No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, March 13, 2011

WALANG PAMAGAT (7)

“Ate Wynn!” nasurpresa si Sid.
“Sid! Ikaw pala iyan. Ang tagal nating di nagkita.”

Hindi inaasahan ni Sid na makikita niya ang pinsan sa ganitong lugar, sa ganitong pagkakataon.

“Tara, samahan mo akong kumain. Gutom na ako e,” pagyayaya ni Wynn.

Sa isang katapat na Mang Inasal nagtungo ang dalawa. Si Wynn ang taya. Siya na rin ang nag-order para sa kanila. Magkatapat ang dalawa sa lamesa. Habang hinihintay ang order, kinumusta ni Wynn ang pinsan, “Kumusta ang lagay mo?”

Matapat na sumagot si Sid, “Eto nakararaos naman kahit paano. Naghahanap ako ng trabaho ngayon. Ayoko na rin naman dun sa dati.”

“Anong trabaho mo dati?” pag-usisa ni Wynn.
“Security guard sa isang pawn shop,” sagot ni Sid.

Tinawanan ni Wynn ang estado ng buhay ni Sid. “Hindi ko akalain na ang isang tulad mo ay mauuwi lang sa ganyan.”

Masakit para kay Sid na mapagtawanan pero wala naman siyang pinagsisisihan kasi ito ang tinahak niyang daan. “Kumusta ang hacienda?” nahihiya niyang itinanong.

Sa puntong iyon ay dumating na ang order nila. Inayos muna ni Wynn ang pagkakalagay ng mga pagkain sa mesa saka sumagot ng, “Mabuti ang lagay ng lahat.” Nakangiti niya pang sinabi.

Masaya na rin si Sid na marinig iyon. Sa sandaling iyon, inilabas niya ang natitirang pera sa pitaka at inabot ito kay Wynn, “Ito nga pala o.”

“Ano iyan?” tanong ni Wynn. “Don’t worry, bayad na ang lahat ng ito.”
“Hindi. Hindi ba’t nangutang ako sa iyo ng pamasahe noon dahil wala akong kapera-pera. Inipit ako nina mama't papa kasi ayaw nila akong paalisin?” (Ang diin ng mama't papa ay nasa ikalawang pantig.)

Hindi tinanggap ni Wynn ang pera. Wala nang halaga iyon para sa kanya dahil nagmamay-ari siya ng ilang gym at spa sa Quezon City. Magkasama nilang pinatatakbo ng kanyang asawang si Li Shaoran ang kanilang mga negosyo. Sa branch ng Pegasus Gym sa Quezon City siya madalas maglagi.

“Hindi naman kita sinisingil, saka barya na lang iyan para sa akin,” sabi niya kay Sid.

Ibinalik ni Sid ang pera sa pitaka at nagpasalamat pa dahil may pamasahe pa siya pauwi.

“Bakit ka ba umalis? Bakit hindi ka pa kasi bumalik?” ang mga tanong na matagal na ring bumabagabag kay Wynn.
“Di ba’t sinabi ko nang gusto kong mamuhay nang simple at ayokong magpatakbo ng hacienda at ng manggahan?”
“Ang dami mong dahilan. Bakit ba kasi hindi mo na lang aminin na duwag ka?” paratang ni Wynn.
“Hindi ako duwag. Ayoko lang talaga ng marangyang pamumuhay,” sagot ni Sid.
“Bakit? Masarap ang marangyang pamumuhay,” pagbebenta ni Wynn.
“Pero hindi masaya,” tugon ni Sid.
“Simple nga ang buhay mo pero tingnan mo, naghihikahos ka ngayon, nagkakandatulo ang pawis mo sa paghahanap ng trabaho,” ganti ng kausap.
“Hindi kami naghihikahos. Mabuti ang lagay namin,” pagtatanggol ni Sid sa estado niya, at nila.
“Namin?” tanong ni Wynn. “Oo nga pala, nakalimutan kong isinama mo pala si Eunice sa pag-alis mo.”

Itinama ni Sid ang sinabi ng pinsan, “Hindi ko siya sinama. Siya ang sumama.”

Hindi nagpatalo si Wynn, “Anong pinagkaiba nun? Pareho kayong nawala.”

“Pero sabi mo naman, di ba, maayos ang lagay ng lahat?” tanong ni Sid.
“Oo, tama,” sagot ni Wynn.

Matapos ang usapang iyon, bumalik na ang dalawa sa Pegasus Gym at dumiretso sa opisina.

“Tanggap na ba ako sa trabaho?” tanong ni Sid sa pinsan. Kumakabog ang dibdib niya. Kung hindi siya matatanggap, panibagong paghihirap na naman ito. Sana lang tanggapin na siya ni Wynn.
“Kung tutuusin, hindi mo naman kailangang magtrabaho e! Puwede kang lumapit sa akin at manghingi na lang ng pera, parang sustento. Tulong ko na sa inyong magkapatid yun.”
“Gusto kong kumita ng pera mula sa sarili kong pagsisikap,” paninindigan ni Sid.
“Oh well, sabi mo e! Akin na ang kamay mo,” utos ni Wynn.
“Bakit?” tanong ni Sid.
“Kung gusto mong magtrabaho dito, ibigay mo sa akin ang kamay mo,” sabi ni Wynn. Ibinigay ni Sid ang kanang kamay. Hinawakan iyon ng kaliwang kamay ni Wynn at at itinaas-baba habang sinasabi ang,
“Congratulations, Mr. Dimasaway! You are the new instructor of Pegasus Gym. May trabaho ka!” Bumuhos ang confetti sa ulunan ni Sid.

Ikinatuwa ni Sid ang pagkakatanggap sa trabaho. Pinababalik siya bukas para sa training, para pag-aralan kung paano gamitin ang mga apparatus na pang work-out at para na rin ipakilala siya sa ibang empleyado ng Pegasus Gym. Binigyan din siya ni Wynn ng kaunting halaga para gamitin sa pamasahe at pambili ng hapunan nila ni Eunice. Ibinilin ni Sid na huwag sabihin ni Wynn sa mga empleyado niya na mag-pinsan sila at tratuhin siya na isang ordinaryong empleyado. Ipinatanggal ni Wynn kay Sugar ang sign board na nakapaskil sa labas. Nagtititili pa ang bading dahil type niya si Sid at sa totoo lang e kanina pa siya nagrorosaryo para matanggap si Sid sa trabaho. Nakailang recite na siya ng mysteries at malapit nang tubuan ng halo sa ulo.

Pagkaalis na pagkaalis ni Sid ay agad nag-broadcast si Wynn sa mga empleyado na nahanap niya na ang nawawalang pinsang si Sid. Napaiyak siya sa sobrang saya at pakiramdam niya ay featured siya sa Wish Ko Lang.

Binalikan ni Sid sina Prinsesa Zurfc at Iane sa parke. Hindi naman siya nahirapan na hanapin ang dalawa dahil nasa bungad lang sila. Siguro ay naisip din nina Prinsesa Zurfc at Iane na baka nga hindi sila makita ni Sid pag pumunta sila sa malayong parte ng parke. Umuwi na ang tatlo.

Pagdating sa bahay, kinumusta ni Sid ang lagay ng dalawa. Sinabi nilang masaya naman ang naging pamamasyal nila sa parke. Nakipaglaro din sila sa mga bata. Kaya nga lang, nanghihinayang sila dahil hindi na talaga nila maibalik ang kanilang kapangyarihan. Ibinalita naman ni Sid ang pagkakatanggap niya sa trabaho. Hindi alam nina Prinsesa Zurfc at Iane kung ano ang dapat ng maging reaksyon nila dahil hindi naman nila naiintindihan kung ano ang konsepto ng pera, pero dahil masaya si Sid ay masaya na rin sila para sa kanya.

Nang dumating si Eunice kinagabihan ay ibinalita ni Sid na may bagong trabaho na siya bilang Gym Instructor sa Pegasus Gym pero hindi niya sinabing ang pinsan nilang si Wynn ang kanyang amo. Wala pang kalahating oras ay nakarinig ng katok sa pinto ang apat.

“Ako na ang magbubukas,” pagpiprisinta ni Prinsesa Zurfc.

Pinigilan siya ni Sid, “Sigurado ka ba prinsesa?”

Gustong patunayan ng prinsesa na mas naging matapang na siya ngayon at hindi na takot harapin ang mga tao sa mundong kinabibilangan nila. Hinayaan siya ni Sid.

Sa likod ng pinto ay inaayos ni Santina ang buhok niya at naghahanda na rin ng speech ng pakikipagbalikan. Handa niyang yakapin at halikan si Sid sa oras na bumukas ang pinto. Binuksan na ni Prinsesa Zurfc ang pinto at nakita ang isang babaeng may magandang hubog ng katawan. Yayapusin na sana ni Santina si Sid nang bumukas ang pinto sa pag-aakalang mukha ng “dating” kasintahan ang makikita pero nadismaya siya nang makita ang isang magandang babaeng hindi niya kilala. Maraming tumakbo sa isip niya. Sino ang babaeng nasa harap niya ngayon? Ito na kaya ang ipinalit ni Sid sa kanya? Sa babaeng ito na ba ilalaan ni Sid ang kanyang sweldo? Nagmatapang si Santina at tinanong si Prinsesa Zurfc nang may pagtataray habang pumapasok sa maliit na bahay na medyo natalisod pa gawa ng mataas na heels,

“Nasaan si Sid?”

Tinawag ni Prinsesa Zurfc si Sid, “Sid, may naghahanap sa iyo.”

Nagpakita si Sid para tingnan kung sino ang kanyang bisita at hindi natuwa nang makita ang “dating” kasintahang si Santina.

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly