"Nakalimutan mo na ba kung sino ako? Nakakainis ka!"
--Hannah
CHAPTER 2
Celine
“What the heck?!” nasabi ko na lang sa sarili ko. “Ano ito?”
Kanina nasa library pa ako pero ngayon naglaho ang lahat. Walang mahahabang mesa, walang shelves, wala ang librarian, walang mga estudyante, ang buong building! Napunta ako sa isang lugar na hindi ko alam at nakatayo ako ngayon sa konkretong semento, sa isang open area na mukhang isang pook-pasyalan. Hawak-hawak ko pa rin ang diary na kinuha ko kanina.
Naglakad ako. Hindi ko alam kung nasaan ako. Maya-maya’y may mga babaeng dumaan, lima sila kung bibilangin. Mga Pilipina sila alam ko. Matutukoy iyon sa hitsura nila, pero bakit ganoon ang ayos nila? Karamihan sa kanila’y ang suot ay Filipiniana, nakapusod ang buhok at may mga dalang pamaypay. Waaa! Ano ba ito, joke? Ang alam ko tapos na ang Buwan ng Wika.
Napahinto ang isang babae at tiningnan ako.
“Bakit ka napahinto, Celina?” tanong ng isa niyang kasama nang mapansin siya.
Umiling ang babae, may sinabi sa kasama at tiningnan ako niyon. Nagkaroon ng bulungan sa pagitan nilang dalawa at dahil sa pagkabalam ng paglalakad nila ay napahinto ang iba pa nilang kasama, at lahat sila’y nakatingin na sa akin.
“Ano bang nangyayari?” pilit kong itinanong sa sarili ko.
Sa kalituhan ay tumakbo ako papalayo. Alam kong nabigla ang mga babae sa ginawa ko dahil lumikha sila ng kakaibang ingay.
“Nananaginip ako. Nananaginip ako!” sabi ko sa sarili ko nang makapunta sa isang pwestong hindi exposed sa mga tao. Nagpa-uli-uli ako ng lakad. “Anong gagawin ko?” Tiningnan ko ang diary. “Hindi kaya naengkanto ako?” At naalala ko bigla ang madalas na sabihin sa akin ni Erick sa tuwing nag-a-out-of-town trip kami at napapadaan sa mga liblib na lugar,
“Bro, sabi ng lola ko pag pumunta ka sa isang lugar na hindi ka pamilyar, at feeling mo weird yung lugar o di kaya e parang naliligaw ka –yun bang tipong paulit-ulit at paikot-ikot ka dun sa lugar at di ka makaalis, ibig sabihin daw nun e naengkanto ka na. Ang gawin mo, hubarin mo yung damit mo tapos baligtarin mo lang ng suot.”
Tinawanan ko lang yung sinabi niya noon kasi hindi ako naniniwala sa superstitious beliefs na iyan, pero naisip ko… sa pagkakataong ito, wala namang masama kung susubukan.
Tinanggal ko sa pagkakabutones ang suot kong polo at binaligtad iyon. Tapos, tinanggal ko ang suot kong panloob na sando at binaligtad iyon. Napansin kong nakasasagabal sa ginagawa ko itong diary na hawak ko kaya inilapag ko iyon sa lupa. Nang tinanggal ko na ang butones ng suot kong pantalon, nakarinig ako ng nakakukulilig sa taingang ingay. Napapikit ako at pagmulat ko, nagulat ako sa nakita ko.
Nasa library na ako uli, kaharap ang shelf at dama ko ang lamig ng aircon. Hindi ko na pala suot ang pang-itaas kong damit at tanggal din ang butones ng pantalon ko. Pero hindi lang yun, nabahala ako kasi malapit sa akin, may isang babaeng nakatayo! Mukhang kukuha siya ng libro sa shelf na kinatatayuan ko!
“Woaaah!” nasabi ko na lang, sabay itinakip ko ang mga damit ko sa aking dibdib. Mabilis na tumalikod ang babae.
“Wala akong nakita,” sabi niya sabay alis. At ang sinabi niyang iyon ang lalo kong ikinabahala.
“Malas!” sabi ko sa sarili. Binaligtad ko uli ang mga damit ko at isinuot iyon. Sinipa ko papunta sa ilalim ng shelf ang diary ni Hannah at nagmadaling umalis sa kinatatayuan ko para habulin ang babae.
Wala nang gaanong tayo sa library. Nang tingnan ko ang orasan ay patapos na ang lunch break. Sa pintuan ng library, nakita ko yung babae at palabas na siya. Madali ko siyang natandaan dahil sa highlights na asul sa kanyang buhok.
“Teka, miss!” sigaw ko.
Nagpatunog ng bell yung librarian dahil sa ginawa ko. Lumingon yung babae at nang makita ako ay nagmadaling lumabas. Hinabol ko siya. Paglabas ko ay may narinig akong tumawag sa pangalan ko,
“Dave!” si Erick pala. Sinenyasan ko siya na ang ibig iparating ay, “Saglit lang.” Di na ako nag-aksaya ng segundo.
“Miss, miss, miss!” hinabol ko ang babae hanggang sa maabutan ko na siya. “Teka!” Hinawakan ko siya sa braso. Huminto siya at hinarap ako. Sinubukan kong magpaliwanag. “Yung nakita mo kanina—"
“Wala akong nakita,” sabi niya sabay suot ng salamin sa mata na nakasabit sa harapan ng suot niyang uniporme. “Malabo ang mga mata ko,” dagdag pa niya.
“Pero, may naaninag ka naman siguro?” sabi ko.
“Wala,” sabi niya. “Pakibitiwan ako, male-late na ako.”
Nakahawak pa pala ako sa braso niya. Binitiwan ko na siya. Tumalikod siya at patakbong umalis.
“What’s with her?” natanong ko na lang sa sarili ko.
“Kakaiba ka, bro,” si Erick. Bumuntot na naman sa akin.
“What?” tanong ko sa kanya.
“I never thought that Celine is your type.”
“Huh? No!” tanggi ko.
Tinapik-tapik niya ako sa likod, “Ok lang iyan. Lahat naman tayo dumadating sa ganyan e!”
“Tigilan mo nga ako, bro. I don’t even know her,” sabi ko sa kanya.
“Aruuuuu! Pakipot!” pang-iinis ni Erick.
“Tara, lunch na nga lang tayo,” pagyayaya ko para maiba na rin ang usapan.
“A, pakibutones muna yung pantalon mo,” paalala pa ni Erick. Hindi ko rin pala gaanong naayos ang pagsusuot ng polo ko.
Nag lunch na kami ni Erick. Sabi ko ten minutes lang pero napasarap ng kain ang kaibigan ko at di namin namalayang thirty minutes na kaming late sa susunod naming subject. Dahil sa pagpapaka-hero ko at sinabi kong gusto kong matuto kahit pinayuhan na ako ni Erick na huwag nang pumasok e minalas lang pala ako lalo at syempre damay si Erick doon. As a punishment, pinaglilinis kami ng prof namin ng garden for the whole week! I can’t believe this! Ako na hindi marunong maglinis, e maglilinis?! Na-bad shot yata kasi naka-anim na late na kami.
Noong hapong iyon e nagsimula kaagad ang parusa sa amin. Sabi kasi ni Erick pumunta na kami sa garden para matapos na.
“Ganito ha, wawalisin ninyo lahat ng tuyong dahon dito,” panuto ni Mr. Sanchez, “at ilalagay ninyo doon sa compost pit,” itinuro niya ang hukay doon na tinatawag niyang “compost pit”. “Diligan ninyo rin ang lahat ng mga halaman.”
Pagkatapos, may isang estudyante siyang tinawag. “Halika nga rito, Celine.”
Teka! Celine?
“Yes, sir?” tanong ni Celine, yung mismong babaeng nakausap ko kanina! Kita ko sa mukha niyang nagulat siya nang makita kami.
“Paki bantayan itong dalawang ito and please make sure na ginagawa nila ang trabaho nila,” bilin ni Mr. Sanchez.
“Ok sir,” tugon ni Celine. Umalis na si Mr. Sanchez. Hinatid pa siya ni Celine palabas.
Sinundan ng tingin ni Erick ang dalawang umalis at siniko ako, “Si Celine o!”
“The hell I care!” bugnot na sagot ko.
Di pa nakuntento, kumanta pa siya ng, “Pinagtagpo ng tadhana, pinagtagpo ng tadhana!” na ang tono ay hinugot mula kung saan.
Ilang sandali pa’y lumapit na sa amin si Celine. Mukhang may sasabihin siya pero nahihiyang magsalita.
“A, pwede ko bang malaman kung –" hindi pa natatapos magsalita ni Celine nang sumingit si Erick.
“A, pangalan ba namin? Erick Villa.” Nakuha pa niyang makipag-kamay kay Celine.
“A hindi. Gusto ko sanang itanong kung ano ba yung… ano ba yung ipinagagawa ni Mr. Sanchez sa inyo?”
Natawa ako bigla kasi napahiya si Erick. Napakamot tuloy siya ng kanang tainga. Ganoon siya pag napapahiya.
“Ay ganun ba? Hehe. Hindi ba sinabi ni Mr. Sanchez kung anong pinagagawa niya sa amin?” tanong ng kaibigan ko. Umiling si Celine. Nagkatinginan kami ni Erick.
“Piktyuran daw namin yung mga butterfly. Part of Science Project kasi,” sabi ko kay Celine. Ayoko ngang magwalis ng mga tuyong dahon at magdilig ng mga halaman! “Saan ba meron?” tanong ko pa.
“Sa likod marami,” pagturo ni Celine ng direksyon.
“Sige, thanks,” tugon ko. “Tara na, bro,” yakag ko kay Erick. Sumunod naman si Erick sa akin pero may komentong,
“Sira-ulo ka talaga! Pag tayo napahamak dito!”
“Hindi tayo mapapahamak,” paniniguro ko.
Pero sa kabila nun, na-guilty ako bigla dahil nagsinungaling ako. At hayun, bigla na naman akong nakaramdam ng kakaibang lamig. Nilingon ko si Celine at nagulat ako sa nakita ko.
Sa kinatatayuan niya’y ibang anyo na ng babae ang nasilayan ko. Naka Filipiniana ang babae, nakapusod at may hawak na pamaypay. Di lang iyon, nag-iba na naman ang ayos ng lugar sa paligid ko.
...ITUTULOY...
No comments:
Post a Comment