Prom Night: Part 2
Prom Night: Part 3
Ang Nakaraang Tagpo:
Dinudumog na ako ng zombies nang may marinig akong pamilyar na boses. "Excuse me," sabi nito. At nagulat ako nang nasa harapan ko na siya, panay pa rin ang pag 'excuse me' para tuluyan na siyang padaanin.
"May I have this dance?" tanong niya sa akin nang makalapit siya.
Natulala ako nang makita ko siya. Si... si... si...
"Sure," agad na sagot ko, na star struck. Tumayo ako. Hindi ko na inintindi ang ibang nagyayaya at kumapit ako sa braso ng lalaking nagyaya sa akin... si Renzo.
Habang busy ang lahat sa pagsasayaw ay naghanap kami ng puwesto ni Renzo. Hinawakan niya ang baywang ko at ipinatong ko naman ang mga kamay ko sa magkabilang balikat niya, yung tipikal na posisyon pag nagsasayaw.
"Baka sabihin mo ang presko ko kasi niyaya kitang sumayaw," sabi ni Renzo.
"Hindi naman. Wala nga akong kasayaw."
"Kanina pa kita tinitingnan e, kaso nahihiya akong lumapit." Napangiti ako dahil sa sobrang kilig. "Na-alarm ako kasi nakita ko ang daming lumalapit sa iyo kaya nagbakasakali na akong lapitan ka."
"Talaga?" tanong ko, kinikilig pa rin.
"Ano nga palang pangalan mo," tiningnan niya ang number ko, "number 342?"
"Jackie," sagot ko.
"Renzo nga pala," pakilala niya.
"Alam ko, campus heartthrob. ^_^"
Pagkatapos nun, nginitian niya ako. Ang gwapo niya. Ang pormal niyang tingnan. Ang bango niya pa. Hay... Puwede na bang himatayin? Now na?! Ambulance nga riyan!
Noong gabing iyon... isa lang ang masasabi ko. Sobrang saya ng JS Prom! Kinainggitan pa ako ng mga kaibigan ko kasi nakasayaw ko si Renzo sa buong gabing iyon. Ayaw bumitiw e. Ayaw makipagsayaw sa iba at ayaw rin akong ipasayaw sa iba. E hindi ko naman sukat akalaing yayayain niya akong magsayaw. Di ba nga sabi ko asa pa ako, at sa dinami-rami ba naman ng mga babae sa campus, biruin mong napansin niya pa ako.
Pinicturan din pala kami ng official photographer. Mayroon kaming dalawang shot ni Renzo. Nakakakilig!
Sa pagtatapos ng palatuntunan ay namili ng Prom King... At hindi na nakapagtatakang si Renzo ang napili (last year siya rin daw). At nang mamili ng Prom Queen...
"Number 342!"
"Aaaaahhhhhhhh!" Tili nina Aida, Lorna at Fe.
"Kung makatili naman, wagas!" angal ko.
"Aaaaaahhhh!" patuloy na tili ni Fe habang may itinuturo sa damit ko. 'At lost' naman daw ang drama ko.
"Gaga ka! Ikaw kaya yung tinawag!" sabi ni Lorna sabay batok sa akin.
Tiningnan ko pa ang number ko bago tumili. "Prom Queen ako? Prom Queen ako?!" Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Para akong aatakihin ng alta presyon. Tubig!!!
Hinila ako nina Aida, Lorna at Fe papunta sa stage. Pumanhik ako sa stage at sinabitan ng sash at pinatungan ng korona. Nginitian na naman ako ni Renzo. Syeeeeet! Nilitratuhan uli kami. Sobrang saya!
Ang nakalulungkot lang e dumating na ang alas dose, ibig sabihin, uwian na. Gusto sana akong sabayan ng mga kaibigan ko pauwi kaso nagpumilit akong huwag na. Baka kasi makantyawan ako dahil dun sa funeral limousine, nakakahiya naman!
Feel ko nga sa mga oras na ito ako si Cinderella e. At pagtanggal sa akin ng make-up, damit at sapatos na ito, yun... balik na naman ako sa pagiging pangkaraniwang Jackie. Mapansin pa kaya ako ni Renzo? Makilala niya pa kaya ako? At kung anu-anong kadramahan na ang pumasok sa isip ko habang naghihintay ako sa labas ng campus sa pagdating ng limousine. Natigil na lang ako sa pag-iisip ng tungkol dun nang makarinig ako ng pamilyar na musika,
"Hindi kita malilimutan... Kailanma'y di pababayaan..."
at doon ko napansing wala na palang tao sa paligid. Nagsiuwian na ang lahat. Ang bagal naman kasi ng lintik na sasakyan na iyan. Grrr!
Dumating na nga ang funeral limousine sakay sina tatay at Maia; huminto iyon sa harapan ko at bumaba pareho sina tatay at Maia sa sasakyan.
"Ay bading, bet ko 'tong korona ng junakis mo ha. Look at the diamonds, puwet ng pitsel," sabi ni Maia kay tatay nang lapitan nila ako at pakialaman ang koronang suot ko.
Nakita kong binabasa ni tatay ang sash ko at mukhang nahihirapan siya. "Prr-prrooo---mmmm..."
"Bading, Prom Queen basa diyan. Ay si ate slow," sabi ni Maia sabay tawa.
"Gaga! Alam ko! Ninanamnam ko lang bawat letters. Saka, you know, English yan, di ba? Baka mamali ako sa pronawnsieyyyssssyon. Mahirap na. English major pa naman ako. Saka pag ganyan dapat kerpul ka sa Englishing mo."
Tinawanan lang siya ni Maia. "Ewan ko sa iyo. Daming mong bersa," sabi nito sa kanya sabay hawak sa puwet ni tatay.
Napa "Nyemas!" tuloy si tatay at sunod ay nagtanong sa akin, "Prom Queen ka, 'nak?" tila nagulat (pero mukhang scripted).
"Opo tay," sagot kong nakangiti dahil kitang-kita ko kung gaano siya kasaya at mapapaiyak pa nga.
"Thank you. Lord, thank you! Thank you!" pasasalamat ni tatay na nakatingin pa sa langit. Tapos ay bumaling kay Maia, nagmamalaki, "Sorry ka bhe, sabi ko sa iyo may lahi kaming beauty queen."
"Yes bading. Haha! Hundred times mo nang inulit yan!" tugon naman ni Maia.
"Hay, I'm so tenkpul. Magsisimba ako sa Baclaran bukas," sabi ni tatay.
"Ate wag kang ano, di ka nanalo sa lotto," pagtatawa ni Maia sa kanya.
At natapos ang kulitan nila. Pasakay na kami sa limousine nang may marinig akong tumawag sa pangalan ko,
"Jackie!" si Renzo. May hawak siyang cell phone. "Anong number mo?"
Nandito pa pala siya sa school? Hinihintay yata akong makauwi. *Kilig to the puwet*
"A, ano kasi e." Napatingin ako kay tatay. Wala naman kasi akong cell phone.
"Baby boy, kung gusto mong manligaw, pumunta ka sa bahay," sabi ni tatay kay Renzo.
"Tay, ano ba?" pinanlakihan ko siya ng mata. Hay, nakakahiya talaga siya!
"A sige po. Ano po bang address ninyo?" tanong naman nung isa.
At ibinigay naman ni tatay ang address namin. Tapos ay nagpaalam na kami ni Renzo sa isa't isa. Sumakay na kami sa limousine at tinukso pa ako ni tatay, "Dalaga na ang anak ko." Kiniliti pa niya ako sa tagiliran.
"Jerjer! Jerjer!" kantyaw naman ni Maia na ikinagalit ni tatay. Nasabihan tuloy uli siyang wala siyang breeding.
Alam ninyo ang saya ko talaga nung JS Prom namin kasi napasaya ko si tatay. Kung makikita ninyo lang siya, para siyang inosenteng batang binigyan ng Tootsie Roll. At sa pagtatapos ng gabing yun, nakatutuwang isiping naging Prom Queen ako... na pangarap ni tatay... noong nasa high school pa siya.
(Buti naman.)
No comments:
Post a Comment