No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Wednesday, March 30, 2011

Seventy-Seven

Sa National Book Store...

Hindi naman sana yung ball pen ang sinadya ko roon, kundi pencil case kasi nakakalat lahat ng abubot ko sa bag. O kaya e pambura na kayang burahin ang tinta ng ball pen. May pag gagamitan lang ako. :p Pero nung nandun na ako e ayun... napabili ako ng ball pen.


AKO: Miss, meron ba kayong pambura ng ball pen?
MISS: Wala po e. Ball pen lang na may pambura.
AKO: Patingin nga.


Kumuha na nga ang saleslady ng ball pen at ibinigay sa akin.


AKO: *sulat sulat* Paano buburahin to?
MISS: Ayan po. *itinuro ang pambura na nasa pwetan ng ball pen*
AKO: *bura bura* Ay ang galing! Nauubos ba yung pambura nito?
MISS: Hindi po.
AKO: Kaya ring burahin yung tinta ng ibang ball pen?
MISS: Hindi po. Yung tinta lang niya.
AKO: *tanong kay Kenshin* Bibilhin ko ba ito?
KENSHIN: Ikaw...
AKO: *sa Miss* Magkano ba ito?
MISS: Seventy-seven po.
AKO: *napilitan* Sige, bibilhin ko na.

At nakapagbayad na ako... nakalimutan ko na talaga yung pakay kong bilhin sa bookstore.

AKO: Ano nga ba uli yung bibilhin ko?
KENSHIN: Pencil case.
AKO: Ahhh... pencil case. Wag na tayo bumili nun. Wala na akong pera. *lol*

Sunday, March 27, 2011

Sunday

Sobrang memorable itong Sunday na ito kasi kasama ko si Kenshin sa Catholic Church. Di naman kasi siya nagsisimba roon kasi sa Christian Church siya but then kanina, ayun, magkakasama kami: ako, si pated, si bunso, si mama, si Kenshin. Unang pagkakataon namin siyang nakasama sa simba ng family.

KENSHIN: *nag-abot ng pera pamasahe*

AKO: Ano ito?

KENSHIN: Pamasahe natin.

AKO: *kay mama* Ma, si Kenshin na raw magbabayad ng pamasahe.

BUNSO: Wow! Tipid!

PATED: :roll:


Hilig talaga nilang biruin si Kenshin. :razz:


Kanina, doon sa misa. Ewan ko ba, hindi ko talaga mapigilang tumawa. Nag sorry na nga ako dahil sa behavior ko. Nakakaantok kasi yung pari dahil sa boses niya at ang bagal pa magsalita. Tapos nagpapatawa pa yung kapatid ko.

PARI: *nagsesermon*

PATED: *bumulong sa akin* LULLABY! *snore*

AKO: *tawa tawa*


Everytime talaga na magsasalita yung pari, tumatawa yung mga kapatid ko. Pati tuloy ako natatawa. :mad:


Bukas... may pasok na naman, then may series of seminar pa. Sana matapos na. Gusto ko nang matulog nang matiwasay. :sad:

Paano ko Sasabihin sa Kanya?

Loving a textmate? Here is a video of it.

Ten Minutes (Video)

The third video, dedicated to my fiancé.

Anghel (Video)

The second video that I made: Anghel.

Mr. Smile (Video)

The first Video that I made last December. The story was dedicated to the man that always makes me smile, the person that I loved before.

Saturday, March 26, 2011

Frustrated

Dalawang araw ko nang iniisip yung pagkawala ng singsing na yun.

Ok lang sana kung pangkaraniwang singsing pero hindi e.

Magkapares ang mga singsing.

Sabay naming binili yun.

Nakailang oras din kaming pumili kasi yung talagang natipuhan ko e hindi naman nagkasya sa daliri niya until finally... nakahanap din ng akma sa daliri.

Kahapon graduation ng mga bata. Hindi magkamayaw kung ano ang uunahin ko kasi nag pa make-up sa akin ang co-teachers, sabayan pa ng pagrehearse ko dahil MC ako.

Nagbihis ako, hinubad ko yung singsing tapos naglagay ng lotion, nag-make up ng co-teachers, nag make-up ng sarili. Gulo-gulo ang lahat ng gamit sa mesa ko. Nagkahalo ang make-up paraphernalia at accessories. Lumabas ako ng room dahil kailangan na ako sa venue pero gamit pa rin ng co-teachers ang room ko kaya iniwan ko na sila. Binilinan ko na lang na paki-lock ang room.

Ok na lahat. Nagsimula na ang event. Alam ko Opening Remarks yun e... Pagkapa ko sa daliri ko wala na yung singsing. Nagulat ako. Pero kailangang ipagpatuloy ang event kaya isinantabi ko muna.

Natapos ang event. Napuri ako ng kung sinu-sino dahil sa ginawa ko. Natuwa ako sa pagkakatanggap ng papuri galing sa mga may-ari ng school.

Bumalik ako sa room, tiningnan ang lamesa. Wala ang singsing. Hinalungkat ko ang lalagyan ng accessories, wala. Tiningnan ko ang paligid baka gumulong, wala. Tiningnan ko ang bag ko, wala. Ang mga gamit ko, wala.

May ilang nakapagsabi na nakita pa nila yun sa mesa. Yung iba, nakita rin nila pero hindi na pinansin. Hindi ko na alam. Wala namang aamin kung may kumuha man. Panay kasi ang pasok ng tao sa room ko.

Alam ko sobrang nalungkot siya kasi nawala ko yung kapareha, pero gaya nga ng sabi niya... Hayaan na, bili na lang ng bago. Wala nang magagawa e nawala na.

Hanggang kanina na natulog ako... napanaginipan ko pa yung singsing. Hay... nakakainis. Dapat pala di ko na lang hinubad.

Sunday, March 20, 2011

I Just Thought...

I am not really fond of watching movies, and I just thought that the movie LAST HOLIDAY starring Queen Latifah would be the last movie that would make me cry (though it's a comedy film) but I guess I was wrong. I cried a river when I watched yesterday the movie HACHI: A DOG'S TALE. I just can't help myself from crying, and my handky is wet with mucus, seriously. I posted the link on Facebook and I was surprised to receive messages from friends, telling me that they also watched the movie and they also cried a lot because of that. It was such a good movie.

How I wish that our dog Chloe would be like Hachi. She's so stubborn, you know, and I hate it sometimes. Nevertheless, I love Chloe. ^_^

Time Travel (4)

CHAPTER 1

CHAPTER 2

CHAPTER 3


***

"Inisip ko noon nang sinabi mo sa akin iyan, na nakakatawa ang sinabi mo, Dave. You know what, you're too young to marry."

--Yna Samonte


***
CHAPTER 4

The Invisible Wall


Pumunta kami ni Erick sa library. Kakaunti lang ang tao at bulungan lang ang maririnig sa paligid.

"Library card?" tanong ng librarian nang pumasok kami. Ibinigay ni Erick ang kanya. Hinanap ko sa dala kong backpack ang akin. Wala!
"Bro, nawawala yung library card ko," nag-aalalang sabi ko kay Erick. Ang mahal kasi ng replacement nun, triple ng presyo ng pagkakabili mo. Mahalagang-mahalaga ang library card na yun, lalo pa ngayon kung kailan kailangan ko ng kasagutan.

Nakita kong nakangisi si Erick at nabasa ko ang ikinikilos niya. Binigyan ko siya ng masamang tingin. "Akin na!" Nagawa pang tumawa ni Erick sabay abot ng library card ko. Ibinigay ko na yun sa librarian.

"Hilig mo man-trip e no?" sabi ko kay Erick.
"Sorry naman," paumanhin niya pero nakatawa pa rin. "E iniwan mo yan, remember, nung hinabol mo si Celine?" Oo nga pala. Bigla na lang kasi akong lumabas ng library nun.

Dumiretso na ako sa History shelf. Sinundan ako ng kaibigan ko.

"Anong gagawin mo rito? Magpapakataong-luma?" tanong ni Erick habang pinagmamasdan ang iilang makakapal na libro sa shelf.
"May hahanapin lang, bro," sagot ko. Sinilip ko ang ilalim ng shelf dahil sa pagkakatanda ko e doon ko sinipa ang diary ni Hannah.

Kailangang-kailangan ko yun kasi baka may mahanap akong sagot sa mga tanong na nasa isipan ko, pero nadismaya ako nang hindi ko yun nakita roon. Ang di ko pa gusto e bigla na naman akong nilamig kaya umahon ako mula sa kinayuyukuan ko.

"Wala e!" sabi ko kay Erick. Nagulat na lang ako nang makita ko ang kakatwang hitsura niya. Naka-steady lang si Erick, parang manikin. "Erick?" pinadaan ko ang kanang palad ko sa mukha niya, sinisikap na baka sa ginagawa ko ay mapapikit siya. "Bro?" pero wala. "Ano na naman ito?" natanong ko sa sarili ko.
"Ito ba ang hinahanap mo?" isang boses. Oh my! Si Hannah! Hawak niya ang diary, ang bagay na kailangang-kailangan ko. Napalunok ako nang lumapit siya sa akin. "Anong gagawin mo sa diary ko?" tanong niya.

Naghanap ako ng isasagot. "A... ano kasi..." Pero bago pa ako makapag-rason e nagsalita siya, at nagtuloy-tuloy na ang pag-uusap namin.

"Hindi ba't ikaw yung lalaki roon sa garden?" tanong ni Hannah. "Nag-iispiya ka?"
"Hindi! Hindi sa ganoon. Hindi ako gaya ng mga babaeng bumubuntot sa iyo. May gusto lang kasi akong malaman."

Itinaas niya ang kaliwang kilay niya, "At ano naman?"

"Nagtataka lang kasi ako. Gusto ko lang naman kasing malaman kung bakit ako nagkakaroon ng ganitong pakiramdam..." paliwanag ko.
"Anong pakiramdam ang tinutukoy mo?" tanong niya. Kalmado naman siyang magtanong. Yun nga lang ewan ko ba kung bakit natatakot ako sa kanya.
"Yung... pakiramdam na... malamig... at... at..."
"At mga pangitaing hindi mo maintindihan?"
"Yun nga!" sabi ko.
"Dahil sa ginawa mong pakikialam sa diary ko."

Nagpintig ang tainga ko. "Pakikialam?" natanong ko.

"Bakit, hindi ba't pakikialam ang tawag doon?"

Nag-isip ako. Siguro nga pakikialam na rin yun pero hindi ko intensyon yun kaya kinontra ko siya, "Teka lang. Hindi ko naman gustong pakialaman talaga ang diary mo. Ang lagay lang e naghahanap lang naman ako ng mababasa rito."

"Pero hinawakan mo, di ba? Kinuha mo. Tiningnan mo at ginusto mo pang buklatin," sabi ni Hannah.

Ganoon nga ba ang ginusto kong gawin? Siguro nga.

"Alam mo, dahil sa ginawa mo ay nagkaroon ka na ng kaugnayan sa akin at sa kapangyarihan ko," sabi ni Hannah na tila may pagmamalaki.
"Kapangyarihan?" natanong ko kay Hannah. Sunod ay tinawanan ko siya.

Napakunot-noo siya. "Bakit mo ako tinatawanan?"

"Kasi nakakatawa ka. Ikaw, may kapangyarihan? Maniwala ako sa iyo," panunubok ko.
"Hindi ka naniniwala?"
"Hindi! Ipakita mo!"

Alam ko naman talagang hindi pangkaraniwan si Hannah. Gusto ko lang siyang asarin.

Ang sunod na mga pangyayari ay nakagugulat. Nagbago bigla ang timpla ni Hannah. Ramdam ko yun dahil sa pagbabago ng temperatura sa paligid. Lalong lumamig, humangin.

"Nakalimutan mo na ba kung sino ako?" tanong niya, na ipinagtaka ko. Siguro dahil sa ipinakita kong ekspresyon ng mukha ay nagalit siya lalo. "Nakakainis ka!" sabi niya. At sa isang kumpas ng kanang kamay niya ay naglaho ang lahat ng nasa paligid ko at nandun uli ang nakakakulilig sa taingang ingay.

Saan na naman kaya ako mapupunta nito? Napapikit ako at nang maglaho ang ingay ay dumilat ako. Wala na si Hannah sa paligid.

Ayaw ko ng ganito. Napunta na naman ako sa kakaibang lugar. Pero teka... parang alam ko ito a!

Tahimik ang lugar. Naglakad ako. Napahinto ako nang may makita akong bata.

"Dave, wag kang masyadong lalayo a!" narinig ko na lang. Si mommy!
"Opo," tugon ng bata. At ako! Ako ang batang yun! Alam ko ito! Ang alam ko five years old ako nang magpunta kami ni mommy somewhere in Lucena, Quezon. Teka... Reunion ng family nila yun e! Kung di ako nagkakamali, dito kami sa place malapit kina Tita Lindsay, nakatatandang kapatid ni mommy.

Sinundan ko ang bata kung saan siya pupunta. May dala-dala siyang fishing rod. Oo nga pala. Noong bata ako madalas kaming mamingwit ni mommy at ni Lolo Art. Naglakad ako nang marahan. Ano ba ito? Para akong sira. Bakit ko ba sinusundan ko ang sarili ko?

Sabik na pumunta ang bata malapit sa ilog, bumwelo at inihagis ang pamingwit. Pinanood ko ang eksena. Naghintay ng ilang minuto ang bata. Inahon niya ang pamingwit pero walang nahuli. Nalungkot siya at sumimangot. Inalis niya ang pamingwit sa ilog, tapos ay naglakad. Nakakita ang bata ng punong mangga. Mataas ang puno. Tumingala ang bata.

"Nare-recall ko. Nakakita ako ng maraming bunga noon sa punong iyan," bulong ko sa sarili.

Lumapit ang bata sa puno. Kumapit siya. Mahirap akyatin. Umikot ang bata, at sa paligid ay nakikita siya ng batong malaki. Sinubukan ng bata na buhatin ang bato, pero nabigatan siya. Pinagulong niya iyon, tapos ay tumungtong, kumapit sa katawan ng puno, kumapit nang buong lakas sa mga sanga.

"Shit! Alam ko na ito!" nasabi ko sa sarili ko. Kung di ako nagkakamali, ito yung eksenang nahulog ako sa punong iyon!

Parang bumalik sa akin ang pakiramdam ng lubos na takot. Alam kong sa pag-akyat ko sa punong iyon, sa pagkuha ko sa mga bunga ay magkakamali ako ng hakbang. Tapos ay mahuhulog ako. Teka... may bato! Mababagok ako sa bato!

Ayoko lang magmasid sa pwesto ko. Kailangan kong gumawa ng aksyon. Kailangan kong tulungan ang bata, ang sarili ko! Tumakbo ako, pero nang pagtakbo ko ay tumilapon ako bigla. Ano yun? Bakit ganun? Bumangon ako. May kung anong invisible wall ang nakaharang. Sinuntok ko ang pader, walang nangyari. Hanggang sa narinig ko na lang na sumigaw ang bata.

"Aaaaaaah!" sabi nun. Nanatili lang akong nakamasid. Nahulog na ang bata... pero ang nakagugulat ay may isang babaeng sumalo sa kanya. Napaupo ang babae sa batong iyon at nasa bisig niya ang bata, ang batang ako. Naririnig ko nang malinaw ang pinag-uusapan nila.
"Ok ka lang?" tanong ng babae. Umiyak ang bata. "O wag ka nang umiyak. Safe ka naman e!" pagpapakalma ng babae. Sinubukang tumayo ng babae pero mukhang nasaktan siya. Tiningnan siya ng bata nang may pag-aalala. "O wag mo akong alalahanin. Ok lang ako," sabi ng babae sa bata, sa akin. At nagbigay pa iyon ng mga bunga ng mangga. "Hindi ka nasugatan?"
"Gasgas lang po," tugon ng batang ako.
"Tara na," pagyaya ng babae. Inikay niya si Little Dave, ako. Iika-ika pang lumakad. Tiningnan siya ng bata. "Ok lang talaga ako," sabi ng babae at inihatid niya na si Little Dave.

Naaalala ko na. Kaya pala noong elementary ako e may sinasabi ako kay mommy na gusto kong pakasalan someday kasi niligtas nun ang buhay ko. Na noong high school ako, kahit na maraming nagkaka-crush sa akin e binabaliwala ko lang kasi umaasa ako sa sinabi ng babaeng iyon bago kami maghiwalay ng landas, "Huwag kang mag-alala. Magkikita uli tayo." Kahit na nakalimutan ko na ang mukha ng babaeng yun, kahit hindi ko man lang nalaman ang pangalan niya e umaasa pa rin ako.

Ngayon alam ko na kung bakit nagalit si Hannah sa akin nang sinabi niya kanina ang, "Nakalimutan mo na ba kung sino ako?" Kaya pala nasabi ko na parang nakita ko na siya noong unang beses na nakita ko siyang pumasok sa library. Magkikita kami, sabi niya. Oo nga, nagkita na kami. Hindi ako makapaniwala. Nagtagpo na pala kami ni Hannah... twelve years ago.

Sa pag-iisip kong iyon ay naiwan akong nakatulala. Hanggang sa...

"Dave!"
"Huh?"
"Tulala ka na naman!"

Balik na naman pala sa ayos ang lahat. Gumagalaw na uli si Erick.

"Iyan na ba yang hinahanap mo?" tanong ng kaibigan ko.

Pagtingin ko'y nasa mga kamay ko na ang diary ni Hannah.

"A... Oo, oo," tugon ko, wala pa rin sa sarili. Niyaya ko na palabas si Erick. Itinago ko na ang diary sa backpack ko.

...ITUTULOY...

Friday, March 18, 2011

CLEARANCE DAY

ESTUDYANTENG PASAWAY: Ma'am, papirma na. Hindi naman namin kayo pinahirapan e.

AKO: *di makapaniwala* Ano? Pakiulit nga yung sinabi mo.

ESTUDYANTENG PASAWAY: Hindi namin kayo pinahirapan. :D

AKO: Mula nung June pinahihirapan ninyo na ako! Magpasa ka ng requirements para pirmahan ko.




Hindi ko talaga pinirmahan.

Nasaan ang yabang nila ngayon?

Signature lang pala katapat nila.


*lol*

Siguro kung binibili ang signature ko, mayaman na ako.

Sunday, March 13, 2011

Tsunami

My sister is fond of watching anime, and hearing the news about the tsunami that struck Japan last March 11 affected her so much. She was talking with my father through Skype and she said, "Nagka-tsunami sa Japan. Paano na ako makakanood ng anime? Hinihintay ko pa naman yung update ng Kimi Ni Todoke." Her statement made my father so angry and papa replied, "Puro ka anime!"

Oh well... :p

She also shared to me that the maker of Pokemon died. You can see in her face that she's worried, really.

Time Travel (3)

CHAPTER 1

CHAPTER 2


***


"Sabi ng nagbebenta niyan e may powers daw iyan. Kaya kang dalhin sa past o sa future. Pero hindi ako naniniwala."

--Artemio Rubio


***

CHAPTER 3

Visions



Nasaan na naman ako? tanong ko sa sarili ko. Nakatanga ako sa kawalan, nakatayo, nakatingin sa babaeng kasama ko sa lugar kung nasaan ako.

Katahimikan... Hanggang sa nginitian ako ng babae.

"David!" tumakbo siya papunta sa akin at niyakap niya ako. Napakabilis ng mga pangyayari. Ang tanging nasa isip ko na lang e, “Huh? Dave ang pangalan ko, hindi David.”

Biglang...

"Hoy Dave!"

At naglaho ang lahat.

"Huh?" nagising ang diwa ko.
"Anong dahilan ba't huminto ka?" tanong ni Erick.
"Huminto?" pagtataka ko.
"Oo. Ang tagal mo pang nakatingin kay Celine. Ayun, nailang nga e, tumakbo palayo," sabi ni Erick.
"Huh? Bakit ko siya titingnan?"
"Ewan ko. Mahal mo na yata. Haha!" pang-aasar pa ni Erick.
"Nakakatawa!" maktol ko.

Strange. Weird. Hindi ko na maintindihan kung ano ang nangyayari sa akin. Nagkaroon lang naman ako ng mga ganitong pangitain nang hawakan ko ang diary na yun. Ano kayang meron sa diary ni Hannah?

Lumipas ang oras na wala kaming ginawa ni Erick sa garden kundi ang pagtawanan at pag-usapan ang mga prof at kaklase naming katawa-tawa ang kilos at hitsura. Umuwi kaming hindi ginagawa ang inutos sa amin ni Mr. Sanchez at kinabukasan ay nakatanggap kami ng remark kay sir nang makasalubong namin siya sa hallway.

"Great job, boys, talagang ginawa ninyong mabuti ang trabaho ninyo kahapon."

Nagkatinginan kami ni Erick. Wala naman kaming ginawa kahapon. Ibig sabihin ba nun may ibang nagtrabaho para sa amin?

"Bro, si Celine yata ang gumawa nun," bulong sa akin ni Erick nang magpatuloy kami sa paglalakad. And because of that, I felt so guilty.

Noong tanghali ay nakita ko si Celine na papunta sa garden. Sinundan ko siya. Nasurpresa ako nang makita ko si Hannah na naroon din. Nagtago ako sa mga halaman.

Magkasama sina Celine at Hannah? Bakit kaya? Don't tell me na "future freak" din si Celine. Nag-uusap sila? Ano kaya ang pinag-uusapan nila? Hindi ko kasi marinig. Teka, ba't ba ako nakikitsismis sa kung anumang pinag-uusapan nila? Ano bang pakialam ko dun? Kung anu-anong nasa isip ko hanggang sa narinig ko na lang na nagsabi si Hannah ng,

"Sige, alis na ako."

Naalerto ako kasi paalis na pala si Hannah at siguradong madadaanan niya ako sa puwesto ko kaya nagdahan-dahan ako ng pag-alis para lumipat sana upang makapagtago pa lalo pero nagulat na lang ako nang sabihin ni Hannah ang,

"Celine, nakalimutan kong sabihin sa iyong may ibang tao pala rito."

Kinabahan ako bigla. Naramdaman niya ang presensya ko? Kakaiba talaga!

Nagpatuloy siya, "Nagtatago siya sa mga halaman at nagtataka ngayon kung paano ko nalamang nandito siya."

Wala na akong lusot kaya nagpakita na ako. "Inutusan ako ni Mr. Sanchez na maglinis," idadahilan ko sana pero naunahan niya ako!

"Inutusan ka ba ni Mr. Sanchez na maglinis ng garden?" tanong niya sa akin.

Tumango ako tanda ng pagsang-ayon.

"Ok," sabi ni Hannah.

Habang papaalis siya at naglalakad palabas ay tinitingnan niya ako nang mata sa mata. Binigyan niya pa ako ng kakaibang ngiti bago siya tuluyang umalis. Nakakatakot -- hindi! Nakapangingilabot! Nawala na siya, pero hindi pa rin natigil sa paninindig ang mga balahibo ko. At ngayon, kami na lang ang naiwan ni Celine rito.

"Maglilinis ako ng garden ngayon," sabi ko kay Celine.
"Bakit?" tanong niya.
"Huwag ka na lang magtanong. Basta maglilinis ako! Nasaan ang walis?" sagot ko na napataas ang tono.
"Teka, kukunin ko."
"Hindi na! Ako na lang ang kukuha basta ituro mo na lang kung saan," pagsusungit ko.
"A, nandoon. Malapit sa compost pit," turo niya.

Sa totoo lang naiilang ako kay Celine. Marahil ay dahil nakita niya akong may ginagawang kakaiba sa library kahapon at hindi mawala sa isip kong baka pinag-iisipan niya ako nang masama. Kinuha ko ang walis at nagsimula nang walisin ang mga tuyong dahon.

"Nagwalis ka ba rito kahapon?" tanong ko habang nagwawalis gamit ang walis-tingting.
"Palagi naman akong nagwawalis dito," sagot naman niya.
"Hindi --ang ibig kong sabihin-- noong nandito rin kami?"
"Pagkaalis ninyo, oo. Ang sinabi kasi ni Mr. Sanchez may ipadadala raw siyang mga estudyanteng tutulong sa akin sa paglilinis pero hindi naman sila dumating. Akala ko nga kayo yun e, pero sabi ninyo naman pinakukuha lang kayo ng litrato ng mga paru-paro."

Nakonsensya ako bigla sa sinabi niya. Kung ganoon siya lang nga ang naglinis dito.

"Sinabi ko na lang nga kay Mr. Sanchez na tinulungan nila ako kahit na hindi. Nakakaawa naman, sabi kasi ni Mr. Sanchez pagagalitan daw niya ang mga yun pag hindi tumulong," dagdag pa niya. Na-guilty tuloy ako lalo.

Si Celine... Kung ilalarawan ko siya... Hmm... Kung tutuusin, maganda rin naman siya. Maiksi ang gupit ng buhok niya, hanggang baba, tapos may highlights na kulay asul. Mapungay ang kanyang mga mata at may kaliitan. Mapula at may maayos na korte ang kanyang mga labi. Napansin ko ring isinasabit niya ang kanyang salamin sa mata sa harapan ng kanyang damit, at may pagkakataong tinatanggal iyon doon para suutin. Maamo ang kanyang mukha, malumanay kung magsalita, pero may pagka-wirdo kung kumilos.

Labinlimang minuto siguro ang lumipas nang puntahan ako sa garden ni Erick kasama si Nicole.

"Bro, nandito ka lang pala. Kanina ka pa namin hinahanap. Alam mo namang hindi ako sanay na nawawala ka sa paningin ko," sabi ni Erick. "Wow! Nagwawalis!" puna niya sa ginagawa ko.
"Hi Celine!" narinig kong pagbati ni Nicole kay Celine na tinugunan din ni Celine ng "Hi!" Magkakilala sila?
"Bro, anong nakain mo at nagwawalis ka riyan? Nakakain ka ba ng panis?" pang-aasar ni Erick na natatawa-tawa pa.
"Shut up!" tugon ko naman.

Sa isip-isip ko gusto kong bumawi kasi nagsinungaling ako kay Celine, pero teka, bakit nga ba ako nagi-guilty ngayon? Ano ba, Dave?

"Tulungan mo na lang ako magwalis," sabi ko kay Erick. Ginawa naman niya ang gusto kong mangyari.

Natapos ang lunch break. Sinadya namin ni Erick na hindi pasukan yung subject ni Mr. Sanchez kahit na sinabi namin kay Nicole na hindi na kami tatamarin. Nag-stay lang kami sa canteen at ikinuwento ko kay Erick ang mga pangitaing nakita ko.

"Bro, I'm having weird feelings lately," sabi ko.
"Like what?" tanong ni Erick, tapos ay ngumuya ng biniling Cheese Clubs.
"Yung sudden cold feeling na nararamdaman ko, tapos I'm having weird visions."

Naging seryoso ang mukha ni Erick. Nagpatuloy ako.

"Yesterday nung nasa garden tayo, nakakita ako ng babae... na hindi ko kilala. I think she's from the past kasi she's wearing Filipiniana and... everything's different talaga bro!"
"Kaya ba napatulala ka bigla nun?" tanong ni Erick.
"Hindi ko alam yung sinasabi mong napatulala."
"Baka naman naka-drugs ka? Umamin ka, I won't tell your parents, anyway," sabi ni Erick sabay tawa.

Loko 'to a! Ginagantihan ako purkit madalas ko siyang alaskahin. Napailing na lang ako at tumayo sa kinauupuan.

"O teka, saan ka pupunta?" tanong ni Erick. "Ito naman, binibiro ka lang."
"Punta lang ng library, bro. May hahanapin lang," sagot ko.
"At kailan ka pa nging bookworm?" Umalis na ako sa puwesto. "Uy teka, sama ako!" Hinabol ako ni Erick at nagawa niya pang mang-alok ng Cheese Clubs habang naglalakad kami.

...ITUTULOY...

Bagong Bihis na Blog

Wow naayos ko rin ang blog, at nagkalaman na rin after how many years. :))

Salamat sa mga dadaan :D

Ang Medalyon (4)

IKA-APAT NA KABANATA
Ang Kabalyero at ang Prinsesa



Inaakala ng Nievas na si Jiro na siya lamang ang may mapait na kapalaran dito ngunit nagkakamali siya. Sinalakay ng mga Karim ang hilagang kaharian ng Yvret. Digmaan ang naganap. Sa huli’y bumagsak ang hilagang kaharian. Dinakip si Haring Lucero at Reyna Carissa ngunit nakatakas ang kanilang anak na si Prinsesa Lala. Upang mabawi muli ang hilagang kaharian, kailangang mahanap at maibalik ang nawawalang medalyon ng Elid. Ang medalyon ang tanging makapagpapabalik sa kapangyarihan ng mga kaharian sa hilaga, silangan, timog at kanluran at upang tuluyan nang mawala ang Karimlan na nasa ilalim ng lupa.

Alam ni Prinsesa Lala na nasa paligid lang ang panganib kaya’t kailangan niyang mag-ingat. Sa tabi ng isang puno sa tapat ng isang palaisdaan, siya’y nangangarap.

“Kung alam ko lang sana kung nasaan ang medalyon ng Elid ay matagal ko na itong ibinalik.”

Si Prinsesa Lala. Tanging anak nina Haring Lucero at Reyna Carissa ng hilagang kaharian, ang Yvret. Isang masayahin at mapaglarong bata. Nasa gulang siya na labinlima, napakabata pa kung tutuusin ngunit nahaharap na sa isang matinding pagsubok. Kulay dilaw ang kanyang kulot na buhok, luntian ang mga mata; palatandaan ng isang tunay na Yvret. Yvret din ang tawag sa mga nakatira sa hilagang kaharian.

Kumuha siya ng isang maliit na bato, “Sumpain iyang mga Karim na iyan! Makikita rin nila!” at hinagis niya ito sa palaisdaan. Biglang lumitaw ang isang napakalaking isda.

“Mahabaging Yvret!” bulalas ng prinsesa.

Nagpugay ang isda, “Magandang araw, nilalang ng Elides. A! Isa kang Yvret. Hayaan mong ipakilala ko ang aking sarili. Ako si Lartes, nagmula sa lahi ng mga isda, ang mga Mirtian, sa kanlurang kaharian ng Mirte. Naghulog ka ng bato sa palaisdaan. Nangangahulugan ba itong kailangan mo ang tulong ko?”

Humingi ng paumanhin ang prinsesa, “Naabala kita, paumanhin. Naghagis ako ng bato sa palaisdaan dahil sa aking galit sa mga Karim.”

Hindi na iyon ikinagulat ni Lartes. “Hindi ako nagtataka," sabi niya. "Ang lahat ng lahi ay galit sa mga Karim at sa mga Nievas.”

“Sinalakay ng mga Karim ang Yvret at ngayon ay kanila nang nasasakupan!” ang hindi magandang balitang hatid ni Prinsesa Lala. “Maraming Yvret ang namatay. Binihag nila ang aking ama’t ina, sina Haring Lucero at Reyna Carissa!”

Wari'y nagtataka ang isdang si Lartes, “Kung gayon, ikaw ang…”

“Ako ang prinsesa ng Yvret, si Prinsesa Lala at ako ang tanging nakatakas sa kanila," pagpapakilala niya. "Ang sabi mo ay maaari mo akong matulungan, hindi ba? Kung gayon, tulungan mo akong bawiin ang Yvret kay Mijel,” pagbabakasakali niya.
“Ang panginoon ng Karimlan!” bulalas ng isda.
“Tama,” tugon ni Prinsesa Lala.

Umiling ang isda at kitang-kita sa kanya ang kalungkutan, “Paumanhin pero wala akong magagawa. Kaming mga Mirtian ay mahina na ang kapangyarihan mula nang mawala ang medalyon ng Elid matagal na panahon na.” Sa kabila noon, may pag-asang natatanaw si Lartes, "Subalit may ibibigay ako sa iyo. Sana’y makatulong ito kahit papaano.”

Iniluwa ni Lartes ang isang nilalang. Gulat na gulat ang prinsesa, “Kinain mo ang nilalang na iyan?”

“Hindi sa ganoon. Nilagay ko lang siya sa aking sikmura sapagkat nakita ko siyang lumulubog sa karagatan. Naisip kong dalhin siya sa isang ligtas na lugar ngunit nakalimutan ko. Buti na lang at naghulog ka ng bato, naalala ko siya bigla. Hahaha!”

Natakot ng kaunti ang prinsesa, “Kung hindi ako naghulog ng bato, maaaring tuluyan mo na siyang nakalimutan at nabulok na siya diyan, ha? Kaawa-awa!”

Natatawa lang naman si Lartes, “Marahil ay ganoon na nga.”

“Baka naman patay na siya!” pangamba ng prinsesa.

Isang halakhak ang ibinigay ng isda at ito’y lumubog na sa palaisdaan. Nataranta si Prinsesa Lala, “Sandali lang! Sino ang…”

“Sana’y matulungan ka niya, Prinsesa Lala,” panalangin ni Lartes. Naglaho na nang tuluyan ang isda.

Bumuntong-hininga ang prinsesa, “Sino ang… nilalang na ito, Lartes?… Hay…”

Magdidilim na. Ni hindi ginalaw ng prinsesa ang nilalang, isa itong lalaki. Natatakot kasi siya at gulong-gulo ang kanyang isip. Sinalakay na nga ang kaharian nila, hindi niya alam kung ano ang nangyari sa mga magulang niya at ngayon ay ibinigay pa ni Lartes sa kanya ang lalaking ito na hindi niya naman kilala.

“Paano nga kung patay na siya? Ako ang maaaring pagbintangan at ako rin ang parurusahan. Pero, hindi ko siya maaaring iwan dito. Paano ko siya pagagalingin? Hindi ako gaya ng mga babaylan ng Elid na may kapangyarihan. At ang nilalang na ito, paano niya ako matutulungan e wala naman siyang sandata? Ano ba namang buhay ito!”

Nilapitan niya ang lalaki. Pansin niyang kakaiba ang kasuotan nito. Siguro ay nararamdaman din niya ang naramdaman ni Jiro na pagtataka nang makita nito si Miki. Pinagmasdan niya ang mukha nito at napangiti siya, “Ang nilalang na ito… ang kanyang hitsura, parang katulad ng mga kabalyerong kinukwento ni ina.”

Kanyang naalala bigla ang isa sa mga kinuwento ng kanyang ina sa kanya.

“Si Gohn na isa sa ating mga kabalyero ay hinirang na bayani ng Elid.”
“Talaga, ina?” tanong niya. May halong kagalakan at paghanga sapagkat ang pagiging bayani ng Elid ay isang napakalaking karangalan.

Nagpatuloy ang kanyang ina, “Sadyang magaling si Gohn ngunit sa hindi malamang kadahilanan, bigla na lamang siyang naglaho kasama ang medalyon ng Elid.”

Biglang dumilat ang lalaki. Nagulat ang prinsesa at napaatras. Bumangon si Lance. “Aaa! Ang sakit ng ulo ko…” at kanyang napansin ang prinsesa, “Isang Amerikana! Naku, hindi pa naman ako fluent sa English!”

Tuwang-tuwa naman ang prinsesa, “Buhay ka! Salamat sa mga Pantas ng Elid!”

Nauutal naman si Lance sa pagsasalita. “A-a… Oo… S-salamat sa Diyos…” at siya'y natigilan, "Sandali lang, naiintindihan mo ang mga sinasabi ko?”

Natawa ang prinsesa, “Natural! Ano ako mangmang? Alam mo bang tinakot mo ako? Ang akala ko’y patay ka na!”

“Nasaang lugar ako?” ang naitanong bigla ni Lance.

Sumagot ang prinsesa, “Nandito KA a… TAYO sa kanlurang bahagi ng ELIDES.”

“Elides?” pagtataka ni Lance.
“Ang mundong ito na may anim na kaharian ay tinatawag na Elides. Elid ang kanyang sentro, iyon ang pinakasagrado sa lahat ng kaharian,” pagpapaliwanag ng prinsesa.

Napakunot-noo si Lance, “Elid?” Ang nabasa niya… Kanyang naalala ang pangyayari noong nandoon pa siya sa kanilang bahay, kasama si Miki at maglalaro sana sila ng PlayStation 2. “Ang nabasa ko…” bulong niya.

Join Princess Lala, an Yvret from the magical world of Elides in searching for the lost medallion of the sacred realm Elid, which gives power to the other kingdoms surrounding it. Experience thrilling scenes, discover different places in search for the lost medallion and combat your worst nightmare, the Dark lord Mijel.

“Napunta ako sa isang kakaibang mundo. Iyon ang hiniling ko para sa aking kaarawan… Iyon ang hiniling ko habang pinupunit ko ang gift wrapper ng regalong binigay ni Miki," isip niya.

Kinausap niya si Lala, “Nandito ako sa Elides… At nawawala ang medalyon ng Elid, tama? Hinahanap mo para maibalik ang kapangyarihan ng mga kaharian, tama?”

“Oo,” tugon ni Prinsesa Lala. “Paano mo… nalaman? Sino ka ba?” tanong niya.

Nakipagkamay si Lance, “Lance. Ang pangalan ko ay Lance.”

Ang prinsesa naman ang nagpakilala, “Ako naman si…”

“Lala, hindi ba? Isa kang Yvret, tama? Isa kang prinsesa, di ba?” pangunguna ni Lance.
“Paano mo nga nalaman?!” takang-taka ang prinsesa.
“Nabasa ko!”

Hindi talaga siya maunawaan ng prinsesa, “Nabasa mo? Anong ibig mong sabihin?”

“Basta nabasa ko!” tanging sagot niya.

Hindi na humingi ng paliwanag ang prinsesa, “Kung nabasa mo nga, nabasa mo rin siguro kung nasaan ang medalyon ng Elid.”

“Ang medalyon?” tanong ni Lance. May naalala na naman siya.

“Miki, tingnan mo! Ang medalyong binigay mo at ang medalyon sa larong ito… ay iisa!”
“Anong iisa?”
“Pagmasdan mo! Ang ukit… ang tali… ay pareho!”
“Nagkataon lang iyan!”

“Nasa akin!” sigaw ni Lance.

Tuwang-tuwa ang prinsesa, “Nasa iyo, talaga? Maaari ko bang makita?”

“Nasa akin ngunit…” Biglang humina ang boses niya, “...tinapon ko…”
“Tinapon mo?!” panghihinayang ng prinsesa.
“Hindi ko naman alam na medalyon iyon ng Elid.”

Pumasok sa isipin niya ang eksena kung saan dinampot ni Miki ang medalyon.

“Anong problema mo? Bakit mo tinapon? Ang sabi mo sa akin kanina ay pangangalagaan mo ang medalyong ito.”
“Huwag mong dadamputin, Miki! Miki, bitiwan mo! May kakaiba sa medalyong iyan!”
“Ano bang nangyayari sa iyo?”

“Ngunit kinuha ni Miki, ng aking kaibigan! Dinampot niya ang medalyon, lumiwanag ito at lumitaw ang isang... parang teleport gate. Hinigop kami. Paikot-ikot kami at pakiramdam ko, nanghihina na ako. Matapos ay mabilis akong bumulusok paibaba. Malakas na hampas ng tubig ang tumama sa akin. Gusto kong kumilos ngunit hindi ko magawa. Dahan-dahan akong lumubog at… kadiliman.”

Ang mga pahayag na iyon ang nakakumbinsi kay Prinsesa Lala na galing si Lance sa ibang mundo. Kitang-kita naman sa kakaibang kasuotan nito.

“Sinabi mong hawak ng iyong kaibigang si Miki ang medalyon ng Elid, di ba? Kung gayon, nasa kanya ang pag-asa natin. Kung hinigop nga siya, maaring nandito rin siya sa Elides. Kailangan natin siyang hanapin!”
“Marahil ay tama ka, prinsesa,” tugon ni Lance.
“Kung gayon, tayo na," yakag ni Prinsesa Lala. “Maglalakbay tayo. Kailangan nating mahanap ang kaibigan mong si Miki at… ang medalyon ng Elid.”
“Ngunit saan natin siya hahanapin?” tanong ni Lance.
“Maaari tayong pumunta sa bayan at magpahula,” ang unang bagay na pumasok sa isipan ni Prinsesa Lala.

Naghanda si Lance. Aaaminin niya, kinakabahan siya sa mga bagay na maaaring mangyari. Isa siyang dayo sa mundong ito, ang mundong kung tawagin ay Elides at hindi niya alam kung ano ang mga panganib na naghihintay sa kanila sa daan. Ngunit kung ito ang paraan upang matulungan niya ang prinsesa, gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya.

“Masusunod, mahal na prinsesa!” galak niyang sinabi.

Ngumiti ang prinsesa, “Kung ganoon, tayo na, aking magiting na kabalyero! Hahanapin natin ang nawawalang medalyon ng Elid!”

Ang Medalyon (3)

IKATLONG KABANATA
Ang Dalaga sa Ilog


Isang mahabang paglalakbay ang kinakaharap ngayon ni Jiro. Dumadaan siya sa matatarik na daan. Tumutulay siya sa mga sirang tulay na sinira ng mga nakakatakot na halimaw. Naglalambitin siya sa mga punong kay tataas. Hanggang siya’y mapagod at naisipang magpahinga. Naglakad-lakad siya, umakyat-akyat sa mga puno at naghanap-hanap ng lugar na maaaring masilungan kung saan may tubig din. May nakita siyang ilog. Agad niya itong pinuntahan. Tuwang-tuwa siya nang marating ang lugar. Kay lamig at kay sarap sa balat ng tubig. Uminom siya at naghilamos. Pagbukas ng kanyang mga matang kulay lila, naaninag niya ang isang nilalang sa kabilang parte ng ilog.

“Isa bang… nilalang… ang nakikita ko?” tanong niya sa sarili. Agad siyang tumawid upang makasiguro. Isa ngang nilalang iyon at ito ay isang babae. Nakahandusay ito at walang malay. Awang-awa siya sa kalagayan nito. “Baka naman patay na siya!” isip niya.

Kumuha siya ng kapiraso ng kahoy at sinundot niya ang babae sa braso. May napansin din siyang hawak nito sa kaliwang kamay. “Ginto!” sigaw niya sabay takip ng bibig. “Aargh! Ang ingay ko talaga!”

Dahan-dahan niyang inalis ang gintong hawak ng babae at nagtagumpay siya, agad niya itong tinago. Kinuha niya ang kamay nito at pinakiramdaman kung may pulso pa ba.

“Buhay pa siya!” bulalas niya nang maramdamang may pulso pa nga ito. At nang kanya itong itinihaya, siya ay nabigla at halos hindi makapagsalita. “Napaka… ganda niya…” kanyang nasabi.

Sinipat niya kung ang babae ay may suot na kristal, baka kasi nakakahuha ito ng kristal kaya ganun na lang ang kagandahang taglay nito ngunit wala siyang nakita. Natural ang kagandahang taglay ng babae. Iba ang naramdaman ni Jiro. Humahanga siya sa babaeng ito.

Tumingin siya sa paligid. Walang ibang tao pero nangangamba siya, baka bigla kasing may halimaw na umatake sa kanila. Naghanap siya ng ligtas na lugar, nag-ipon ng mga tuyong dahon at binuhat ang babae, nilapag niya roon. Nakatitig lang siya sa napakagandang dilag na iyon.

Taglay ni Jiro ang isang nakakalokong ngiti sa labi, "Kakaiba ang suot niya ah!"

Ito ang kanyang palagay dahil ang pang-itaas na kasuotan ng babae ay walang manggas, maiksi ang pang ibaba na kita na halos ang hita at binti, ang sapin sa paa ay kakaiba ang disenyo at nang kanyang basahin ang nakasulat ay hindi niya naunawaan pero ang tatak nito ay ‘Skechers’.

Maraming tanong ang pumasok sa kanyang isip. Sino ang babaeng ito? Saang kaharian siya nagmula? Nakapagnakaw na siya sa iba’t ibang kaharian maliban sa Elid at Karimlan ngunit wala siyang nakitang katulad ng damit nito. Nakapagpasya na siya. Pagkamulat na pagkamulat ng babaeng iyon ay tatanungin niya ang pangalan nito at kung saang kaharian ito nanggaling.

Lumipas ang dalawang oras. Nakapanguha na rin si Jiro ng mga halamang gamot na maaari niyang ipantapal sa sugat ng babae. Habang tinatapal niya ang isang halamang gamot ay nagkakamalay na ito. Huminto siya. Nang imulat ng babae ang kanyang mga mata ay natuon ang paningin nito kay Jiro. Kabang-kaba nga ang Nievas.

“Lance, ikaw ba iyan?” tanong nito.

Hindi nakapagsalita si Jiro. “Sino ang hinahanap niya?” tanong ng binata sa sarili.

Bumangon ang babae. Nakita niyang kakaiba ang kanyang paligid at sino ang kaharap niyang ito?

“S-sino ka?” tanong niya.
“A-ako ba?” tanong ng Nievas. “Ang pangalan ko ay Jiro. At ikaw?”

Tumayo si Miki. Pinagmasdan lamang siya ni Jiro. “Nasaan ako?” tanong niyang muli.

“Ikaw? Narito ka sa isang di kilalang gubat,” sagot ni Jiro.

Kung paanong napunta siya roon, hindi alam ni Miki. Ngunit may naalala siya, “Ang medalyon!”

Napakunot-noo si Jiro, “Medalyon?”

“Nakita mo ba? May nakita ka bang medalyon?”

Nilarawan ni Jiro ang medalyon, “Yun ba yung kulay gintong bilog at may tali?”

“Oo! Yun nga! Nakita mo?”
“Ano ba ang anyo nun?” Nilabas ni Jiro ang medalyon. “Ganito ba?”

Tuwang-tuwa si Miki. Hindi pala nawalay sa kanya ang medalyon, “Tama, iyan nga! Ibigay mo sa akin.”

Nagdadalawang-isip si Jiro kung ibibigay niya ba ang medalyon o hindi. At hindi niya nga ginawa. “Sino namang may sabing ibibigay ko sa iyo ito? Ako ang nagligtas sa buhay mo. Sapat na ito bilang kabayaran.”

“Ngunit ang medalyong iyan ay sa kaibigan ko! Kailangan kong maibigay sa kanya iyan!” dahilan ni Miki.

Pinulupot ni Jiro ang tali ng medalyon sa kanyang braso. “Ito ay kabayaran mo na sa akin. Akin na ito.”

“Hindi ko sinabing iyan ang ibabayad ko sa pagkakasagip mo sa akin! Babayaran kita ngunit hindi iyan ang ibibigay ko. Pangako! Ibibigay ko ang kahit na anong hihilingin mo, huwag lamang ang medalyon. Ibigay mo na iyan sa akin.”

Sandaling natahimik si Jiro at nagwika, “Sigurado ka bang ibibigay mo ang kahit na anong hihilingin ko?”

Tinaas ni Miki ang kanyang kanang kamay, “Peksman! Hindi ako nagsisinungaling!”

“Kung gayon, bago ko ibigay ang bagay na hinihingi mo, ibigay mo muna sa akin ang gusto ko.”
“Ano ba… ang gusto mo?”

Siguradong maganda ang iniisip na hiling ni Jiro at siya’y desidido na, “Simple lang. Gusto kitang maging kasintahan!”

Nagulat si Miki, “Anong sinabi mo?”

“Ang sabi ko, gusto kitang maging kasintahan. Iyon ang magiging kabayaran mo sa pagkakaligtas ko sa buhay mo.”
“Pero ang hinihiling mo ay…”
“Kung gusto mong makuha ang medalyon, sundin mo ang gusto ko. Kung hindi mo ibibigay ang hiling ko, hindi ko ibibigay ang hiling mo.”

Kung hindi papayag si Miki sa gusto ng lalaking ito ay maaari nitong kunin ang medalyon. Maaari rin siyang iwan doon sa di kilalang gubat na iyon o di kaya naman ay gawing alipin. Kailangan niyang mabawi at pangalagaan ang medalyon. Wala na siyang ibang pagpipilian.

“Pumapayag na ako!” sabi niyang masama ang loob.

Tuwang-tuwa naman si Jiro sa kanyang narinig, “Talaga ba?”

“Oo. Pumapayag na akong maging kasintahan mo.”

Niyakap ni Jiro si Miki. Naiilang naman ang dalaga. Wala pang lalaking nakayakap sa kanya. Matapos manumpa ni Jiro na magiging isang matapat, mabait, mapagmahal at mapag-alagang kasintahan ay ibinigay niya na ang medalyon. Hindi nakalimutang magpasalamat ni Miki sa pagkakabigay sa kanya ng medalyon.

Ibinigay na rin niya ang kanyang pangalan, “Siyanga pala, nakalimutan kong magpakilala sa iyo. Ang pangalan ko ay Mikaela ngunit madalas nila akong tawaging Miki.”

“Napakaganda ng iyong pangalan,” papuri ni Jiro.
“Nambola ka pa!”
“Totoo! Totoong napakaganda. Alam mo, para ngang pamilyar ang pangalan mo. Saan ko ba narinig iyon? Miki… Mi… Mi… Mi…” Saka lang ni napagtanto ni Jiro na… “Ang aking Milne! Nawawala ang aking Milne!”

Ang Medalyon (2)

IKALAWANG KABANATA
Sawimpalad


Sa araw na ito, isang nilalang ang pinalayas dahil sa kanyang kabiguan. Nagtitipon ang lahat at nakikinig habang ginagawad ng mga nakatatanda sa kanya ang parusa.

“Nabigo kang nakawin ang kristal ng punong si Dariva kaya’t ika’y aming patatalsikin. Binagsak mo ang pagsusulit. Hindi ka karapat-dapat mamuhay sa lugar na ito. Hindi ka na maaaring bumalik pa sa Niev KAILANMAN!”

Ang hatol na iyon ay hindi biro. Hindi rin naman ito ang unang pagkakataon na may pinatalsik sa Niev (Nyev kung iyong bibigkasin), ang bayan ng mga mang-uumit.

Si Jiro. Isang Nievas, tawag sa nakatira sa Niev. Maliksi ang pangangatawan at tunay na kay kisig. Mayroon siyang buhok na kulay berde at pambihira ang ganda ng kanyang mga matang kulay lila. Ang tangi niyang armas ay isang malaking kalawit na kung tawagin ay ‘Milne’ na namana niya pa sa kanyang mga ninuno. Binigay iyon sa kanya ng kanyang lolo bago pa bawian ng buhay.

Inatasan siyang nakawin ang kristal ng pinakamagandang punong si Dariva ngunit hindi niya nagawa. Pinangunahan siya ng takot na baka siya’y parusahan ng mga kaluluwa ng Lun at ang awa na rin sa magandang puno. Pinaniniwalaang ang kristal ng mga puno ay nagbibigay ng walang kapantay na kagandahan kaya naman maraming nagtatangkang magnakaw nito. Kaparusahang malupit ang matatanggap ng sinumang mang-umit. Ang gubat kung saan nananahan ang magandang puno ay tinatawag na Lun. Ang mga kaluluwa ang siyang tagabantay ng sagradong lugar na ito.

Habang nag-iimpake ng mga damit, pumasok sa kanyang lungga (tirahan) si Fienna, isang babaeng may lihim na pagtingin kay Jiro.

“Bakit mo naman binigo ang mga nakatatanda?” tanong nito.
“Ang inatas nila sa akin ay sadyang kayhirap,” matapang niyang pagsagot.
“Mahirap bang kunin ang kristal ni Dariva? Kung ako’y kayang-kaya kong gawin iyon.”
“Kaya mo rin bang tanggapin ang ibibigay sa iyong kaparusahan ng mga kaluluwa ng Lun?” Natahimik si Fienna. Nagpatuloy si Jiro, “Ang Lun ay isang sagradong lugar. Ang mga kaluluwa ang tagabantay. Isang mabigat na parusa ang matatanggap ng sinumang manira at lumapastangan sa kanilang mga puno. Hindi ako mamamatay ng walang dangal.”
“Dangal na ring maituturing ang pagnakaw mo sa kristal ni Dariva! Kapupurihan ka ng mga Nievas dahil unang-una ay nakapasa ka sa pagsusulit, ikalawa’y dahil nagawa mo ang nakaatas na tungkulin ng mga nakatatanda sa iyo. Iyon din ang patunay na isa kang mabuting mang-uumit at maaari kang manirahan sa Niev hanggang sa huling sandali ng iyong buhay!”
“Kapupurihan din ba ako ng mga kaluluwa ng Lun kung aalisin ko ang kagandahan ng puno nila?”
“Isa lang naman iyon!”
“Kahit na. Ilagay mo kaya ang sarili mo kay Dariva. Ako ay dadating at uumitin ko ang kristal ng kagandahan mo, Fienna. Hindi ba’t napakasakit nun? Mas nanaisin ko na lamang na patalsikin ako sa Niev kaysa umitin ang kristal. Naiintindihan mo?”

Lumabas na ng lungga si Jiro. Nakasunod sa kanya si Fienna. Umakyat siya sa entablado at binasbasan ng mga nakatatanda.

“Maging matiwasay sana ang pamumuhay mo sa ibang lugar. Nawa’y may tumanggap sa iyong mabubuting nilalang gayon pa’t ang lahi natin ay kinasusuklaman ng lahat ng kaharian.”

Tinanggal na kay Jiro ang kwintas na nagsisilbing susi ng Niev.

“Humayo ka at huwag ka nang babalik pa sa Niev, BIGONG MANG-UUMIT!”

Sa pagsara ng tarangkahan ng Niev para sa kaawa-awang si Jiro ay tumulo ang mga luha ni Fienna. “Sana nga’y may tumanggap sa iyong mga mabubuting nilalang, Jiro…” panalangin niya.

Sa paglalakbay na ito, hindi alam ni Jiro kung saan siya dadalhin ng kanyang mga paa. Sa hilera ng bato sa labas ng Niev, tumigil siya. Kinatok niya ng kanyang Milne ang mga bato at pinakiusapan.

“Lumabas kayo diyan. Nais ko kayong kausapin.”

Mga hamog ang lumabas mula sa mga bato. Nagkorte itong tao. Marami sila at dahil akala nila magandang balita ang dala ni Jiro, nagkantahan sila.

“Tama na! Tama na! Hindi magandang balita ang dala ko,” saway ni Jiro.

Nagbulungan ang mga hamog.

“Nasaan na ang aking ama’t ina?” tanong ni Jiro.
“Narito anak! Sa itaas ng puno!” sigaw ng kanyang ama.
“Pumasa ka ba sa pagsusulit?” usisa ng kanyang ina.

Nakita ng isang hamog ang kanyang liig. “Wala na sa kanya ang susi ng Niev!” sigaw nito.

Nagbulungan uli ang mga hamog. Para sa kanila ay isa itong kahihiyan. Bumaba sa puno ang mga magulang ni Jiro, may pangamba sa kanila.

“Wala na sa iyo ang susi ng Niev?” tanong ng kanyang ama.
“Ang ibig sabihin ba nito ay pinatalsik ka?” palagay ng kanyang ina.

May sumigaw, “Isa itong kahihiyan!”

Hindi nakilala ni Jiro kung sino ang hamog na nagsalita ngunit kung natatandaan niya ang boses nito, walang iba kundi ang kanyang lolo. Lumapit ito sa kanya, mabilis ang pagkilos ng hamog at ito ay ikinagulat niya.

“Ikaw pa lamang ang kauna-unahang napatalsik sa angkan natin! Bakit hindi mo ginawa ng mabuti ang inatas sa iyo?”
“Ang inatas nila sa akin ay umitin ang kristal ni Dariva sa kagubatan ng Lun!” sagot ni Jiro.

Takot na takot ang mga hamog. Para bang pinangingilagan talaga ang kagubatan ng Lun.

“Hindi ko ginawa,” dagdag ni Jiro.
“Dapat ay ginawa mo!” sigaw ng kanyang lolo. “Mas mahirap ang nakaatas, mas may pagkakataon kang mahirang na bayani. Ang iyong ama ay naging bayani dahil sa pagnakaw niya ng mga sangkap ng mahiwagang likido ni Danika, ang mangkukulam ng Silangan.”
“At siya’y pinatay ng mga paniki ni Danika,” sarkastikong pagkakasabi ni Jiro.

Para bang napahiya ang kanyang lolo at nagwika na lamang ito ng, “Kahit na! Naging bayani naman siya!”

“Lolo, ang Lun ay ikalawa sa pagiging sagrado sa Elid. Minsan na ninyong nakuwento na may isang nilalang na nagnakaw sa medalyon ng Elid. Kamatayan ang naging kaparusahan niya sa kamay ni Gohn, isang kabalyero ng Yvret at ang hinirang na bayani ng Elid. Nais ninyo bang madungisan ang dangal ng ating pamilya? Ang paglapastangan sa isang sagradong lugar ay isang kahihiyan!”
“Ngunit kahihiyan din ang hindi pagtupad sa inatas na tungkulin!” tiyuhin naman niya ang nagsalita. “Mas masahol para sa ating mamamayan ng Niev ang mapatalsik kaysa dungisan ang isang sagradong lugar.”

Umapila si Jiro, “Ngunit kayo ay hindi na isang mamamayan ng Niev! Kapag namatay na ang isang Nievas, hindi na sila itinuturing pa na mamamayan sapagkat sila’y nagiging hamog. Hamog na halos hindi makita at sa kasamaang palad ay hindi na pinapansin ng kahit sino. Nagsisilbi na lang silang tagamasid at tagabulong sa mga nakatatanda. Habang-buhay na alipin!

“Mas masahol pa iyon kaysa sa gaya kong pinatalsik. Mas mainam na rin ang maaga kong pagkakatalsik dahil makakahanap pa ako ng ibang lugar na matitirhan. Hindi na ako maaaring bumalik sa Niev. Maaaring isa nga akong mang-uumit ngunit babaguhin ko ang aking kapalaran. Sawang-sawa na ako sa kasamaan. Ang pagiging magnanakaw ay hindi isang karangalan!!!” At siya'y nagpaalam, “Aalis na po ako, aking mga kamag-anak.”

Biglang-bigla ang kanyang mga kamag-anak sa narinig nila kay Jiro. Nais nilang patulan si Jiro ngunit wala na silang kakayahan, sila ay mga hamog na lamang. Ang tangi na lamang nilang magagawa ay ang magbigay ng opinyon.

“Siya na nga lang ang natitira sa angkan natin, pinatalsik pa!”
“Mukhang sa kanya na titigil ang kasaysayan ng ating angkan!”
“Siya ang pinakanakakahiya sa atin!”

“Hindi ko alam kung kanino nagmana ang batang iyon,” sabi ng ama ni Jiro.
“Ginagamit niya ang utak niya kaysa abilidad,” sambit naman ng kanyang ina.

Nagtalu-talo lalo ang mga hamog.

“Akala siguro ng anak ninyo ay magiging marangal siya ngunit hindi! Siya ang pinakasawimpalad dito! Namatay tayo na isang mabuting mang-uumit ngunit siya’y duwag at wala man lang naiambag. Kapag tayo’y kanyang tinawag, hindi na ako magpapakita. Kung pwede nga lang bawiin ang Milne sa kanya!” maktol ng kanyang lolo.

Nagsipasukan na ang mga hamog sa bato. Ang mga nakahilerang bato pala’y nagsisilbing kanilang libingan.

Habang naglalakad ay nag-iisip si Jiro, “Kapag namatay ako ay magiging hamog din akong gaya nila. Ito ang sumpa ng mga Nievas. Habang-buhay akong kasusuklaman. Ayaw kong mangyari iyon. Hahanap ako ng paraan upang maging kaiba sa kanilang lahat. Marahil ang aking ama ay isa ngang bayani ng Niev ngunit hihigitan ko siya. Hindi lang sa Niev makikilala ang aking pangalan kundi pati na rin sa ibang kaharian.”

Nagpatuloy siya sa paglalakad at sa sobrang lalim ng iniisip ay hindi niya napansing nabitawan niya ang Milne.

“Ako ay isang bigong mang-uumit… Bigong mang-uumit…” usal niya.

Samantala, kinuha ng isang nagtatagong lalaking Nievas ang Milne at ibinigay kay Fienna. Iyak naman ng iyak ang dalagang Nievas.

Ang Medalyon (1)

UNANG KABANATA
Ang Inaasahang Regalo


Ika- dalawa ng Hunyo. Araw ng Sabado. Masaya ang gising ni Lance ngayon. Binati niya ang sarili ng magandang umaga sa harap ng salamin. Niligpit niya ang higaan, inayos ang sarili at talaga namang naghanda para sa espesyal na araw na ito, ang kanyang kaarawan.

Ang pamilya ni Lance ay may kaya sa buhay at siya’y nag-iisang anak lamang. Kahit ganoon, hindi siya gaya ng iba na pinalaki sa layaw. Marahil ay binibigyan siya ng mga mamahalin at magagandang bagay ngunit tuwing may okasyon lamang.

Tinuruan siya ng mga gawaing-bahay at tunay namang kay sipag niya. Ng pagiging magalang kaya’t siya’y kapuri-puri talaga. At ng pagiging matapang sapagkat ang kanyang ama ay isang alagad ng batas.

Kung titingnan mo si Lance, makikita mo ang tatak ng karangyaan. Makinis ang kanyang balat, medyo maputi, mayroong mapungay at magandang mga mata, matangos ang ilong, ang mga labi ay mapupula, katamtaman ang pangangatawan at kung mapapansin ay may katangkaran. Maayos at malinis din ang pagkakagupit ng kanyang buhok. Siya ay labing-anim na taong gulang na ngayon dahil nga kanya nang kaarawan at nasa huling taon na rin sa mataas na paaralan.

Bumaba na siya, masigla at may ngiti sa mga labi. Habang hinahakbang ang mga paa sa baitang ng hagdan, kanyang iniisip kung ano ang regalong ibibigay sa kanya ng kanyang mga magulang. Yun kaya ang hinihiling niyang sapatos? O ang bagong bag na nakita nila sa mall noong isang araw? Yun lang naman ang gusto niyang matanggap. Kahit alin doon, masaya na siya.

Nang makababa na siya, nakita niyang malinis ang paligid. Tahimik, sobra. Wala ang kanyang mga magulang. Wala ring bakas ng regalo o handa para sa kanyang kaarawan. Sanay si Lance na kapag kaarawan niya ay may handa na sa hapag at ang regalo para sa kanya ay naroon din nakabalot na, ngunit wala. Lumapit siya sa refrigerator nang makakita ng nakadikit na note dito. Galing ito sa kanyang mga magulang. Kanya itong binasa at ang nilalaman nito ay,

Pasensya na, anak, kung sakali mang magising ka at wala na kami. Maaga ang pasok namin ngayon. May almusal na diyan sa mesa. Kainin mo na, baka magutom ka pa.

Nalungkot si Lance. Walang handa para sa kanyang kaarawan at wala ang inaasahan niyang regalo. Lumapit siya sa lamesa at kinain ang nakatakip na almusal. Matapos, kinuha niya ang kanyang skateboard, yun ang natanggap niya noong nakaraang taon noong kaarawan niya, lumabas ng bahay at nagpagala-gala.

Narating niya ang parkeng malapit sa tinitirhan nila. Umupo siya sa isang tabi at pinaglaruan ang kanyang skateboard, pinaiikot-ikot ang gulong, halatang walang magawa. Napansin siya ng isang kaibigan nang mapadaan ito at siya’y nilapitan.

“Anong ginagawa mo?” tanong nito.
“Wala naman,” sagot niya, tila malungkot.

Tiningnan siya nito sandali at napansin na nababalot siya ng kalungkutan. Matapos ay nagtanong ito, “Pwede ba akong umupo sa tabi mo?”

“Kung gusto mo,” sagot niya.

Umupo ang kaibigan sa kanyang tabi. “Siyanga pala, may ibibigay ako sa iyo,” sabi nito. Nilabas nito ang isang regalo, “Tenen! Regalo ko, happy birthday!”

Natawa lang si Lance. Mukhang nadismaya ang kanyang kaibigan, “Wala ka man lang ibang sasabihin, Lance? Tatawa ka lang diyan?”

“Maraming salamat, Miki,” pagpapasalamat niya.

Napangiti si Miki. Napakagaan sa pakiramdam kapag pinasasalamatan ka ng isang tao matapos mo siyang bigyan ng regalo.

Si Miki. Tinuturing ni Lance na matalik na kaibigan. Pareho sila ng paaralang pinapasukan at sila’y magkaklase. Hanggang baywang ang buhok niya, itim na itim at unat. Marahil yun ang hinahangaan ng lahat sa kanya. Higit sa lahat, siya ay may ginintuang puso at isang tunay na kaibigan.

“Buksan mo na!” utos ni Miki. Mukhang mas excited pa nga siya kaysa kay Lance. “Hindi ko alam kung magugustuhan mo iyan, pero sana! Nang makita ko iyan, naalala ko bigla yung mga estudyanteng rakistang nagsusuot ng bling bling sa paaralan natin. Hindi siya ganoon kaganda pero naisip kong maaari mo iyang gamitin. Pang dekorasyon ba sa katawan,” dagdag niya.

Habang pinupunit ni Lance ang balot ng regalo, gumawa siya ng isang kakaibang hiling. Naglalaro ang iba’t ibang imahinasyon sa kanyang isipan at namangha siya nang tumambad sa kanya ang ibinigay na regalo ni Miki.

“Nagbibiro ka ba, Miki? Sinabi mong hindi ito maganda pero napakaganda nito! Saan mo ito nabili?”

Nag-aalinlangan si Miki kung sasagutin niya ba ang tanong ni Lance, “Kailangan ko pa bang sabihin kung saan?” Pinilit siya ng kaibigan. “Ang totoo, nakita ko lang iyan sa bodega namin nang maglinis kami. Hindi ko alam kung kanino iyan pero nakasisiguro akong pag-aari iyan ng aming pamilya. Nagandahan ako sa ukit. Pagmasdan mo, isa itong medalyon at tingnan mo, ito’y tunay na ginto!”

Nabigla si Lance, “Seryoso ka ba? Edi malaki ang halaga nito pag binenta.”

“Hmm... Ganoon na nga. Pinasuri ko na iyan,” sagot ni Miki. Nagtungo kasi siya sa Pawnshop matapos makita ang regalo. “Bakit? May balak ka bang ibenta iyan?”

Umiling si Lance. Kinuha niya ang kamay ni Miki, ibinuka ito at nilagay doon ang medalyon. "Itago mo na lang ito,” mungkahi niya.

Ibinalik naman ni Miki sa kanya ang medalyon, “Mas gusto kong ibigay sa iyo iyan kaysa itago, Lance. Hindi na siguro nila iyan hahanapin.”

Natahimik si Lance at nangako, “Sige, Miki. Pangangalagaan ko ang medalyong ito.”

Nagpaalam na si Miki dahil pupuntahan pa niya ang isa pa nilang kamag-aral, si Alvin, na nagpapaturo sa asignaturang Matematika. Inihahanda na kasi ni Alvin ang sarili sa darating na pasukan. Nadismaya kasi niya ang kanyang mga magulang nang makakuha siya ng palakol sa kard noong nakaraang taon. Nangako naman si Miki na babalikan si Lance matapos niyang magturo. Nalaman kasi niyang wala itong ibang kasama. Isa pa, isang oras lang naman ang gagawin niyang pagtuturo.

Sinabihan ni Lance si Miki na huwag na huwag mag-iimbita ng ibang kakilala sapagkat wala siyang handa, nakakahiya naman.

“Walang problema!” tugon nito at tuluyan na ngang umalis.

Naglaro na lamang si Lance ng skateboard sa parke para libangin ang sarili. Pinaunlakan niya rin ang hiling ng ilang kadalagahan na magpakitang-gilas. Palakpakan at tilian ang kanyang natanggap. Tinanong siya ng mga ito kung ano ang kanyang pangalan at hiningi rin ang numero ng kanyang cell phone ngunit wala siyang naibigay. Wala kasi siya nito. Todo-todo naman ang panghihinayang ng mga dalaga. Nagpaalam na siya matapos ang pakikipag-usap sa mga ito at bumalik na sa kanilang tahanan.

Tahimik. Sadyang napakatahimik. Dahan-dahan niyang sinara ang pintuan upang hindi masira ang katahimikan. Hindi niya ito ni-lock dahil alam niyang dadating si Miki. Umakyat siya sa itaas, sa kanyang silid. Humiga siya sa kanyang kama at hinimas-himas ang medalyon.

“Ano kaya ang ibig sabihin ng mga ukit na ito?” Sinuri niya itong mabuti, “Ano nga kaya?”

Mabilis na lumipas ang isang oras. Naroon na si Miki sa ibaba. Sa katunayan nga ay huli pa siya ng ilang minuto. Kumatok siya at tinawag ang pangalan ni Lance. Nang walang sumagot, tinulak niya ang pinto. Bukas ito, pumasok na siya.

“Napakatahimik naman dito,” bulong niya at kanyang tinawag ang kaibigan. “Lance! Lance!”

Agad na bumaba si Lance nang marinig niyang tinatawag siya. Iniwan niya ang medalyon sa kanyang kama.

“Miki! Nandito ka na pala.”
“Nainip ka ba? Pasensya ka na kung medyo natagalan ako, bumalik pa kasi ako sa bahay,” paumanhin ni Miki. Tumingin-tingin siya sa paligid, “Wala ka pala talagang kasama dito."
“Umalis sila nang maaga.”
“Nabati ka na nila?”

Umiling si Lance. May nararamdaman pa rin siyang pagtatampo hanggang ngayon.

“Ganoon talaga. Intindihin mo na lang, pareho silang nagtratrabaho,” pagpapagaan ng loob ni Miki.

Nauunawaan naman ni Lance. Saka, ngayon lang naman siya hindi nabati kaya kahit paano’y nabawasan na ang kanyang pagdaramdam. Niyaya niya si Miki na umakyat sa kanyang silid para maglaro ng PlayStation 2.

“Ayaw ko!” tanggi ni Miki.

Nagtaka si Lance. Dati rati naman noong elementarya ay nagpupunta sila roon. Madalas nga silang maglaro ni Miki sa kanyang kwarto.

“Iba na ngayon ang panahon, Lance. Malalaki na tayo at tandaan mo, isa kang lalaki. Ang maaari mo na lang yayain doon ay ang mga katulad mo ng kasarian pero ang isang babae, hindi pwede!”

Hindi naman niya masisisi si Miki. Nagkakaroon na nga sila ng iba’t ibang pagbabago sa katawan, maging sa damdamin at kailangan na rin nila ng privacy.

“Ibaba mo na lang dito. Dito na lang tayo maglaro,” mungkahi pa ni Miki. Isa pa ay may TV rin naman sa sala.
“Magdadala ako ng kaunting bala,” sabi ni Lance nang siya ay nasa hagdanan.
“Hindi na kailangan. Nanghiram ako ng mga bala kay Alvin,” muling pagtutol ni Miki.

Umakyat na si Lance at nang makababa, dala niya na ang PlayStation 2. Ang medalyon nama’y isinuot niya.

“Tutulungan na kita sa pag-aayos,” pagpriprisinta ni Miki. Umupo silang dalawa.

Nakahanda na ang lahat at isasaksak na sana ni Lance ang kurdon upang mabuhay ang PlayStation 2 nang bigla niyang maalalang tingnan kung anu-ano ang mga balang hiniram ni Miki kay Alvin, binitiwan muna niya ang kurdon. Nakatawag sa kanyang pansin ang isang laro na kahit kailan ay hindi pa niya nakita o nabasa sa pahayagan.

“Bago ba ito?” tanong niya.
“Siguro. Mukhang bagong bili e!” palagay ni Miki.

Lost Medallion of the Realm. Yun ang pamagat ng larong hawak ni Lance. Mukhang naeengganyo na nga siyang laruin iyon lalo na nang mabasa niya ang nilalaman nito na nakasulat sa wikang Ingles.

Join Princess Lala, an Yvret from the magical world of Elides, in searching for the lost medallion of the sacred realm Elid, which gives power to the other kingdoms surrounding it. Experience thrilling scenes, discover different places in search for the lost medallion and combat your worst nightmare, the Dark lord Mijel.

“Lost Medallion of the Realm…” banggit ni Lance. “Laruin natin, Miki!”

Natuon naman ang tingin ni Miki sa liig ni Lance at napansin na suot na nito ang medalyon, “Sinuot mo na pala iyan!” at sila’y nagulat nang biglang bumukas ang PlayStation 2 at lumabas ang disc tray. “Anong nangyari?” tanong niya.

“Napindot ko yata,” pag-aakala ni Lance.
“Ilagay mo na kaya ang CD para makapag-umpisa na tayo.”

Nilagay na nga ni Lance ang CD. Hindi pa niya napipindot ang buton ay bigla na itong sumara. “Sira na yata ito, Miki,” palagay niya.

Kinuha ni Miki ang lalagyan ng CD upang tingnan kung ilang manlalaro ang pwedeng maglaro ngunit wala siyang nakita. “Lance, tingnan mo! Walang nakalagay kung ilang players…” sabi niya.

Tiningnan iyon ni Lance ngunit iba ang kanyang nakita, isang medalyon, at ang nakapagtataka ay hindi niya ito napansin kanina. May kaba sa dibdib ni Lance, di kaya namamalik-mata lang siya? Naramdaman niyang biglang uminit ang medalyon na kanyang suot. Bumilis tuloy ang tibok ng puso niya at nang makasigurado, kanyang sinabihan si Miki,

“Miki, tingnan mo! Ang medalyong binigay mo at ang medalyon sa larong ito… ay iisa!”
“Anong iisa?” pagtataka nito.
“Pagmasdan mo! Ang ukit… ang tali… ay pareho!”

Hindi naman naniniwala ang kaibigan sa kanya, “Nagkataon lang iyan!”

May naalala bigla si Lance, “Ang saksakan!”

“Saksakan,” ulit ni Miki.
“Paanong bumukas… hindi ko naman sinaksak?”

Agad na hinubad ni Lance ang medalyon at hinagis. Nararamdaman niyang may kakaiba rito.

“Anong problema mo? Bakit mo tinapon?” tanong ni Miki. Tumayo siya upang kunin ang medalyon. “Ang sabi mo sa akin kanina ay pangangalagaan mo ang medalyong ito,” pagpapatuloy niya.
“Huwag mong dadamputin, Miki!” pagpigil ni Lance. Ngunit huli na, hawak na ni Miki ang medalyon. “Miki, bitiwan mo! May kakaiba sa medalyong iyan!”
“Ano bang nangyayari sa iyo?” tanong ni Miki habang papalapit kay Lance.

Nagsimula na. Lumitaw na sa telebisyon ang pamagat ng laro.

“Lost Medallion of the Realm…” yun ang huling salitang narinig ni Lance kay Miki.

Umilaw ang medalyon at lumabas ang isang kulay gintong lagusan. Napatingin si Miki sa kanyang itaas kung saan lumitaw ang lagusan. Siya’y biglang nawalan ng malay at hinigop ng lagusan.

“Miki!!!” sigaw ni Lace, biglang-bigla.

Lumalakas na ang pwersa ng hangin na nagmumula sa lagusan. Hindi na rin nakayanan ni Lance. Hinigop na rin siya! Sa lagusan, paikot-ikot sila. Natatanaw niya si Miki. Sinisigaw niya ang pangalan nito ngunit walang naririnig ang kaibigan. Nakapikit ito, hawak-hawak ang medalyon, walang malay.

Paikot-ikot. Nakakahilo! Nawalan na rin ng malay si Lance. Sa pagsara ng lagusan, siyang pagtahimik ng kapaligiran.

WALANG PAMAGAT (9)

Nabigla si Santina sa nakita niya.

"Bakit... bakit magkahawak ang kamay nila?" tanong ng isip niya. "Hindi, hindi puwede ito! Hindi puwedeng makuha ng babaeng iyan si Sid. Akin lang siya!"

Humakbang si Santina papasok at lumapit kay Sid na, as usual, nagpapacute na naman.

"Hi babes! Good morning!"

Itinago na ng prinsesa ang panulat. Si Iane naman ay nanatiling nakatahimik. Nagbago bigla ang timpla ni Sid,

"Nandito ka na naman?"
"Syempre! Sabi ko naman, di ba, babalik ako? By the way high way, babes, may dala ako for you," pagbibida ni Santina. "Wait lang ha? I'll just get it." Lumabas siya saglit para kunin ang sinasabi niyang dala para kay Sid, at nang makuha na, itinago niya muna sa likuran niya ang bagay na gusto niyang ibigay.
"Ano ba iyan?" tanong ni Sid nang mapansing may tinatago si Santina sa likuran niya.

Ngumiti si Santina sabay sabi ng, "Tada!" Ipinakita niya kay Sid ang dalang maliit na kaldero.

Natawa si Sid sa nakita, "Ba't may dala kang kaldero?"

Ikinatuwa naman ni Santina ang reaksyon ni Sid dahil napangiti niya ang dating kasintahan. "E syempre, babes, ipinagluto kita ng ulam. Gusto mo bang tikman?" Binuksan ni Santina ang kaldero.

Humalimuyak ang amoy ng nilutong ulam, parang sa patalastas ng Hanzel Choco Sandwich. "Mukhang masarap," sabi ni Sid nang makita ang nilutong dinuguan.

Nag-isip si Santina, "Sige lang, babes, pag tinikman mo itong ulam na niluto ko, for sure babalikan mo na ako kasi may gayuma ito."

Naeengganyo na si Sid na tikman ang ulam. Tinawag niya si Eunice para ikuha siya ng kutsara. Hindi na ikinagulat ni Eunice ang pagpunta ni Santina sa bahay nila, bagkus ay binati niya ito. Gumanti rin naman ng pagbati si Santina.

"Sige na, babes, tikman mo na," pang-eengganyo ng dalaga kay Sid. Nag-isip na naman siya, "Pinaghalo-halong buntot ng butiki, dila ng palaka, dahon ng satan, pollen grain ng gumamela, pinakuluang pandan, kaunting dasal at hinalo sa sahog ng dinuguan. Perfect na gayuma! Santina's charm."

Ilulubog na ni Sid ang kutsara.

"Sige babes, kaunting tikim lang," isip ni Santina.

Nakalubog na ang kutsara at sumandok na si Sid. Nag-slow motion ang eksena. Isusubo na ni Sid ang kutsara, abot-tainga na ang ngiti ni Santina, pero biglang natigilan ang binata. Balik sa normal ang lahat.

"O bakit, babes?" tanong ni Santina, hinayang na hinayang.
"Eunice, anong oras na?" tanong ni Sid.
"Alas diyes," sagot ni Eunice.

Pinahawak ni Sid kay Eunice ang kutsara. "Ligo na ako, baka ma-late ako sa trabaho." Nagmamadaling kumuha ng damit si Sid at agarang nagpunta sa banyo samantala ay isinubo naman ni Eunice ang kutsarang ipinahawak ni Sid. Gumuho ang mundo ni Santina.

"Hindi!" sigaw ng isip niya.

Halos masuka-suka si Eunice sa lasa pero nilunok niya na lang ang isinubong ulam. "Bleah! Ang pangit ng lasa! Ano ba naman itong niluto mo, Ate Santina?" angal niya at nang tapulan niya ng tingin si Santina, nagkaroon ng puso ang kanyang mga mata. Tumakbo si Santina palabas nang habulin siya ni Eunice para yakapin. Naiwang takang-taka sina Prinsesa Zurfc at Iane.

Nakadamit na pang-alis si Sid paglabas ng banyo. Nagpaalam na siya, "Prinsesa, maiwan ko na muna kayo." May napansin siyang parang nawawala. "Nasaan si Eunice at Santina?"

"Lumabas sila," sagot ni Prinsesa Zurfc.
"Ayos lang ba kung maiwan muna kayo rito?" tanong ni Sid.
"Ayos lang, nandito naman ako para protektahan ang prinsesa," sagot ni Iane.
"Wag kayong mag-alala, pag nakapag-usap kami ng manager ng pinagtatrabahuhan ko, magrerequest ako na mag-stay kayo roon para naman makakilala pa kayo ng mas maraming kaibigan."

Nagpasalamat sa kanya ang prinsesa na ikinataba ng puso ni Sid.

Sa Pegasus Gym. Inorient na ni Wynn si Sid sa paggamit ng aparatong pang-ehersisyo. Mabilis naman siyang natuto kasi sabi nga ng teacher niya noong grade one e fast learner siya. Noong araw ding iyon ay kinausap niya si Wynn.

"Ate Wynn, may gusto sana akong sabihin sa iyo, pero huwag tayo rito mag-usap baka maraming makarinig," panimula niya.
"O sige, doon tayo sa opisina. Tungkol saan ba yan?" tanong ni Wynn. Si Wynn ang pinakamalapit na pinsan ni Sid kaya higit din ang pagtitiwala niya rito.

Para matulungan ang prinsesa na hanapin ang kanyang iniibig, mas makabubuti kung ma-e-expose ito sa maraming tao. Ang gustong mangyari ni Sid ay maisama niya ang prinsesa sa gym para makakilala ng mga tao, at malay mo doon na rin nito mahanap ang pag-ibig na hinahanap nito, kahit na sa loob niya ay humihiling siyang siya na lang ang mahalin ng prinsesa.

Nag-usap sina Wynn at Sid sa opisina, at nang maikuwento na ni Sid ang lahat tungkol kay Prinsesa Zurfc, tinawanan lang siya ni Wynn.

"Anong nakakatawa?" tanong ni Sid.
"Do you suppose me to believe that?" balik na tanong ni Wynn na may suot na nakakalokong ngiti.
"Totoo lahat ng sinasabi ko!" sabi ni Sid.
"Kapapanood mo siguro ng kung anu-anong pelikula," palagay ni Wynn.

Nalungkot si Sid. "Ate Wynn naman..."

"O sige, ganito na lang, isama mo ang mga babaeng iyan dito bukas at may ipagagawa ako sa kanila," sabi ni Wynn.
"Ano naman ang ipagagawa mo?" tanong ni Sid.
"Bakit kailangan mo pang alamin? Ako na ang bahala dun."

Balik trabaho na sila matapos ang usapang iyon. Nang makauwi si Sid kinagabihan, may dala siyang masarap na ulam galing kay Wynn. Naabutan niya sina Iane, Prinsesa Zurfc at Eunice sa kusina.

Hindi maganda ang pakiramdam ni Eunice. Napapagitnaan siya nina Prinsesa Zurfc at Iane, kanina pa hagod nang hagod sa likod ni Eunice na may isang oras na sigurong nagsusuka.

"O anong nangyayari rito?" nag-aalalang tanong ni Sid.
"Kanina pa siya suka nang suka. Nailabas na nga yata niya lahat ng kinain niya," sabi ng prinsesa, may pag-aalala sa tinig niya.

Pinakiusapan ni Sid sina Prinsesa Zurfc at Iane na tumabi muna at may itatanong siya kay Eunice.

"Akala ko ba wala tayong lihiman? Sino ang animal na lalaking nakabuntis sa iyo!!?"
"Kuya, ―(suka) hindi ako ―(suka) buntis!"

Malaki ang ngiti ni Sid, "Gusto ko baby boy ang pamangkin ko."

"Baliw! (suka)" Hinang-hina na si Eunice kasusuka. Dahil pakiramdam niya wala na siyang ilalabas pa, umupo muna siya sa sofa. Sinundan siya ng tatlo.

"Alam kong hindi ka ok kaya hindi na ako magtatanong kung ayos ka lang ba," sabi ni Sid.
"Sumama yata ang tiyan ko dahil sa kinain ko," palagay ni Eunice.
"Ano bang kinain mo?" tanong ni Sid.

Dahil sa panghihina, napapikit na lang si Eunice at hindi na sumasagot.

"Uy Eunice," tawag ni Sid nang hindi na sumagot ang kapatid. Inuga niya si Eunice, "Eunice!"
"Anong nangyayari kay Eunice?" tanong ng prinsesa.

Hinawakan ni Iane ang kamay ni Eunice. "Ang lamig ng kamay niya!"

Binuhat ni Sid ang kapatid niya. "Dalhin natin siya sa ospital!"

Dali-dali silang nagtungo sa ospital. Ipinasya ni Sid na i-confine ang kapatid sa ospital.

"Food poisoning," sabi ng doktor nang makuha ang findings.

Napanganga si Sid, "Food poisoning!"

"Anong ibig sabihin nun?" tanong ng prinsesa kay Sid.
"May kinain siyang nakasama sa katawan niya. Nalason ang katawan niya dahil sa pagkain," sabi ni Sid.
"Yung ulam lang naman na binigay nung babae kanina ang kinain niya," sabi ni Iane.
"Yung dinuguan na bigay ni Santina..." mahinang pagkakasabi ni Sid. "...may lason."

Napatakip ng bibig ang prinsesa at nagtanong, "Ibig sabihin ba nito gusto kang lasunin ng babaeng yun?"

"Tinikman ninyo rin ba ang ulam?" tanong ni Sid.
"Hindi, hindi kami kumain nun," sagot naman ni Iane.

Pinuntahan ni Sid si Santina sa bahay nila para kumprontahin.

"O babes, naparito ka? Makikipagbalikan ka na ba sa akin?" tanong ni Santina na walang kamalay-malay sa talagang pakay ni Sid. "Pasok ka muna, babes."
"Hindi na," tanggi ni Sid. "Si Eunice pala naka-confine ngayon."

Nagulat si Santina, "Ha? Naka-confine?"

Gustong maging kampante ni Sid pero galit talaga siya sa ginawa ni Santina. "Sabihin mo nga, ano ang hinalo mo dun sa dinuguan?"

Hindi nakasagot kaagad si Santina. "A sa dinuguan. Syempre yung ingredients nun, dugo, sili."

"Sinungaling!" paratang ni Sid. "Alam mo bang na-confine si Eunice dahil sa food poisoning at ang kinain lang naman niya ay yung niluto mo?"

Nagulat si Santina, "Ano?"

"Kung nakita mo lang siya, suka siya nang suka at hinang-hina. Alam mo kung gusto mo akong patayin, kahit ipabugbog mo ako sa tropa mong yakuza, wala akong pakialam, hindi yung ganyang pati kapatid ko nadadamay pa."

Dinipensahan ni Santina ang sarili niya, "Babes, hindi ko naman gustong mangyari yun. Aaminin ko may hinalo ako sa dinuguan." Ipinakita niya kay Sid ang isang maliit na bote. "Ito, nilagyan ko nito. Binili ko sa Quiapo."

"Gayuma," pagbasa ni Sid sa nakasulat sa bote. "Bakit mo ba ginagawa ito?"
"Babes, I need you. I want you back. Please naman," pagmamakaawa ni Santina.

Ibinalik ni Sid kay Santina ang bote at umiling, "Hindi. Ayoko na."

"Bakit? Dahil ba sa babaeng yun kaya ayaw mo nang makipagbalikan sa akin?" tanong ni Santina, ang tinutukoy niya ay ang prinsesa.
"Wala akong dapat ipaliwanag sa iyo." Tumalikod si Sid at iniwan si Santina na malungkot at naguguluhan.

Ibinalita ni Sid kay Wynn ang nangyari kay Eunice. Dali-dali namang nagpunta si Wynn sa ospital kasama ang asawang si Li Syaoran na unang beses pa lang nakita ni Sid. May kakisigan din pala ang asawa ng pinsan niya. Pagpasok ni Wynn sa silid, napatayo sa kinauupuan si Iane.

"Ada Sakura!" sabi niya. Nagtaka naman si Wynn kung bakit siya tinawag sa ganoong pangalan.

WALANG PAMAGAT (8)

“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Sid kay Santina.

Inirapan muna ni Santina si Prinsesa Zurfc bago sumagot kay Sid ng, “Dinadalaw ka.” Abot-tainga pa ang ngiti niya.

Sa puntong iyon ay nagpaalam si Prinsesa Zurfc kay Sid para di magambala ang pag-uusap ng dalawa, “Pupunta muna ako sa kwarto.”

Nanlaki ang mga mata ni Santina sa sinabi ng prinsesa. Teritoryo niya kasi ang kwarto ni Sid. Doon sila gumagawa ng… Yun na yon.

“Teka, teka, teka!” pigil niya sa prinsesa. “Anong gagawin mo sa kwarto?” Matapos ay tinanong naman niya si Sid, “Babes, sino ba iyang babaeng iyan?”
“Kaibigan ko, si Shin,” sagot ni Sid. Ipinakilala naman ni Sid si Santina, “Shin, si Santina, girlfriend ko dati.”
“Hmpft!” pagsusungit ni Santina nang marinig ang salitang “dati”.
“Sige na, maiwan ko na kayo,” paumanhin ng prinsesa. Tumuloy na nga siya sa kwarto kung saan naroroon sina Eunice at Iane.

Sinundan ng tingin ni Sid ang prinsesa habang ito’y papaalis nang tanungin siya ni Santina, “Bakit naman sinabi mong dati mo akong girlfriend? Para namang napahiya ako dun.”

“Bakit, e di ba nga nakipag-break ka na sa akin?”

Nilapitan ni Santina si Sid, hinimas-himas ang dibdib nito at nagpacute, “Hindi ba cool off lang naman tayo?”

“Cool off? Ano yun? E sabi mo nga, ‘Break na tayo!’”
“Hindi lang tayo nagkaintindihan, babes!”
“E ano bang pinagkaiba nun?” bitter si Sid.
“Spelling! Hahaha!” Nagawa pang tumawa ni Santina sa kabila ng pagiging bad mood ni Sid. Nairita tuloy lalo yung isa. Umayos na si Santina. “Babes, can I have you back?”

Hindi sumagot si Sid.

“Promise, hindi na talaga mauulit yung dati. Please, gusto kong maibalik yung dating tayo,” pagmamakaawa ni Santina.
“Para saan pa ba? Babalikan mo ako tapos iiwan mo rin naman ako,” malungkot na pagkakasabi ni Sid.
“Hindi na nga e,” pangako ni Santina.
“Ilang beses mo nang sinabi yan,” sabi ni Sid. “Please lang, ayaw muna kitang makita ngayon.”
“Babes naman,” hirit ni Santina. Nakatingin lang sa kanya si Sid, hinihintay siyang umalis. Nakaramdam na rin naman siya at nagkusa na ring lumabas. “Babalik na lang ako,” sabi niya sa dating kasintahan. Sumara na ang pinto. Napabuntong-hininga si Sid.

Kinaumagahan, maagang nagising si Sid. Hindi rin naman kasi siya gaanong nakatulog kagabi kaiisip kay Santina. Inaamin niya, may nararamdaman pa rin siya sa dating kasintahan pero di lang niya nagustuhan yung iiwan siya nito pag nawalan ng trabaho at babalikan kapag may nahanap na siya ulit. Ginising niya si Eunice na natutulog sa sapin na karton,

“Hoy Eunice, Eunice!”

Kakamot-kamot ng mukha si Eunice na nagtanong, “Ano?” Wala pa siya sa kondisyon.

“Bumangon ka nga at may itatanong ako sa iyo,” utos ni Sid.

Bumangon si Eunice sa higaan at kinusot ang mga mata. “Bakit ba? Natutulog e!”

“Bakit nagpunta si Santina dito kagabi?” tanong ni Sid.
“Tinext ko,” sabi ni Eunice.
“Sabi ko na nga ba e! Wag mo na ngang papupuntahin yun dito.”

Hindi makapaniwala si Eunice sa narinig niya. “Himala! Samantalang dati ikaw pa nakikiusap sa akin na kausapin ko siya at papuntahin dito.”

“Napapagod na rin kasi ako. Lagi na lang kasing ganoon ang nagiging sitwasyon.”

Sumang-ayon si Eunice. “Ok, pero huwag kang pakasiguro. Narinig ko sa usapan ninyong babalik siya rito.”

Sa gitna ng pag-uusap ng dalawa, lumabas ng kwarto sina Prinsesa Zurfc at Iane. Nakita ng prinsesa na malungkot at parang binabagabag si Sid.

“Iniisip mo pa rin ba yung nangyari kagabi?” tanong ng prinsesa. Hindi sumagot si Sid. “Wag mo nang alalahanin yun.”
“Sige, hindi ko na dapat isipin yun, prinsesa,” tugon ni Sid.
“Sandali lang,” singit ni Eunice nang may marinig siyang bago sa pandinig. Tinanong niya ang kapatid, “Anong tinawag mo kay Ate Shin, ‘Prinsesa’?”
“A, sinabi ko ba yun?” pagmamaang-maangan ni Sid. Maski siya ay nagulat. Napaisip siya, “Patay! Nadulas ako!”
“Bakit ‘Prinsesa’ ang tawag mo sa kanya, Kuya Sid?” tanong muli ni Eunice.
“Ano bang paliwanag ang gagawin ko?” tanong ni Sid sa sarili. “Tinawag ko ba siyang ‘Prinsesa’? Hindi naman a!” pagpapalusot niya.
“Narinig ko kaya! May tinatago kayo sa akin no?” tamang hinala ni Eunice.

Ngumisi si Sid, feeling kampante pero sa totoo lang, butil-butil na ang pawis niya. “Ano naman ang itatago namin sa iyo?” tanong niya.

Tinanong ni Eunice si Iane, “Ate Marian, girlfriend ba ng kuya ko si Ate Shin?”

“Uy Eunice, ano ka ba?” saway ni Sid.
“Girlfriend?!” pagtataka ni Iane.
“Oo, girlfriend. Kasintahan, katipan, irog,” sabi ni Eunice. Natawa si Iane. “Ano?!” tanong ni Eunice, gustong-gusto niyang malaman kung ano ang meron.
“Bakit ako ang tinatanong mo? Bakit hindi silang dalawa ang tanungin mo?” mapanuksong sabi ni Iane.

Pasimpleng kinurot ni Prinsesa Zurfc si Iane sa tagiliran.

“Marian a, huwag kang ganyan,” saway ni Sid kay Iane. Tatawa-tawa lang naman si Iane.

Nagbigay ng palagay si Eunice, “Sinasabi ko na nga ba! Kaya siguro ayaw mo nang makita si Ate Santina kasi may bago ka nang mahal.”

Tumawa si Sid, “Haha! Ano ka ba naman, Eunice? Wag mo naman akong pahiyain sa harap ni Shin.”

Sinubukan namang magpaliwanag ni Prinsesa Zurfc, “Eunice, mali ka sa iniisip mo. Hindi kami―”

Pero sarado na ang isip ni Eunice. “Hep! Wag kayong mag-alala, malinaw na sa akin ang lahat. Wag na kayong mag-deny kasi naiintindihan ko naman kayo,” sabi niya. Tumayo na siya. “Mabuti pa e magpe-prepare na ako ng almusal, baka gutom na ang prinsipe’t prinsesa.” Pumunta siya sa kusina.

Pagkaalis ni Eunice, nagkatinginan sina Prinsesa Zurfc at Sid.

“Paano iyan? Akala niya magkasintahan tayo,” sabi ng prinsesa.
“E pabayaan mo na,” sagot ni Sid. Sa totoo lang e kilig na kilig siya.

Binigyan ng masamang tingin ng prinsesa si Iane, “Ikaw kasi e!” Tumawa lang naman si Iane.

Samantala, sa Hilagang Kahariang Elenai. Matapos ang ginawang planong pagpapatakas ng mga taga-Elenai kay Prinsesa Zurfc at ang pagsugod ng mga taga-Tankape, binalikan ni Reyna Loura ang kanilang kaharian kasama ang ilang mamamayan. Nadismaya siya sa nakita. Naging abo na ang lahat ng kanilang mahahalagang gamit pero buo pa rin ang palasyo nilang yari sa bato. Wala kang makikita sa paligid kundi ang pait ng nakaraan. Pinigilan niyang umiyak dahil ayaw niyang ipakita sa iba ang kanyang kahinaan. Nilibot niyang mag-isa ang palasyo at sinariwa ang alaala ng nakaraan. Masaya pa silang pamilya noon pero ngayon… winasak ng mga taga-Tankape ang lahat. Galit na galit siya sa kanila.

“May araw din kayo!” sambit niya. “Pag nagtagumpay si Zurfc, matatapos na ang pagpapahirap ninyo sa aming lahat!”

Isang dalaga ang sumunod sa kanya sa palasyo, humahangos ito at sinabihan siya, “Mahal na reyna, ang kabalyerong si Exodus po!”

Nagulat ang reyna, “Si Exodus?”

“Nasa labas po,” sagot nito.

Dali-daling lumabas ang reyna sa palasyo at nakita si Exodus kasama ang kabayo nito. “Exodus!”

Nilapitan ni Exodus ang reyna, lumuhod sa harap nito at hinalikan ang kaliwang palad nito bilang tanda ng paggalang. Tumayo rin siya pagkatapos.

“Buti at nagpang-abot tayo,” sabi ng reyna. “Anong balita?”
“Nabihag kami ng mga taga-Tankape pero nakatakas din kaya't naririto kami. Nakita namin doon sina Haring Tacki at Prinsesa Anyd,” pagbabalita ni Exodus.

Nabigla ang reyna sa narinig. “Ku-kumusta sila?” tanong niyang nanginginig ang tinig.

“Nakakulong sila sa bilog na apoy. Imposibleng makatakas sila,” pagpapatuloy ni Exodus.
“Ano?” hindi makapaniwala ang reyna.
“Matindi ang lakas ng apoy, kulay asul ang alab na hindi kayang sugpuin kahit siguro pagsama-samahin pa ang lahat ng kapangyarihan natin.”

Lungkot na lungkot ang reyna sa narinig. “Siguro ay kailangan na lang nating maghintay sa pagbabalik ni Zurfc.” Hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa.

Balik tayo sa mundo ng mga tao. Naluto na ang agahan. Nakapag-almusal na ang lahat. Nilapitan ni Sid ang prinsesa na nakaupo sa sofa kasama sina Eunice at Iane. Nagkukuwentuhan sila nang biglang sumingit si Sid sa usapan.

“Eunice, pwede bang umalis ka muna at may sasabihin lang ako sa kanila?”
“A sige, gagawa na lang muna ako ng homework,” pagpayag ni Eunice. Nagpunta siya sa kwarto kasi naroon ang kanyang mga gamit.
“Pagpasensyahan ninyo na nga pala si Eunice, medyo makulit kasi yun e,” paumanhin ni Sid kina Prinsesa Zurfc at Iane.
“Oo nga e, tinatanong niya nga ang prinsesa kung kailan pa raw kayo, at tayo, nagkakilala saka kung kailan ninyo raw balak magpakasal,” sabi ni Iane.
“Ano? Sira-ulo talaga yun!” sabi ni Sid, hiyang-hiya sa pinagsasabi ng kapatid niya.

Tumawa lang naman si Iane at si Prinsesa Zurfc ay nagbigay ng matamis na ngiti. Nag-blush tuloy si Sid nang makita ang ngiti ng prinsesa. Ito na rin siguro ang tamang pagkakataon para hingin ng prinsesa kay Sid ang panulat.

“Sid, kung di mo sana mamasamain, pwede ba akong humiling sa iyo?”
“A, o sige, prinsesa,” tugon ni Sid. “Ano ba yun?”
“Yung panulat sana, pwede ko bang makuha? Alam mo namang mahalaga yun, di ba? Yun kasi ang gagamitin namin para makabalik pa kami sa mundo namin.”

Inalala ni Sid kung saan nga ba niya inilagay yun. Sa banyo nga pala. “Pag ibinigay ko ba yun sa inyo, aalis na kayo?”

“Hindi pa kami pwedeng makabalik hangga’t di pa nahahanap ng prinsesa ang kanyang pag-ibig,” sagot ni Iane.

Ikinatuwa naman yun ni Sid kasi makakasama niya pa nang matagal si Prinsesa Zurfc. Nananalangin din siya na sana siya ang maging pag-ibig ng prinsesa. Alam niyang mahirap ang sitwasyon pero gusto niyang makatulong sa kanila.

“A sige, kukunin ko lang,” paalam niya sa dalawa. Pumunta siya sa banyo at hinanap doon ang panulat. Tiningnan niya ang lugar kung saan niya natatandaang inilapag ang panulat pero nasurpresa siya nang hindi niya makita yun doon. “Shit! Dito ko lang nilagay yun a!” bulong niya. Hinalughog niya ang banyo pero wala talaga. Kinabahan siya. Nawala niya ang panulat! Lumabas siya sa banyo.
“Nasaan na?” tanong ni Prinsesa Zurfc.
“Ahehehe, saglit lang,” sagot ni Sid. Pumunta siya sa kwarto at inilabas ang kaba niya. “#&$@(*$&(*^*&@^!!! &%$^#$%#(*! #$$$&#**#&!!!!!!” sabi niya.

Napakunot-noo naman si Eunice na kasalukuyang nagsasagot ng homework. “Huy! Ano nangyayari sa iyo diyan?”

Nagpaliwanag si Sid, “#&$@(#$%#$!*&@^!!!”

Nairita si Eunice, “Kuya Sid, kumalma ka nga at ayusin mo yung pananalita mo nang hindi puro number at dollar signs ang lumalabas sa dialogue mo!”

Kumalma nang kaunti si Sid at nagtanong, “Eunice, nung pumasok ka ba sa banyo, may nakita kang kakaiba?”

“Kakaiba? Like what? Like kung may nakita ba akong lapis na may kakaibang design?” tanong ni Eunice.

Nakita ni Sid na hawak-hawak ni Eunice ang panulat. “Ayan! Ayan! Akin na nga iyan!” utos niya.

Nagulat si Eunice, “Hala! E akin na ito e!” Kung kukunin kasi ng kapatid niya ang panulat, wala na siyang magagamit.

“Kay Shin iyan,” sabi ni Sid.
“Kanino? Kanino?” tanong ni Eunice. Gusto niya kasing sabihin ni Sid yung bago sa pandinig na salitang narinig niya. Pang-asar ang ngiti ni Eunice, “Kay?!”

Nakulitan na si Sid. “Sa prinsesa ko iyan kaya ibigay mo na sa akin!”

Ngingiti-ngiti si Eunice na ibinigay ang panulat. “Palitan mo yan ha! Wala na akong ball pen e!”

“Gusto mo G-Tech point three pa e!” pagmamayabang ni Sid. Lumabas siya sa kwarto. Nawala na ang kaba niya at handa nang ibigay sa prinsesa ang panulat. “Prinsesa, ito na o.”

Saktong pag-abot niya ng panulat sa prinsesa ay bumukas bigla ang pinto. Napatingin sina Iane, Prinsesa Zurfc at Sid dito.

WALANG PAMAGAT (7)

“Ate Wynn!” nasurpresa si Sid.
“Sid! Ikaw pala iyan. Ang tagal nating di nagkita.”

Hindi inaasahan ni Sid na makikita niya ang pinsan sa ganitong lugar, sa ganitong pagkakataon.

“Tara, samahan mo akong kumain. Gutom na ako e,” pagyayaya ni Wynn.

Sa isang katapat na Mang Inasal nagtungo ang dalawa. Si Wynn ang taya. Siya na rin ang nag-order para sa kanila. Magkatapat ang dalawa sa lamesa. Habang hinihintay ang order, kinumusta ni Wynn ang pinsan, “Kumusta ang lagay mo?”

Matapat na sumagot si Sid, “Eto nakararaos naman kahit paano. Naghahanap ako ng trabaho ngayon. Ayoko na rin naman dun sa dati.”

“Anong trabaho mo dati?” pag-usisa ni Wynn.
“Security guard sa isang pawn shop,” sagot ni Sid.

Tinawanan ni Wynn ang estado ng buhay ni Sid. “Hindi ko akalain na ang isang tulad mo ay mauuwi lang sa ganyan.”

Masakit para kay Sid na mapagtawanan pero wala naman siyang pinagsisisihan kasi ito ang tinahak niyang daan. “Kumusta ang hacienda?” nahihiya niyang itinanong.

Sa puntong iyon ay dumating na ang order nila. Inayos muna ni Wynn ang pagkakalagay ng mga pagkain sa mesa saka sumagot ng, “Mabuti ang lagay ng lahat.” Nakangiti niya pang sinabi.

Masaya na rin si Sid na marinig iyon. Sa sandaling iyon, inilabas niya ang natitirang pera sa pitaka at inabot ito kay Wynn, “Ito nga pala o.”

“Ano iyan?” tanong ni Wynn. “Don’t worry, bayad na ang lahat ng ito.”
“Hindi. Hindi ba’t nangutang ako sa iyo ng pamasahe noon dahil wala akong kapera-pera. Inipit ako nina mama't papa kasi ayaw nila akong paalisin?” (Ang diin ng mama't papa ay nasa ikalawang pantig.)

Hindi tinanggap ni Wynn ang pera. Wala nang halaga iyon para sa kanya dahil nagmamay-ari siya ng ilang gym at spa sa Quezon City. Magkasama nilang pinatatakbo ng kanyang asawang si Li Shaoran ang kanilang mga negosyo. Sa branch ng Pegasus Gym sa Quezon City siya madalas maglagi.

“Hindi naman kita sinisingil, saka barya na lang iyan para sa akin,” sabi niya kay Sid.

Ibinalik ni Sid ang pera sa pitaka at nagpasalamat pa dahil may pamasahe pa siya pauwi.

“Bakit ka ba umalis? Bakit hindi ka pa kasi bumalik?” ang mga tanong na matagal na ring bumabagabag kay Wynn.
“Di ba’t sinabi ko nang gusto kong mamuhay nang simple at ayokong magpatakbo ng hacienda at ng manggahan?”
“Ang dami mong dahilan. Bakit ba kasi hindi mo na lang aminin na duwag ka?” paratang ni Wynn.
“Hindi ako duwag. Ayoko lang talaga ng marangyang pamumuhay,” sagot ni Sid.
“Bakit? Masarap ang marangyang pamumuhay,” pagbebenta ni Wynn.
“Pero hindi masaya,” tugon ni Sid.
“Simple nga ang buhay mo pero tingnan mo, naghihikahos ka ngayon, nagkakandatulo ang pawis mo sa paghahanap ng trabaho,” ganti ng kausap.
“Hindi kami naghihikahos. Mabuti ang lagay namin,” pagtatanggol ni Sid sa estado niya, at nila.
“Namin?” tanong ni Wynn. “Oo nga pala, nakalimutan kong isinama mo pala si Eunice sa pag-alis mo.”

Itinama ni Sid ang sinabi ng pinsan, “Hindi ko siya sinama. Siya ang sumama.”

Hindi nagpatalo si Wynn, “Anong pinagkaiba nun? Pareho kayong nawala.”

“Pero sabi mo naman, di ba, maayos ang lagay ng lahat?” tanong ni Sid.
“Oo, tama,” sagot ni Wynn.

Matapos ang usapang iyon, bumalik na ang dalawa sa Pegasus Gym at dumiretso sa opisina.

“Tanggap na ba ako sa trabaho?” tanong ni Sid sa pinsan. Kumakabog ang dibdib niya. Kung hindi siya matatanggap, panibagong paghihirap na naman ito. Sana lang tanggapin na siya ni Wynn.
“Kung tutuusin, hindi mo naman kailangang magtrabaho e! Puwede kang lumapit sa akin at manghingi na lang ng pera, parang sustento. Tulong ko na sa inyong magkapatid yun.”
“Gusto kong kumita ng pera mula sa sarili kong pagsisikap,” paninindigan ni Sid.
“Oh well, sabi mo e! Akin na ang kamay mo,” utos ni Wynn.
“Bakit?” tanong ni Sid.
“Kung gusto mong magtrabaho dito, ibigay mo sa akin ang kamay mo,” sabi ni Wynn. Ibinigay ni Sid ang kanang kamay. Hinawakan iyon ng kaliwang kamay ni Wynn at at itinaas-baba habang sinasabi ang,
“Congratulations, Mr. Dimasaway! You are the new instructor of Pegasus Gym. May trabaho ka!” Bumuhos ang confetti sa ulunan ni Sid.

Ikinatuwa ni Sid ang pagkakatanggap sa trabaho. Pinababalik siya bukas para sa training, para pag-aralan kung paano gamitin ang mga apparatus na pang work-out at para na rin ipakilala siya sa ibang empleyado ng Pegasus Gym. Binigyan din siya ni Wynn ng kaunting halaga para gamitin sa pamasahe at pambili ng hapunan nila ni Eunice. Ibinilin ni Sid na huwag sabihin ni Wynn sa mga empleyado niya na mag-pinsan sila at tratuhin siya na isang ordinaryong empleyado. Ipinatanggal ni Wynn kay Sugar ang sign board na nakapaskil sa labas. Nagtititili pa ang bading dahil type niya si Sid at sa totoo lang e kanina pa siya nagrorosaryo para matanggap si Sid sa trabaho. Nakailang recite na siya ng mysteries at malapit nang tubuan ng halo sa ulo.

Pagkaalis na pagkaalis ni Sid ay agad nag-broadcast si Wynn sa mga empleyado na nahanap niya na ang nawawalang pinsang si Sid. Napaiyak siya sa sobrang saya at pakiramdam niya ay featured siya sa Wish Ko Lang.

Binalikan ni Sid sina Prinsesa Zurfc at Iane sa parke. Hindi naman siya nahirapan na hanapin ang dalawa dahil nasa bungad lang sila. Siguro ay naisip din nina Prinsesa Zurfc at Iane na baka nga hindi sila makita ni Sid pag pumunta sila sa malayong parte ng parke. Umuwi na ang tatlo.

Pagdating sa bahay, kinumusta ni Sid ang lagay ng dalawa. Sinabi nilang masaya naman ang naging pamamasyal nila sa parke. Nakipaglaro din sila sa mga bata. Kaya nga lang, nanghihinayang sila dahil hindi na talaga nila maibalik ang kanilang kapangyarihan. Ibinalita naman ni Sid ang pagkakatanggap niya sa trabaho. Hindi alam nina Prinsesa Zurfc at Iane kung ano ang dapat ng maging reaksyon nila dahil hindi naman nila naiintindihan kung ano ang konsepto ng pera, pero dahil masaya si Sid ay masaya na rin sila para sa kanya.

Nang dumating si Eunice kinagabihan ay ibinalita ni Sid na may bagong trabaho na siya bilang Gym Instructor sa Pegasus Gym pero hindi niya sinabing ang pinsan nilang si Wynn ang kanyang amo. Wala pang kalahating oras ay nakarinig ng katok sa pinto ang apat.

“Ako na ang magbubukas,” pagpiprisinta ni Prinsesa Zurfc.

Pinigilan siya ni Sid, “Sigurado ka ba prinsesa?”

Gustong patunayan ng prinsesa na mas naging matapang na siya ngayon at hindi na takot harapin ang mga tao sa mundong kinabibilangan nila. Hinayaan siya ni Sid.

Sa likod ng pinto ay inaayos ni Santina ang buhok niya at naghahanda na rin ng speech ng pakikipagbalikan. Handa niyang yakapin at halikan si Sid sa oras na bumukas ang pinto. Binuksan na ni Prinsesa Zurfc ang pinto at nakita ang isang babaeng may magandang hubog ng katawan. Yayapusin na sana ni Santina si Sid nang bumukas ang pinto sa pag-aakalang mukha ng “dating” kasintahan ang makikita pero nadismaya siya nang makita ang isang magandang babaeng hindi niya kilala. Maraming tumakbo sa isip niya. Sino ang babaeng nasa harap niya ngayon? Ito na kaya ang ipinalit ni Sid sa kanya? Sa babaeng ito na ba ilalaan ni Sid ang kanyang sweldo? Nagmatapang si Santina at tinanong si Prinsesa Zurfc nang may pagtataray habang pumapasok sa maliit na bahay na medyo natalisod pa gawa ng mataas na heels,

“Nasaan si Sid?”

Tinawag ni Prinsesa Zurfc si Sid, “Sid, may naghahanap sa iyo.”

Nagpakita si Sid para tingnan kung sino ang kanyang bisita at hindi natuwa nang makita ang “dating” kasintahang si Santina.

WALANG PAMAGAT (6)

Maagang nagising si Sid upang ipagluto ng pagkain ang mga kasama niya sa bahay. Nagising si Eunice sa amoy ng nilulutong ulam at sinundan niya kung saan nanggagaling ang aroma nito. Nakita niya si Sid na nagluluto ng agahan at nakasuot pa ng bulaklaking apron.

“Saan galing yang baduy na apron mo?” tanong niya sa kapatid.
“Diyan sa sampayan nina Carlota, sinungkit ko,” sagot ni Sid.

Tatango-tangong tumugon si Eunice ng, “A kina Carl.” Sinilip niya ang niluluto ng kapatid, “Ano iyan?” Tila may pandidiri nang makita ang niluluto nitong halu-halong gulay na nilagyan ng kung anu-anong sahog. Sumagot ito ng,

“Ito na lang kasi ang stock sa ref―”
“Wala naman tayong ref a,” singit ni Eunice.

Tinapos ni Sid ang sinasabi, “Ng kapit-bahay natin kaya pinagtiyagaan ko na lang.”

May tumunog na madamdaming instrumental music sa kapit-bahay. Nagpatuloy si Sid,

“Pasasaan pa’t pag nagkatrabaho uli ako ay matitikman mo na ang paborito mong turkey.”

Na-cornyhan si Eunice sa kuya niya at binigyan niya ito ng “Hmm” look na exclusive lang sa tristancafe.com, “Para kang yung apron mo, pareho kayong baduy.” Umalis siya sa kusina.

May pahabol si Sid, “Paki tingnan naman sina Shin at Marian kung gising na. Sabihin mo kakain na.”

“Buti kung kainin nila yang luto mong ewan,” sabi ni Eunice. Bitter si ateh.

Hindi sumabay si Eunice sa agahan at nakikain na lang sa bestfriend niyang si Carlota na kung tawagin niya ay “Carl”. Mukhang mas matino ang pagkain sa kabilang bahay.

Matapos mag-almusal ay nagbanyo si Sid dahil sumama ang tiyan niya sa nilutong ulam. Wala namang masamang epekto kina Prinsesa Zurfc at Iane ang luto ni Sid at sarap na sarap pa sila. Nang nasa banyo na si Sid, pagkahubad niya ng “tatlo sampung brief” na binili niya sa Quiapo ay nahulog ang panulat na inaasam-asam ni Prinsesa Zurfc. Alam ni Sid na importante iyon sa prinsesa, magkagayunman ay ayaw niya itong ibigay. Agad iyong pinulot ni Sid at inilapag sa isang tabi, saka siya naglabas ng sama ng loob sa kawawang bowl. Ayoko nang ilarawan kung paano siya naglabas ng hinanakit dahil baka di mo magustuhan at bigla kang masuka. Nang makaraos ay lumabas na siya sa banyo at di man lang naalalang kunin ang panulat.

Nang mag-alas nuebe na ay naghanda naman si Eunice para pumasok. Isa siyang estudyante sa kolehiyo at ginagapang ni Sid ang pag-aaral niya. Bago tuluyang lumabas ng bahay ay nagpunta siya sa banyo at doon nanalamin. Nakatawag ng kanyang pansin ang panulat dahil sa kulay nitong ginto at kakaibang disenyo. Kinuha niya ang panulat at sinubukang isulat sa palad niya.

“Lapis?!” sabi niya nang hindi ito tuminta.

Dahil nagandahan siya sa disenyo at sa palagay niya ay walang magagalit sa kanya kung kukunin niya iyon dahil natagpuan naman ito sa bahay nila, napagdesisyunan niyang kunin ang panulat. Makatutulong din naman iyon sa pagtatala niya ng notes sa research. Nang maihanda na ang lahat ng gamit ay nagpasya na siyang umalis. Nanghingi muna siya ng baon kay Sid at binigyan siya nito ng fifty pesos. Napasimangot si Eunice pero hindi na lang nagreklamo. Naiintindihan naman niyang wala pang trabaho si Sid ngayon. Pag may trabaho naman ang kapatid niya ay sobra pa sa kailangan niya ang ibinibigay nito.

“Saan pupunta ang kapatid mo?” tanong ni Prinsesa Zurfc nang makitang umalis ng bahay si Eunice na may dala-dalang gamit.
“Sa school po, prinsesa,” may paggalang na sagot ni Sid.
“Saan?” tanong muli ng prinsesa nang hindi niya naintindihan ang sinabi ni Sid.
“Sa school, sa paaralan. Doon pumupunta para matuto.”
“Matuto ng ano?” tanong ni Prinsesa Zurfc.
“Ng maraming bagay sa mundo,” sagot ni Sid.
“Nag-aaral din ba kayo ng mahika?” tanong naman ni Iane.
“Hindi, pangkaraniwang tao lang kami. Wala kaming kakayahan na tulad ng sa inyo,” sagot ni Sid.

Napaisip ang prinsesa. “Ibig sabihin kapag wala ka nang kapangyarihan ay pangkaraniwang tao ka na lang?”

“Ganoon na nga,” tugon ni Sid. Nalungkot sina Prinsesa Zurfc at Iane. May biglang naalala si Sid, “Sandali, hindi ba may powers kayo? Baka naman puwede ninyong ipakita ang kapangyarihan ninyo?”
“Hmm… Pangkaraniwang tao na lang kami, Sid, walang bisa ang kapangyarihan namin sa mundo ninyo,” sabi ng prinsesa.
“Wow!” biglang lumabas sa bibig ni Sid.

Napakunot-noo si Prinsesa Zurfc, “Anong wow?”

“Narinig ko kasing tinawag mo ako sa pangalan ko,” masayang pagkakasabi ni Sid. Ang cheesy.

Paglipas ng isang oras, nagpaalam si Sid kina Prinsesa Zurfc at Iane na aalis siya dahil maghahanap siya ng trabaho. Sinabihan niya ang dalawa na huwag na huwag silang aalis ng bahay dahil delikado sa labas.

“Saan ka naman pupunta, ginoo?” tanong ni Iane.

Naalibadbaran naman si Sid sa pagtawag sa kanya ni Iane ng “ginoo”.

“Marian,” pagtawag niya kay Iane.
Iane,” madiing pagkakasabi ni Iane nang itama niya ang kanyang pangalan.
“Iane,” sabi ni Sid. “Puwede bang ‘Sid’ na lang ang itawag mo sa akin, huwag ‘ginoo’?” pakiusap niya.
“Kung gayon ay tawagin mo rin kami sa tunay naming pangalan,” mungkahi ni Iane.

Tumutol si Sid, “Hindi puwede. Kailangan ninyong magtago sa mga pangalang binigay ko para hindi kayo paghinalaan ng iba. Kakaiba kasi ang mga pangalan ninyo.”

“Kakaiba rin naman ang pangalang binigay mo,” sabi ni Iane.

Napabuntong-hininga si Sid, “O sige, ganito na lang, pag tayong tatlo lang ang nag-uusap-usap, tatawagin ko kayo sa tunay na mga pangalan ninyo.” Nagkasundo naman ang tatlo.

Nang palabas na si Sid sa pinto, hinila siya nang bahagya ng prinsesa at nakiusap ito, “Huwag ka nang umalis. Paano kung may dumating na ibang tao? Hindi namin alam ang gagawin namin.”

Gusto mang ipagpaliban ni Sid ang lakad niya dahil kinilig siya nang hawakan siya ng prinsesa ay hindi puwede. Kailangan niya talagang makahanap ng mapagkakakitaan dahil malapit na ang Midterm Examination ni Eunice at kailangan na nitong makapagbayad ng tuition. Wala na rin kasi silang stock sa garapon kahit na isang piraso ng atsuete.

“Prinsesa, kailangan ko talagang makahanap ng pera. Para din sa atin yun,” seryosong sagot ni Sid.

Dahil sa takot na baka kung sinong bisita ang bumulaga pag umalis si Sid ay may naisip ang prinsesa, “Sid, puwede mo ba kaming dalhin sa isang lugar na may magandang tanawin, may mga puno at hayop, may sariwang hangin para man lang sana maginhawaan kami?”

Pumayag si Sid sa nais mangyari ng prinsesa pero bigla siyang nagdalawang-isip, “Wala ako. Wala kayong kasama sa labas. Paano kung may mangyaring di inaasahan?”

Sumagot si Iane, “Kahit wala kaming kapangyarihan ay kaya naming makipaglaban.”

“Ayaw ninyo ba rito sa bahay?” tanong ni Sid sa dalawa. Umiling sila. “Paano kayo makakauwi kung wala ako?” sunod na tanong niya.
“Hindi ba puwedeng balikan mo na lang kami doon sa lugar kung saan mo kami dadalhin?” balik na tanong ni Iane sa kanya.
“A oo nga, puwede, puwede,” pagpayag ni Sid.

Dinala ni Sid ang dalawa sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife. Kinailangan niya pang magbayad ng entrance fee para sa dalawa. May pagkain siyang binili sa mga ito sakaling magutom sila. Binilinan niya rin sila na huwag na huwag silang aalis at babalikan niya sila.

Naglakad-lakad sina Prinsesa Zurfc at Iane sa loob ng parke. Nilanghap ni Iane ang hangin, napakasariwa gawa ng mga puno sa paligid. Nang umihip ang hangin, pakiramdam ni Iane ay gusto niyang itong sabayan pero hindi maaari. Hindi niya na kayang lumipad. Naglakad na lang ang dalawa sa looban ng parke.

Natuwa si Prinsesa Zurfc nang makakita ng sapa. May mga bibe pang lumalangoy. Gusto niyang paglaruan ang tubig ngunit kahit anong kumpas niya ng kamay para buhayin ito ay walang nangyayari. Kumuha si Prinsesa Zurfc ng katamtamang laking bato at ibinato sa sapa.

“Pakiramdam ko, napakawalang silbi ko pag wala akong kapangyarihan,” sabi niya.
“Maski naman ako ay ganoon,” tugon ni Iane.
“Hindi ko lubos maisip kung paano nabubuhay sina Sid nang wala silang kapangyarihan,” pagpapatuloy ng prinsesa. “At hindi ko pa rin alam kung ano nga ba ang kapalit na kinuha sa akin ni Pantas Bukaykay. May kinuha nga kaya siya? Hindi kaya ang kapalit nito ay ang pagkawala ng aking kapangyarihan?”

Umiling si Iane, “Sa palagay ko ay hindi dahil kung ganoon, dapat ang kakayahan mo lang ang nawala at hindi kasama ang sa akin. Sadyang wala lang bisa ang kapangyarihan natin sa mundong ito.”

Kasalukuyan nang naghahanap ng trabaho si Sid. Kung saan-saang lungga na siya nagsuot, tumitingin sa bawat madaanan kung may hiring bang nakapaskil. Hindi niya iniinda ang pagod at pagpapawis ng kili-kili basta ang nasa isip niya ngayon ay ang matanggap sa trabaho sa lalong madaling panahon. Nang may madaanan siyang isang gym, nakakita siya ng nakapaskil sa labas na,

WANTED: GYM INSTRUCTOR MALAKI ANG MUSCLE. Proceed inside.



May picture pa ni Boy Abunda na may dialogue cloud na nagsasabing, “Now na!”

Bago pumasok ay pumunta muna siya sa isang tabi at nag-self check. Kinapa niya ang kaliwa at kanang braso niya, malaki naman ang at ma-muscle. Kinapa niya ang dibdib niya at tiyan, malaki ang dibdib niya at may abs din naman siya. Nang kakapain niya na ang kanyang ultimate weapon ay may naalala siya,

“Anak ng pating! Yung panulat naiwan ko sa banyo!”

Naging kampante naman siyang walang gagalaw nun kaya nag-concentrate na lang siya sa paghahanap ng trabaho. Kahit na medyo kinakabahan dahil sa pangalan ng gym na “Pegasus Gym,” mukhang sister company ng Pegasus Club, ay pumasok na siya. Lumapit siya sa isang binabaeng receptionist sa nasabing gym, bumati ng magandang tanghali at nagtanong,

“May hiring pa po ba kayo ng gym instructor?”

Nang marinig ng receptionist na gusto ni Sid mag-apply bilang gym instructor ay agad nitong tinawag ang kanilang manager na nasa kalapit na silid.

“Mother!”
“O?” tugon ng manager na nasa loob ng kanyang opisina. Nagsisigawan ang dalawa. Akala tuloy ni Sid parlor ang napasukan niya.
“May nag-aapply po as gym instructor!”
“Gawin mo na ang screening,” utos ng manager.
“Sandali, ano pong screening?” tanong ni Sid sa receptionist na ang pangalan ay Sugar.
“Titingnan ko lang naman kung pasok ka sa qualification,” sagot nito.
“Anong qualification?” sunod na tanong ni Sid.
“Edi… malaki ang muscle,” sabi ni Sugar.

Kinakabahan si Sid. “Ano bang gagawin?”

“Ay naku, huwag kang mag-alala, mabilis lang naman ito. Ipatong mo yung braso mo rito sa table,” panuto ng receptionist.

Pinatong ni Sid ang kaliwang braso at dinutdot ito ni Sugar sabay bigay ng pilyong ngiti. “Matigas ha,” komento nito. “Go ka na kay mother! Now na!”

“A-a-anong gagawin ko?” tanong ni Sid, tila naguguluhan sa paraan ng hiring.
“Magpapasa ng resumĂ© sa manager. Dala mo ba?”

Tumango si Sid na nangangahulugang dala niya ang hinihingi. Pumasok siya sa opisina at laking gulat niya nang makita kung sino ang manager ng Pegasus Gym.

“Ate Wynn!” nasurpresa siya.

Nagtaka si Mother Wynn dahil kilala siyang binatang nasa harap niya. Sinipat niyang mabuti si Sid at namukhaan kung sino ito.

“Sid! Ikaw pala iyan. Ang tagal nating di nagkita.” Nakitaan ng malaking ngiti ang manager ng Pegasus Gym.
Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly