“Saan galing yang baduy na apron mo?” tanong niya sa kapatid.
“Diyan sa sampayan nina Carlota, sinungkit ko,” sagot ni Sid.
Tatango-tangong tumugon si Eunice ng, “A kina Carl.” Sinilip niya ang niluluto ng kapatid, “Ano iyan?” Tila may pandidiri nang makita ang niluluto nitong halu-halong gulay na nilagyan ng kung anu-anong sahog. Sumagot ito ng,
“Ito na lang kasi ang stock sa ref―”
“Wala naman tayong ref a,” singit ni Eunice.
Tinapos ni Sid ang sinasabi, “Ng kapit-bahay natin kaya pinagtiyagaan ko na lang.”
May tumunog na madamdaming instrumental music sa kapit-bahay. Nagpatuloy si Sid,
“Pasasaan pa’t pag nagkatrabaho uli ako ay matitikman mo na ang paborito mong turkey.”
Na-cornyhan si Eunice sa kuya niya at binigyan niya ito ng “Hmm” look na exclusive lang sa tristancafe.com, “Para kang yung apron mo, pareho kayong baduy.” Umalis siya sa kusina.
May pahabol si Sid, “Paki tingnan naman sina Shin at Marian kung gising na. Sabihin mo kakain na.”
“Buti kung kainin nila yang luto mong ewan,” sabi ni Eunice. Bitter si ateh.
Hindi sumabay si Eunice sa agahan at nakikain na lang sa bestfriend niyang si Carlota na kung tawagin niya ay “Carl”. Mukhang mas matino ang pagkain sa kabilang bahay.
Matapos mag-almusal ay nagbanyo si Sid dahil sumama ang tiyan niya sa nilutong ulam. Wala namang masamang epekto kina Prinsesa Zurfc at Iane ang luto ni Sid at sarap na sarap pa sila. Nang nasa banyo na si Sid, pagkahubad niya ng “tatlo sampung brief” na binili niya sa Quiapo ay nahulog ang panulat na inaasam-asam ni Prinsesa Zurfc. Alam ni Sid na importante iyon sa prinsesa, magkagayunman ay ayaw niya itong ibigay. Agad iyong pinulot ni Sid at inilapag sa isang tabi, saka siya naglabas ng sama ng loob sa kawawang bowl. Ayoko nang ilarawan kung paano siya naglabas ng hinanakit dahil baka di mo magustuhan at bigla kang masuka. Nang makaraos ay lumabas na siya sa banyo at di man lang naalalang kunin ang panulat.
Nang mag-alas nuebe na ay naghanda naman si Eunice para pumasok. Isa siyang estudyante sa kolehiyo at ginagapang ni Sid ang pag-aaral niya. Bago tuluyang lumabas ng bahay ay nagpunta siya sa banyo at doon nanalamin. Nakatawag ng kanyang pansin ang panulat dahil sa kulay nitong ginto at kakaibang disenyo. Kinuha niya ang panulat at sinubukang isulat sa palad niya.
“Lapis?!” sabi niya nang hindi ito tuminta.
Dahil nagandahan siya sa disenyo at sa palagay niya ay walang magagalit sa kanya kung kukunin niya iyon dahil natagpuan naman ito sa bahay nila, napagdesisyunan niyang kunin ang panulat. Makatutulong din naman iyon sa pagtatala niya ng notes sa research. Nang maihanda na ang lahat ng gamit ay nagpasya na siyang umalis. Nanghingi muna siya ng baon kay Sid at binigyan siya nito ng fifty pesos. Napasimangot si Eunice pero hindi na lang nagreklamo. Naiintindihan naman niyang wala pang trabaho si Sid ngayon. Pag may trabaho naman ang kapatid niya ay sobra pa sa kailangan niya ang ibinibigay nito.
“Saan pupunta ang kapatid mo?” tanong ni Prinsesa Zurfc nang makitang umalis ng bahay si Eunice na may dala-dalang gamit.
“Sa school po, prinsesa,” may paggalang na sagot ni Sid.
“Saan?” tanong muli ng prinsesa nang hindi niya naintindihan ang sinabi ni Sid.
“Sa school, sa paaralan. Doon pumupunta para matuto.”
“Matuto ng ano?” tanong ni Prinsesa Zurfc.
“Ng maraming bagay sa mundo,” sagot ni Sid.
“Nag-aaral din ba kayo ng mahika?” tanong naman ni Iane.
“Hindi, pangkaraniwang tao lang kami. Wala kaming kakayahan na tulad ng sa inyo,” sagot ni Sid.
Napaisip ang prinsesa. “Ibig sabihin kapag wala ka nang kapangyarihan ay pangkaraniwang tao ka na lang?”
“Ganoon na nga,” tugon ni Sid. Nalungkot sina Prinsesa Zurfc at Iane. May biglang naalala si Sid, “Sandali, hindi ba may powers kayo? Baka naman puwede ninyong ipakita ang kapangyarihan ninyo?”
“Hmm… Pangkaraniwang tao na lang kami, Sid, walang bisa ang kapangyarihan namin sa mundo ninyo,” sabi ng prinsesa.
“Wow!” biglang lumabas sa bibig ni Sid.
Napakunot-noo si Prinsesa Zurfc, “Anong wow?”
“Narinig ko kasing tinawag mo ako sa pangalan ko,” masayang pagkakasabi ni Sid. Ang cheesy.
Paglipas ng isang oras, nagpaalam si Sid kina Prinsesa Zurfc at Iane na aalis siya dahil maghahanap siya ng trabaho. Sinabihan niya ang dalawa na huwag na huwag silang aalis ng bahay dahil delikado sa labas.
“Saan ka naman pupunta, ginoo?” tanong ni Iane.
Naalibadbaran naman si Sid sa pagtawag sa kanya ni Iane ng “ginoo”.
“Marian,” pagtawag niya kay Iane.
“Iane,” madiing pagkakasabi ni Iane nang itama niya ang kanyang pangalan.
“Iane,” sabi ni Sid. “Puwede bang ‘Sid’ na lang ang itawag mo sa akin, huwag ‘ginoo’?” pakiusap niya.
“Kung gayon ay tawagin mo rin kami sa tunay naming pangalan,” mungkahi ni Iane.
Tumutol si Sid, “Hindi puwede. Kailangan ninyong magtago sa mga pangalang binigay ko para hindi kayo paghinalaan ng iba. Kakaiba kasi ang mga pangalan ninyo.”
“Kakaiba rin naman ang pangalang binigay mo,” sabi ni Iane.
Napabuntong-hininga si Sid, “O sige, ganito na lang, pag tayong tatlo lang ang nag-uusap-usap, tatawagin ko kayo sa tunay na mga pangalan ninyo.” Nagkasundo naman ang tatlo.
Nang palabas na si Sid sa pinto, hinila siya nang bahagya ng prinsesa at nakiusap ito, “Huwag ka nang umalis. Paano kung may dumating na ibang tao? Hindi namin alam ang gagawin namin.”
Gusto mang ipagpaliban ni Sid ang lakad niya dahil kinilig siya nang hawakan siya ng prinsesa ay hindi puwede. Kailangan niya talagang makahanap ng mapagkakakitaan dahil malapit na ang Midterm Examination ni Eunice at kailangan na nitong makapagbayad ng tuition. Wala na rin kasi silang stock sa garapon kahit na isang piraso ng atsuete.
“Prinsesa, kailangan ko talagang makahanap ng pera. Para din sa atin yun,” seryosong sagot ni Sid.
Dahil sa takot na baka kung sinong bisita ang bumulaga pag umalis si Sid ay may naisip ang prinsesa, “Sid, puwede mo ba kaming dalhin sa isang lugar na may magandang tanawin, may mga puno at hayop, may sariwang hangin para man lang sana maginhawaan kami?”
Pumayag si Sid sa nais mangyari ng prinsesa pero bigla siyang nagdalawang-isip, “Wala ako. Wala kayong kasama sa labas. Paano kung may mangyaring di inaasahan?”
Sumagot si Iane, “Kahit wala kaming kapangyarihan ay kaya naming makipaglaban.”
“Ayaw ninyo ba rito sa bahay?” tanong ni Sid sa dalawa. Umiling sila. “Paano kayo makakauwi kung wala ako?” sunod na tanong niya.
“Hindi ba puwedeng balikan mo na lang kami doon sa lugar kung saan mo kami dadalhin?” balik na tanong ni Iane sa kanya.
“A oo nga, puwede, puwede,” pagpayag ni Sid.
Dinala ni Sid ang dalawa sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife. Kinailangan niya pang magbayad ng entrance fee para sa dalawa. May pagkain siyang binili sa mga ito sakaling magutom sila. Binilinan niya rin sila na huwag na huwag silang aalis at babalikan niya sila.
Naglakad-lakad sina Prinsesa Zurfc at Iane sa loob ng parke. Nilanghap ni Iane ang hangin, napakasariwa gawa ng mga puno sa paligid. Nang umihip ang hangin, pakiramdam ni Iane ay gusto niyang itong sabayan pero hindi maaari. Hindi niya na kayang lumipad. Naglakad na lang ang dalawa sa looban ng parke.
Natuwa si Prinsesa Zurfc nang makakita ng sapa. May mga bibe pang lumalangoy. Gusto niyang paglaruan ang tubig ngunit kahit anong kumpas niya ng kamay para buhayin ito ay walang nangyayari. Kumuha si Prinsesa Zurfc ng katamtamang laking bato at ibinato sa sapa.
“Pakiramdam ko, napakawalang silbi ko pag wala akong kapangyarihan,” sabi niya.
“Maski naman ako ay ganoon,” tugon ni Iane.
“Hindi ko lubos maisip kung paano nabubuhay sina Sid nang wala silang kapangyarihan,” pagpapatuloy ng prinsesa. “At hindi ko pa rin alam kung ano nga ba ang kapalit na kinuha sa akin ni Pantas Bukaykay. May kinuha nga kaya siya? Hindi kaya ang kapalit nito ay ang pagkawala ng aking kapangyarihan?”
Umiling si Iane, “Sa palagay ko ay hindi dahil kung ganoon, dapat ang kakayahan mo lang ang nawala at hindi kasama ang sa akin. Sadyang wala lang bisa ang kapangyarihan natin sa mundong ito.”
Kasalukuyan nang naghahanap ng trabaho si Sid. Kung saan-saang lungga na siya nagsuot, tumitingin sa bawat madaanan kung may hiring bang nakapaskil. Hindi niya iniinda ang pagod at pagpapawis ng kili-kili basta ang nasa isip niya ngayon ay ang matanggap sa trabaho sa lalong madaling panahon. Nang may madaanan siyang isang gym, nakakita siya ng nakapaskil sa labas na,
May picture pa ni Boy Abunda na may dialogue cloud na nagsasabing, “Now na!”
Bago pumasok ay pumunta muna siya sa isang tabi at nag-self check. Kinapa niya ang kaliwa at kanang braso niya, malaki naman ang at ma-muscle. Kinapa niya ang dibdib niya at tiyan, malaki ang dibdib niya at may abs din naman siya. Nang kakapain niya na ang kanyang ultimate weapon ay may naalala siya,
“Anak ng pating! Yung panulat naiwan ko sa banyo!”
Naging kampante naman siyang walang gagalaw nun kaya nag-concentrate na lang siya sa paghahanap ng trabaho. Kahit na medyo kinakabahan dahil sa pangalan ng gym na “Pegasus Gym,” mukhang sister company ng Pegasus Club, ay pumasok na siya. Lumapit siya sa isang binabaeng receptionist sa nasabing gym, bumati ng magandang tanghali at nagtanong,
“May hiring pa po ba kayo ng gym instructor?”
Nang marinig ng receptionist na gusto ni Sid mag-apply bilang gym instructor ay agad nitong tinawag ang kanilang manager na nasa kalapit na silid.
“Mother!”
“O?” tugon ng manager na nasa loob ng kanyang opisina. Nagsisigawan ang dalawa. Akala tuloy ni Sid parlor ang napasukan niya.
“May nag-aapply po as gym instructor!”
“Gawin mo na ang screening,” utos ng manager.
“Sandali, ano pong screening?” tanong ni Sid sa receptionist na ang pangalan ay Sugar.
“Titingnan ko lang naman kung pasok ka sa qualification,” sagot nito.
“Anong qualification?” sunod na tanong ni Sid.
“Edi… malaki ang muscle,” sabi ni Sugar.
Kinakabahan si Sid. “Ano bang gagawin?”
“Ay naku, huwag kang mag-alala, mabilis lang naman ito. Ipatong mo yung braso mo rito sa table,” panuto ng receptionist.
Pinatong ni Sid ang kaliwang braso at dinutdot ito ni Sugar sabay bigay ng pilyong ngiti. “Matigas ha,” komento nito. “Go ka na kay mother! Now na!”
“A-a-anong gagawin ko?” tanong ni Sid, tila naguguluhan sa paraan ng hiring.
“Magpapasa ng resumé sa manager. Dala mo ba?”
Tumango si Sid na nangangahulugang dala niya ang hinihingi. Pumasok siya sa opisina at laking gulat niya nang makita kung sino ang manager ng Pegasus Gym.
“Ate Wynn!” nasurpresa siya.
Nagtaka si Mother Wynn dahil kilala siyang binatang nasa harap niya. Sinipat niyang mabuti si Sid at namukhaan kung sino ito.
“Sid! Ikaw pala iyan. Ang tagal nating di nagkita.” Nakitaan ng malaking ngiti ang manager ng Pegasus Gym.
No comments:
Post a Comment