Nasa silid si Reyna Loura. Nakadungaw siya sa bintana at nakatingin sa kalangitan. Ang makulimlim na panahon na nararanasan sa kaharian ng Elenai ang salamin ng kanyang nararamdaman. Naaawa siya sa mga mamamayan ng Elenai dahil sa paghahatid niya ng di magandang panahon pero hindi niya maikubli ang lungkot na nararamdaman.
“Tacki, mahal ko, ano na kaya ang lagay mo? Anyd, anak ko, sana’y maayos ang kondisyon mo,” usal niya.
Kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha ay ang pag-ulan sa labas. Siya namang dating nina Prinsesa Zurfc at Exodus.
“Umiiyak na naman ang iyong ina,” sabi ni Exodus.
Agad na nagtungo si Prinsesa Zurfc sa loob ng palasyo at pinuntahan si Reyna Loura. Si Exodus naman ay pumunta sa kwadra para doon dalhin ang kanyang kabayong si Patch.
“Ina,” pagtawag ni Prinsesa Zurfc kay Reyna Loura.
Pinahid ng reyna ang kanyang mga luha at tumigil na rin ang pag-ulan sa labas. Hinarap niya ang prinsesa.
“May balita po ako sa inyo,” sabi ng prinsesa. Ikinuwento ng prinsesa ang tungkol sa napag-usapan nila ni Pantas Bukaykay.
Masaya si Reyna Loura dahil nakakakita siya ng kaunting pag-asa pero nalulungkot din dahil nawala na nga sina Haring Tacki at Prinsesa Anyd, pati ba naman si Prinsesa Zurfc ay kailangan pang umalis.
“Anak, huwag ka nang umalis. May iba pa naman sigurong paraan,” pakiusap ni Reyna Loura sa anak.
“Ina, ito lang ang tanging paraan. Alam ng pantas ang higit na makabubuti para sa atin,” sabi ng prinsesa.
Dinala ng reyna si Prinsesa Zurfc sa higaan. Kumuha siya ng suklay at sinuklay ang buhok ng anak. “Sa araw ng iyong kasal ka lilisan?” tanong niya.
“Opo. Iyon ang tamang panahon para umalis,” sagot ni Prinsesa Zurfc.
“Sige. Ikokondisyon ko ang sarili ko para sa isang pag-atake,” sabi ng reyna.
Napaharap si Prinsesa Zurfc sa kanyang ina, “Talaga, ina?”
Ngumiti ang reyna. Handa siyang tulungan ang anak. Nagsaya rin ang mga mamamayan ng Elenai dahil umaliwalas na muli ang panahon.
Sa mga sumunod na araw ay naging abala ang buong kaharian bilang paghahanda sa kasal ng prinsesa. Bumisita rin ang Berdugong Prinsipe isang araw bago ang kasal.
“Bakit ka nandito? Hindi mo ba alam na mamalasin ang seremonya kapag nagkita ang mga ikakasal bago ang kanilang pag-iisang dibdib?” tanong ng prinsesa kay Prinsipe Freedert.
Natawa lang naman ang prinsipe, “Kalokohan! Wala nang makapipigil sa pag-iisang dibdib natin, Zurfc!” Bilang ganti sa kanyang kayabangan ay nagpakawala si Prinsesa Zurfc ng ulan at isinaboy sa prinsipe, pero hinawi iyon ng prinsipe gamit ang kanyang kapangyarihang apoy. “Matigas pa rin ang puso mo sa akin? Tandaan mo, sa isang kumpas ko lang kaya kong sunugin ang ama at kapatid mo!” pagbabanta niya.
Sinubukang kumalma ng prinsesa nang awatin siya ni Reyna Loura dahil sa takot na baka saktan nga ng Berdugong Prinsipe sina Haring Tacki at Prinsesa Anyd.
Noong gabing iyon, tinipon at kinausap ni Reyna Loura ang mga mamamayan ng Elenai para sa planong pagpigil ng pag-iisang dibdib ng kanyang anak at ni Prinsipe Freedert.
“Maski kami, Reyna Loura ay hindi papayag na maipakasal ang prinsesa sa isang taga-Timog,” sabi ng isang ginang.
“Kung natatakot po kayo na maipakasal siya kay Prinsipe Freedert ay mas natatakot kami. Kung ako ang tatanungin, mas nanaisin ko pa ang masawi kaysa malahian ng kasamaan,” sabad ng isang dalaga.
Kahit halos nakahanda na ang lahat ng kakailanganin para sa kasal, lahat ng mamamayan ay kontra sa pagpapakasal ng prinsesa sa Berdugong Prinsipe.
“Kung ganoon ay tulungan ninyo kami,” pakiusap ng reyna. “Ipunin natin ang ating lakas at ikondisyon ang sarili para sa pagpigil ng kasalang magaganap bukas.”
Sumang-ayon ang lahat ng mamamayan. Hindi pa huli ang lahat at nagsagawa sila ng plano. Masaya ang prinsesa dahil sa suportang ibinibigay ng lahat sa kanya.
Dumating na ang araw ng kasal. Inihanda na ang templo ng Elenai na pagdadausan ng pag-iisang dibdib nina Prinsesa Zurfc at Prinsipe Freedert. Inihahanda na rin ng mga mamamayan ang planong pagpigil sa kasal.
Ilang batalyong mga alagad na taga-Timog ang dumalo sa kasalan. Ang iba sa kanila’y pumasok sa templo. Ang iba’y naghintay sa labas. Hindi nagpahuli ang matataas na mamamayan ng Tankape. Gustong-gusto nilang masaksihan ang pag-iisang dibdib. May iilang mamamayan ng Elenai ay nakiisa sa kasal. Ang reyna ay nagpahuli, ang sabi’y susunod na lang siya.
“Napakaganda mo ngayon, aking mahal,” papuri ni Prinsipe Freedert kay Prinsesa Zurfc. Tipid na ngumiti ang prinsesa.
Iniutos ni Prinsipe Freedert na simulan na ang seremonya kahit wala ang reyna. Isang dalagitang babaylan mula sa Silangang kahariang Piyenef ang nagsagawa ng kasal. Kinakabahan ang prinsesa. Nang nasa kalagitnaan na ay wala pa ring nangyayaring pag-atake mula sa panig nila hanggang sa…
“Anong nangyayari?” tanong ni Prinsipe Freedert.
Yumayanig ang buong paligid. Ipinasyang itigil ng dalagitang babaylan ang seremonya nang lalo pang lumakas ang pagyanig. Nakarinig ng sigawan mula sa labas. Nagulat ang lahat nang may sumirit na tubig sa pader ng templo. Nagkagulo ang lahat nang biglang gumuho ang bubungan ng templo at pumasok ang rumaragasang tubig. Naging handa ang mga taga-Timog. Ibinalot nila ang sarili sa proteksyong apoy para makaligtas. Tila nalimutan ni Prinsipe Freedert ang makakaisang-dibdib niya nang isalba niya ang sarili at magmadaling balutin ang sarili sa apoy. Si Prinsesa Zurfc ay nilamon ng rumaragasang tubig. Sa ilalim ay nakita niya si Exodus kasama ang kabayo nitong si Patch. Nasa loob sila ng malaking bula. Inilapit ni Exodus ang malaking bula sa prinsesa at nakapasok ito. Isinakay ni Exodus ang prinsesa sa harapan.
Panandalian lang ang paglitaw ng rumaragasang tubig pero sapat na iyon para maitakas ang prinsesa. Nang humupa na ang tubig, hindi nakita ni Prinsipe Freedert si Prinsesa Zurfc sa paligid. Labis siyang nagalit.
“Hanapin ang Prinsesa!” utos niya. Nagmadaling kumilos ang lahat.
Kasalukuyang tumatakbo ang kabayong si Patch lulan sina Exodus at ang prinsesa.
“Saan tayo papunta?” tanong ni Prinsesa Zurfc kay Exodus.
“Hindi ko alam,” sagot ni Exodus.
Nakalayo man sila, hindi rin sila ligtas sa panganib sapagkat mabilis silang natunton ng mga alagad ng prinsipe at pinaulanan ng panang apoy. Ang kapangyarihang bula ni Exodus na pumoprotekta sa kanila ay walang laban. Walang anu-ano’y biglang naramdaman ni Prinsesa Zurfc na uminit ang kanyang dibdib. Naalala niyang doon niya inilagay ang panulat nang siya’y magbihis. Pagdukot niya ng panulat ay lumiliwanag ito.
“Exodus, lumiliwanag ang panulat,” sabi ng prinsesa.
“Ikumpas mo!” utos ni Exodus. Maaabutan na sila ng kalaban!
Ikinumpas ni Prinsesa Zurfc ang panulat at lumabas ang isang lagusan. Papasok na sila ni Exodus dito!
Sa kasamaang palad ay natamaan ng panang apoy ang paa ng kabayong si Patch. Nawalan sila ng balanse at natumba. Nahulog sina Prinsesa Zurfc at Exodus sa sinasakyan. Papalapit na ang kalaban. Hindi makabangon ang prinsesa. Napilayan siya.
“Hindi!” sigaw niya nang makitang papasara na ang lagusan. Walang anu-ano’y isang malakas na pwersa ng hangin ang naramdaman niya. May isang mabilis na nilalang ang bumitbit sa kanya, inilipad siya at pumasok sila sa lagusan.
Mabilis na sumara ang lagusan. Nakalapit na ang mga kalaban. Tuluyang nakatakas ang prinsesa pero nahuli si Exodus pati na rin ang kabayong si Patch na namimilipit sa sakit dahil sa pagkakapaso ng paa niya.
No comments:
Post a Comment