Nabigla si Santina sa nakita niya.
"Bakit... bakit magkahawak ang kamay nila?" tanong ng isip niya. "Hindi, hindi puwede ito! Hindi puwedeng makuha ng babaeng iyan si Sid. Akin lang siya!"
Humakbang si Santina papasok at lumapit kay Sid na, as usual, nagpapacute na naman.
"Hi babes! Good morning!"
Itinago na ng prinsesa ang panulat. Si Iane naman ay nanatiling nakatahimik. Nagbago bigla ang timpla ni Sid,
"Nandito ka na naman?"
"Syempre! Sabi ko naman, di ba, babalik ako? By the way high way, babes, may dala ako for you," pagbibida ni Santina. "Wait lang ha? I'll just get it." Lumabas siya saglit para kunin ang sinasabi niyang dala para kay Sid, at nang makuha na, itinago niya muna sa likuran niya ang bagay na gusto niyang ibigay.
"Ano ba iyan?" tanong ni Sid nang mapansing may tinatago si Santina sa likuran niya.
Ngumiti si Santina sabay sabi ng, "Tada!" Ipinakita niya kay Sid ang dalang maliit na kaldero.
Natawa si Sid sa nakita, "Ba't may dala kang kaldero?"
Ikinatuwa naman ni Santina ang reaksyon ni Sid dahil napangiti niya ang dating kasintahan. "E syempre, babes, ipinagluto kita ng ulam. Gusto mo bang tikman?" Binuksan ni Santina ang kaldero.
Humalimuyak ang amoy ng nilutong ulam, parang sa patalastas ng Hanzel Choco Sandwich. "Mukhang masarap," sabi ni Sid nang makita ang nilutong dinuguan.
Nag-isip si Santina, "Sige lang, babes, pag tinikman mo itong ulam na niluto ko, for sure babalikan mo na ako kasi may gayuma ito."
Naeengganyo na si Sid na tikman ang ulam. Tinawag niya si Eunice para ikuha siya ng kutsara. Hindi na ikinagulat ni Eunice ang pagpunta ni Santina sa bahay nila, bagkus ay binati niya ito. Gumanti rin naman ng pagbati si Santina.
"Sige na, babes, tikman mo na," pang-eengganyo ng dalaga kay Sid. Nag-isip na naman siya, "Pinaghalo-halong buntot ng butiki, dila ng palaka, dahon ng satan, pollen grain ng gumamela, pinakuluang pandan, kaunting dasal at hinalo sa sahog ng dinuguan. Perfect na gayuma! Santina's charm."
Ilulubog na ni Sid ang kutsara.
"Sige babes, kaunting tikim lang," isip ni Santina.
Nakalubog na ang kutsara at sumandok na si Sid. Nag-slow motion ang eksena. Isusubo na ni Sid ang kutsara, abot-tainga na ang ngiti ni Santina, pero biglang natigilan ang binata. Balik sa normal ang lahat.
"O bakit, babes?" tanong ni Santina, hinayang na hinayang.
"Eunice, anong oras na?" tanong ni Sid.
"Alas diyes," sagot ni Eunice.
Pinahawak ni Sid kay Eunice ang kutsara. "Ligo na ako, baka ma-late ako sa trabaho." Nagmamadaling kumuha ng damit si Sid at agarang nagpunta sa banyo samantala ay isinubo naman ni Eunice ang kutsarang ipinahawak ni Sid. Gumuho ang mundo ni Santina.
"Hindi!" sigaw ng isip niya.
Halos masuka-suka si Eunice sa lasa pero nilunok niya na lang ang isinubong ulam. "Bleah! Ang pangit ng lasa! Ano ba naman itong niluto mo, Ate Santina?" angal niya at nang tapulan niya ng tingin si Santina, nagkaroon ng puso ang kanyang mga mata. Tumakbo si Santina palabas nang habulin siya ni Eunice para yakapin. Naiwang takang-taka sina Prinsesa Zurfc at Iane.
Nakadamit na pang-alis si Sid paglabas ng banyo. Nagpaalam na siya, "Prinsesa, maiwan ko na muna kayo." May napansin siyang parang nawawala. "Nasaan si Eunice at Santina?"
"Lumabas sila," sagot ni Prinsesa Zurfc.
"Ayos lang ba kung maiwan muna kayo rito?" tanong ni Sid.
"Ayos lang, nandito naman ako para protektahan ang prinsesa," sagot ni Iane.
"Wag kayong mag-alala, pag nakapag-usap kami ng manager ng pinagtatrabahuhan ko, magrerequest ako na mag-stay kayo roon para naman makakilala pa kayo ng mas maraming kaibigan."
Nagpasalamat sa kanya ang prinsesa na ikinataba ng puso ni Sid.
Sa Pegasus Gym. Inorient na ni Wynn si Sid sa paggamit ng aparatong pang-ehersisyo. Mabilis naman siyang natuto kasi sabi nga ng teacher niya noong grade one e fast learner siya. Noong araw ding iyon ay kinausap niya si Wynn.
"Ate Wynn, may gusto sana akong sabihin sa iyo, pero huwag tayo rito mag-usap baka maraming makarinig," panimula niya.
"O sige, doon tayo sa opisina. Tungkol saan ba yan?" tanong ni Wynn. Si Wynn ang pinakamalapit na pinsan ni Sid kaya higit din ang pagtitiwala niya rito.
Para matulungan ang prinsesa na hanapin ang kanyang iniibig, mas makabubuti kung ma-e-expose ito sa maraming tao. Ang gustong mangyari ni Sid ay maisama niya ang prinsesa sa gym para makakilala ng mga tao, at malay mo doon na rin nito mahanap ang pag-ibig na hinahanap nito, kahit na sa loob niya ay humihiling siyang siya na lang ang mahalin ng prinsesa.
Nag-usap sina Wynn at Sid sa opisina, at nang maikuwento na ni Sid ang lahat tungkol kay Prinsesa Zurfc, tinawanan lang siya ni Wynn.
"Anong nakakatawa?" tanong ni Sid.
"Do you suppose me to believe that?" balik na tanong ni Wynn na may suot na nakakalokong ngiti.
"Totoo lahat ng sinasabi ko!" sabi ni Sid.
"Kapapanood mo siguro ng kung anu-anong pelikula," palagay ni Wynn.
Nalungkot si Sid. "Ate Wynn naman..."
"O sige, ganito na lang, isama mo ang mga babaeng iyan dito bukas at may ipagagawa ako sa kanila," sabi ni Wynn.
"Ano naman ang ipagagawa mo?" tanong ni Sid.
"Bakit kailangan mo pang alamin? Ako na ang bahala dun."
Balik trabaho na sila matapos ang usapang iyon. Nang makauwi si Sid kinagabihan, may dala siyang masarap na ulam galing kay Wynn. Naabutan niya sina Iane, Prinsesa Zurfc at Eunice sa kusina.
Hindi maganda ang pakiramdam ni Eunice. Napapagitnaan siya nina Prinsesa Zurfc at Iane, kanina pa hagod nang hagod sa likod ni Eunice na may isang oras na sigurong nagsusuka.
"O anong nangyayari rito?" nag-aalalang tanong ni Sid.
"Kanina pa siya suka nang suka. Nailabas na nga yata niya lahat ng kinain niya," sabi ng prinsesa, may pag-aalala sa tinig niya.
Pinakiusapan ni Sid sina Prinsesa Zurfc at Iane na tumabi muna at may itatanong siya kay Eunice.
"Akala ko ba wala tayong lihiman? Sino ang animal na lalaking nakabuntis sa iyo!!?"
"Kuya, ―(suka) hindi ako ―(suka) buntis!"
Malaki ang ngiti ni Sid, "Gusto ko baby boy ang pamangkin ko."
"Baliw! (suka)" Hinang-hina na si Eunice kasusuka. Dahil pakiramdam niya wala na siyang ilalabas pa, umupo muna siya sa sofa. Sinundan siya ng tatlo.
"Alam kong hindi ka ok kaya hindi na ako magtatanong kung ayos ka lang ba," sabi ni Sid.
"Sumama yata ang tiyan ko dahil sa kinain ko," palagay ni Eunice.
"Ano bang kinain mo?" tanong ni Sid.
Dahil sa panghihina, napapikit na lang si Eunice at hindi na sumasagot.
"Uy Eunice," tawag ni Sid nang hindi na sumagot ang kapatid. Inuga niya si Eunice, "Eunice!"
"Anong nangyayari kay Eunice?" tanong ng prinsesa.
Hinawakan ni Iane ang kamay ni Eunice. "Ang lamig ng kamay niya!"
Binuhat ni Sid ang kapatid niya. "Dalhin natin siya sa ospital!"
Dali-dali silang nagtungo sa ospital. Ipinasya ni Sid na i-confine ang kapatid sa ospital.
"Food poisoning," sabi ng doktor nang makuha ang findings.
Napanganga si Sid, "Food poisoning!"
"Anong ibig sabihin nun?" tanong ng prinsesa kay Sid.
"May kinain siyang nakasama sa katawan niya. Nalason ang katawan niya dahil sa pagkain," sabi ni Sid.
"Yung ulam lang naman na binigay nung babae kanina ang kinain niya," sabi ni Iane.
"Yung dinuguan na bigay ni Santina..." mahinang pagkakasabi ni Sid. "...may lason."
Napatakip ng bibig ang prinsesa at nagtanong, "Ibig sabihin ba nito gusto kang lasunin ng babaeng yun?"
"Tinikman ninyo rin ba ang ulam?" tanong ni Sid.
"Hindi, hindi kami kumain nun," sagot naman ni Iane.
Pinuntahan ni Sid si Santina sa bahay nila para kumprontahin.
"O babes, naparito ka? Makikipagbalikan ka na ba sa akin?" tanong ni Santina na walang kamalay-malay sa talagang pakay ni Sid. "Pasok ka muna, babes."
"Hindi na," tanggi ni Sid. "Si Eunice pala naka-confine ngayon."
Nagulat si Santina, "Ha? Naka-confine?"
Gustong maging kampante ni Sid pero galit talaga siya sa ginawa ni Santina. "Sabihin mo nga, ano ang hinalo mo dun sa dinuguan?"
Hindi nakasagot kaagad si Santina. "A sa dinuguan. Syempre yung ingredients nun, dugo, sili."
"Sinungaling!" paratang ni Sid. "Alam mo bang na-confine si Eunice dahil sa food poisoning at ang kinain lang naman niya ay yung niluto mo?"
Nagulat si Santina, "Ano?"
"Kung nakita mo lang siya, suka siya nang suka at hinang-hina. Alam mo kung gusto mo akong patayin, kahit ipabugbog mo ako sa tropa mong yakuza, wala akong pakialam, hindi yung ganyang pati kapatid ko nadadamay pa."
Dinipensahan ni Santina ang sarili niya, "Babes, hindi ko naman gustong mangyari yun. Aaminin ko may hinalo ako sa dinuguan." Ipinakita niya kay Sid ang isang maliit na bote. "Ito, nilagyan ko nito. Binili ko sa Quiapo."
"Gayuma," pagbasa ni Sid sa nakasulat sa bote. "Bakit mo ba ginagawa ito?"
"Babes, I need you. I want you back. Please naman," pagmamakaawa ni Santina.
Ibinalik ni Sid kay Santina ang bote at umiling, "Hindi. Ayoko na."
"Bakit? Dahil ba sa babaeng yun kaya ayaw mo nang makipagbalikan sa akin?" tanong ni Santina, ang tinutukoy niya ay ang prinsesa.
"Wala akong dapat ipaliwanag sa iyo." Tumalikod si Sid at iniwan si Santina na malungkot at naguguluhan.
Ibinalita ni Sid kay Wynn ang nangyari kay Eunice. Dali-dali namang nagpunta si Wynn sa ospital kasama ang asawang si Li Syaoran na unang beses pa lang nakita ni Sid. May kakisigan din pala ang asawa ng pinsan niya. Pagpasok ni Wynn sa silid, napatayo sa kinauupuan si Iane.
"Ada Sakura!" sabi niya. Nagtaka naman si Wynn kung bakit siya tinawag sa ganoong pangalan.
No comments:
Post a Comment