag request... Pede po ba next time naman yung crew na si Jerry ang papuntahin ninyo. ;pray; ;charing;

Tuesday, December 28, 2010

Prom Night (Ending)

Prom Night: Part 1

Prom Night: Part 2

Prom Night: Part 3


Ang Nakaraang Tagpo:

Dinudumog na ako ng zombies nang may marinig akong pamilyar na boses. "Excuse me," sabi nito. At nagulat ako nang nasa harapan ko na siya, panay pa rin ang pag 'excuse me' para tuluyan na siyang padaanin.

"May I have this dance?" tanong niya sa akin nang makalapit siya.

Natulala ako nang makita ko siya. Si... si... si...

"Sure," agad na sagot ko, na star struck. Tumayo ako. Hindi ko na inintindi ang ibang nagyayaya at kumapit ako sa braso ng lalaking nagyaya sa akin... si Renzo.



OOO


Habang busy ang lahat sa pagsasayaw ay naghanap kami ng puwesto ni Renzo. Hinawakan niya ang baywang ko at ipinatong ko naman ang mga kamay ko sa magkabilang balikat niya, yung tipikal na posisyon pag nagsasayaw.

"Baka sabihin mo ang presko ko kasi niyaya kitang sumayaw," sabi ni Renzo.
"Hindi naman. Wala nga akong kasayaw."
"Kanina pa kita tinitingnan e, kaso nahihiya akong lumapit." Napangiti ako dahil sa sobrang kilig. "Na-alarm ako kasi nakita ko ang daming lumalapit sa iyo kaya nagbakasakali na akong lapitan ka."
"Talaga?" tanong ko, kinikilig pa rin.
"Ano nga palang pangalan mo," tiningnan niya ang number ko, "number 342?"
"Jackie," sagot ko.
"Renzo nga pala," pakilala niya.
"Alam ko, campus heartthrob. ^_^"

Pagkatapos nun, nginitian niya ako. Ang gwapo niya. Ang pormal niyang tingnan. Ang bango niya pa. Hay... Puwede na bang himatayin? Now na?! Ambulance nga riyan!

Noong gabing iyon... isa lang ang masasabi ko. Sobrang saya ng JS Prom! Kinainggitan pa ako ng mga kaibigan ko kasi nakasayaw ko si Renzo sa buong gabing iyon. Ayaw bumitiw e. Ayaw makipagsayaw sa iba at ayaw rin akong ipasayaw sa iba. E hindi ko naman sukat akalaing yayayain niya akong magsayaw. Di ba nga sabi ko asa pa ako, at sa dinami-rami ba naman ng mga babae sa campus, biruin mong napansin niya pa ako.

Pinicturan din pala kami ng official photographer. Mayroon kaming dalawang shot ni Renzo. Nakakakilig!

Sa pagtatapos ng palatuntunan ay namili ng Prom King... At hindi na nakapagtatakang si Renzo ang napili (last year siya rin daw). At nang mamili ng Prom Queen...

"Number 342!"

"Aaaaahhhhhhhh!" Tili nina Aida, Lorna at Fe.
"Kung makatili naman, wagas!" angal ko.
"Aaaaaahhhh!" patuloy na tili ni Fe habang may itinuturo sa damit ko. 'At lost' naman daw ang drama ko.
"Gaga ka! Ikaw kaya yung tinawag!" sabi ni Lorna sabay batok sa akin.

Tiningnan ko pa ang number ko bago tumili. "Prom Queen ako? Prom Queen ako?!" Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Para akong aatakihin ng alta presyon. Tubig!!!

Hinila ako nina Aida, Lorna at Fe papunta sa stage. Pumanhik ako sa stage at sinabitan ng sash at pinatungan ng korona. Nginitian na naman ako ni Renzo. Syeeeeet! Nilitratuhan uli kami. Sobrang saya!

Ang nakalulungkot lang e dumating na ang alas dose, ibig sabihin, uwian na. Gusto sana akong sabayan ng mga kaibigan ko pauwi kaso nagpumilit akong huwag na. Baka kasi makantyawan ako dahil dun sa funeral limousine, nakakahiya naman!

Feel ko nga sa mga oras na ito ako si Cinderella e. At pagtanggal sa akin ng make-up, damit at sapatos na ito, yun... balik na naman ako sa pagiging pangkaraniwang Jackie. Mapansin pa kaya ako ni Renzo? Makilala niya pa kaya ako? At kung anu-anong kadramahan na ang pumasok sa isip ko habang naghihintay ako sa labas ng campus sa pagdating ng limousine. Natigil na lang ako sa pag-iisip ng tungkol dun nang makarinig ako ng pamilyar na musika,

"Hindi kita malilimutan... Kailanma'y di pababayaan..."

at doon ko napansing wala na palang tao sa paligid. Nagsiuwian na ang lahat. Ang bagal naman kasi ng lintik na sasakyan na iyan. Grrr!

Dumating na nga ang funeral limousine sakay sina tatay at Maia; huminto iyon sa harapan ko at bumaba pareho sina tatay at Maia sa sasakyan.

"Ay bading, bet ko 'tong korona ng junakis mo ha. Look at the diamonds, puwet ng pitsel," sabi ni Maia kay tatay nang lapitan nila ako at pakialaman ang koronang suot ko.

Nakita kong binabasa ni tatay ang sash ko at mukhang nahihirapan siya. "Prr-prrooo---mmmm..."

"Bading, Prom Queen basa diyan. Ay si ate slow," sabi ni Maia sabay tawa.
"Gaga! Alam ko! Ninanamnam ko lang bawat letters. Saka, you know, English yan, di ba? Baka mamali ako sa pronawnsieyyyssssyon. Mahirap na. English major pa naman ako. Saka pag ganyan dapat kerpul ka sa Englishing mo."

Tinawanan lang siya ni Maia. "Ewan ko sa iyo. Daming mong bersa," sabi nito sa kanya sabay hawak sa puwet ni tatay.

Napa "Nyemas!" tuloy si tatay at sunod ay nagtanong sa akin, "Prom Queen ka, 'nak?" tila nagulat (pero mukhang scripted).

"Opo tay," sagot kong nakangiti dahil kitang-kita ko kung gaano siya kasaya at mapapaiyak pa nga.
"Thank you. Lord, thank you! Thank you!" pasasalamat ni tatay na nakatingin pa sa langit. Tapos ay bumaling kay Maia, nagmamalaki, "Sorry ka bhe, sabi ko sa iyo may lahi kaming beauty queen."
"Yes bading. Haha! Hundred times mo nang inulit yan!" tugon naman ni Maia.
"Hay, I'm so tenkpul. Magsisimba ako sa Baclaran bukas," sabi ni tatay.
"Ate wag kang ano, di ka nanalo sa lotto," pagtatawa ni Maia sa kanya.

At natapos ang kulitan nila. Pasakay na kami sa limousine nang may marinig akong tumawag sa pangalan ko,

"Jackie!" si Renzo. May hawak siyang cell phone. "Anong number mo?"

Nandito pa pala siya sa school? Hinihintay yata akong makauwi. *Kilig to the puwet*

"A, ano kasi e." Napatingin ako kay tatay. Wala naman kasi akong cell phone.
"Baby boy, kung gusto mong manligaw, pumunta ka sa bahay," sabi ni tatay kay Renzo.
"Tay, ano ba?" pinanlakihan ko siya ng mata. Hay, nakakahiya talaga siya!
"A sige po. Ano po bang address ninyo?" tanong naman nung isa.

At ibinigay naman ni tatay ang address namin. Tapos ay nagpaalam na kami ni Renzo sa isa't isa. Sumakay na kami sa limousine at tinukso pa ako ni tatay, "Dalaga na ang anak ko." Kiniliti pa niya ako sa tagiliran.

"Jerjer! Jerjer!" kantyaw naman ni Maia na ikinagalit ni tatay. Nasabihan tuloy uli siyang wala siyang breeding.

Alam ninyo ang saya ko talaga nung JS Prom namin kasi napasaya ko si tatay. Kung makikita ninyo lang siya, para siyang inosenteng batang binigyan ng Tootsie Roll. At sa pagtatapos ng gabing yun, nakatutuwang isiping naging Prom Queen ako... na pangarap ni tatay... noong nasa high school pa siya.


...WAKAS...
(Buti naman.)

Friday, December 24, 2010

Merry Christmas(t)

natatawa ako kay kuya. kararating lang dito sa bahay.

KUYA: Meri Krismas ba may T?
ANYD: Ha?
KUYA: Kung yung Meri Krismas may T sa dulo?
ANYD: *himatay for a while*
ANYD: Nyahaha! Wala!
KUYA: Ay wala ba? Tae yan. *bura bura ng sinulat*

;gulong; mahina talaga siya sa spelling. magluto ka na lang nga.

Tuesday, December 21, 2010

Slow na Yata Ako?!

Bumili ako ng laptop skin noong nakaraang araw sa may Japan Store sa Alabang.

Ngayon ko lang nadikit sa laptop ko kasi ngayon lang ako sinipag.

At binasa ko naman ang instructions na nagsasabing:


How to Use Your LapTop Skin

1. Paste needed before the cloth notebook shell Wipe clean.

2. Determine the location of the same paste.

3. Put a bright opening of the iceberg, the beginning of paste

4. On the right side to left side put their hands to prevent or heal rags have a bubble until paste End

5. Film will be cut off part of the surplus, the need to resist cutting when the knife edge of the notebook in order to ensure smooth

6. Sucess, Hull



Anoooo raw? Na-confused daw ako bigla. Nakakaloka. Well anyway, nadikit ko pa rin naman yung lap top skin nang tama.

Monday, December 20, 2010

Bakit...

...si Santa Claus ang inaabangan mo sa December 25?

Siya ba ang may birthday?



Si Santa Claus ay isa lamang malaking kalokohan na isiniksik ng mga magulang natin sa utak natin.

At naniwala pa ako nun na may lumilipad na reindeers.

At si Rudolph ay may umiilaw na ilong.

At pag magsabit ka ng medyas e lalagyan ni Santa Claus ng regalo at kung anu-ano pa.

Nagsabit ako ng medyas noong bata pa ako pero wala namang laman kinabukasan.

Gusto yata niya ng Darlington socks, o baka gusto niya yung Rusty Lopez na medyas. ;gulong;

O kung may laman man e mahuhuli mo na ang nanay at tatay mo ang naglalagay ng regalo sa medyas: mga candy at kung anu-ano pa.

At magtataka ka, "Bakit may regalo roon sa medyas e wala naman kaming chimney? Saan dadaan si Santa Claus?"



Hay ewan.

Karoling... Namamasko Po!

Karoling... masaya...

pa nga ba?


Eksena 1

May mga batang nangangaroling kagabi sa kapit-bahay namin. Maya-maya itong si pated e lumabas at sumilip. Tapos pumasok siya uli.

PATED: *sinara ang pinto, tapos pinatay ang ilaw sa labas*
ANYD: Huy! Anong ginagawa mo?
PATED: May nangangaroling e. *lol*
ANYD: *himatay*

***

Eksena 2

May mga binatang nangangaroling sa labas ng bahay namin.

ANYD: Sa atin ba yun?
PATED: Sa atin yata.
ANYD: Sa atin yun?
BUNSO: Sa atin nga.
MGA BINATA: *kanta kanta*
BUNSO: PATAWAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAD!
ANYD: Wagas naman ang pagsabi ng PATAWAD! *gulat*
BUNSO: Syempre. *pahabol na bulong* Laki-laki ninyo na, nangangaroling pa kayo.

***

Eksena 3

(Naalala ko lang bigla)

MGA BATA: *kanta kanta* Pasensya na kayo, kami'y namamasko!
LALAKI: Walang pase-pasensya!
ANYD: *mega gulat*


Ang karoling para sa akin ay masaya noon. Siguro nga iba na ang panahon ngayon, na sa paglipas ng mga taon e iba-ibang gimik na ang naiisip ng mga tao sa pangangaroling. Ang alam ko nga para lang sa bata ang karoling, pero ngayon, ultimo matanda at choir sa simbahan e nangangaroling din. *tawa*

Noong maliit pa ako... Mga 12 years ago... *tawa* Tuwang-tuwa ako pag nangangaroling kami. Kasi magkakasama kami ng mga kalaro ko, tapos kung saan-saan kami nagpupunta. Dati nga si kuya e gumagawa pa ng tambol. Kukuha siya ng lata ng gatas, tapos lalagyan ng plastic sa ibabaw, tapos ayun, tambol na. Tapos kukuha rin siya ng mga tansan, pipitpitin niya, bubutasin ang gitna gamit ang pako at susuutan ng alambre, at ayun may tambourine na kami. Galing ano?

Nakatira pa kami sa Makati noon, tapos may isang bahay kaming binabalik-balikan kasi pag magbigay ng pamasko yun e bente pesos. Gabi-gabi yun, mula December 16 hanggang December 25. Buti nga hindi kami namumukhaan kasi by batch kami kung magpunta sa bahay na iyon. :roll:

Malaking bagay na yung bente pesos noon. Nakakatuwa na lang din dahil pag malapit na ang Pasko e mas malaki ang binibigay ng mga tao. Tapos may magpapaagaw ng pera at uuwi kang maraming pera, at paghahatian ninyo yun ng mga kasama mo sa pangangaroling.

Hindi ninyo na iisipin yung sandaling minutong hinabol kayo ng aso, noong nakasalubong ninyo yung mga kaaway ninyong nakatira sa tulay na nangangaroling din, o kaya nung may nakasalubong kayong lasing at hinabol kayo at dala-dala niya ang bote. (Oo, nangyari sa amin yun. Kaya nga super takbo kami.) Matuwa ka meron pa roong isang bahay na nilagyan ng tatak yung kamay namin. Para raw alam nila. Baka raw kasi bumalik kami. :roll:

Walong taon na akong hindi nangangaroling. Wala na rin kasi yung mga kasama kong mangaroling noon. Hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa kanila, kung nasaan na ba sila, mula nang umalis kami sa Makati. Basta ang balita ko, yung iba sa kanila, may mga anak na. Tapos nagsipag-asawa na lang nang hindi nakakapagtapos. Hindi mo na rin aasahang gagawa pa si kuya ng tambol o tambourine, kasi may trabaho siya, at wala silang bakasyon. At matagal na rin siyang hindi nangangaroling, gaya ko.

Masarap na lang balikan ang panahon noon, kung saan wala ka pang gaanong kamalayan. Na bata ka, at ang alam mo lang e magsaya. Hindi mo kailangang mag-isip kung saan ka ba kukuha ng handa sa Pasko, kung paano ka makabibili ng regalo. Kasi pag bata ka, kakain ka na lang ng handa, at magbubukas na lang ng regalo. At magiging masaya ka. Yun lang.

E ikaw... Bata ka pa ba? Gusto mo pa bang mangaroling? Ako? Kakain na lang din, at magbubukas ng regalo. Kahit hindi na ako bata. ;)

Namimiss ko si papa. Hindi kami kumpleto sa Pasko kasi wala siya.

Saturday, December 11, 2010

Unprofessional Regulation Commission?!

Iba-iba talaga ang ugali ng tao.


Nagpunta ako kanina sa PRC (may kasama ako… pero di na pinapasok kasi bawal daw ang bodyguard). Nagpunta ako roon para mag-file ng para sa lisensya at para bumili ng ticket sa Panunumpa namin. Sa pagpunta ko roon ay na-disappoint ako dun sa isang babae sa huling window na pinilahan ko kasi sinabihan niya ako ng hindi maganda.

Ok naman ang IBANG mga tao roon sa PRC. Nung nagpa-metered stamp ako, maayos naman akong kinausap ng tao roon. Nagtanong ako, sinagot nang maayos. Sabi niya punta raw ako sa third floor at doon i-forward yung form na hawak ko. Umakyat ako sa third floor. Tapos yung sa pagbili ng ticket para sa Oath Taking mahusay din naman makipag-usap yung tao roon. Doon sa unang window na pinuntahan ko, ok din naman. Ang bait nga e. Sa cashier, ayun, ang bagal niya mag-type kasi nakikipag-chikahan pa siya doon sa isa pang cashier. May napuna pa akong babae roon na employee rin na kung makatawa e ang lakas-lakas, akala mo walang ibang tao.

At eto na nga ang huling window. May pila, syempre. Naghintay ako. Tapos… ako na yung kasunod na ie-entertain sa window na iyon nang maalala kong halungkatin ang gamit ko at doon ko napansing wala pala akong dalang one by one picture na kailangan doon sa window na yun. Hindi ko alam ang dapat kong gawin kaya nung ako na ang naroon sa window e tinanong ko ang babae.

ANYD: Miss, pwede ho ba ipafollow-up na lang yung picture? Wala kasi akong picture e, naiwanan ko.
BABAE: Hindi pwede! Ipapaliwanag ko sa iyo ha (blah blah blah)
ANYD: A ganun ho ba? E pupwede ho bang bumalik na lang sa ibang araw?
BABAE: Bumalik ka! Pero pumila ka uli dito. (Tinuro ang kabilang window, yung unang window na dapat puntahan)
ANYD: A o sige po.
BABAE: E bakit hindi ka na lang magpapicture uli? Bakit, wala ka bang pera?

Doon nagpantig yung tainga ko.

Mula nang magtanong ako sa kanya, kakaiba na yung tono ng pakikipag-usap niya sa akin. Kaya medyo nainis na ako. Lalo pa nung sinabi niya yung, Bakit, wala ka bang pera? Kaya sinagot ko siya ng…

ANYD: Wala.

At mas lalo akong nainis nang magtanong ako uli at sinagot niya ako ng mga salitang di maganda at nabastusan ako.

ANYD: E tanong ko lang po kung bukas po ba ang PRC ng Sabado?
BABAE: Hello?!! Government kaya toh noh!

Sige na, sabihin na nating ako itong walang alam. Kaya nga ako nagtanong. Ang ikinainis ko lang e bakit kailangan niya akong sagutin ng ganun, bakit kailangan niyang magsabi ng “HELLO?!” e maayos naman ang pagtatanong ko kahit na sa loob ko e hindi ko na nagugustuhan yung tono niya.

Umalis ako, lumabas ako para puntahan yung kasama ko (si Kenshin) kasi di ko talaga alam gagawin ko. Ilang minute kaming tuliro. At yun nagpa-picture ako ng one by one sa labas. Bumalik ako sa PRC. Pagbalik ko ay pumila ako uli doon sa huling window. Yung babae pa ring yun ang naka-tao roon pero noong malapit na ako e pinalitan na yung tao. Boyish na ang nandoon. Si babaeng bastos e binuksan ang kabilang window, lumipat. At hindi lang ako ang nakatikim ng panunungit niya. Nung nagsusulat na ako ng dapat na i-accomplish doon sa window na iyon e narinig kong inaaway niya yung isa rin na nagfa-file. Mukhang may mali sa sinulat. Ayun, nagtalo sila roon.

Nainis ako sa babaeng iyon. Ang tanong ko… bakit siya ganoon? Ganun ba talaga yung ibang mga government employee? Kailangan pag magtanong ka, masungit? Kailangan pag magtanong ka, babastusin ka? Kailangan pag may naisulat kang mali sa form e maiinis sa iyo? Oo, naiinis siya. Kasi narinig ko siyang nagsabi ng “Hay naku! Sige na nga! Ipagpatuloy mo na iyan! Sinulat mo na e!” doon sa isang babaeng nag-file.

Hindi lang naman siya yung naobserbahan kong ganoon (pero siya yung tumatak sa akin) kasi pati yung nagpapaayos ng pila e naninigaw rin at naiirita.

To think of… Professional Teachers ang mga nagfa-file doon sa third floor na iyon. Bakit ganoon? Akala ko ba e PRC… Professional Regulation Commission? E bakit yung ibang empleyado roon parang hindi naman professional? Naisip ko lang… bakit kailangan nila kaming sigawan at sungitan? Nagtatanong kami nang maayos.

Kinuwento ko sa kaibigan ko ang naranasan ko.

FRIEND: Sinabihan ka ng ganun? Pa hello hello pa! Purkit kailangan sila ng tao, nagmamaganda sila!

Tama. Tama nga siguro si friend sa sinabi niya.

Thursday, December 9, 2010

Prom Night (part 3)

Prom Night: Part 1

Prom Night: Part 2


Ang Nakaraang Tagpo:

Pinabaunan niya pa ako ng isang kit. May kalakihan. Mukhang maraming laman.

"Ano po ito?" tanong ko kay tatay.
"Hmm... Para sa... pang retouch? Pabaon ni Maia."

Tiningnan ko ang laman ng kit. Mayroong bagong make-up, naka-sealed pa, as in hindi pa nagagalaw, at may lamang kung anu-anong pampaganda. Sosyal! Mayroon ding CD ng "Do it your own!!! Make up tutorial!!!" (Ayaw sa exclamation point.) Mukhang nagtuturo kung paano mag make-up ng patay. Yay! Isinara ko na ang kit at pumasok na nang tuluyan.

Pagpasok ko, nagdire-diretso ako ng lakad. Hindi ko pinansin ang mga nadaanan ko at nahuling nagbubulungan. Hinanap ko ang mga kaibigan ko at nang makita ko sila ay tinawag ko sila.



ooo


"Aida, Lorna, Fe!" pagtawag ko sa mga kaibigan ko nang makita ko sila.

Sabay-sabay silang napatingin sa akin habang patakbo akong lumalapit sa kanila (yung may slow motion epeks).

Nang makalapit ako sa kanila ay mariin akong tinitigan ni Aida, "A... Hu u?" tanong niya.

*Epic face* "Jejemon ka, teh?" Napasimangot ako. "Nu buh? Jackie 2," tugon ko naman. Ganun na ba kasama ang hitsura ko para di nila makilala? Pero ang lubos kong ipinagtaka ay napanganga sila pagkasabi ko ng ganun --na ako si Jackie.

"Palung-palo!" biglang isinigaw ni Lorna.
"Ang ganda ha! Nakakainis!" sabi naman ni Fe.
"Ano bang sinasabi ninyo riyan?" natatawa kong itinanong. "Oo na, alam ko nang pangit ako!"
"Ang ganda mo kaya, gaga ka! Saan ka nagpa make-up? Saan mo nabili yang damit mo?" usisa ni Fe. Ayoko namang sabihing sponsor ko ang Funeraria Paz sa mga ito kaya iniba ko na ang usapan.

Dahil sa pagnanais kong makita na rin ang hitsura ko ay nanghiram ako ng salamin kay Lorna. At pag tingin ko sa salamin... Maski ako nagulat! Kabaligtaran pala ang iniisip ko... Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ang daming nakatingin sa akin. Ayokong sabihing ang ganda ko ngayong gabi. Ayoko talaga! Nyahaha! Syeeeeet ang ganda ko. (100x)

Nag-uumpisa na pala ang JS nang magpunta kami sa table na naka-assign sa amin. Binigyan kami ng numbers. Para raw iyon sa pagpili ng Best Dressed at Prom King and Queen. Idinaos na rin ang inaabangang sayawan. Iniwan ako ng mga kaibigan ko para magsisayaw sa kani-kanilang kapareha. Nakakainggit... Kung puwede ko lang sanang makasayaw si Renzo pero asa pa. At ayun nga, naiwan lang ako sa table, kasama itong mga kubyertos at plato na kanina pa naka set-up. As if naman na magsasalita sila.

Pinatay na ang ilaw sa buong paligid at nagpatugtog ng sweet song. Hanggang sa may isang lumapit at nagtanong kung puwede raw ba niya akong isayaw. Tiningnan kong maigi ang lalaking nagyayaya sa akin.

Napamura ako sa isip ko, "Syeeeeet si Ronald 'to a." Siya yung seatmate kong ayaw kong tabihan kasi ang baho ng hininga. Kaya nga madalas e tumatabi ako kahit na sino kina Aida, Lorna at Fe. Nag-isip ako saglit. Pumayag na kaya ako? Mabait naman ito e, madalas akong pakopyahin ng assignment sa Physics (na kinopya rin niya sa iba).

"A, o si--" papayag na sana ako pero may biglang sumingit na nagyayaya rin na isayaw ako. At nagsunod-sunod na sila. At ayan pa ang isa, at isa pa, at isa pa uling nagyayaya ng sayaw. Pati yung partner ni Aida na sumundo sa kanya kanina rito sa table e nandito na rin at nagyayaya na isayaw ako.

Namomroblema ako ngayon. Sa totoo lang hindi ako makapamili sa kanila kasi ang cha-chaka nila. Walang itulak kabigin. Natawa na nga lang din ako dun sa isang naka jeje cap na nagyayaya sa akin. Naka-barong, naka jeje cap? Chura! Kung nandito lang siguro si tatay nakatikim na sila ng panlalait.

Dinudumog na ako ng zombies nang may marinig akong pamilyar na boses. "Excuse me," sabi nito. At nagulat ako nang nasa harapan ko na siya, panay pa rin ang pag 'excuse me' para tuluyan na siyang padaanin.

"May I have this dance?" tanong niya sa akin nang makalapit siya.

Natulala ako nang makita ko siya. Si... si... si...

"Sure," agad na sagot ko, na star struck. Tumayo ako. Hindi ko na inintindi ang ibang nagyayaya at kumapit ako sa braso ng lalaking nagyaya sa akin... si Renzo.


...ITUTULOY...
(Kasi nangangalay pa rin yung kanang kamay ko. Three days na. Pramis)

Tuesday, December 7, 2010

Prom Night (part 2)

Prom Night: Part 1


Ang Nakaraang Tagpo:

Ni-lead kami ni Maia sa sasakyan na gagamitin papunta ng eskwelahan. Nang makita ko ang sasakyan, parang mas gusto kong mag-commute na lang. Sino ba namang pupunta sa JS ang gaganahang sumakay sa funeral limousine na may tarpaulin pang "Funeraria Paz" na nakasabit sa harap?

"Ay bading! May tarp pa. Paki go away naman itetch," pakiusap ni tatay kay Maia nang mapansin ang tarpaulin.
"Keri na yan, bading, i-advertise nyo naman yung business namin!" tugon ni Maia. Pumayag na rin si tatay na huwag tanggalin yun kasi may utang na loob siya kay Maia.
"Tay ayokong sumakay riyan!" mangiyak-ngiyak ko na namang sinabi.
"Quiet ka na lang diyan at kukurutin ko yang singit mo!" Pinanlakihan ako ni tatay ng mata. Napilitan tuloy akong sumakay.

Hindi na sumama sa amin si Maia at nag-flying kiss pa nang umandar na ang limousine.



ooo


Mega bagal ang andar ng limousine with matching sounds pa ng "Hindi Kita Malilimutan" na theme song pa yata ng lolo kong namatay.

"Tay, wala na po bang babagal dito?" tanong ko kay tatay bunga ng pagkainip.

Sumagot naman siya ng, "Wiz na! Itetch na pinaka slow motion. Choosy?!" sabay irap sa akin.

Tumingin na lang ako sa view sa labas ng bintana ng sasakyan at nagbilang kung ilan sa mga taong naglalakad ang mauuna pa sa amin. Pinangaralan pa ako ni tatay ng, "Patience is the best policy."

Nakarating din naman kami sa campus nang matiwasay. Mga thirty minutes akong late sa nakatakdang oras pero for sure namang may mas late pa sa akin. Hiyang-hiya ako nang bumaba ako sa limousine. Inalalayan pa ako ni tatay palabas.

"Ops, ops! Dadaan ang reyna! Dadaan ang reyna!" sabi ni tatay habang pinapaalis ang mga tao para makadaan ako. Isang school mate kong babae ang umepal at nagsabing, "Sasayaw ng chacha. Sasayaw ng chacha." Nasabunutan iyon ni tatay. May isa pa ring inaway si tatay dahil nakaharang sa daan. Yung isa naman inambahan niya pa ng palo. Nagbanta pa siya nang, "Wag kayong haharang-harang kung ayaw ninyong ma-boogie man!" Nahiya tuloy ako lalo.

Nakayuko ako nang lumabas, pero mabilis na hinawakan ni tatay ang baba ko at itinaas ang mukha ko, "Chin Chin Gutierrez naman, nak! Ganda-ganda e!"

"Sakit, tay, ha!" angal ko.

Doon ko napansing ang daming nakatingin sa akin kaya na-conscious ako lalo. Siguro ay pinagtatawanan na ako ng mga nakakakita sa akin ngayon. Alam kong iniisip nilang pangit ako. Alam kong gaya ng minake-up-an ni Maia, ay mukha rin akong patay. Alam kong sa suot ko pa lang, ang kulang na lang ay kabaong. Waaa! Ayoko na!

"Ay nak, teka lang ha," paumanhin ni tatay tapos ay pumunta siya sa kung saan.

Naglakad ako at pumuwesto sa isang tabi. Nakayuko lang ako. Pinakikiramdaman ko lang ang pagdaan ng mga schoolmate ko. Nag-alala-alala pa ako kanina dahil alam ko nang male-late ako kasi ang bagal ng andar ng limousine tapos marami naman pala ang nagpa-VIP. Sabi ko na nga ba ganito ang mangyayari.

Maya-maya'y narinig ko na ang boses ni tatay, "Jackie?" Hinahanap niya ako. "Tay!" tawag ko sa kanya, at nahanap niya ako. May ikinabit siya sa aking tatlong maliliit na telang pula at nilagyan niya iyon ng aspile.

"Ano po ito?" tanong ko kay tatay.
"Bubang! Di mo knowing itetch? Red carpet na maliliit."
"Para saan po ito?"

Naging malumanay ang boses ni tatay at nagpa-sweet, "E wala naman kasi tayong camera kaya ayan," ngumuso siya, "magpa-shot ka na lang sa photographer para may remembrance."

Gusto kong umiyak dahil sa sinabi ni tatay sa akin. "Tay naman..." sabi ko. "Mahal yata itong ganito."

"Naku ha! E shinow-show ko lang yung legs ko binigyan na ako ng ganyan," sabi ni tatay. "Sige na, gora na at baka hindi mo na maka-dance si Renzo," tukso pa ni tatay.
"Tatay talaga... Isang shot muna sa atin, tay, bago ako pumasok," pakiusap ko kay tatay tapos ay umalis na naman siya para tawagin ang photographer. Mas excited pa nga siya kaysa sa akin pagbalik niya.
"Kailangan maganda ako riyan ha!" sabi pa niya sa photographer.

At yun... nilitratuhan kami. Papasok na sana ako pero pinigilan ako ni tatay para habilinan. Sinabi niyang susunduin niya ako ng alas-dose ng hatinggabi dahil yun ang oras ng tapos ng JS. Pinabaunan niya pa ako ng isang kit. May kalakihan. Mukhang maraming laman.

"Ano po ito?" tanong ko kay tatay.
"Hmm... Para sa... pang retouch? Pabaon ni Maia."

Tiningnan ko ang laman ng kit. Mayroong bagong make-up, naka-sealed pa, as in hindi pa nagagalaw, at may lamang kung anu-anong pampaganda. Sosyal! Mayroon ding CD ng "Do it your own!!! Make up tutorial!!!" (Ayaw sa exclamation point.) Mukhang nagtuturo kung paano mag make-up ng patay. Yay! Isinara ko na ang kit at pumasok na nang tuluyan.

Pagpasok ko, nagdire-diretso ako ng lakad. Hindi ko pinansin ang mga nadaanan ko at nahuling nagbubulungan. Hinanap ko ang mga kaibigan ko at nang makita ko sila ay tinawag ko sila.

...ITUTULOY...
(dahil tinamad na ako mag-type)

Friday, December 3, 2010

Prom Night (part 1)

"Sobrang memorable ng JS Prom!"

-- Jackie


OoO


"Tay, wag po!" paulit-ulit kong sinisigaw habang hinihila ako ni tatay papunta sa bagong bukas na Funeraria Paz na nasa kabilang kanto.
"Wiz ka na mag-inarte at times up na! Gora na tayo over there!" sabi niya nang ituro ang daan papuntang funeraria at patuloy akong kinaladkad sa lugar na ayaw kong puntahan.

Naiinis ako sa kanya! Sinabi niya kasi sa aking siya na raw ang bahala sa lahat basta't maka-attend ako ng JS Prom ngayong taon. Hindi kasi ako nakapunta noong nakaraang taon gawa nang kapos kami sa pera at walang pambili ng damit at kung anu-ano. Ok lang naman kung hindi ako maka-attend kaso ibinida niya noong nakaraang araw na solb na ang problema kasi may nakilala siyang magaling na make-up artist na hindi nagpapabayad at ang lahat ng minemake-up-an ay hindi umaangal. Sagot na rin daw nun ang damit na susuutin.

Manghang-mangha ako sa sinabi ni tatay kaya pumayag na akong um-attend ng JS. Naisip kong huling taon ko na rin kasi sa high school at sayang ang pagkakataon. Gusto ko pa man ding makasayaw si Renzo, yung crush kong campus heartthrob. Yun ay kung papalarin ako e mukhang hindi nga niya ako kilala.

Hindi ko naman sukat akalaing sa Funeraria Paz pala ako dadalhin ni tatay para pa-make-up-an. Kung alam ko lang talaga! Nakaaway niya kasi yung may-ari ng parlor na malapit sa amin. Palibhasa maraming ka-sorority iyon, banned tuloy kami sa lahat ng parlor. Ayaw naman ni tatay na manghiram ng make-up sa mga kapitbahay namin kasi mukhang dinurog na paso at local lang ang gamit nila. Baka raw magka an-an ako. Sayang daw ang pretty face ko.

Alam kong walang pera si tatay. Ok lang sa akin kahit sa public school ako nag-aaral. Kahit paano'y naaappreciate ko naman ang ginagawa niya. Biruin mo, tatay na siya, nanay pa. Saan ka pa? Pero hindi ko pa rin matanggap na pupunta kami sa Funeraria Paz ngayon.

"Tay, hindi na lang po ako a-attend!" mangiyak-ngiyak kong sinabi dahil kontra ako sa gusto niyang mangyari. Pero wala na rin akong nagawa kasi nagtaas na siya ng kaliwang kilay, senyales na naiinis na siya at malapit nang manuntok at maging tunay na lalaki. Ganoon siya pag galit siya. Nakakatakot!

Umayos ako ng tindig at sumunod na lang kay tatay. Napangiti siya nang hindi na ako umangal. Tinahak na namin ang daan papuntang funeraria at nang makarating, pumasok na kami sa Funeraria Paz. Nang nasa loob na kami, may hinanap siya,

"Bhe, nasaan si Maia?" tanong niya sa isang lalaking sumalubong sa amin na ewan ko ba kung embalsamador kasi mas mukha siyang bangkay.
"Sandali lang at may minemake-up-an pa," pa-cute na sagot niyon.

Yay! Napakagat ako ng labi nang marinig iyon. Mukhang may kliyente pang malamig na bangkay!

"Awkeii!" tugon ni tatay, tapos ay bumulong ng "Pa-sweet si kuya. Chakabelita naman! Hmp!" Natawa tuloy ako.

Ilang sandali pa'y nagpakita na sa amin si Maia. Mayroon siyang tig-isang kilong kapal ng blush-on sa magkabilang pisngi, pero in fairness, magandang bading si Maia. Nakipagbeso-beso si tatay kay Maia tapos ay itinuro ako nung isa.

"Itetch na pretty girl ba ang junakis mo?" tanong ni Maia.
"Yes, girl!" proud na sagot ni tatay.
"How come na nagkaroon ka ng junakis na ganyan ka-pretty? Nagpachupa-chups ka sa foranger?" usisa nung isa.
"Maia ha, bastos ng bibig. Walang breeding," puna ni tatay.
"Sorry 'te, Shih Tzu aketz," sabi ni Maia. Nagtawanan sila, tapos ay tumingin si Maia sa akin. "Tara na," pagtawag nito.

Napalunok ako. "Tay, sumama ka," sabi ko kay tatay. Parang ewan ako, takot na takot. Sumunod naman siya.

Naninindig ang mga balahibo ko habang dinadaanan namin ang mga naka-display na kabaong. Dinala kami ni Maia sa isang silid. Kakatwa pa dahil imbis na paupuin ako ni Maia ay pinahiga niya ako. Akala yata ay patay ako, pero siguro sa ganoong posisyon siya nasanay. Pagkatapos ay naglabas siya ng kung anu-anong pampaganda at kolorete na hindi ko alam kung ginamit niya sa patay, pero sa tingin ko ay positive. Si tatay naman ay nakamasid habang nilalapastangan ni Maia ang mukha ko. Hindi na ako umangal. Baka kasi masuntok na ako ni tatay.

Nang matapos ang pag-make-up ay buhok ko naman ang isinunod. Hindi ko na tiningnan ang hitsura ko dahil baka matakot lang ako. Sa isip ko ay naiiyak na ako, sobra! Pero kiber lang. Si tatay naman ay may kinakalikot na dalawang kahon. Ang sabi ni Maia ang laman daw nun ang susuutin ko para sa JS.

Tube na puti ang style ng gown at kung anu-anong beads at diyamante ang naka-design nang ilabas ang damit. Ang lambot pa ng tela nang hawakan ko. Namangha ako. Ayos ang damit, maganda nga, totoo! Kaso di kaya pagkamalan akong white lady nito? O baka naman akala ni Maia ililibing ako ng buhay? Yung sapatos ay terno sa damit, puti rin. Hindi naman ganoon kataas ang takong at nang isuot ko'y nakakalakad pa naman ako nang maayos.

Ilang sandali pa'y may tumunog na alarm clock. "It's time!" sabi ni Maia suot ang isang nakakalokong ngiti. Natakot ako bigla. Yun pala'y sinadya niyang mag-alarm para may control siya sa oras at hindi ako mahuli sa JS.

Lumabas na kami ng Funeraria Paz. Todo alalay pa sa akin si tatay habang walang tigil na sinasabi ang, "Ang ganda-ganda ng anak ko!" Naku ha, bolahin mo sarili mo, tay!

Ni-lead kami ni Maia sa sasakyan na gagamitin papunta ng eskwelahan. Nang makita ko ang sasakyan, parang mas gusto kong mag-commute na lang. Sino ba namang pupunta sa JS ang gaganahang sumakay sa funeral limousine na may tarpaulin pang "Funeraria Paz" na nakasabit sa harap?

"Ay bading! May tarp pa. Paki go away naman itetch," pakiusap ni tatay kay Maia nang mapansin ang tarpaulin.
"Keri na yan, bading, i-advertise nyo naman yung business namin!" tugon ni Maia. Pumayag na rin si tatay na huwag tanggalin yun kasi may utang na loob siya kay Maia.
"Tay ayokong sumakay riyan!" mangiyak-ngiyak ko na namang sinabi.
"Quiet ka na lang diyan at kukurutin ko yang singit mo!" Pinanlakihan ako ni tatay ng mata. Napilitan tuloy akong sumakay.

Hindi na sumama sa amin si Maia at nag-flying kiss pa nang umandar na ang limousine.


...ITUTULOY...

Thursday, December 2, 2010

Para sa Inggitero...


... mamatay ka sa inggit.

bleh!


Tawang-tawa ako dun sa pastor na nagsermon kanina...

Hindi siya nakaka-bore, sa totoo lang, at mula nang magsalita siya hanggang matapos e nakinig ako.

Hindi ako Born Again, pero nasa Christian School kasi ako, kaya may mga araw na required kaming umattend ng service nila.

Tapos itong pastor may na i-share na kwento tungkol sa kapit-bahay niyang inggit na inggit sa kanya.



"May kapit-bahay ako inggit na inggit sa akin.

Bumili ako ng TV, maliit lang, 14 inches.

E dahil nga naiinggit siya sa akin,

aba kinabukasan bumili rin ng TV!

Mas malaki, 18 inches.

Tapos niyabangan niya pa ako.

Hindi ko siya pinansin. Ok lang sa'kin.



Pagkatapos, bumili ako ng ref, yung maliit lang.

Aba itong kapit-bahay ko, nainggit na naman!

Kinabukasan bumili rin siya ng ref, mas malaki!

Pinadeliver pa galing SM! Dinaan pa sa tapat ng bahay namin. Tapos nun niyabangan ako, sabi niya, 'Kala mo ha!'



E hindi ko na pinalampas. Ang laki ng inggit niya sa akin e.

Ang ginawa ko ngayon, nag-asawa ako ng maganda!

At yun, yun ang hindi niya magaya-gaya, hanggang ngayon."




Ewan ko ba kung bakit may mga tao talagang may malaking inggit sa iyo.


Ang sabi niya pa ganito...

Di ba nga matunog yung issue tungkol sa lotto ngayon, yung nanalo ng 700 M, ang sabi niya... Ang daming naiinggit doon sa nanalong iyon. Kung tutuusin, hindi naman daw dapat kainggitan yun. Yung napanalunan ng tao na iyon sa totoo lang ay yung nakatakdang BLESSING para sa kanya. Kasi naman daw kahit anong gawin mo, kahit nakailang taya ka pa sa lotto, kung hindi para sa iyo ang blessing na yun, hindi mo rin makukuha.

Tapos napaisip ako, oo nga ano. Mayroon kasing mga naghahangad na mapasakanila ang isang bagay. Tama nga naman na bawat isa sa atin may natatanggap na blessing, kaya kung anong matanggap mo, magpasalamat ka, kasi yun ang nakatakdang ibigay sa iyo.

Hindi ako nanenermon. Nagsheshare lang ako ng thought.

Thursday, October 7, 2010

Leigh

"Ano ba ang pakiramdam ng mawalan ng minamahal sa buhay? Masakit ba? Gaano kasakit?" tinanong ko kay Russel iyan noon nang pumanaw ang daddy niya. Hindi siya sumagot, pero sapat na ang pagluha niya para malaman kong sobrang bigat ng nararamdaman niya. At sa pagkawala niya, nahanap ko na rin ang kasagutan sa mga tanong ko.

--Leigh



Naaalala ko pa ang huling sandali na magkasama kami ni Russel tatlong taon na ang nakalilipas. Nasa hardin kami ng bahay nila. Nagmamasid ang mommy at kuya niya sa amin habang inaalalayan ko siyang maglakad sa damuhang madalas niyang apakan noon. Ilang sandali pa’y nagyaya na siyang umupo kasi ayaw niya nang maglakad, nahihirapan na raw siya.

“Tumingin ka sa mga bituin,” sabi niya nang makaupo kami; sa kaliwa siya, ako sa kanan. Mula pagkabata namin ay hilig niya nang tingnan ang mga bituin, tapos bigla-bigla na lang siyang tuturo sa kalangitan at sasabihin niya kung anong constellation ang nakikita niya mula sa mga bituing tinitingnan namin. Tangu lang naman ako nang tango, kunwari ay naiintindihan ko ang mga sinasabi niya.

Higit kong minahal ang masayang mukhang nakikita ko sa tuwing nagkukuwento siya tungkol sa mga bituin. Para kasing walang kapantay na saya ang lagi niyang nararamdaman. Ngunit ngayon, iba ang mukhang nakikita ko. Naiiyak na lang ako habang pinagmamasdan ko siya kasi alam kong kaunti na lang ang nalalabi niyang sandali rito sa mundo. Alam kong lubos na siyang pinahihirapan ng sakit niya… brain cancer. Yun ang isang bagay na hindi ko matanggap.

Maya-maya pa’y humilig siya sa kaliwang balikat ko. “Leigh,” pagtawag niya. “Hindi ko na kaya,” dugtong niya.

Napalunok ako nang marinig ko ang sinabi niya at naramdaman ko na lang na dumadaloy na ang mga luha sa pisngi ko. “Russel, huwag kang ganyan,” sabi ko. Pasinghot-singhot na ako. Mababaw kasi ang mga luha ko.

Umalis si Russel sa pagkakasandal sa balikat ko at mukhang naalarma. “Umiiyak ka ba?” tanong niya. Hindi ko na naitago yun dahil nagtuloy-tuloy na ang daloy ng mga luha ko. “Bakit ka... umiiyak?!” malaking tanong niya. Umiiling lang ako. “Huwag ka nang... umiyak,” sabi niya at nagawa niya pang pahirin ang mga luha ko. Pero habang dumadampi sa balat ko ang kamay niya, tila ayaw tumigil ng mga luha ko… kasi alam ng mga ito na ilang sandali na lang ay wala nang pupunas sa kanila kaya sinasamantala na nilang tumulo.

“Leigh, ano ba... wag kang ganyan,” sinabi niya sa akin… malumanay na pagkakasabi. Alam kong hirap na siya at pinipilit na lang na kumuha ng lakas. Sa pagkakataong iyon ay inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko, magkadikit ang aming mga ulo, magkatapat ang mga ilong, gayundin ang mga labi, at hinabilinan niya ako,

“Huwag kang magpabaya... sa sarili. Huwag kang mag-alala, palagi... din naman kitang... babantayan. Palagi…” sabi niya sa akin. Tahimik lang ako, pigil ang mga hikbi, at sa puntong iyon ay napaiyak na rin siya.

“Leigh…” pagtawag niya sa pangalan ko. “Mahal na... mahal kita,” bulong niya. Nagsimula na naman ang pagbuhos ng mga luha ko.

Sa huling sandali tinanong niya ako, “Puwede ba... kitang... maging girlfriend?” Hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob para itanong sa akin iyon noon kahit may pagkakataong nagpaparamdam siya ng pagtangi sa akin at kahit madalas ay pabiro siya kung magsabi ng “I love you.”

Pumayag ako kahit alam kong huli na ang lahat. Hiningian niya ako ng permiso para halikan ako, na hindi ko naman ipinagdamot.

“Dito ka lang... sa tabi ko.” Hinawakan niya nang mahigpit ang mga kamay ko. “Gusto ko pagpikit ko… mukha mo ang huling makikita ko… Gusto ko… ikaw ang pinakahuling tumatak sa alaala ko.”

Wala akong ibang magawa kundi ang umiyak. At pagkasabi niya nun… wala na. Tuluyan niya na akong iniwan.

“Russel! Russel…” tinatawag ko pa siya noon pero wala na. Masakit. Napakasakit. Niyakap ko na lang siya kahit alam kong hindi na na yun mararamdaman. Naging positibo na lang ako at inisip na mabuti na rin dahil natapos na ang mga paghihirap niya.

Pagkatapos, lumapit ang mommy niya sa amin kasunod ang kuya niyang doktor. “It’s ok, Leigh, it’s ok,” sabi ng mommy niya at hinagod nito ang likod ko.

Ayokong magpaalam kay Russel kasi alam kong nandiyan lang siya sa paligid at nangako siyang patuloy niya akong babantayan. At mula noon, ipinangako ko sa sarili kong wala na akong ibang mamahalin kundi si Russel lang… si Russel at ang kanyang mga alaala.

Saturday, September 11, 2010

Ten Minutes

Mag-a-alas kuwatro na ng hapon. Pauwi na sana ako pero nakatanggap ako ng text message galing kay Jerry.

"Sabay n tau umuwi," sabi sa text message.

Maya-maya'y nandiyan na siya. Hawak-hawak niya yung drum stick niya, tumutugtog kasi siya ng drums sa school, at pinaalalahanan niya akong sabay kaming uuwi. Napangiwi naman ako. Naiilang kasi akong kasabay si Jerry kasi maraming nagsasabing gusto raw niya akong ligawan pero sa totoo lang nagpaalam na nga siya sa akin na manliligaw siya.

Ayos din naman si Jerry. Mabait siya, sobra. (Kahit di naman ganun ka-gwapo.) At gentleman din. Ang kaso nga lang aasarin na naman ako ng mga kaklase namin pag nakita kaming magkasama.

Gusto ko sanang gumawa ng excuse at talagang umaayon ang pagkakataon dahil biglang dumaan ang Principal sabay tinawag siya at inanyayahan sa loob ng Principal's Office na di kalayuan sa kinatatayuan namin.

Tinago ko na ang cell phone ko nang sandaling yun. Pagkakataon ko na sanang umalis pero nakakagulat kasi bigla siyang lumabas at sinabing,

"Shey, hintayin mo ako, ten minutes."
"Ha? Ten minutes?" nagulat ako. Gusto ko na kasi talagang umuwi.
"Dali na, ten minutes lang naman. Kakausapin lang ako ni Ma'am Loida. Mabilis lang ito," sabi niyang tila nagmamakaawa.
"E ang tagal nun. Uuwi na lang ako mag-isa."
"Please, ten minutes lang. Sabay na tayo. Ihahatid kita sa inyo," pilit niya.
"Ayokong maghintay ng ten minutes," sabi ko.
"Dali na," pagpupumilit niya.

Sa hinaba siguro ng diskusyunan namin kasi ayoko ngang maghintay ng ten minutes e inabot na nga kami ng ten minutes.

"Bakit ba kasi lumabas ka pa?" tanong ko sa kanya. "Edi sana kinausap mo na siya."
"E kaya nga ako lumabas para sabihin sa iyong hintayin mo ako ng ten minutes kasi ten minutes lang daw niya ako kakausapin," sagot niya.

Pero kahit anong pilit niya, sinungitan ko siya at sinabing, "Bahala ka riyan, uuwi na ako!" Lumabas ako ng gate at nagdire-diretso ng lakad.

"O bakit naman iniwan mo si Jerry?" tanong ni Rina, school mate namin na nakasabay ko sa paglabas.
"E sabi niya hintayin ko raw siya ng ten minutes at kakausapin pa raw siya ni Ma'am Loida. Ayoko ngang maghintay ng ganun katagal. Kung inilakad ko na lang yung ten minutes na yun edi nakauwi na rin ako sa bahay nun," katwiran ko.
"Oo nga naman," tugon ni Rina. Naghiwalay na kami kasi lumiko na siya ng daan.

Sa paglalakad ko e may nadaanan akong tindahan at naisipan kong bumili ng Chuckie, yung chocolate drink, paborito ko kasi yun. Nang makabili ay nagpatuloy ako sa paglalakad.

Malayu-layo na rin ang narating ko nang may maramdaman akong masakit na hampas sa kaliwa kong braso. Pag tingin ko, si Jerry! At yung drum stick pa talaga ang pinanghampas niya sa akin. Napahinto ako sa paglalakad.

"Sakit ha!" angal ko.
"Sabi ko sa iyo... ten minutes... lang. Hindi ka... nakinig sa akin." Hinahabol niya ang paghinga niya.

Takang-taka ako kung paano niya ako nasundan at naabutan. "Tumakbo ka?" tanong ko dahil kita kong hinihingal siya.

"Ay hindi!" sagot niyang tila nainis pa.
"Bakit kasi tumakbo ka pa?" tanong kong painosente.
"Para maabutan kita! Sabi ko kasi ten minutes lang, ayaw pa," sagot niya.

Napangiti ako nang bahagya, pero di ko ipinakitang natuwa ako sa ginawa niya. Doon ko naramdaman kung gaano ako kahalaga kay Jerry. Na kapag umalis ako at iniwan siya e hahabulin niya pa rin ako, na talagang gagawa siya ng paraan para maihatid ako sa bahay, na kapag sinabi niyang sabay kaming uuwi e sabay talaga kaming uuwi.

Kumapit ako sa braso niya at inalok ko siya ng binili kong Chuckie. "Gusto mo?" tanong ko.

"Hindi na," tanggi niya. "Kulang pa sa iyo yan e!" pang-aasar pa niya.
"Ang yabang mo!" sabi ko naman.

Hinatid niya na ako sa amin. Nginitian niya pa ako bago ako pumasok sa gate ng bahay namin. Nang makauwi na nga ako, hinalungkat ko yung bag ko at kinuha ang cell phone ko. May text message pala galing kay Jerry.

"Teka lang," unang text message na nabuksan ko.
"Teka lang, nasan kna? Naglalakad na ako," pangalawang text message na natanggap ko.
"Shey, di mo talaga ako pinakinggan. Teka lng, hinahabol na kita," ang huling text message na nabasa ko.

Hay... Si Jerry talaga...

Tuesday, July 20, 2010

Hinto. Tigil.

Sa mga mambabasa (kung meron man, pati na rin sa mga nagkamaling nag-click nito),

Matitigil muna ang pagpo-post ko ng mga walang saysay na kuwento. (Haha!) Sinira kasi ni Basyang yung antenna ng Smart Bro namin. (Nandito ako sa computer shop) Abala na rin kasi ako sa gawaing pampaaralan. Kaya ayun... Pahinga na muna.

Hanggang sa muli.

anyD

Friday, July 9, 2010

Siya Na Lang Sana

"Sige na, ligawan mo na si Faith," pambubuyo sa akin ni Kuya Rodel. Sinisiko-siko niya pa ako habang tinitingnan namin si Faith sa malayo. Nasa lilim si Faith ng punong bayabas sa kolehiyong pinapasukan namin at nagsusulat sa notebook, katabi ng mga patung-patong na libro.
"Bakit ba pilit ka sa akin ng pilit kay Faith?" tanong ko kay kuya, medyo naiinis na dahil ilang buwan na rin niya akong kinukulit na ligawan ko yung kababata namin.
"Mabait si Faith, mahinhin, masipag, matalino at higit sa lahat, crush na crush ka niya!" sabi sa akin ni kuya.

Oo, alam kong na kay Faith na ang lahat ng katangiang gusto... ni kuya, pero dahil sa sinabi raw ni Faith kay kuya na malaki ang pagkagusto niya sa akin, dapat daw ako ang manligaw kay Faith.

Mabait si Faith, sobra, at masarap kasama. Tinutulungan niya ako sa mga assignment, research paper at thesis. Nakakausap ko siya kung kailangan ko ng kausap. Takbuhan ko siya pag may problema at hingian ko ng advice, pero hindi ko gusto ang tipo niya. Ang hanap ko kasi ay yung... maganda, gaya ng hinahanap ng karamihan sa mga lalaki. Pag maganda kasi ang girlfriend mo puwede mong ipagmalaki kahit kanino. Kaiinggitan ka pa ng marami. Hindi ganoon si Faith. Madalas ko siyang pinagsasabihang mag-ayos ng sarili, huwag yung puro aral na lang ang inaatupag.

"Wala ka nang mahahanap na katulad ni Faith, sinasabi ko sa iyo," pananakot pa ni kuya.
"Marami namang babae riyan," katwiran ko. "Kung gusto mo si Faith edi ligawan mo," sabi ko pa.
"Bahala ka," nasabi na lang ni kuya. Hindi niya na ako pinilit dahil nakikita niyang hindi ko talaga gusto si Faith. Kaibigan lang ang tingin ko sa kababata namin.

Nagkaroon na kami ng kani-kaniyang buhay nang makapagtapos sa kolehiyo. Nauna ng isang taon sa akin si kuya at nagpa-Maynila siya para roon magtrabaho. Si Faith ay ganoon din ang ginawa. Wala na akong nabalitaan sa kanya mula noon. Alam ko kasing labis ko siyang nasaktan nang umamin siya ng nararamdaman para sa akin noong graduation ball namin pero tinanggihan ko siya.

Nagkaroon ako ng iba't ibang girlfriend matapos, mga relasyong hindi naman nagtatagal. Siguro ay nakokonsensya ako sa ginawa ko kay Faith, at kasabay noon ay hinahanap-hanap ko rin ang magandang pagtrato niya sa akin.

Ilang taon din ang lumipas. Hindi nagawang umuwi ni kuya rito sa amin sa Quezon pero panay ang padala niya ng pera. Nang makapag-usap kami sa chat, sinabihan niya akong may balak na siyang magpakasal. Nakapag-ipon na rin naman daw siya ng sapat na pera. Uuwi raw siya sa amin para asikasuhin ang kasal dahil dito daw nila napagdesisyunang magpakasal ng nobya niya. Nainggit naman ako bigla. Buti pa si kuya ikakasal na samantalang ako wala man lang naging matinong girlfriend.

Matapos ang limang buwan mula nang magkausap kami ni Kuya Rodel, umuwi siya kasama ang girlfriend niya... na mapapangasawa niya. Hindi niya na pala kailangang ipakilala yung babae dahil kilala ko na, katunayan ay kilala na ng buong pamilya, si Faith pala. Ibang-iba na siya kaysa rati. Mula sa kayumangging balat e naging maputi na. Unat na unat ang kanyang buhok, may kolorete sa mukha, balingkinitan ang pangangatawan at seksi sa paningin kung manamit.

"Long time no see," sabi ko kay Faith. "Kumusta ka?" Naiilang nga akong magtanong kasi nasa isip ko pa rin yung pagtangging ginawa ko sa kanya noon.
"Masayang-masaya," tugon naman niya.
"Ang laki na ng ipinagbago mo," patuloy ko.
"Nadaan sa alaga ni Rodel," sabi niya.
"Congrats nga pala," pagbati ko sa kanya dahil nga ikakasal na sila.

Sa totoo lang nanghinayang ako sa sinayang kong pagkakataon. Kung di ko pinakawalan si Faith, kung hindi lang ako naging mapili, kung inuna ko pang tingnan ang kalooban kaysa sa panlabas niyang anyo... kami na siguro ang ikakasal ngayon.

Pagdamutan ninyo na itong munting akda ko. Nakaimbak na kasi ng matagal sa notes ng cp ko e.

Wednesday, June 30, 2010

Inauguration ba talaga?!

Natawa naman ako dun sa inauguration ni Pres. Noynoy..

Hindi ko malaman kung inauguration ba talaga yun o parang... nagmukha yatang concert. May nakapagsabi nga na ASAP yata yun, sabi naman ng isa nabuhay na SOP, isama mo pa ang Party Pilipinas.

Star studded kasi... ang daming artista/singers na puro ang ginawa sa umpisa e kumanta kasi raw "napaaga" ang Presidente sa pagdating na dapat e alas dose ang start ng panunumpa. Biro mo mayroon pang kumanta na may kasamang rap. Ibinida pa nila yung pagbali daw sa Filipino time na "palaging late" (kasi nga on time umalis ito si Presidente sa bahay). Aba e dapat lang!

Sabihin na nating napaaga nga ang Presidente.. e kaso puro "intermission number" naman ang ginawa ng mga singer na nandoon. Ano ba yun, para ubos oras? Ang nakakatawa pa e habang kumakanta itong mga singer na naimbitahan e itong sina Aquino at Binay e wala namang ginawa kundi magdaldalan. Di man lang nakikinig dun sa kumakanta.

Naaliw ako sa pinaggagawa nila, kaniya-kaniyang reaksyon nga ang mga tao sa bahay. Natawa na rin ako dun kay Noel Cabangon kasi mukhang napagod na yata sa pagpapasaya ng mga tao at nang banggitin niya yung pangalan ni Vice Pres Binay e hindi niya na nasabi nang tama. Ay ewan!

At yung ibinalita na itong si Presidente e kakain daw ng Japanese Food dun sa lunch at dinner niya.. Naisip ko naman na sana Filipino Foods na lang ang kainin niya kasi Pilipino naman tayo. Try niya kayang kumain ng tuyo.

Sana panghawakan niya rin yung sinabi niyang KAPAG WALANG CORRUPT, WALANG MAHIRAP.

Bueno, kung may ikinagalak man ako nang totoo... yun ay ang pagkanta ni Charice ng Lupang Hinirang. Hanep.

Sunday, June 27, 2010

GOD is GOOD

Mabait ang Panginoon. Iyan ang napatunayan ko sa naranasan ko kanina. Alam kong hindi niya ako pababayaan, pati na rin kayo.

Kagagaling ko lang sa review class nang may di inaasahang taong nag-text sa akin na nagpapaalam kung pwede raw ba akong sunduin. Pumayag naman ako kaso nagsabi ako na kung susunduin niya ako e gabi na ako makakakauwi. Sabi naman niya hihintayin niya ako.

Ilang oras din ang biyahe mula Manila pauwi sa amin. Matapos ang ilang oras na iyon ay nakarating na rin ako sa lugar namin. Ididiretso niya na sana ako ng uwi sa bahay kaso sabi ko mamaya na ako uuwi at tumambay muna kami tutal wala pa namang alas nuebe (para matagal pa kaming magkasama).

Naglalakad na kami at naghahanap ng lugar na matatambayan. Dumaan kami sa may palengke at balak pumunta malapit sa school na pareho naming pinagtatrabahuhan. Habang naglalakad, tanaw ko sa malayo ang ilaw ng isang motor na kung pagmamasdan ay ang takbo ay padiretso ang baybay sa pinaglalakaran namin. Sa aming kanan naman ay may daan din at mula roon ay may tumatakbo ring isa pang motor.

Sobrang bilis ng mga pangyayari. Ang isang motor na padiretso ang takbo at ang isa pang motor sa kanan namin ay nagsalpukan at sumadsad mismo sa harapan namin! Naramdaman ko ang bahagyang pagtulak sa akin ng kasama ko paatras para hindi masanggi ng nagsalpukan na mga motor. Natulala ako dahil kaunting-kaunti na lang ay masasagi na kami ng nagsalpukan na mga motor. Isa pang inalala ko ay ang kasama ko dahil baka nasaktan siya. Salamat sa Diyos dahil wala sa aming dalawa ang nasaktan.

Kitang-kita ko mismo ang pagkatumba ng mga sakay ng motor. Ang lulan ng motor na padiretso ay natumba, gayundin ang dalawang lulan ng motor na nanggaling sa aming kanan. Naipit pa ang isang sakay. Hindi ko alam kung ano ang ikikilos ko kasi ngayon lang ako nakasaksi ng ganun, na kung nagkataon ay kasama rin kami sa mga nahagip ng motor.

Kinuha ng kasama ko ang kamay ko at dinala ako sa isang tabi.

"Ayos ka lang?" tanong niya sa akin.
"Kaunti na lang, pati tayo mababangga ng motor!" Mula sa likuran ay niyakap niya ako. "Wag mo nang pansinin."

Nilingon ko pa ang mga natumbang sakay ng motor. May mga taong lumapit sa kanila. "Hindi ba natin tutulungan?" tanong ko.

Nagtuloy-tuloy na kami ng lakad. "Huwag na tayong magpa-involve diyan," sabi niya.

Habang naglalakad ay nakatulala pa rin ako, iniisip na kung sumadsad pa ang mga motor ng ilan pang pulgada ay damay na kami sa aksidente.

"Huwag mo nang isipin yun," sabi niya sa akin. "Habang nandito ako, safe ka." Lumuwag ang pakiramdam ko dahil sa sinabi niya.

Saturday, June 19, 2010

Mamimiss Ko Ang Hotdog Mo

Dalawang buwan na pala ang lumipas mula nang mag-break kami ni Eric. Aaminin ko, masakit. Gabi-gabi umiiyak ako. Naaalala ko yung mga panahong magkasama kami, lalo na pag Sabado. Yun na lang kasi ang araw na puwede kaming lumabas gawa ng pareho kaming abala sa trabaho.

Dalawang taon din ang itinagal ng relasyon namin, kaya nga sobrang sakit marinig mula sa kanyang ayaw niya na sa akin kasi may iba na siyang mahal. Alam kong wala akong laban kasi magkasama sila sa trabaho. Iyon pa nga yung babaeng kinukuwento niya sa akin noon.

"Alam mo mhe, madalas akong ilibre ni Celine ng lunch. Nakakatipid nga ako e," may halong biro niyang sinabi sa akin noon... at ngayon sila na pala.

Habang nakahiga ako sa kama at nagmo-moment, iniisip ko yung mga masayang pagsasama namin. Naalala ko yung pamamasyal namin sa SM, paghiga sa damo ng Luneta, at higit sa lahat, ang pagkain namin ng hotdog.

Naging paborito ko lang naman yung hotdog mula nang bumili si Eric sa isang stand sa seaside ng MOA at sinubuan niya ako. Noong una naiilang ako, pero sa paglabas-labas namin, nasanay na rin ako. Ang sweet niya kasi pag sinusubuan niya ako ng binibili niyang hotdog on stick, minsan corndog, tapos pinupunasan niya yung bibig ko kapag nalagyan ng catsup o mayonnaise.

Nakahiga ako ngayon sa kama at umiiyak. Alam mo kung bakit? Kasi nakita ko si Eric. Sabado, pumunta ako sa seaside sa MOA at nagmuni-muni. Di inaasahang makikita ko siya roon. Paniguradong hindi niya ako napansin dahil sa dami ng tao. Nandoon siya sa lugar na madalas naming paglagian, kasa-kasama ang babaeng tinutukoy niyang si Celine na ipinalit niya sa akin. Alam kong siya yun kasi kasama siya ni Eric sa primary photo sa Facebook.

Nakita ko nga si Eric. Bumili siya ng hotdog on stick sa stand na binibilhan namin noon. Pagkatapos, tinabihan niya si Celine. Nalungkot ako at umalis na lang nang makita kong sinubuan niya si Celine ng hotdog... parang yung ginagawa niya sa akin noon. Nakita ko pa ang tawanan nila nang malagyan si Celine ng mayonnaise at pinahid ni Eric iyon ng panyo niya.

Sunday, June 6, 2010

Mayonnaise

Steamed tilapia ang ulam namin. Simpleng ulam pero masarap para sa akin. Nawiwirduhan ka ba? Hindi ka pa siguro nakakatikim nun.

Ayos na sana ang pagkain ko kaso naalala kong kailangan pala ng sawsawang mayonnaise para sumarap ang putaheng ito na una kong natikman nang hainan kami ni tito noong buhay pa siya. Nagbakasyon kasi kami sa kanila noon at dahil mahilig siyang magluto, iyon ang ipinatikim niya sa amin.

Binuksan ko ang ref namin, wala akong nakitang mayonnaise. Kumuha na lang ako ng pera sa pitaka ko at lumabas para bumili ng mayonnaise na nasa pack. Kaso paglabas ko, sarado na yung tindahang malapit sa amin. Lagpas alas nuebe na kasi. Wala akong ibang choice kundi ang bumili sa tindahan sa kabilang kalye kasi paniguradong madaling-araw pa iyon magsasara.

Nag-isip ako. Ayoko kasing bumili dun kasi baka si Sungit yung nagtitinda. Sino si Sungit? Siya yung binatilyong kapatid ng may-ari ng tindahan na hindi ko alam ang pangalan kaya Sungit na lang. Bakit Sungit? Sa tuwing bumibili kasi ako sa tindahan nila parang lagi siyang galit. Pag nagpapa-load nga ako, ang laging sagot e "WALA." Pero dahil yun na ang sunod na malapit na tindahan, pinuntahan ko na lang.

Nang makarating ako sa tindahan, walang tao. "Pabili po," sabi ko, at kung mamalasin ka nga naman, si Sungit yung lumabas.

"Ano yun?" tanong niya. Nakakatakot ang boses niya.

Natanaw ko na yung kailangan kong Lady's Choice mayonnaise. Nasa kaliwang gilid ng kinatatayuan ni Sungit yun, naka-thumb tacks sa sinasabitang cabinet kasama ang ilan pang tinda.

"Mayonnaise nga, yung maliit," sabi ko.

Sige hanap naman si Sungit kung nasaan ang mayonnaise. Pansin ko ngang natatagalan na siya sa paghahanap.

"Nasaan ba?" tanong niya sa akin. Sa totoo lang, nasa harap niya na nga yung hinahanap niya.
"Ayan o, sa tabi ng Bear Brand," sagot ko. Nang makita niya yun, tinanggal niya na sa pagkaka-thumb tacks yung binibili ko. "Alam mo kuya, kung ahas lang iyan kanina ka pa natuklaw," pagbibiro ko.

Higit na kagulat-gulat... sa unang pagkakataon e nakita kong ngumiti si Sungit at lumabas ang dimple niya sa kanang pisngi. May dimple pala siya. Naku-cute-an pa naman ako sa mga taong may dimple.

Binigay niya na sa akin yung binibili ko at inabot ko naman ang bayad ko. Pagkabigay ng sukli, naglakad na ako pauwi.

"Marunong din naman pala siyang ngumiti," isip ko habang naglalakad ako.

Tuesday, May 25, 2010

Para sa Kuya kong Ungas

Nananahimik ako pasimula ka na naman. Pasalamat ka ikaw panganay, kasi kung ako nang panganay durog mukha mo sa akin. Yabang mo kala mo dami mong alam. Ni hindi ka nga makakuha ng perfect score sa exam. Pati tatay natin kinatalo mo. Paborito ka nga nun, tapos ano? Napagalitan ka lang pinagmumura mo na nang talikuran.

Noong maliit pa tayo kinakabayuhan mo raw ako sabi ni mama. Noong elementary kahit minsan hindi kita naging tagapagtanggol nung may kaaway ako. Nung high school pati classmate ko gusto mong ligawan. Buti na lang basted ka kaagad dahil sa akin.

Pag umuuwi si papa, ang bait-bait mo. Pakitang tao ka kasi, gusto mo purihin ka, sipsip ka pa kaya ang dami mo laging pasalubong. Si mama naman kumakampi sa iyo. Pag sumasagot kami sa iyo sasabihan kaming bastos, kasi ano? Kasi panganay ka. Laking privilege nun sa iyo. Ano ba ang bonus mo?

Libre bugbog kami pag naaasar ka. Yung bunso ang daming pasa dahil sa iyo, ang puti pa naman nun! Pag naunahan ka mag-computer pinipitik-pitik mo pa mga kapatid natin. Ako nga dati may libreng black eye kasi sinuntok mo ako sa mata purkit nauna lang ako gumamit ng computer. Kasalanan ko bang pahuli-huli ka? Palagi ka kasing nakahiga.

Ano pang bonus mo? Libre batok kami sa iyo pag naiinis ka. Minumura mo kami kala mo ikaw nagpapalamon sa amin. Tinapunan mo pa nga ako ng kape. Ano pa? Nirereklamo mo palagi yung hugasan e kung yung inireklamo mo inihugas mo na lang ng hugasan edi sana natapos na. Dada ka kasi nang dada. Ano pang ginawa mo sa akin? Nung nakatalikod ako kasi hinugasan ko na yung inirereklamo mong hugasan binato mo ako nung de-gulong na computer chair natin. Natamaan ako sa ulo. Alam mo ba kung gaano kasakit yun? Paano kung ma-bobo ako, matulad ako sa iyo, edi kawawa naman ako. Pag gagantihan ka lagi kang tumatakbo papunta sa kuwarto mo. Duwag kang leche ka. Ilang beses na akong lumayas kasi masama loob ko sa iyo. Tapos ano? Ako pa yung sasabihang bastos at masama ang ugali kasi pinapatulan kita. Pag ako yumaman ipapa-sniper kita.

Pag sa ibang tao mabait ka, pag sa amin hindi. Pag may dumadalaw sa akin sa bahay kung makalait ka kala mo ang gwapo mo. Sana nga mag-asawa ka na para bumukod ka rito sa atin. Naku kung dito mo ititira yang mapapangasawa mo sasabunutan ko iyan!

Ang malas ko nagkaroon ako ng kapatid na kagaya mo, puwede namang kaming tatlo na lang. Kaso sabi ni mama kung di ka lumabas, di rin kami lalabas. Sabi nga ng kapatid nating babae sana raw nung maliit ka pa namatay ka na lang e. Kasi di ba pre-mature ka nun tapos yellow baby ka pa. Masuwerte ka talaga kasi nabuhay ka pa, tapos ano? Sa ginagawa mo parang kami yung gusto mong patayin.

Pati sa kusina naghahari-harian ka. Palibhasa kasi HRM tinapos mo kaya pakiramdam mo ikaw bida sa kusina, kaya nga tawag namin sa iyo "CHEF". Pag nandun ka sa kusina pinapaalis mo ako. Bakit, masama bang kumain sa lamesa? Magluto ka naman ng itlog maalat. Pag sinisita ka ni mama sa luto mo nagagalit ka. Minsan nga ayoko nang kumain nung niluluto mo kasi baka lasunin mo ako. Pero walang magawa, laman tiyan din iyan.

Nung pinabuhat ka ni mama ng galon ng inumin kasi may nag-deliver sabi mo ako na lang magbuhat. Wala ka namang ginagawa panood-nood ka lang ng TV. Palipat-lipat ka pa ng channel, nahihilo ako sa iyo.

Ni ayaw ka ngang halikan ng mga kapatid natin. Wala ka kasing lambing sa katawan. Ni sa simbahan nga ayaw kang makahawakang-kamay sa Ama Namin.

Pag wala ka sa bahay ang tahimik namin; pag nandiyan ka na parang may World War, sigawan nang sigawan. Napaka mapang-asar mo kasi. Pag ikaw naman inaasar numero uno kang pikon.

Naalala mo ba nung pinagbabato mo kami ng kapatid nating babae ng lahat ng mahawakan mo nung nasa higaan kami kasi nainis ka na lang bigla? May shield kaming unan para di ka matamaan. Nung binato kita ng isang hanger tapos tinamaan ka sa tainga lalo kang nagalit. Isa lang naman yung binato ko, kasalanan ko ba kung nung tinitira mo kami di kami natatamaan? Naalala mo pa ba nung hinampas mo na lang bigla yung likod ko ng monoblock na upuan kasi nagbabalot ako ng notebooks at nainis ka kasi nakaharang ako, katwiran mo dadaan ka? Hindi ako makagalaw dahil sa sakit. Nagkaroon pa nga ng sugat yung likod ko dahil sa ginawa mo. Naalala mo ba nung nilagyan mo ng password yung computer para di ako makagamit at nung malaman ko yung password e pinalitan ko yun para ikaw naman ang hindi makagamit? Pinaghahampas mo nga ng monoblock na upuan yung pinto ng kuwarto ko kasi nagalit ka nung pag type mo ERROR ang lumabas.

Ang hilig mo pang manira ng gamit. Electric fan ko tinadyakan mo. Natawa nga ako kasi pagsipa mo nadulas ka kasi nilalampaso ni mama yung sahig. Remote ng TV pinagdiskitahan mong sirain. Pati computer kinakalas mo pag naiinis ka tapos ia-assemble mo uli. Timang ka yata e!

Galit na galit ako sa iyo. Kahit kailan di na kita makakasundo, itaga mo sa bato iyan. Magkakaroon ng delubyo pag nangyaring magkabati tayo. Mabibiyak ang lupa at isa sa atin lalamunin pero siguradong hindi ako yun. Kung mababasa mo man ito... masuwerte ka kasi bihira lang akong mag-dedicate para sa ibang tao.

Hindi ko kayang lumaban ng pisikal at alam kong umuurong ka na rin at di ka makaimik pag umiiral na yung bibig ko kasi di mo kaya yung mga salita ko. Ang masasabi ko BWISIT KA. Lahat ng mura imumura ko na sa iyo pati yung mga di pa naiimbento. Masama na ugali ko kung masama pero kumpara naman sa ating dalawa mas masama ang ugali mo.

Pero kung may ipapasalamat man ako sa iyo... iyon ay ang pagluto mo ng barbecue nung debut ko. :I

Sunday, May 23, 2010

Computer Shop

"Hinding-hindi na ako pupunta sa computer shop kahit kailan!" pangako sa akin ni Ronnel matapos ko siyang sagutin pitong buwan na ang nakalilipas. Sa isang computer shop sa lugar namin nag-krus ang mga landas namin. Mahilig kasi siyang maglaro ng online games samantalang ako e madalas na bumibisita para mag-search sa internet.

Naalala ko pa noon magkatabi kami ng unit ng PC. Rinding-rindi ako sa ingay nila ng mga kaibigan niyang sigawan nang sigawan. Dahil hindi ako maka-concentrate sa paghahanap ng gusto kong hanapin sa internet e tumayo ako at pinindot ang power button ng unit niya.

Nagulantang siya nang gawin ko iyon, "Hey Miss! Bakit mo pinatay?!"

"Ang ingay mo e! Puwede namang maglaro ng tahimik, di ba? Nabili ninyo ba itong shop? Di lang kayo ang tao rito oi!" pagtataray ko. Pinagtinginan ako ng mga kasama niya. "O ano? Gusto ninyo i-off ko rin iyang mga PC ninyo?" pananakot ko. Awa ng Diyos tumahimik sila.

Nang paalis na si Ronnel, kinalabit niya ako. "Miss, anong number mo?"

"At bakit?" pagsusungit ko.
"Kasi may kasalanan ka sa akin. Pinatay mo yung PC habang naglalaro ako kaya ang bayad doon e yung number mo," sagot niya.
"E kung ayaw kong ibigay?" tanong ko.
"Edi hindi mo na makukuha itong USB mo." Pag tingin ko sa port wala na ang flash drive ko at hawak niya na yun.
"Akin na iyan!" sabi ko sa kanya.
"Number mo muna," kondisyon niya.

Nang ibigay ko ang number ko, doon na nagsimula ang lahat, at umasa rin ako sa pangako ni Ronnel na hindi na siya magbababad sa computer shop. Pero, sa loob ng pitong buwang iyon, hindi natupad ni Ronnel ang pangakong binitiwan niya.

"Lang hiya ka!" sigaw ko sabay hampas ng shoulder bag sa ulunan ni Ronnel nang makita ko siya sa computer shop. Sabi niya kasi sa akin kagabi susunduin niya ako sa school kinabukasan pero ilang oras na ang lumipas e wala pa rin siya kaya umuwi na lang ako mag-isa.

Ngingiti-ngiti pa ang mokong habang nakaupo. Napawi ang ngiti niya at nagulat nang makita ako. "Bebe!" sambit niya.

Inis na inis ako kasi nabali na naman yung pangako niyang susunduin ako, pero ang mas ikinainis ko e nung hindi man lang siya natinag at bumalik uli ang tingin sa monitor, at sinabing, "Teka, last game na."

Matapos matuwa dahil natalo niya na yung kalaban niya e nag-quit na si Ronnel, tinanggal ang headset na nakasuot sa kanya, nag-out at nag-abot ng bayad na singkwenta pesos kay Kuya Dave.

"Maaga uwi ninyo ngayon?" tanong niya pa sa akin.
"Alas sais na! Alas kuwarto uwian!" pagalit na sinabi ko.
"Ay alas sais na ba?" tila nagulat pa siya at nakuha pang tumingin sa nakasabit na orasan.
"Nagbabad ka na naman sa computeran!" yamot na sabi ko habang lumalabas at itinulak ko ang salaming pinto.

Napakamot ng ulo si Ronnel sabay sabing, "Sabi ko kasi kay Kuya Dave 30 minutes lang e!"

"Leche! E pang 3 hours promo nga yung binayaran mo!" Kulang na lang umusok ang ilong ko dahil sa sobrang galit.
"Di ko naman alam na naka-open time pala. Sabi ko kasi talaga kay Kuya Dave half hour lang," dahilan ni Ronnel.

Huminto muna kami sa labas ng computer shop. "Alam mo bang kanina pa ako hintay nang hintay dun?" mangiyak-ngiyak na tanong ko dahil nakalimutan na naman akong sunduin ni Ronnel. Hindi siya nakapagsalita. "Alam mo ba kung anong araw ngayon?" pagpapaalala ko sa kanya.

"Biyernes," sagot ni loko na ewan ko ba kung namimilosopo.
"Oo! Biyernes! 25! Wala ka bang naaalala?" tanong ko.

Natauhan si Ronnel. "Ay, oo nga pala!" sabi niya. Ang buong pag-aakala ko maaalala niya nang 7th monthsary namin ngayon pero bigla niyang sinabing, "May tournament pala kami mamayang 8 pm. Mananalo raw ng isang libo. Last na talaga ito, bebe ko, hinding-hinding-hindi na talaga ako pupunta sa computer shop."

Lalo akong nainis kaya iniwan ko na siya. Arrgh! I hate this day! Bakit ba ako nagkaroon ng boyfriend na ganito? Nagsisisi talaga ako kung bakit ko pa siya sinagot.

Wednesday, May 19, 2010

100 Messages

Over 100 messages na yung na-save kong text messages niya. Di ko pa yun binubura kasi ayoko sanang mawala yung alaala niya sa akin. Naka-store sa saved items sa phone ko at may sariling folder yung messages niya para pag nami-miss ko siya madali kong mahahanap kung ano yung gusto kong basahin.

Dati nung kaunti pa lang yung messages na nase-save ko paulit-ulit ko pang binabasa yun. Bilang ko pa kung ilang "good morning", "good night", o "labshu" yung sinabi niya. Pati yung padala ng smart na message nung load na pinaload niya naka-save rin. Maski nung nagkamali siya at tinawag niya ako dun sa tawag niya sa ex niya sinave ko. Natawag niya nga rin akong "kuya". Katwiran niya nagkamali siya ng send kasi ako lang naman yung palagi niyang nakakausap. Nung huling araw na nakatanggap ako ng text message na galing sa kanya sinave ko na lang lahat, kaya ayun over 100 na yung naka-save.

Last time na binuksan ko yung folder na nakapangalan sa kanya, sinubukan kong basahin yung mga message na pinadala niya. Binalikan ko lahat, yung mga good morning na sinabi niya, yung mga good night, yung mga labshu at I love you na sinabi niya, yung sinabi niyang hindi niya ako iiwan, yung sinabi niyang miss niya na yung boses ko, yung sinabi niyang naka 36 out of 40 siya sa quiz, yung pinangako niyang magbu-burn siya sa CD ng full version ng Plants vs. Zombies para sa akin, yung sinabi niyang pag graduate niya ililibre niya ako ng ride-all-you-can sa Star City, lalo na yung sinabi niyang mahal niya rin ako.

Hindi pa ako nangangalahati pinindot ko na yung cancel. Hindi ko na kayang basahin yung messages niya. Nasasaktan lang ako pag naaalala ko pa yung panahong masaya pa kami, bago pa niya ako sinabihan ng BYE, bago ko pa siya binitiwan ng salitang PAALAM, at bago pa kami tuluyang magpaalam sa isa't isa.

Ang hirap naman, sinusubukan ko na ngang maging masaya pero ilang pindot lang bumalik na naman yung sakit. Ayoko nang umiyak pero automatic na yata yun lalo na pag nababasa ko yung pangalan niyang naka-store pa rin sa phone book ng cell phone ko.

Monday, May 17, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (Ang Pagwawakas)


LAILA
JANINE
EVE
ALDEN
DAN
JOMARI

ooo
BIANCA


Madilim ang paligid. Patay na ba ako? Sana... sana hindi pa! Pero paano... paano kung patay na nga ako? Ano ba ang pakiramdam nun? Ayaw ko! Hindi pa ako handang mamatay!

"Bianca! Bianca!" Naririnig kong pagtawag sa akin. Kanino ang boses na yun? "Bianca! Bianca, gising!"

Pagkatapos ay liwanag. Nabigla ang katawan ko at mula sa pagkakayuko sa armchair ng upuan ko ay napamulat ako at napabangon ako. "Huh? Nasaan ako?" tanong ko pa. Nakarinig ako ng pigil na pagtawa. Tiningnan ko ang paligid. Si Jomari katabi ko.

"Mag qu-quiz na tayo!" sabi niya.
"Ha? Quiz?" nataranta akong kumuha ng papel, kasunod noon ay pagtawa ni Jomari.
"Joke lang! Mag-uuwian na uy!" sabi niya.

Binigyan ko siya ng masamang tingin. "Kaasar ka ha!"

"Sleeping in class again, Ms. Devaras?" nakangiting sabi sa akin ni Jomari, tila nang-aasar pa.

Nasa loob pala ako ng classroom. Ang naaalala ko bago pumasok si Mr. Almeda may binabasa ako. Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Nakakaantok kasi yung boses niya. Buti na lang sa likod ako nakaupo kaya hindi ako gaanong napansin. Tinapik-tapik ko ang mukha ko. Buhay pa ako. Hinawakan ko ang leeg ko, hindi naman masakit. Tiningnan ko pa sa salaming kinuha ko mula sa bag ko, wala namang marka.

"Anong ginagawa mo?" pagtataka ni Jomari.
"A wala," sagot ko.
"Himbing ng tulog mo. Biro mo isang buong period na two hours tinulugan mo," naka-ngiting aso pa ang loko. "Tapos mo na bang basahin?" tanong niya sabay nguso sa armchair ko.

Tumingin ako sa armchair at nakakita ng isang manuscript na ang pamagat e "Mamamatay Na Ako... Bukas!" sa panulat ni Jude Perez, pinsan ni Jomari. Oo nga pala, ito yung binabasa ko kanina. Pinababasa pala ito ni Jude sa akin at hinihingi niya ang opinyon ko kung ayos ba ang isinulat niya, kung may gusto ba akong idagdag o ibawas sa gawa niya dahil may balak siyang magpasa sa isang publisher.

"Hindi ko pa tapos basahin," sabi ko kay Jomari.
"Sasabihin ko ba kay Jude na nakatulog ka habang binabasa mo iyan?" tanong niya.

Nasa reyalidad na nga ako. Alam ko yung dahil sa inaraw-araw na ginawa ng Diyos, lagi akong inaasar ni Jomari.

"Uy Jom, wag ka ngang ganyan. Puyat lang talaga ako at nakakaantok si Sir, pero hindi naman ako inantok sa pagbabasa ng gawa niya," sabi ko.
"Aruuuuuuu... Ba't masyadong defensive?" pang-aasar ni Jomari.

Naputol ang pag-uusap namin nang magpaalam na ang professor namin, "Goodbye." Kasabay nun ay ang paglabas namin para sa uwian.

"Ano Bianca, ok ba yung sinulat ko? What do you think?" tanong ni Jude nang katagpuin namin siya dahil uuwi na kami nang sabay-sabay.
"Ay naku Jude, wag mo nang tanungin si Bianca. Walang isasagot iyan. Paano kasi nakatulog kanina iyan habang binabasa yung sinulat mo. Buti nga hindi niya nalawayan," sumbong ni Jomari.

Tila nagtampo si Jude, "Awwww... Ganun kasama?"

Pinagsabihan ko si Jomari, "Alam mo ikaw Jomari, kahit kailan talaga kontrabida ka sa buhay ko!" Tapos ay si Jude, "Jude, maigi pa, alam mo, yung characters mo rito dagdagan mo. Hindi ba't sina Laila, Janine, Eve, Alden at Dan lang ang nandito? Mas maganda kung baguhin mo yung story at samahan mo ng Jomari na kontrabida. Ganito, may pinsan si Jomari, si Jude yun at nagpapanggap siyang nakaka-predict ng kamatayan ng tao at ang victims niya ay yung characters mo rito, pero ang totoo e kakuntsaba siya ni Jomari sa pagpatay. Si Jomari yung pumapatay para matupad daw yung pekeng hula. Kaya niya naman ginagawa yun kasi may atraso raw yung magbabarkada sa kanya at iniisa-isa niya sila. Then, isama mo na rin ako as a character at ako yung nakatuklas ng lahat tungkol kay Jomari, and in the end itong si Jomari may balak akong patahimikin at pagsamantalahan. Hindi na siya killer, rapist pa, para mas lalong mainis yung readers!"

Napanganga ang magpinsan dahil sa sinabi kong bagama't mabilis e malinaw.

"Ano? Bakit tameme kayo riyan?" tanong ko sa kanila. Sa totoo lang hiningal ako.
"Brilliant! That is very brilliant, Bianca!" sambit ni Jude.

Napangiti naman ako dahil dun. "Talaga?"

"Oo! Sobra! Bakit hindi mo ako tulungang magsulat?" mungkahi ni Jude.

Nabigla ako, "A, ako magsusulat?"

"Sige na Bianca, pampalubag-loob mo na lang yun kay Jude kasi nakatulog ka habang nagbabasa," pamimilit ni Jomari na sinundan ng nakakainis na pagtawa.
"O siya, siya, sige, para wala nang masabi yung isa diyan," pagpaparinig ko.
"Sige, babaguhin natin ang story. Thanks sa ideas, Bianca," pasasalamat ni Jude. "Saan mo pala nakuha yun?" tanong niya.

Blangko ang utak ko. "A napanaginipan ko? Sa tingin ko..." sabi ko na lang.

Pinagtawanan ako ni Jomari, "Ahahaha! Antukin! Tulo laway!"

"Shut up!" sabi ko sa kanya.
"So ako na talaga ang gagawin ninyong kontrabida riyan?" tanong ni Jomari, parang gustong-gusto niya talaga ang ganoong role.
"Ok lang ba, Jom? Sa story ka lang naman kontrabida e. Sa totoong buhay naman ikaw yung bidang umiikot sa buhay ni Bianca," panunukso ni Jude. Kiniliti niya pa ako sa tagiliran. Akala niya naman kikiligin ako.

Pumayag na ang loko, "O sige na nga. Tutal sabi ni Bianca rapist daw ako, dapat sa story re-rape-in ko siya. Hahahaha!"

"Ang manyak mo. Bwisit!" sabi ko naman sa kanya. Nagtawanan ang magpinsan. Naglakad na kami pauwi.

Si Jude. Kababata ko siya, oo. Pero sa totoong buhay hindi siya nakakakita ng mga multo, o nakakapredict ng kamatayan ng tao. Simpleng mag-aaral siya na mahilig magsulat ng mga kuwento. Balak niya ngang mag-submit ng kuwento sa publisher. Ito nga yung pagtutulungan naming gawin, yung Mamamatay Na Ako... Bukas!

Si Jomari. Pinsan siya ni Jude at kababata ko rin. Totoong nagsasama ang pamilya niya at ni Jude sa isang malaking bahay na pamana ng lolo at lola nila, at sa tapat namin sila nakatira. Masayahin siya at hilig talaga akong asarin mula pa noon. If I know crush na crush niya ako kaya siya ganun sa akin.

Sina Laila, Janine, Eve, Alden at Dan. Mga tauhan sila sa kuwentong ginawa ni Jude. Masyado siguro akong na-hook sa isinulat niya kaya pati sa panaginip ko nasama sila. Buti na lang talaga nagising ako... salamat kay Jomari na kahit sa paggising ko e pinag-trip-an ako.

Habang naglalakad kami, tinanong ako ni Jomari, "Bianca, kanina ba nung natutulog ka, may narinig ka bang sinabi ko?"

Nawirduhan ako sa kanya, "Huh? E paano ko naman malalaman kung anong sinabi mo e tulog nga ako nun? Ikaw talaga di ka nag-iisip."

"Hindi, malay mo, di ba, baka nasama na rin sa panaginip mo yun? Nangyari kasi sa akin yun. Nung nakaraan nga alam ko pinag-uusapan nina mama yung uulamin naming bangus. Naririnig ko kasi sila kahit tulog ako tapos nanaginip ako na ang ulam e bangus, ayun paggising ko, yun nga yung ulam."

Napaisip ako. "Nasama sa panaginip ko?"

Mahal kita, Bianca...

"Wala e! Ang alam ko lang ginigising mo ako kanina," sagot ko.
"Di bale na nga," sabi ni Jomari tapos ay naging tahimik na lang siya bigla.

Ilang minuto ang lumipas at nakarating na kami sa amin. "Love you, Bianca," sabi ni Jomari bago ako pumasok sa gate. Tinawanan siya ni Jude. "O bakit? Seryoso ako dun," sabi niya sa pinsan niya. Napailing na lang ako.

Pag-uwi ko sa bahay, dumiretso ako sa silid ko, naglapag ng gamit at pumuwesto ako sa study table. Nag-iisip ako kung paano sisimulan ang kuwentong gagawin namin ni Jude. Sinubukan kong i-recall ang panaginip ko pero kaunti na lang ang naaalala ko. Ilang sandali pa'y nakapagsulat na rin ako.

Pito kami sa barkada: si Laila, Janine, Eve, Alden, Dan, Jomari at ako —si Bianca. Sa maniwala kayo't sa hindi, apat na ang nalalagas sa amin matapos nilang magpunta sa isang bulung-bulungang manghuhula raw sa University. Hindi nito hinuhulaan ang love life mo o kung ano ang magiging career mo in the future, kundi ang petsa ng kamatayan mo at paano ka mamamatay.

"Puwede na sigurong simula yun," sabi ko sa sarili.

Sa kasarapan ng pagkausap ko sa sarili, tumunog ang cell phone ko at nakatanggap ako ng text message galing kay Jomari.

"Mahal kita, Bianca. Yan yung sinabi ko kanina," sabi sa mensahe.

Napangiti ako. Nakita ko nga ang ganoong eksena sa panaginip ko. Magre-reply ba ako? O sige na nga, pero kung anumang ire-reply ko... hindi ko na sasabihin sa inyo kung ano. :p

...WAKAS...

Sunday, May 16, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (6)


LAILA
JANINE
EVE
ALDEN
DAN

ooo
JOMARI


Sabay-sabay kaming lumaki nina Jude at Jomari. Kababata ko sila. Laging kinatatakutan si Jude dahil sa mga hula at pangitain niya. Hindi siya kinakaibigan ng iba kasi nagdadala raw siya ng sumpa. Si Jomari ang tagapagtanggol ni Jude sa mga hindi naniniwala sa kanya. Ngayon, ibang Jomari na ang nakikita ko. Iba ang Jomari na kasama ko sa malamig na silid na ito sa Jomari na kilala ko noon.

Nagbigay siya ng nakakalokong ngiti. "Paano mo nalaman ang tungkol doon?" tanong niya sa akin. "Wag mong sabihing kagaya ka rin ng pinsan ko na nakakakita ng mga pangitain?"

Ipinagtapat niya sa akin ang lahat. Sapat na ang mga sinabi niya para kasuklaman ko siya.

Si Laila. Noon ay kaibigan lang ang turing niya rito pero dahil matalino si Laila, hinangaan niya ito nang lubos. Isang araw e nagpaturo siya sa isang subject na hirap siya. Pumunta siya sa bahay nina Laila at dahil walang iba tao, may nangyari sa kanilang dalawa.

Sinubukang suyuin ni Jomari si Laila sa pag-aakalang gusto siya ng kaibigan namin pero ang isinagot ni Laila?

"Gusto ko lang namang malaman kung ano ang pakiramdam kaya sinubukan ko pero di ibig sabihin nun e gusto na kita. Sorry, Jomari pero hindi ikaw ang priority ko."

Matagal na raw na nangyari yun pero dinamdam iyon masyado ni Jomari dahil masyadong naapakan ang pagkatao niya. Sa kabila noon, hindi niya ipinakita sa lahat na masama ang loob niya kay Laila.

Si Janine. Play girl siya kung ituring ni Jomari. Nakipag-inuman siya noon kina Janine at Eve sa isang bar. Naunang umuwi si Eve kasi sinundo siya ni Alden, at naiwan sina Janine at Jomari na magkasama. Imbis na sa kani-kaniyang bahay tumuloy, sa ibang lugar pumunta ang dalawa. Nang mag-umaga, pag gising ni Jomari ay wala na si Janine sa tabi niya. Nang magkaroon ng pagkakataon na makapag-usap ang dalawa, ang sinabi ni Janine,

"A ikaw ba yung kasama ko kagabi? I thought it was some other guy. Oh well, Jomari, kung anumang nangyari sa atin kagabi kalimutan mo na. Lasing lang ako nun. It happens all the time. Wag kang mag-alala, wala namang ibang makaaalam nito. Ayokong mapahiya sa mga kaibigan natin."

Si Eve. Sa kanya patay na patay si Jomari. Ipinadrawing pa nga niya kamakailan lang ang mukha ni Eve kay Jude. Sabi niya nagkaroon noon ng matinding away sina Eve at Alden, at si Jomari ang nilapitan ni Eve. Siya ang nag-comfort sa rito. Lingid sa kaalaman ng lahat na nagkaroon ng relasyon sina Eve at Jomari. Ipinadama ni Jomari kay Eve ang tunay na pagmamahal. Ibinigay din niya ang "kaligayahan" na hindi naranasan ni Eve kay Alden. Sabi raw ni Eve ay makikipag-break na siya kay Alden pero hindi iyon ang nangyari.

"Oo, pinaligaya mo ako pero hindi ko puwedeng isuko si Alden nang ganun na lang. Puwede bang dalawa muna kayo sa buhay ko?" sinabi ni Eve sa kanya noon.

Ganoon pala ang kuwento. Sabi ni Jomari masyado siyang nasaktan, na masyadong natapakan ang pagkalalaki niya. Tatlong babae, mga kaibigan pa man din namin, ay ginawa siyang basura.

"Ngayon, sabihin mo sa akin, Bianca, ako ba ang may kinuha sa kanila? Hindi ba't sila ang may atraso sa akin? Sobra na akong sumabog. Gusto ko silang patayin lahat dahil sa mga ginawa nila sa akin pero kumukuha lang ako ng tiyempo," sabi ni Jomari.
"Hindi pa rin sapat na dahilan yun para gawin mo sa kanila yun!" diin ko.

Inamin ni Jomari sa akin na ang hula ni Jude tungkol sa pagkamatay nina Laila, Janine, Eve, maski ang pumalpak na hula kay Alden ay hindi totoo. Kinuntsaba niya ang pinsan niya at ang sinasabi ni Jude mula noong pagkabata namin na nakakakita siya ng mga multo, maski ang pagkakatotoo ng panaginip niya, ay kasinungalingan at gawa-gawa lamang. Sinabi niya kay Jude ang plano niya kung paano niya didispatsahin ang mga kaibigan namin. Nag-iwan din siya ng note kina Laila, Janine at Eve na nakasulat sa isang pulang papel at nagsasabing, "Gusto mo bang malaman kung paano at kailan ka mamamatay? Kaya kong hulaan iyan." At sa huli ay nakalagay ang pangalan ni Jude na siyang nagpahatid daw ng mensahe at ang taong dapat lapitan sakaling interesado ka. Masuwerte namang kinagat nina Janine at Eve iyon, samantalang si Laila ay nagdalawang-isip pa pero pumunta rin kay Jude dahil sa pambubuyo nina Janine at Eve.

"Paano mo sila pinatay?" tanong ko.

Si Laila. Pinalabas ni Jude na inatake ng mad man, ng isang lasing, pero ang totoo? Si Jomari ang pumatay sa kanya. Inabangan niya si Laila magdamag at nang magkaroon ng pagkakataon, hinampas niya yun ng bote sa ulo at pinagsasaksak.

Si Janine. Siya raw ang pinaka matagal nang gustong gantihan ni Jomari. Alam niyang hindi mahigpit sa dorm nina Janine at Eve, nakakapasok ang sinumang gustong pumasok basta kilala at kaibigan ng may-ari. Nagkataong family friend nina Jomari ang may-ari ng dorm.

Nang pumasok si Janine sa banyo, siya namang dating ni Jomari. Pumasok siya sa bukas na pinto ng unit nina Eve noong kauuwi lang ng mga ito galing sa burol ni Laila.

Sinita siya ni Eve, "Jomari, bakit nandito ka? Mamaya makita ka ni Janine!"

Isinara ni Jomari ang pinto. "Ako'ng bahala," tugon niya tapos ay hinalikan si Eve.

Hindi nila pareho inaasahan na lalabas kaagad si Janine sa banyo.

"Eve... Jomari..." nakita ni Janine ang dalawa. Para hindi na makapagsalita at baka magsumbong pa kay Alden, inunahan na siya si Jomari. Tinakpan niya ang bibig ni Janine para hindi makapag-ingay, hinila niya ito papasok muli sa banyo at iniuntog ito.
"Jomari! Anong ginawa mo?" biglang-bigla si Eve.
"Ginantihan ko lang. Matagal nang may atraso sa akin iyang babaeng iyan," sabi niya.

Pinaalis siya ni Eve, "Lumabas ka na! Dali na! Alis! Ako nang bahala rito."

Si Eve. Ayon kay Jomari e pinaasa siya nito. Binigyan siya ng taning ni Jomari para makipag-break kay Alden.

"Kapag hindi ka nakipag-break kay Alden, mapipilitan akong gumawa ng hakbang," pananakot ni Jomari. Ang araw ng kamatayan ni Eve ang siyang petsa ng taning.

"Nadismaya ako, sabi niya makikipag-break na siya kay Alden. Hindi naman puwedeng dalawa kaming boyfriend niya pero anong ginawa niya? Nagpunta pa siya rito sa Tagaytay kasama ang mokong na yun! Pinatunayan niya lang na mas mahal niya si Alden," hinanakit ni Jomari.

Sinabi ni Jomari na noong magsabi si Eve na pupunta siya sa Tagaytay, sinundan niya na ang dalawa. Nag-check in din siya sa hotel kung saan sila nag-check in. Sinabihan niya si Eve sa pamamagitan ng isang text message na NAKIKITA NIYA SILA. Nang magmadaling araw, tinawagan ni Jomari si Eve.

"Lumabas ka ng room, nandito ako," sabi niya.

Lumabas si Eve na may dalang baril. Noong una'y natakot si Jomari pero alam niyang kaya niyang paikutin si Eve sa mga palad niya.

"Bakit may hawak ka niyan? Ibaba mo iyan, Eve," sabi niya.
"Tigilan mo na ako, Jomari. Pabayaan mo na kami ni Alden. Mahal ko siya, di ko siya kayang iwan!" sabi ni Eve at nakatutok kay Jomari ang baril.
"Wala akong masamang intensyon. Nasaan si Alden?"
"Tulog na,"
sagot ni Eve.
"Puwede bang pumasok muna tayo?"

Patalikod na pumasok si Eve sa loob ng silid habang nakatutok kay Jomari ang baril.

"Narito ako para magpaalam. Hindi na kita guguluhin. Alam ko at tanggap kong talo ako kay Alden," sabi ni Jomari.

Sa puntong iyon ay ibinaba ni Eve ang baril, sapat para maagaw ni Jomari at iputok ito sa kanya. Bumagsak si Eve.

Si Alden. Siya naman talaga ang puntirya ni Jomari at sabi niya tatanga-tanga si Dan kasi kinain niya ang pagkaing di para sa kanya. Siya tuloy ang nalason.

"Pero bakit... bakit hindi man lang nakita ang finger prints mo sa kahit na anong ebidensya o walang bakas mo sa eksena ng krimen?" tanong ko.
"Pag ikaw ba gagawa ng krimen, papayag kang mahuli kaagad? Mag-iiwan ka ba ng ebidensya para ikaw ang paghinalaan at makulong? Gumamit ako ng gwantes para walang bakas ng finger prints. Malinis akong mag-trabaho, Bianca," nagmamalaki pa niyang sinabi.

Hindi ako makapaniwala sa nalaman ko. Sana nga isang masamang bangungot lang ang lahat ng ito. Sana magising ako at makita ko pa ang mga kaibigan ko... lahat sila buhay at humihinga pa. Sana...

Tinabihan ako ni Jomari sa kama. Hinimas-himas niya ang buhok ko. "Ikaw Bianca, alam mo ba kung kailan at paano ka mamamatay?" tanong niya sa akin.

"Hindi! Pero sige, kung gusto mo akong patayin... Kung mamamatay man ako, huwag BUKAS! Sige na, ngayon na!" paghamon ko sa kanya.

Akala ko hindi tototohanin ni Jomari. Akala ko hindi niya papatulan ang hamon ko. Akala ko maaawa siya sa akin... pero hindi. Sinakal niya ako at nakita kong dumilim ang paligid ko.

ooo

BIANCA

Saturday, May 15, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (5)


LAILA
JANINE
EVE
ALDEN

ooo
DAN


Labinlimang minuto makalipas ang hatinggabi, eksaktong pagdating ko sa presinto ay nagkakagulo ang mga tao.

"Ano pong nangyayari?" tanong ko sa isang pulis na naabutan kong papalabas.
"May lalaki dun sa loob bumula ang bibig. May nakain na hindi maganda. Tumawag na kami ng ambulansya," sagot ng pulis.
"Si Alden!" isip ko. Dali-dali akong pumasok pero nasurpresa ako nang makita kung sino ang inilalabas nila sa presinto. "Dan!" nataranta ako. Nilapitan ko si Jomari na noo'y akay-akay si Dan.
"Bianca, bakit nandito ka?" itinanong niya sa akin.

Hindi ko pinansin ang tanong ni Jomari. "Anong nangyari kay Dan?"

"Hindi ko alam. Magkausap lang kami kanina. Bigla na siyang nagkagayan," sagot ni Jomari.

Ipinasok na si Dan sa dumating na aumbulansya at dinala sa ospital.

Sa ospital, tila napakatagal ng paghihintay namin hanggang sa nagpakita na sa amin ang doktor.

"Doc, kumusta na po ang pasyente?" tanong ni Jomari sa doktor na nag-asikaso kay Dan.
"He's dead," sagot ng doktor.

Halos gumuho ang mundo ko nang marinig ko yun. Umiyak ako at napayakap kay Jomari.

"Our findings say that he was poisoned," sabi ng doktor.
"Poisoned?" tanong ko. Tumingin ako kay Jomari at naalala ko ang mga napag-usapan namin.

"Mayroon pa bang susunod na mamamatay?" tanong ko kay Jomari.
"Si Alden," sagot niya.

Bumalik sa isip ko ang hula ni Jude.

"Malalason sa kakainin niyang pagkain... bukas."

Di ko rin nakaligtaan ang sinabi ni Dan,

Hinihintay ko pa si Jomari, magte-take out daw ng pagkain para kay Alden."

Nagpaalam sa akin si Jomari, "Bianca, tatawagan ko lang ang kapatid ni Dan. Ibabalita ko kung anong nangyari sa kuya niya."

Habang nakikipag-usap si Jomari, pinagtagpi-tagpi ko ang lahat at naisip kong... hindi kaya ang lahat ng ito... ang pagkamatay nina Laila, Janine, Eve at Dan ay sinadya? Pero... ano ang motibo?

Naistorbo ako sa pag-iisip nang tawagin ako ni Jomari, "Bianca, halika na."

"Saan tayo pupunta? Natawagan mo na ba?" tanong ko.
"Unattended e! Magpahinga na muna tayo. Masyado nang maraming nangyari ngayong araw." sabi niya.
"Paano si Dan?" tanong ko.
"Balikan na lang natin siya pag nag-umaga na." Nilisan na namin ang ospital.

Habang nasa byahe ng ganitong oras at naghahanap ng lugar na matutuluyan, nakiusap ako kay Jomari na bumalik sa presinto at puntahan si Alden.

"Bakit?" tanong ni Jomari.
"May sasabihin lang ako sa kanya," sabi ko.
"Bianca, kailangan na natin ng pahinga," pilit ni Jomari.

Pinakiusapan ko siya, "Please, Jomari. Ngayon lang ako makikiusap sa iyo." Pumayag na rin si Jomari at pumunta kami sa presinto kung saan nakakulong si Alden habang iniimbestigahan ang kaso niya. Sinabi ko kay Jomari na hintayin niya na lang ako sa labas at mabilis lang ito.

"Bianca!" nasurpresa si Alden nang puntahan ko siya.
"Pinuntahan ka ba nina Jomari at Dan dito? May ibinigay ba sa iyong pagkain?" tanong ko.
"Yeah, kanina. Inabutan ako ni Dan ng burger and fries pero 'di ko tinanggap kasi wala akong gana kumain. Sabi ni Dan siya na lang daw ang kakain," sabi ni Alden.

Huminga muna ako nang malalim bago magsalita, "Dan is dead."

Nabigla si Alden, "What? How?"

"Poisoned," sabi ko.
"Oh my God! Ibig sabihin siya yung sinasabi nilang bumula raw ang bibig?" Tumango ako. "Nasaan na si Jomari?" tanong niya.
"Naiwan sa labas. Sabi ko sandali lang at may sasabihin ako sa iyo. Hindi maganda ito, Alden. Sa tingin ko si Jomari gusto ka niyang lasunin," sabi ko.

Nagulat si Alden, "Ano?! Why?"

"Hindi ko pa alam ang motibo niya. Sabi niya sa akin ikaw na raw ang sunod na mamamatay. Umuwi ako, pinuntahan ko si Jude. Tinanong ko kung paano ka mamamatay and Jude said that malalason ka raw but it turned out na si Dan ang nalason kasi siya ang kumain ng pagkain mo. Si Jomari ang nagpa-take out ng food," sagot ko.

Napailing si Alden, "I can't believe this."

Nagpaalam na ako sa kanya, "Sige na. Babalikan ko na si Jomari baka maghinala. Sabi ko kasi sandali lang ako."

Pinigilan ako ni Alden, "Bianca, are you out of your mind? Paniguradong may gagawin siyang masama sa iyo!"

Pinangakuan ko siya, "Babalikan kita pero pag hindi na ako nakadalaw sakaling may masamang mangyari sa akin, alam mo na kung sino ang dapat sisihin."

"Take care, Bianca," sabi ni Alden sa akin. Iniwan ko na siya.

Binalikan ko na nga si Jomari at humingi ng paumanhin sa kanya. "Sorry natagalan. Nag-CR pa kasi ako sa loob. Kung saan-saan ako tinuro ng mga pulis," pagsisinungaling ko.

"Ok lang. Tara na," yakag ni Jomari. Naghanap na kami ng matutuluyan.

Nag-check in kami ni Jomari sa isang hotel. Agad akong dumiretso sa kama dahil sa pagod. Sumunod si Jomari at tinabihan ako.

"Dito ka matutulog?" tanong ko.
"Saan mo ba ako gustong matulog? Malamig ang sahig," sabi niya.

Kahit na sabihin mong matagal na kaming magkaibigan, dahil sa mga nangyari, hindi ko maiwasang mawalan ng tiwala kay Jomari ngayon pa't alam kong tinangka niyang lasunin si Alden.

Umusog ako para makahiga siya nang maayos. Nagulat ako nang tanggalin ni Jomari ang pang-itaas niyang damit. Napabangon ako.

"Teka, bakit naghubad ka ng damit?" tanong ko.
"Pag natutulog kasi ako naghuhubad talaga ako ng pang-itaas saka basa na kasi ng pawis itong damit ko," sabi ni Jomari.

Hindi ko gusto ito! Naiilang ako. "Sa sahig na lang ako matutulog," paalam ko. Aalis na ako sa kama nang bigla akong pigilan ni Jomari. Hinila niya ako at inihiga sa kama. "Jomari, anong ginagawa mo?"

Nag-iba ang awra niya. "Dito ka lang, Bianca," sabi niyang mapanukso. Diniinan niya ang mga kamay ko, sa bandang pulso, at umibabaw siya sa akin.

Ayoko ng ganito! "Jomari, ano ba?" nagpupumiglas ako pero dumadagan siya lalo.

"Dito ka lang, Bianca. Sa akin ka lang." Sa puntong iyon sinimulan niya nang halikan ang leeg ko.
"Jomari! Jomari, ano ba!" sigaw ko. Kahit anong pagpupumiglas ko, hindi ko kaya ang lakas niya. Pakiramdam ko ay lalo lang akong nanghihina kapag sinusubukan kong kumawala.
"Mahal kita, Bianca," sabi ni Jomari sa akin. Hinalikan niya ako sa labi. Ano ba ito? Mapagsasamantalahan na lang ba ako ng ganun-ganun na lang?

Hindi ako makagalaw. Hindi ako makahinga. Hindi ako makasigaw! Umiyak ako at inalala ang mga kaibigan ko. Sa isip ko ay tinatawag ko sila para tulungan ako. "Laila... Janine... Eve... Dan... Tulong!" Pagkatapos noon ay nagkaroon ako ng pangitain. Habang hinahalikan ako ni Jomari, nakakita ako ng mga imahe nina Laila, Janine at Eve. Lumabas na lang sa bibig ko ang,

"Ako na ba ang isusunod mo? Gagawin mo rin ba sa akin ang ginawa mo sa kanila?" Natigilan si Jomari. "Papatayin mo ba ako gaya ng pagpatay mo sa kanila matapos mong makuha ang gusto mo?" patuloy ko.

Dahil sa sinabi kong iyon, umalis si Jomari sa ibabaw ko at tumayo siya. Nagbigay siya ng nakakalokong ngiti. "Paano mo nalaman ang tungkol doon?" tanong niya sa akin.

Natakot ako nang tingnan ko si Jomari. Ibang-iba siya ngayon kaysa sa nakilala ko rati.

ooo


JOMARI
Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly