Ang Inaasahang Regalo
Ika- dalawa ng Hunyo. Araw ng Sabado. Masaya ang gising ni Lance ngayon. Binati niya ang sarili ng magandang umaga sa harap ng salamin. Niligpit niya ang higaan, inayos ang sarili at talaga namang naghanda para sa espesyal na araw na ito, ang kanyang kaarawan.
Ang pamilya ni Lance ay may kaya sa buhay at siya’y nag-iisang anak lamang. Kahit ganoon, hindi siya gaya ng iba na pinalaki sa layaw. Marahil ay binibigyan siya ng mga mamahalin at magagandang bagay ngunit tuwing may okasyon lamang.
Tinuruan siya ng mga gawaing-bahay at tunay namang kay sipag niya. Ng pagiging magalang kaya’t siya’y kapuri-puri talaga. At ng pagiging matapang sapagkat ang kanyang ama ay isang alagad ng batas.
Kung titingnan mo si Lance, makikita mo ang tatak ng karangyaan. Makinis ang kanyang balat, medyo maputi, mayroong mapungay at magandang mga mata, matangos ang ilong, ang mga labi ay mapupula, katamtaman ang pangangatawan at kung mapapansin ay may katangkaran. Maayos at malinis din ang pagkakagupit ng kanyang buhok. Siya ay labing-anim na taong gulang na ngayon dahil nga kanya nang kaarawan at nasa huling taon na rin sa mataas na paaralan.
Bumaba na siya, masigla at may ngiti sa mga labi. Habang hinahakbang ang mga paa sa baitang ng hagdan, kanyang iniisip kung ano ang regalong ibibigay sa kanya ng kanyang mga magulang. Yun kaya ang hinihiling niyang sapatos? O ang bagong bag na nakita nila sa mall noong isang araw? Yun lang naman ang gusto niyang matanggap. Kahit alin doon, masaya na siya.
Nang makababa na siya, nakita niyang malinis ang paligid. Tahimik, sobra. Wala ang kanyang mga magulang. Wala ring bakas ng regalo o handa para sa kanyang kaarawan. Sanay si Lance na kapag kaarawan niya ay may handa na sa hapag at ang regalo para sa kanya ay naroon din nakabalot na, ngunit wala. Lumapit siya sa refrigerator nang makakita ng nakadikit na note dito. Galing ito sa kanyang mga magulang. Kanya itong binasa at ang nilalaman nito ay,
Pasensya na, anak, kung sakali mang magising ka at wala na kami. Maaga ang pasok namin ngayon. May almusal na diyan sa mesa. Kainin mo na, baka magutom ka pa.
Nalungkot si Lance. Walang handa para sa kanyang kaarawan at wala ang inaasahan niyang regalo. Lumapit siya sa lamesa at kinain ang nakatakip na almusal. Matapos, kinuha niya ang kanyang skateboard, yun ang natanggap niya noong nakaraang taon noong kaarawan niya, lumabas ng bahay at nagpagala-gala.
Narating niya ang parkeng malapit sa tinitirhan nila. Umupo siya sa isang tabi at pinaglaruan ang kanyang skateboard, pinaiikot-ikot ang gulong, halatang walang magawa. Napansin siya ng isang kaibigan nang mapadaan ito at siya’y nilapitan.
“Anong ginagawa mo?” tanong nito.
“Wala naman,” sagot niya, tila malungkot.
Tiningnan siya nito sandali at napansin na nababalot siya ng kalungkutan. Matapos ay nagtanong ito, “Pwede ba akong umupo sa tabi mo?”
“Kung gusto mo,” sagot niya.
Umupo ang kaibigan sa kanyang tabi. “Siyanga pala, may ibibigay ako sa iyo,” sabi nito. Nilabas nito ang isang regalo, “Tenen! Regalo ko, happy birthday!”
Natawa lang si Lance. Mukhang nadismaya ang kanyang kaibigan, “Wala ka man lang ibang sasabihin, Lance? Tatawa ka lang diyan?”
“Maraming salamat, Miki,” pagpapasalamat niya.
Napangiti si Miki. Napakagaan sa pakiramdam kapag pinasasalamatan ka ng isang tao matapos mo siyang bigyan ng regalo.
Si Miki. Tinuturing ni Lance na matalik na kaibigan. Pareho sila ng paaralang pinapasukan at sila’y magkaklase. Hanggang baywang ang buhok niya, itim na itim at unat. Marahil yun ang hinahangaan ng lahat sa kanya. Higit sa lahat, siya ay may ginintuang puso at isang tunay na kaibigan.
“Buksan mo na!” utos ni Miki. Mukhang mas excited pa nga siya kaysa kay Lance. “Hindi ko alam kung magugustuhan mo iyan, pero sana! Nang makita ko iyan, naalala ko bigla yung mga estudyanteng rakistang nagsusuot ng bling bling sa paaralan natin. Hindi siya ganoon kaganda pero naisip kong maaari mo iyang gamitin. Pang dekorasyon ba sa katawan,” dagdag niya.
Habang pinupunit ni Lance ang balot ng regalo, gumawa siya ng isang kakaibang hiling. Naglalaro ang iba’t ibang imahinasyon sa kanyang isipan at namangha siya nang tumambad sa kanya ang ibinigay na regalo ni Miki.
“Nagbibiro ka ba, Miki? Sinabi mong hindi ito maganda pero napakaganda nito! Saan mo ito nabili?”
Nag-aalinlangan si Miki kung sasagutin niya ba ang tanong ni Lance, “Kailangan ko pa bang sabihin kung saan?” Pinilit siya ng kaibigan. “Ang totoo, nakita ko lang iyan sa bodega namin nang maglinis kami. Hindi ko alam kung kanino iyan pero nakasisiguro akong pag-aari iyan ng aming pamilya. Nagandahan ako sa ukit. Pagmasdan mo, isa itong medalyon at tingnan mo, ito’y tunay na ginto!”
Nabigla si Lance, “Seryoso ka ba? Edi malaki ang halaga nito pag binenta.”
“Hmm... Ganoon na nga. Pinasuri ko na iyan,” sagot ni Miki. Nagtungo kasi siya sa Pawnshop matapos makita ang regalo. “Bakit? May balak ka bang ibenta iyan?”
Umiling si Lance. Kinuha niya ang kamay ni Miki, ibinuka ito at nilagay doon ang medalyon. "Itago mo na lang ito,” mungkahi niya.
Ibinalik naman ni Miki sa kanya ang medalyon, “Mas gusto kong ibigay sa iyo iyan kaysa itago, Lance. Hindi na siguro nila iyan hahanapin.”
Natahimik si Lance at nangako, “Sige, Miki. Pangangalagaan ko ang medalyong ito.”
Nagpaalam na si Miki dahil pupuntahan pa niya ang isa pa nilang kamag-aral, si Alvin, na nagpapaturo sa asignaturang Matematika. Inihahanda na kasi ni Alvin ang sarili sa darating na pasukan. Nadismaya kasi niya ang kanyang mga magulang nang makakuha siya ng palakol sa kard noong nakaraang taon. Nangako naman si Miki na babalikan si Lance matapos niyang magturo. Nalaman kasi niyang wala itong ibang kasama. Isa pa, isang oras lang naman ang gagawin niyang pagtuturo.
Sinabihan ni Lance si Miki na huwag na huwag mag-iimbita ng ibang kakilala sapagkat wala siyang handa, nakakahiya naman.
“Walang problema!” tugon nito at tuluyan na ngang umalis.
Naglaro na lamang si Lance ng skateboard sa parke para libangin ang sarili. Pinaunlakan niya rin ang hiling ng ilang kadalagahan na magpakitang-gilas. Palakpakan at tilian ang kanyang natanggap. Tinanong siya ng mga ito kung ano ang kanyang pangalan at hiningi rin ang numero ng kanyang cell phone ngunit wala siyang naibigay. Wala kasi siya nito. Todo-todo naman ang panghihinayang ng mga dalaga. Nagpaalam na siya matapos ang pakikipag-usap sa mga ito at bumalik na sa kanilang tahanan.
Tahimik. Sadyang napakatahimik. Dahan-dahan niyang sinara ang pintuan upang hindi masira ang katahimikan. Hindi niya ito ni-lock dahil alam niyang dadating si Miki. Umakyat siya sa itaas, sa kanyang silid. Humiga siya sa kanyang kama at hinimas-himas ang medalyon.
“Ano kaya ang ibig sabihin ng mga ukit na ito?” Sinuri niya itong mabuti, “Ano nga kaya?”
Mabilis na lumipas ang isang oras. Naroon na si Miki sa ibaba. Sa katunayan nga ay huli pa siya ng ilang minuto. Kumatok siya at tinawag ang pangalan ni Lance. Nang walang sumagot, tinulak niya ang pinto. Bukas ito, pumasok na siya.
“Napakatahimik naman dito,” bulong niya at kanyang tinawag ang kaibigan. “Lance! Lance!”
Agad na bumaba si Lance nang marinig niyang tinatawag siya. Iniwan niya ang medalyon sa kanyang kama.
“Miki! Nandito ka na pala.”
“Nainip ka ba? Pasensya ka na kung medyo natagalan ako, bumalik pa kasi ako sa bahay,” paumanhin ni Miki. Tumingin-tingin siya sa paligid, “Wala ka pala talagang kasama dito."
“Umalis sila nang maaga.”
“Nabati ka na nila?”
Umiling si Lance. May nararamdaman pa rin siyang pagtatampo hanggang ngayon.
“Ganoon talaga. Intindihin mo na lang, pareho silang nagtratrabaho,” pagpapagaan ng loob ni Miki.
Nauunawaan naman ni Lance. Saka, ngayon lang naman siya hindi nabati kaya kahit paano’y nabawasan na ang kanyang pagdaramdam. Niyaya niya si Miki na umakyat sa kanyang silid para maglaro ng PlayStation 2.
“Ayaw ko!” tanggi ni Miki.
Nagtaka si Lance. Dati rati naman noong elementarya ay nagpupunta sila roon. Madalas nga silang maglaro ni Miki sa kanyang kwarto.
“Iba na ngayon ang panahon, Lance. Malalaki na tayo at tandaan mo, isa kang lalaki. Ang maaari mo na lang yayain doon ay ang mga katulad mo ng kasarian pero ang isang babae, hindi pwede!”
Hindi naman niya masisisi si Miki. Nagkakaroon na nga sila ng iba’t ibang pagbabago sa katawan, maging sa damdamin at kailangan na rin nila ng privacy.
“Ibaba mo na lang dito. Dito na lang tayo maglaro,” mungkahi pa ni Miki. Isa pa ay may TV rin naman sa sala.
“Magdadala ako ng kaunting bala,” sabi ni Lance nang siya ay nasa hagdanan.
“Hindi na kailangan. Nanghiram ako ng mga bala kay Alvin,” muling pagtutol ni Miki.
Umakyat na si Lance at nang makababa, dala niya na ang PlayStation 2. Ang medalyon nama’y isinuot niya.
“Tutulungan na kita sa pag-aayos,” pagpriprisinta ni Miki. Umupo silang dalawa.
Nakahanda na ang lahat at isasaksak na sana ni Lance ang kurdon upang mabuhay ang PlayStation 2 nang bigla niyang maalalang tingnan kung anu-ano ang mga balang hiniram ni Miki kay Alvin, binitiwan muna niya ang kurdon. Nakatawag sa kanyang pansin ang isang laro na kahit kailan ay hindi pa niya nakita o nabasa sa pahayagan.
“Bago ba ito?” tanong niya.
“Siguro. Mukhang bagong bili e!” palagay ni Miki.
Lost Medallion of the Realm. Yun ang pamagat ng larong hawak ni Lance. Mukhang naeengganyo na nga siyang laruin iyon lalo na nang mabasa niya ang nilalaman nito na nakasulat sa wikang Ingles.
Join Princess Lala, an Yvret from the magical world of Elides, in searching for the lost medallion of the sacred realm Elid, which gives power to the other kingdoms surrounding it. Experience thrilling scenes, discover different places in search for the lost medallion and combat your worst nightmare, the Dark lord Mijel.
“Lost Medallion of the Realm…” banggit ni Lance. “Laruin natin, Miki!”
Natuon naman ang tingin ni Miki sa liig ni Lance at napansin na suot na nito ang medalyon, “Sinuot mo na pala iyan!” at sila’y nagulat nang biglang bumukas ang PlayStation 2 at lumabas ang disc tray. “Anong nangyari?” tanong niya.
“Napindot ko yata,” pag-aakala ni Lance.
“Ilagay mo na kaya ang CD para makapag-umpisa na tayo.”
Nilagay na nga ni Lance ang CD. Hindi pa niya napipindot ang buton ay bigla na itong sumara. “Sira na yata ito, Miki,” palagay niya.
Kinuha ni Miki ang lalagyan ng CD upang tingnan kung ilang manlalaro ang pwedeng maglaro ngunit wala siyang nakita. “Lance, tingnan mo! Walang nakalagay kung ilang players…” sabi niya.
Tiningnan iyon ni Lance ngunit iba ang kanyang nakita, isang medalyon, at ang nakapagtataka ay hindi niya ito napansin kanina. May kaba sa dibdib ni Lance, di kaya namamalik-mata lang siya? Naramdaman niyang biglang uminit ang medalyon na kanyang suot. Bumilis tuloy ang tibok ng puso niya at nang makasigurado, kanyang sinabihan si Miki,
“Miki, tingnan mo! Ang medalyong binigay mo at ang medalyon sa larong ito… ay iisa!”
“Anong iisa?” pagtataka nito.
“Pagmasdan mo! Ang ukit… ang tali… ay pareho!”
Hindi naman naniniwala ang kaibigan sa kanya, “Nagkataon lang iyan!”
May naalala bigla si Lance, “Ang saksakan!”
“Saksakan,” ulit ni Miki.
“Paanong bumukas… hindi ko naman sinaksak?”
Agad na hinubad ni Lance ang medalyon at hinagis. Nararamdaman niyang may kakaiba rito.
“Anong problema mo? Bakit mo tinapon?” tanong ni Miki. Tumayo siya upang kunin ang medalyon. “Ang sabi mo sa akin kanina ay pangangalagaan mo ang medalyong ito,” pagpapatuloy niya.
“Huwag mong dadamputin, Miki!” pagpigil ni Lance. Ngunit huli na, hawak na ni Miki ang medalyon. “Miki, bitiwan mo! May kakaiba sa medalyong iyan!”
“Ano bang nangyayari sa iyo?” tanong ni Miki habang papalapit kay Lance.
Nagsimula na. Lumitaw na sa telebisyon ang pamagat ng laro.
“Lost Medallion of the Realm…” yun ang huling salitang narinig ni Lance kay Miki.
Umilaw ang medalyon at lumabas ang isang kulay gintong lagusan. Napatingin si Miki sa kanyang itaas kung saan lumitaw ang lagusan. Siya’y biglang nawalan ng malay at hinigop ng lagusan.
“Miki!!!” sigaw ni Lace, biglang-bigla.
Lumalakas na ang pwersa ng hangin na nagmumula sa lagusan. Hindi na rin nakayanan ni Lance. Hinigop na rin siya! Sa lagusan, paikot-ikot sila. Natatanaw niya si Miki. Sinisigaw niya ang pangalan nito ngunit walang naririnig ang kaibigan. Nakapikit ito, hawak-hawak ang medalyon, walang malay.
Paikot-ikot. Nakakahilo! Nawalan na rin ng malay si Lance. Sa pagsara ng lagusan, siyang pagtahimik ng kapaligiran.
No comments:
Post a Comment