CHAPTER 2
"Sabi ng nagbebenta niyan e may powers daw iyan. Kaya kang dalhin sa past o sa future. Pero hindi ako naniniwala."
--Artemio Rubio
CHAPTER 3
Visions
Nasaan na naman ako? tanong ko sa sarili ko. Nakatanga ako sa kawalan, nakatayo, nakatingin sa babaeng kasama ko sa lugar kung nasaan ako.
Katahimikan... Hanggang sa nginitian ako ng babae.
"David!" tumakbo siya papunta sa akin at niyakap niya ako. Napakabilis ng mga pangyayari. Ang tanging nasa isip ko na lang e, “Huh? Dave ang pangalan ko, hindi David.”
Biglang...
"Hoy Dave!"
At naglaho ang lahat.
"Huh?" nagising ang diwa ko.
"Anong dahilan ba't huminto ka?" tanong ni Erick.
"Huminto?" pagtataka ko.
"Oo. Ang tagal mo pang nakatingin kay Celine. Ayun, nailang nga e, tumakbo palayo," sabi ni Erick.
"Huh? Bakit ko siya titingnan?"
"Ewan ko. Mahal mo na yata. Haha!" pang-aasar pa ni Erick.
"Nakakatawa!" maktol ko.
Strange. Weird. Hindi ko na maintindihan kung ano ang nangyayari sa akin. Nagkaroon lang naman ako ng mga ganitong pangitain nang hawakan ko ang diary na yun. Ano kayang meron sa diary ni Hannah?
Lumipas ang oras na wala kaming ginawa ni Erick sa garden kundi ang pagtawanan at pag-usapan ang mga prof at kaklase naming katawa-tawa ang kilos at hitsura. Umuwi kaming hindi ginagawa ang inutos sa amin ni Mr. Sanchez at kinabukasan ay nakatanggap kami ng remark kay sir nang makasalubong namin siya sa hallway.
"Great job, boys, talagang ginawa ninyong mabuti ang trabaho ninyo kahapon."
Nagkatinginan kami ni Erick. Wala naman kaming ginawa kahapon. Ibig sabihin ba nun may ibang nagtrabaho para sa amin?
"Bro, si Celine yata ang gumawa nun," bulong sa akin ni Erick nang magpatuloy kami sa paglalakad. And because of that, I felt so guilty.
Noong tanghali ay nakita ko si Celine na papunta sa garden. Sinundan ko siya. Nasurpresa ako nang makita ko si Hannah na naroon din. Nagtago ako sa mga halaman.
Magkasama sina Celine at Hannah? Bakit kaya? Don't tell me na "future freak" din si Celine. Nag-uusap sila? Ano kaya ang pinag-uusapan nila? Hindi ko kasi marinig. Teka, ba't ba ako nakikitsismis sa kung anumang pinag-uusapan nila? Ano bang pakialam ko dun? Kung anu-anong nasa isip ko hanggang sa narinig ko na lang na nagsabi si Hannah ng,
"Sige, alis na ako."
Naalerto ako kasi paalis na pala si Hannah at siguradong madadaanan niya ako sa puwesto ko kaya nagdahan-dahan ako ng pag-alis para lumipat sana upang makapagtago pa lalo pero nagulat na lang ako nang sabihin ni Hannah ang,
"Celine, nakalimutan kong sabihin sa iyong may ibang tao pala rito."
Kinabahan ako bigla. Naramdaman niya ang presensya ko? Kakaiba talaga!
Nagpatuloy siya, "Nagtatago siya sa mga halaman at nagtataka ngayon kung paano ko nalamang nandito siya."
Wala na akong lusot kaya nagpakita na ako. "Inutusan ako ni Mr. Sanchez na maglinis," idadahilan ko sana pero naunahan niya ako!
"Inutusan ka ba ni Mr. Sanchez na maglinis ng garden?" tanong niya sa akin.
Tumango ako tanda ng pagsang-ayon.
"Ok," sabi ni Hannah.
Habang papaalis siya at naglalakad palabas ay tinitingnan niya ako nang mata sa mata. Binigyan niya pa ako ng kakaibang ngiti bago siya tuluyang umalis. Nakakatakot -- hindi! Nakapangingilabot! Nawala na siya, pero hindi pa rin natigil sa paninindig ang mga balahibo ko. At ngayon, kami na lang ang naiwan ni Celine rito.
"Maglilinis ako ng garden ngayon," sabi ko kay Celine.
"Bakit?" tanong niya.
"Huwag ka na lang magtanong. Basta maglilinis ako! Nasaan ang walis?" sagot ko na napataas ang tono.
"Teka, kukunin ko."
"Hindi na! Ako na lang ang kukuha basta ituro mo na lang kung saan," pagsusungit ko.
"A, nandoon. Malapit sa compost pit," turo niya.
Sa totoo lang naiilang ako kay Celine. Marahil ay dahil nakita niya akong may ginagawang kakaiba sa library kahapon at hindi mawala sa isip kong baka pinag-iisipan niya ako nang masama. Kinuha ko ang walis at nagsimula nang walisin ang mga tuyong dahon.
"Nagwalis ka ba rito kahapon?" tanong ko habang nagwawalis gamit ang walis-tingting.
"Palagi naman akong nagwawalis dito," sagot naman niya.
"Hindi --ang ibig kong sabihin-- noong nandito rin kami?"
"Pagkaalis ninyo, oo. Ang sinabi kasi ni Mr. Sanchez may ipadadala raw siyang mga estudyanteng tutulong sa akin sa paglilinis pero hindi naman sila dumating. Akala ko nga kayo yun e, pero sabi ninyo naman pinakukuha lang kayo ng litrato ng mga paru-paro."
Nakonsensya ako bigla sa sinabi niya. Kung ganoon siya lang nga ang naglinis dito.
"Sinabi ko na lang nga kay Mr. Sanchez na tinulungan nila ako kahit na hindi. Nakakaawa naman, sabi kasi ni Mr. Sanchez pagagalitan daw niya ang mga yun pag hindi tumulong," dagdag pa niya. Na-guilty tuloy ako lalo.
Si Celine... Kung ilalarawan ko siya... Hmm... Kung tutuusin, maganda rin naman siya. Maiksi ang gupit ng buhok niya, hanggang baba, tapos may highlights na kulay asul. Mapungay ang kanyang mga mata at may kaliitan. Mapula at may maayos na korte ang kanyang mga labi. Napansin ko ring isinasabit niya ang kanyang salamin sa mata sa harapan ng kanyang damit, at may pagkakataong tinatanggal iyon doon para suutin. Maamo ang kanyang mukha, malumanay kung magsalita, pero may pagka-wirdo kung kumilos.
Labinlimang minuto siguro ang lumipas nang puntahan ako sa garden ni Erick kasama si Nicole.
"Bro, nandito ka lang pala. Kanina ka pa namin hinahanap. Alam mo namang hindi ako sanay na nawawala ka sa paningin ko," sabi ni Erick. "Wow! Nagwawalis!" puna niya sa ginagawa ko.
"Hi Celine!" narinig kong pagbati ni Nicole kay Celine na tinugunan din ni Celine ng "Hi!" Magkakilala sila?
"Bro, anong nakain mo at nagwawalis ka riyan? Nakakain ka ba ng panis?" pang-aasar ni Erick na natatawa-tawa pa.
"Shut up!" tugon ko naman.
Sa isip-isip ko gusto kong bumawi kasi nagsinungaling ako kay Celine, pero teka, bakit nga ba ako nagi-guilty ngayon? Ano ba, Dave?
"Tulungan mo na lang ako magwalis," sabi ko kay Erick. Ginawa naman niya ang gusto kong mangyari.
Natapos ang lunch break. Sinadya namin ni Erick na hindi pasukan yung subject ni Mr. Sanchez kahit na sinabi namin kay Nicole na hindi na kami tatamarin. Nag-stay lang kami sa canteen at ikinuwento ko kay Erick ang mga pangitaing nakita ko.
"Bro, I'm having weird feelings lately," sabi ko.
"Like what?" tanong ni Erick, tapos ay ngumuya ng biniling Cheese Clubs.
"Yung sudden cold feeling na nararamdaman ko, tapos I'm having weird visions."
Naging seryoso ang mukha ni Erick. Nagpatuloy ako.
"Yesterday nung nasa garden tayo, nakakita ako ng babae... na hindi ko kilala. I think she's from the past kasi she's wearing Filipiniana and... everything's different talaga bro!"
"Kaya ba napatulala ka bigla nun?" tanong ni Erick.
"Hindi ko alam yung sinasabi mong napatulala."
"Baka naman naka-drugs ka? Umamin ka, I won't tell your parents, anyway," sabi ni Erick sabay tawa.
Loko 'to a! Ginagantihan ako purkit madalas ko siyang alaskahin. Napailing na lang ako at tumayo sa kinauupuan.
"O teka, saan ka pupunta?" tanong ni Erick. "Ito naman, binibiro ka lang."
"Punta lang ng library, bro. May hahanapin lang," sagot ko.
"At kailan ka pa nging bookworm?" Umalis na ako sa puwesto. "Uy teka, sama ako!" Hinabol ako ni Erick at nagawa niya pang mang-alok ng Cheese Clubs habang naglalakad kami.
No comments:
Post a Comment