Ang Dalaga sa Ilog
Isang mahabang paglalakbay ang kinakaharap ngayon ni Jiro. Dumadaan siya sa matatarik na daan. Tumutulay siya sa mga sirang tulay na sinira ng mga nakakatakot na halimaw. Naglalambitin siya sa mga punong kay tataas. Hanggang siya’y mapagod at naisipang magpahinga. Naglakad-lakad siya, umakyat-akyat sa mga puno at naghanap-hanap ng lugar na maaaring masilungan kung saan may tubig din. May nakita siyang ilog. Agad niya itong pinuntahan. Tuwang-tuwa siya nang marating ang lugar. Kay lamig at kay sarap sa balat ng tubig. Uminom siya at naghilamos. Pagbukas ng kanyang mga matang kulay lila, naaninag niya ang isang nilalang sa kabilang parte ng ilog.
“Isa bang… nilalang… ang nakikita ko?” tanong niya sa sarili. Agad siyang tumawid upang makasiguro. Isa ngang nilalang iyon at ito ay isang babae. Nakahandusay ito at walang malay. Awang-awa siya sa kalagayan nito. “Baka naman patay na siya!” isip niya.
Kumuha siya ng kapiraso ng kahoy at sinundot niya ang babae sa braso. May napansin din siyang hawak nito sa kaliwang kamay. “Ginto!” sigaw niya sabay takip ng bibig. “Aargh! Ang ingay ko talaga!”
Dahan-dahan niyang inalis ang gintong hawak ng babae at nagtagumpay siya, agad niya itong tinago. Kinuha niya ang kamay nito at pinakiramdaman kung may pulso pa ba.
“Buhay pa siya!” bulalas niya nang maramdamang may pulso pa nga ito. At nang kanya itong itinihaya, siya ay nabigla at halos hindi makapagsalita. “Napaka… ganda niya…” kanyang nasabi.
Sinipat niya kung ang babae ay may suot na kristal, baka kasi nakakahuha ito ng kristal kaya ganun na lang ang kagandahang taglay nito ngunit wala siyang nakita. Natural ang kagandahang taglay ng babae. Iba ang naramdaman ni Jiro. Humahanga siya sa babaeng ito.
Tumingin siya sa paligid. Walang ibang tao pero nangangamba siya, baka bigla kasing may halimaw na umatake sa kanila. Naghanap siya ng ligtas na lugar, nag-ipon ng mga tuyong dahon at binuhat ang babae, nilapag niya roon. Nakatitig lang siya sa napakagandang dilag na iyon.
Taglay ni Jiro ang isang nakakalokong ngiti sa labi, "Kakaiba ang suot niya ah!"
Ito ang kanyang palagay dahil ang pang-itaas na kasuotan ng babae ay walang manggas, maiksi ang pang ibaba na kita na halos ang hita at binti, ang sapin sa paa ay kakaiba ang disenyo at nang kanyang basahin ang nakasulat ay hindi niya naunawaan pero ang tatak nito ay ‘Skechers’.
Maraming tanong ang pumasok sa kanyang isip. Sino ang babaeng ito? Saang kaharian siya nagmula? Nakapagnakaw na siya sa iba’t ibang kaharian maliban sa Elid at Karimlan ngunit wala siyang nakitang katulad ng damit nito. Nakapagpasya na siya. Pagkamulat na pagkamulat ng babaeng iyon ay tatanungin niya ang pangalan nito at kung saang kaharian ito nanggaling.
Lumipas ang dalawang oras. Nakapanguha na rin si Jiro ng mga halamang gamot na maaari niyang ipantapal sa sugat ng babae. Habang tinatapal niya ang isang halamang gamot ay nagkakamalay na ito. Huminto siya. Nang imulat ng babae ang kanyang mga mata ay natuon ang paningin nito kay Jiro. Kabang-kaba nga ang Nievas.
“Lance, ikaw ba iyan?” tanong nito.
Hindi nakapagsalita si Jiro. “Sino ang hinahanap niya?” tanong ng binata sa sarili.
Bumangon ang babae. Nakita niyang kakaiba ang kanyang paligid at sino ang kaharap niyang ito?
“S-sino ka?” tanong niya.
“A-ako ba?” tanong ng Nievas. “Ang pangalan ko ay Jiro. At ikaw?”
Tumayo si Miki. Pinagmasdan lamang siya ni Jiro. “Nasaan ako?” tanong niyang muli.
“Ikaw? Narito ka sa isang di kilalang gubat,” sagot ni Jiro.
Kung paanong napunta siya roon, hindi alam ni Miki. Ngunit may naalala siya, “Ang medalyon!”
Napakunot-noo si Jiro, “Medalyon?”
“Nakita mo ba? May nakita ka bang medalyon?”
Nilarawan ni Jiro ang medalyon, “Yun ba yung kulay gintong bilog at may tali?”
“Oo! Yun nga! Nakita mo?”
“Ano ba ang anyo nun?” Nilabas ni Jiro ang medalyon. “Ganito ba?”
Tuwang-tuwa si Miki. Hindi pala nawalay sa kanya ang medalyon, “Tama, iyan nga! Ibigay mo sa akin.”
Nagdadalawang-isip si Jiro kung ibibigay niya ba ang medalyon o hindi. At hindi niya nga ginawa. “Sino namang may sabing ibibigay ko sa iyo ito? Ako ang nagligtas sa buhay mo. Sapat na ito bilang kabayaran.”
“Ngunit ang medalyong iyan ay sa kaibigan ko! Kailangan kong maibigay sa kanya iyan!” dahilan ni Miki.
Pinulupot ni Jiro ang tali ng medalyon sa kanyang braso. “Ito ay kabayaran mo na sa akin. Akin na ito.”
“Hindi ko sinabing iyan ang ibabayad ko sa pagkakasagip mo sa akin! Babayaran kita ngunit hindi iyan ang ibibigay ko. Pangako! Ibibigay ko ang kahit na anong hihilingin mo, huwag lamang ang medalyon. Ibigay mo na iyan sa akin.”
Sandaling natahimik si Jiro at nagwika, “Sigurado ka bang ibibigay mo ang kahit na anong hihilingin ko?”
Tinaas ni Miki ang kanyang kanang kamay, “Peksman! Hindi ako nagsisinungaling!”
“Kung gayon, bago ko ibigay ang bagay na hinihingi mo, ibigay mo muna sa akin ang gusto ko.”
“Ano ba… ang gusto mo?”
Siguradong maganda ang iniisip na hiling ni Jiro at siya’y desidido na, “Simple lang. Gusto kitang maging kasintahan!”
Nagulat si Miki, “Anong sinabi mo?”
“Ang sabi ko, gusto kitang maging kasintahan. Iyon ang magiging kabayaran mo sa pagkakaligtas ko sa buhay mo.”
“Pero ang hinihiling mo ay…”
“Kung gusto mong makuha ang medalyon, sundin mo ang gusto ko. Kung hindi mo ibibigay ang hiling ko, hindi ko ibibigay ang hiling mo.”
Kung hindi papayag si Miki sa gusto ng lalaking ito ay maaari nitong kunin ang medalyon. Maaari rin siyang iwan doon sa di kilalang gubat na iyon o di kaya naman ay gawing alipin. Kailangan niyang mabawi at pangalagaan ang medalyon. Wala na siyang ibang pagpipilian.
“Pumapayag na ako!” sabi niyang masama ang loob.
Tuwang-tuwa naman si Jiro sa kanyang narinig, “Talaga ba?”
“Oo. Pumapayag na akong maging kasintahan mo.”
Niyakap ni Jiro si Miki. Naiilang naman ang dalaga. Wala pang lalaking nakayakap sa kanya. Matapos manumpa ni Jiro na magiging isang matapat, mabait, mapagmahal at mapag-alagang kasintahan ay ibinigay niya na ang medalyon. Hindi nakalimutang magpasalamat ni Miki sa pagkakabigay sa kanya ng medalyon.
Ibinigay na rin niya ang kanyang pangalan, “Siyanga pala, nakalimutan kong magpakilala sa iyo. Ang pangalan ko ay Mikaela ngunit madalas nila akong tawaging Miki.”
“Napakaganda ng iyong pangalan,” papuri ni Jiro.
“Nambola ka pa!”
“Totoo! Totoong napakaganda. Alam mo, para ngang pamilyar ang pangalan mo. Saan ko ba narinig iyon? Miki… Mi… Mi… Mi…” Saka lang ni napagtanto ni Jiro na… “Ang aking Milne! Nawawala ang aking Milne!”
No comments:
Post a Comment