No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, March 13, 2011

Ang Medalyon (4)

IKA-APAT NA KABANATA
Ang Kabalyero at ang Prinsesa



Inaakala ng Nievas na si Jiro na siya lamang ang may mapait na kapalaran dito ngunit nagkakamali siya. Sinalakay ng mga Karim ang hilagang kaharian ng Yvret. Digmaan ang naganap. Sa huli’y bumagsak ang hilagang kaharian. Dinakip si Haring Lucero at Reyna Carissa ngunit nakatakas ang kanilang anak na si Prinsesa Lala. Upang mabawi muli ang hilagang kaharian, kailangang mahanap at maibalik ang nawawalang medalyon ng Elid. Ang medalyon ang tanging makapagpapabalik sa kapangyarihan ng mga kaharian sa hilaga, silangan, timog at kanluran at upang tuluyan nang mawala ang Karimlan na nasa ilalim ng lupa.

Alam ni Prinsesa Lala na nasa paligid lang ang panganib kaya’t kailangan niyang mag-ingat. Sa tabi ng isang puno sa tapat ng isang palaisdaan, siya’y nangangarap.

“Kung alam ko lang sana kung nasaan ang medalyon ng Elid ay matagal ko na itong ibinalik.”

Si Prinsesa Lala. Tanging anak nina Haring Lucero at Reyna Carissa ng hilagang kaharian, ang Yvret. Isang masayahin at mapaglarong bata. Nasa gulang siya na labinlima, napakabata pa kung tutuusin ngunit nahaharap na sa isang matinding pagsubok. Kulay dilaw ang kanyang kulot na buhok, luntian ang mga mata; palatandaan ng isang tunay na Yvret. Yvret din ang tawag sa mga nakatira sa hilagang kaharian.

Kumuha siya ng isang maliit na bato, “Sumpain iyang mga Karim na iyan! Makikita rin nila!” at hinagis niya ito sa palaisdaan. Biglang lumitaw ang isang napakalaking isda.

“Mahabaging Yvret!” bulalas ng prinsesa.

Nagpugay ang isda, “Magandang araw, nilalang ng Elides. A! Isa kang Yvret. Hayaan mong ipakilala ko ang aking sarili. Ako si Lartes, nagmula sa lahi ng mga isda, ang mga Mirtian, sa kanlurang kaharian ng Mirte. Naghulog ka ng bato sa palaisdaan. Nangangahulugan ba itong kailangan mo ang tulong ko?”

Humingi ng paumanhin ang prinsesa, “Naabala kita, paumanhin. Naghagis ako ng bato sa palaisdaan dahil sa aking galit sa mga Karim.”

Hindi na iyon ikinagulat ni Lartes. “Hindi ako nagtataka," sabi niya. "Ang lahat ng lahi ay galit sa mga Karim at sa mga Nievas.”

“Sinalakay ng mga Karim ang Yvret at ngayon ay kanila nang nasasakupan!” ang hindi magandang balitang hatid ni Prinsesa Lala. “Maraming Yvret ang namatay. Binihag nila ang aking ama’t ina, sina Haring Lucero at Reyna Carissa!”

Wari'y nagtataka ang isdang si Lartes, “Kung gayon, ikaw ang…”

“Ako ang prinsesa ng Yvret, si Prinsesa Lala at ako ang tanging nakatakas sa kanila," pagpapakilala niya. "Ang sabi mo ay maaari mo akong matulungan, hindi ba? Kung gayon, tulungan mo akong bawiin ang Yvret kay Mijel,” pagbabakasakali niya.
“Ang panginoon ng Karimlan!” bulalas ng isda.
“Tama,” tugon ni Prinsesa Lala.

Umiling ang isda at kitang-kita sa kanya ang kalungkutan, “Paumanhin pero wala akong magagawa. Kaming mga Mirtian ay mahina na ang kapangyarihan mula nang mawala ang medalyon ng Elid matagal na panahon na.” Sa kabila noon, may pag-asang natatanaw si Lartes, "Subalit may ibibigay ako sa iyo. Sana’y makatulong ito kahit papaano.”

Iniluwa ni Lartes ang isang nilalang. Gulat na gulat ang prinsesa, “Kinain mo ang nilalang na iyan?”

“Hindi sa ganoon. Nilagay ko lang siya sa aking sikmura sapagkat nakita ko siyang lumulubog sa karagatan. Naisip kong dalhin siya sa isang ligtas na lugar ngunit nakalimutan ko. Buti na lang at naghulog ka ng bato, naalala ko siya bigla. Hahaha!”

Natakot ng kaunti ang prinsesa, “Kung hindi ako naghulog ng bato, maaaring tuluyan mo na siyang nakalimutan at nabulok na siya diyan, ha? Kaawa-awa!”

Natatawa lang naman si Lartes, “Marahil ay ganoon na nga.”

“Baka naman patay na siya!” pangamba ng prinsesa.

Isang halakhak ang ibinigay ng isda at ito’y lumubog na sa palaisdaan. Nataranta si Prinsesa Lala, “Sandali lang! Sino ang…”

“Sana’y matulungan ka niya, Prinsesa Lala,” panalangin ni Lartes. Naglaho na nang tuluyan ang isda.

Bumuntong-hininga ang prinsesa, “Sino ang… nilalang na ito, Lartes?… Hay…”

Magdidilim na. Ni hindi ginalaw ng prinsesa ang nilalang, isa itong lalaki. Natatakot kasi siya at gulong-gulo ang kanyang isip. Sinalakay na nga ang kaharian nila, hindi niya alam kung ano ang nangyari sa mga magulang niya at ngayon ay ibinigay pa ni Lartes sa kanya ang lalaking ito na hindi niya naman kilala.

“Paano nga kung patay na siya? Ako ang maaaring pagbintangan at ako rin ang parurusahan. Pero, hindi ko siya maaaring iwan dito. Paano ko siya pagagalingin? Hindi ako gaya ng mga babaylan ng Elid na may kapangyarihan. At ang nilalang na ito, paano niya ako matutulungan e wala naman siyang sandata? Ano ba namang buhay ito!”

Nilapitan niya ang lalaki. Pansin niyang kakaiba ang kasuotan nito. Siguro ay nararamdaman din niya ang naramdaman ni Jiro na pagtataka nang makita nito si Miki. Pinagmasdan niya ang mukha nito at napangiti siya, “Ang nilalang na ito… ang kanyang hitsura, parang katulad ng mga kabalyerong kinukwento ni ina.”

Kanyang naalala bigla ang isa sa mga kinuwento ng kanyang ina sa kanya.

“Si Gohn na isa sa ating mga kabalyero ay hinirang na bayani ng Elid.”
“Talaga, ina?” tanong niya. May halong kagalakan at paghanga sapagkat ang pagiging bayani ng Elid ay isang napakalaking karangalan.

Nagpatuloy ang kanyang ina, “Sadyang magaling si Gohn ngunit sa hindi malamang kadahilanan, bigla na lamang siyang naglaho kasama ang medalyon ng Elid.”

Biglang dumilat ang lalaki. Nagulat ang prinsesa at napaatras. Bumangon si Lance. “Aaa! Ang sakit ng ulo ko…” at kanyang napansin ang prinsesa, “Isang Amerikana! Naku, hindi pa naman ako fluent sa English!”

Tuwang-tuwa naman ang prinsesa, “Buhay ka! Salamat sa mga Pantas ng Elid!”

Nauutal naman si Lance sa pagsasalita. “A-a… Oo… S-salamat sa Diyos…” at siya'y natigilan, "Sandali lang, naiintindihan mo ang mga sinasabi ko?”

Natawa ang prinsesa, “Natural! Ano ako mangmang? Alam mo bang tinakot mo ako? Ang akala ko’y patay ka na!”

“Nasaang lugar ako?” ang naitanong bigla ni Lance.

Sumagot ang prinsesa, “Nandito KA a… TAYO sa kanlurang bahagi ng ELIDES.”

“Elides?” pagtataka ni Lance.
“Ang mundong ito na may anim na kaharian ay tinatawag na Elides. Elid ang kanyang sentro, iyon ang pinakasagrado sa lahat ng kaharian,” pagpapaliwanag ng prinsesa.

Napakunot-noo si Lance, “Elid?” Ang nabasa niya… Kanyang naalala ang pangyayari noong nandoon pa siya sa kanilang bahay, kasama si Miki at maglalaro sana sila ng PlayStation 2. “Ang nabasa ko…” bulong niya.

Join Princess Lala, an Yvret from the magical world of Elides in searching for the lost medallion of the sacred realm Elid, which gives power to the other kingdoms surrounding it. Experience thrilling scenes, discover different places in search for the lost medallion and combat your worst nightmare, the Dark lord Mijel.

“Napunta ako sa isang kakaibang mundo. Iyon ang hiniling ko para sa aking kaarawan… Iyon ang hiniling ko habang pinupunit ko ang gift wrapper ng regalong binigay ni Miki," isip niya.

Kinausap niya si Lala, “Nandito ako sa Elides… At nawawala ang medalyon ng Elid, tama? Hinahanap mo para maibalik ang kapangyarihan ng mga kaharian, tama?”

“Oo,” tugon ni Prinsesa Lala. “Paano mo… nalaman? Sino ka ba?” tanong niya.

Nakipagkamay si Lance, “Lance. Ang pangalan ko ay Lance.”

Ang prinsesa naman ang nagpakilala, “Ako naman si…”

“Lala, hindi ba? Isa kang Yvret, tama? Isa kang prinsesa, di ba?” pangunguna ni Lance.
“Paano mo nga nalaman?!” takang-taka ang prinsesa.
“Nabasa ko!”

Hindi talaga siya maunawaan ng prinsesa, “Nabasa mo? Anong ibig mong sabihin?”

“Basta nabasa ko!” tanging sagot niya.

Hindi na humingi ng paliwanag ang prinsesa, “Kung nabasa mo nga, nabasa mo rin siguro kung nasaan ang medalyon ng Elid.”

“Ang medalyon?” tanong ni Lance. May naalala na naman siya.

“Miki, tingnan mo! Ang medalyong binigay mo at ang medalyon sa larong ito… ay iisa!”
“Anong iisa?”
“Pagmasdan mo! Ang ukit… ang tali… ay pareho!”
“Nagkataon lang iyan!”

“Nasa akin!” sigaw ni Lance.

Tuwang-tuwa ang prinsesa, “Nasa iyo, talaga? Maaari ko bang makita?”

“Nasa akin ngunit…” Biglang humina ang boses niya, “...tinapon ko…”
“Tinapon mo?!” panghihinayang ng prinsesa.
“Hindi ko naman alam na medalyon iyon ng Elid.”

Pumasok sa isipin niya ang eksena kung saan dinampot ni Miki ang medalyon.

“Anong problema mo? Bakit mo tinapon? Ang sabi mo sa akin kanina ay pangangalagaan mo ang medalyong ito.”
“Huwag mong dadamputin, Miki! Miki, bitiwan mo! May kakaiba sa medalyong iyan!”
“Ano bang nangyayari sa iyo?”

“Ngunit kinuha ni Miki, ng aking kaibigan! Dinampot niya ang medalyon, lumiwanag ito at lumitaw ang isang... parang teleport gate. Hinigop kami. Paikot-ikot kami at pakiramdam ko, nanghihina na ako. Matapos ay mabilis akong bumulusok paibaba. Malakas na hampas ng tubig ang tumama sa akin. Gusto kong kumilos ngunit hindi ko magawa. Dahan-dahan akong lumubog at… kadiliman.”

Ang mga pahayag na iyon ang nakakumbinsi kay Prinsesa Lala na galing si Lance sa ibang mundo. Kitang-kita naman sa kakaibang kasuotan nito.

“Sinabi mong hawak ng iyong kaibigang si Miki ang medalyon ng Elid, di ba? Kung gayon, nasa kanya ang pag-asa natin. Kung hinigop nga siya, maaring nandito rin siya sa Elides. Kailangan natin siyang hanapin!”
“Marahil ay tama ka, prinsesa,” tugon ni Lance.
“Kung gayon, tayo na," yakag ni Prinsesa Lala. “Maglalakbay tayo. Kailangan nating mahanap ang kaibigan mong si Miki at… ang medalyon ng Elid.”
“Ngunit saan natin siya hahanapin?” tanong ni Lance.
“Maaari tayong pumunta sa bayan at magpahula,” ang unang bagay na pumasok sa isipan ni Prinsesa Lala.

Naghanda si Lance. Aaaminin niya, kinakabahan siya sa mga bagay na maaaring mangyari. Isa siyang dayo sa mundong ito, ang mundong kung tawagin ay Elides at hindi niya alam kung ano ang mga panganib na naghihintay sa kanila sa daan. Ngunit kung ito ang paraan upang matulungan niya ang prinsesa, gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya.

“Masusunod, mahal na prinsesa!” galak niyang sinabi.

Ngumiti ang prinsesa, “Kung ganoon, tayo na, aking magiting na kabalyero! Hahanapin natin ang nawawalang medalyon ng Elid!”

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly