CHAPTER 2
CHAPTER 3
"Inisip ko noon nang sinabi mo sa akin iyan, na nakakatawa ang sinabi mo, Dave. You know what, you're too young to marry."
--Yna Samonte
CHAPTER 4
The Invisible Wall
Pumunta kami ni Erick sa library. Kakaunti lang ang tao at bulungan lang ang maririnig sa paligid.
"Library card?" tanong ng librarian nang pumasok kami. Ibinigay ni Erick ang kanya. Hinanap ko sa dala kong backpack ang akin. Wala!
"Bro, nawawala yung library card ko," nag-aalalang sabi ko kay Erick. Ang mahal kasi ng replacement nun, triple ng presyo ng pagkakabili mo. Mahalagang-mahalaga ang library card na yun, lalo pa ngayon kung kailan kailangan ko ng kasagutan.
Nakita kong nakangisi si Erick at nabasa ko ang ikinikilos niya. Binigyan ko siya ng masamang tingin. "Akin na!" Nagawa pang tumawa ni Erick sabay abot ng library card ko. Ibinigay ko na yun sa librarian.
"Hilig mo man-trip e no?" sabi ko kay Erick.
"Sorry naman," paumanhin niya pero nakatawa pa rin. "E iniwan mo yan, remember, nung hinabol mo si Celine?" Oo nga pala. Bigla na lang kasi akong lumabas ng library nun.
Dumiretso na ako sa History shelf. Sinundan ako ng kaibigan ko.
"Anong gagawin mo rito? Magpapakataong-luma?" tanong ni Erick habang pinagmamasdan ang iilang makakapal na libro sa shelf.
"May hahanapin lang, bro," sagot ko. Sinilip ko ang ilalim ng shelf dahil sa pagkakatanda ko e doon ko sinipa ang diary ni Hannah.
Kailangang-kailangan ko yun kasi baka may mahanap akong sagot sa mga tanong na nasa isipan ko, pero nadismaya ako nang hindi ko yun nakita roon. Ang di ko pa gusto e bigla na naman akong nilamig kaya umahon ako mula sa kinayuyukuan ko.
"Wala e!" sabi ko kay Erick. Nagulat na lang ako nang makita ko ang kakatwang hitsura niya. Naka-steady lang si Erick, parang manikin. "Erick?" pinadaan ko ang kanang palad ko sa mukha niya, sinisikap na baka sa ginagawa ko ay mapapikit siya. "Bro?" pero wala. "Ano na naman ito?" natanong ko sa sarili ko.
"Ito ba ang hinahanap mo?" isang boses. Oh my! Si Hannah! Hawak niya ang diary, ang bagay na kailangang-kailangan ko. Napalunok ako nang lumapit siya sa akin. "Anong gagawin mo sa diary ko?" tanong niya.
Naghanap ako ng isasagot. "A... ano kasi..." Pero bago pa ako makapag-rason e nagsalita siya, at nagtuloy-tuloy na ang pag-uusap namin.
"Hindi ba't ikaw yung lalaki roon sa garden?" tanong ni Hannah. "Nag-iispiya ka?"
"Hindi! Hindi sa ganoon. Hindi ako gaya ng mga babaeng bumubuntot sa iyo. May gusto lang kasi akong malaman."
Itinaas niya ang kaliwang kilay niya, "At ano naman?"
"Nagtataka lang kasi ako. Gusto ko lang naman kasing malaman kung bakit ako nagkakaroon ng ganitong pakiramdam..." paliwanag ko.
"Anong pakiramdam ang tinutukoy mo?" tanong niya. Kalmado naman siyang magtanong. Yun nga lang ewan ko ba kung bakit natatakot ako sa kanya.
"Yung... pakiramdam na... malamig... at... at..."
"At mga pangitaing hindi mo maintindihan?"
"Yun nga!" sabi ko.
"Dahil sa ginawa mong pakikialam sa diary ko."
Nagpintig ang tainga ko. "Pakikialam?" natanong ko.
"Bakit, hindi ba't pakikialam ang tawag doon?"
Nag-isip ako. Siguro nga pakikialam na rin yun pero hindi ko intensyon yun kaya kinontra ko siya, "Teka lang. Hindi ko naman gustong pakialaman talaga ang diary mo. Ang lagay lang e naghahanap lang naman ako ng mababasa rito."
"Pero hinawakan mo, di ba? Kinuha mo. Tiningnan mo at ginusto mo pang buklatin," sabi ni Hannah.
Ganoon nga ba ang ginusto kong gawin? Siguro nga.
"Alam mo, dahil sa ginawa mo ay nagkaroon ka na ng kaugnayan sa akin at sa kapangyarihan ko," sabi ni Hannah na tila may pagmamalaki.
"Kapangyarihan?" natanong ko kay Hannah. Sunod ay tinawanan ko siya.
Napakunot-noo siya. "Bakit mo ako tinatawanan?"
"Kasi nakakatawa ka. Ikaw, may kapangyarihan? Maniwala ako sa iyo," panunubok ko.
"Hindi ka naniniwala?"
"Hindi! Ipakita mo!"
Alam ko naman talagang hindi pangkaraniwan si Hannah. Gusto ko lang siyang asarin.
Ang sunod na mga pangyayari ay nakagugulat. Nagbago bigla ang timpla ni Hannah. Ramdam ko yun dahil sa pagbabago ng temperatura sa paligid. Lalong lumamig, humangin.
"Nakalimutan mo na ba kung sino ako?" tanong niya, na ipinagtaka ko. Siguro dahil sa ipinakita kong ekspresyon ng mukha ay nagalit siya lalo. "Nakakainis ka!" sabi niya. At sa isang kumpas ng kanang kamay niya ay naglaho ang lahat ng nasa paligid ko at nandun uli ang nakakakulilig sa taingang ingay.
Saan na naman kaya ako mapupunta nito? Napapikit ako at nang maglaho ang ingay ay dumilat ako. Wala na si Hannah sa paligid.
Ayaw ko ng ganito. Napunta na naman ako sa kakaibang lugar. Pero teka... parang alam ko ito a!
Tahimik ang lugar. Naglakad ako. Napahinto ako nang may makita akong bata.
"Dave, wag kang masyadong lalayo a!" narinig ko na lang. Si mommy!
"Opo," tugon ng bata. At ako! Ako ang batang yun! Alam ko ito! Ang alam ko five years old ako nang magpunta kami ni mommy somewhere in Lucena, Quezon. Teka... Reunion ng family nila yun e! Kung di ako nagkakamali, dito kami sa place malapit kina Tita Lindsay, nakatatandang kapatid ni mommy.
Sinundan ko ang bata kung saan siya pupunta. May dala-dala siyang fishing rod. Oo nga pala. Noong bata ako madalas kaming mamingwit ni mommy at ni Lolo Art. Naglakad ako nang marahan. Ano ba ito? Para akong sira. Bakit ko ba sinusundan ko ang sarili ko?
Sabik na pumunta ang bata malapit sa ilog, bumwelo at inihagis ang pamingwit. Pinanood ko ang eksena. Naghintay ng ilang minuto ang bata. Inahon niya ang pamingwit pero walang nahuli. Nalungkot siya at sumimangot. Inalis niya ang pamingwit sa ilog, tapos ay naglakad. Nakakita ang bata ng punong mangga. Mataas ang puno. Tumingala ang bata.
"Nare-recall ko. Nakakita ako ng maraming bunga noon sa punong iyan," bulong ko sa sarili.
Lumapit ang bata sa puno. Kumapit siya. Mahirap akyatin. Umikot ang bata, at sa paligid ay nakikita siya ng batong malaki. Sinubukan ng bata na buhatin ang bato, pero nabigatan siya. Pinagulong niya iyon, tapos ay tumungtong, kumapit sa katawan ng puno, kumapit nang buong lakas sa mga sanga.
"Shit! Alam ko na ito!" nasabi ko sa sarili ko. Kung di ako nagkakamali, ito yung eksenang nahulog ako sa punong iyon!
Parang bumalik sa akin ang pakiramdam ng lubos na takot. Alam kong sa pag-akyat ko sa punong iyon, sa pagkuha ko sa mga bunga ay magkakamali ako ng hakbang. Tapos ay mahuhulog ako. Teka... may bato! Mababagok ako sa bato!
Ayoko lang magmasid sa pwesto ko. Kailangan kong gumawa ng aksyon. Kailangan kong tulungan ang bata, ang sarili ko! Tumakbo ako, pero nang pagtakbo ko ay tumilapon ako bigla. Ano yun? Bakit ganun? Bumangon ako. May kung anong invisible wall ang nakaharang. Sinuntok ko ang pader, walang nangyari. Hanggang sa narinig ko na lang na sumigaw ang bata.
"Aaaaaaah!" sabi nun. Nanatili lang akong nakamasid. Nahulog na ang bata... pero ang nakagugulat ay may isang babaeng sumalo sa kanya. Napaupo ang babae sa batong iyon at nasa bisig niya ang bata, ang batang ako. Naririnig ko nang malinaw ang pinag-uusapan nila.
"Ok ka lang?" tanong ng babae. Umiyak ang bata. "O wag ka nang umiyak. Safe ka naman e!" pagpapakalma ng babae. Sinubukang tumayo ng babae pero mukhang nasaktan siya. Tiningnan siya ng bata nang may pag-aalala. "O wag mo akong alalahanin. Ok lang ako," sabi ng babae sa bata, sa akin. At nagbigay pa iyon ng mga bunga ng mangga. "Hindi ka nasugatan?"
"Gasgas lang po," tugon ng batang ako.
"Tara na," pagyaya ng babae. Inikay niya si Little Dave, ako. Iika-ika pang lumakad. Tiningnan siya ng bata. "Ok lang talaga ako," sabi ng babae at inihatid niya na si Little Dave.
Naaalala ko na. Kaya pala noong elementary ako e may sinasabi ako kay mommy na gusto kong pakasalan someday kasi niligtas nun ang buhay ko. Na noong high school ako, kahit na maraming nagkaka-crush sa akin e binabaliwala ko lang kasi umaasa ako sa sinabi ng babaeng iyon bago kami maghiwalay ng landas, "Huwag kang mag-alala. Magkikita uli tayo." Kahit na nakalimutan ko na ang mukha ng babaeng yun, kahit hindi ko man lang nalaman ang pangalan niya e umaasa pa rin ako.
Ngayon alam ko na kung bakit nagalit si Hannah sa akin nang sinabi niya kanina ang, "Nakalimutan mo na ba kung sino ako?" Kaya pala nasabi ko na parang nakita ko na siya noong unang beses na nakita ko siyang pumasok sa library. Magkikita kami, sabi niya. Oo nga, nagkita na kami. Hindi ako makapaniwala. Nagtagpo na pala kami ni Hannah... twelve years ago.
Sa pag-iisip kong iyon ay naiwan akong nakatulala. Hanggang sa...
"Dave!"
"Huh?"
"Tulala ka na naman!"
Balik na naman pala sa ayos ang lahat. Gumagalaw na uli si Erick.
"Iyan na ba yang hinahanap mo?" tanong ng kaibigan ko.
Pagtingin ko'y nasa mga kamay ko na ang diary ni Hannah.
"A... Oo, oo," tugon ko, wala pa rin sa sarili. Niyaya ko na palabas si Erick. Itinago ko na ang diary sa backpack ko.
No comments:
Post a Comment