Ika-tatlumpu ng Disyembre, taong kasalukuyan.
"Kuya, kailan ka ba uuwi?" ilang beses na itinanong ni Japoy sa kuya Leo niya nang tumawag ito sa kanila. Nakipag-agawan pa siya ng telepono kay Wena na bunso nilang kapatid. Umiyak tuloy yung isa kasi ayaw ibigay ni Japoy ang telepono.
Labing isang taong gulang si Japoy, si Wena ay pito at si Leo ay dalawampu't-isa. Malaki ang agwat ng edad ni Leo sa mga kapatid kaya naman sobrang pagmamahal ang ibinibigay niya sa mga ito, sa kadahilanang matagal siyang nanabik na magkaroon ng kapatid.
"Sa Bagong Taon nga uuwi ako," sagot ni Leo na ilan beses na iyong pinauulit-ulit sa kapatid niya.
"Sure ka ha?" paniniguro ni Japoy.
"Oo nga. Kanina ko pa sinasabi. Japoy talaga," tugon ni Leo.
Nung Pasko kasi hindi umuwi si Leo. Inaasahan pa naman ni Japoy na uuwi ang kuya niya. Nalungkot tuloy si Japoy kasi matagal na siyang walang kalaro. Ayaw pa naman niyang makipaglaro sa iba. Naiinis kasi siya sa mga bata sa lugar nila kasi sinisira ng mga iyon ang mga laruan niyang ipinadadala ni Leo sa kanya mula nang makapagtrabaho ito sa Maynila.
"Isasama ko pala si Monica," sabi ni Leo.
"Talaga? Uuwi na rin si Ate Monica?"
"Oo."
Ito ang unang Pasko na hindi nakasama ng magkapatid na Japoy at Wena ang kuya nila. Nagdesisyon kasing magtrabaho si Leo sa Maynila para sundan si Monica na kasintahan at kapitbahay nila na siya ring nagpasok sa kanya sa imprentahan ng diyaryo.
"Ano ba ang gusto mong pasalubong?" tanong ni Leo kay Japoy.
"Kuya, bilhan mo ako ng eroplano. Yung de remote," hiling ni Japoy.
"Eroplano na naman ba? Hindi mo ba natanggap yung regalong pinadala ko noong Pasko?"
"Natanggap! Kaso kuya, sinira ni Wena e! Napaka inggitera kasi!" sagot ni Japoy sabay dila kay Wena at nang-asar pa lalo.
"Sige, ibibili uli kita."
Nagliwanag ang mga mata ni Japoy nang marinig yun, "Yung ganung-ganun din ha!"
"Oo. Yung ganung-ganun din," tugon ni Leo. At napuna ang naririnig na ingay sa background, "Sino ba yang panay ang iyak diyan?"
"Si Wena. Gusto ka raw makausap e ayoko nga!"
"Sabihin mo kay Wena sa Bagong Taon, pag uwi ko, magkukuwentuhan kami magdamag. Sige na at may gagawin pa si kuya. Ingat kayo riyan ha."
At doon natapos ang tawag. Ilang oras ding nagmaktol si Wena pagkatapos nun kasi di niya nakausap si Leo.
Bisperas ng Bagong Taon, niyaya ni Leo si Monica na lumabas para ipagdiwang ang Bagong Taon. Nagpasama na rin si Leo kay Monica sa bilihan ng laruan.
"Buti pinayagan tayong makauwi ano," sabi ni Leo habang tumitingin-tingin ng laruan.
"Oo nga e," tugon ni Monica. "Tagal ko na ring di nakikita sina mama at papa, pati sina Julius at Kristel. Miss ko na sila."
"Sabik na rin ako kina nanay at tatay. Pati na rin kina Japoy at Wena."
"Makulit pa rin si Japoy?"
"Sobra! Sabi ko nga kay Japoy uuwi ka rin e. Hihingian ka ng Pamasko nun!"
"Wala akong ibibigay!" tumawa si Monica.
"Kuripot! Si Japoy pala nagpapabili na naman ng laruan. Sinira raw kasi ni Wena yung laruan na iniregalo ko sa kanya nung Pasko."
"A, kaya pala nandito tayo."
Matapos makapamili ay nagliwaliw pa muna ang dalawa at nang medyo dumilim na at bago pa abutan ng putukan para sa pagsalubong sa Bagong Taon ay inihatid na ni Leo si Monica sa tinutuluyan nito.
"Bukas ha," sabi ni Leo noong nasa labas na sila ng bahay.
"Oo, mag-aayos na ako ng gamit mamaya," sabi ni Monica.
Niyakap ni Leo nang mahigpit si Monica. "Mahal na mahal kita. Ingatan mo sarili mo palagi."
"Drama mo!" tugon ni Monica, sabay kalas ng pagkakayakap ni Leo kay Monica.
Hanggang sa isang sigaw na lang ang narinig kay Monica, "Leo! Leo!!!"
Bagong Taon, alas sais ng umaga.
"Nasaan si kuya?" pupunghap-punghap pa si Japoy nang gumising at nakita si Monica sa sala ng bahay nila.
Tumayo si Monica mula sa pagkakaupo, tikom ang bibig, at inilabas mula sa isang plastic ang kahon ng laruan.
"Ipinabibigay ng Kuya Leo mo."
"Nasaan na nga si kuya?" tanong ni Japoy sa karaniwang makulit na tinig, at tinanggap ang laruan.
Tiningnan ni Monica ang mga magulang ni Leo na siyang tumanggap sa kanya sa ganitong oras ng umaga, tapos ay tumingin siya kay Japoy.
"Japoy... Wala na si Kuya Leo mo..." Napaiyak si Monica nang maalala ang nangyari kagabi. "Natamaan siya ng ligaw na bala... sa ulo."
Biglang-bigla na lang ay nakarinig sila ng pagngawa --si Wena, at kasunod niyon ay nabitawan ni Japoy ang hawak na kahon ng laruang eroplano.
Mag-ingat tayo sa darating na Bagong Taon. Heypi New Year!
anyD ;)
No comments:
Post a Comment