No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, March 13, 2011

WALANG PAMAGAT (4)

Nakagapos ng kadenang apoy na nakakabit sa batong pader ang mga kamay at paa ni Exodus, samantalang ang nagkatawang-taong si Patch ay tanging ang kaliwang paa lang ang nakagapos. Walang nagbabantay sa kulungan. Kampante siguro ang mga taga-Tankape na hindi sila matatakasan ng kanilang mga bihag. Tamang-tama ang pagkakataon dahil naghahanda si Patch na tumakas.

Itinapat ni Patch ang kanyang palad sa kadenang apoy na nakagapos sa paa niya at lumabas doon ang mga nagniningning na buhangin. Sa pamamagitan nun ay namatay ang alab ng kadena. Nakawala siya. Naglakad siya papunta kay Exodus na hindi kalayuan sa kinalalagyan niya. Nahihirapan siyang maglakad dahil na rin sa pagkakapaso ng paa niya. Si Exodus naman ay nahihirapan dahil pakiramdam niya ay sinisipsip ng kadenang apoy ang buo niyang lakas. Pinakawalan ni Patch si Exodus gamit ang parehong mahika. Hinang-hina ang katawan ng kabalyero. Niyakap siya ni Patch at umusal ito ng kakaibang dasal. Lumiwanag ang katawan ni Patch, kasabay noon ay ang pagbuti ng lagay ni Exodus. Wala nang bakas ng sugat sa kanilang mga katawan.

“Ayos ka na?” tanong ni Patch, o kilala noon bilang si Patrish bago pa siya mapasailalim sa sumpa ng pagpapalit-anyo.
“Ayos na ako, salamat Patrish… a, Patch,” tugon ni Exodus.

Si Patrish. Siya ang dalagang higit na iniibig ni Exodus. Nagkakilala sila nang magkaroon ng patimpalak sa Kanlurang kaharian ng Culife kung saan nananahan si Patrish. Ang patimpalak ay karera ng pagpapatakbo ng kabayo. Isa si Patrish sa mga lumahok. Nag-iisa rin siyang babae. Kamangha-mangha dahil siya ang nagkamit ng unang karangalan. Pumangalawa lamang si Exodus. Labis na namangha si Exodus sa husay ni Patrish sa ganoong larangan. Hindi lang iyon, kilala rin siya bilang kampeon sa takbuhan.

Kay Patrish tumibok ang puso ni Exodus. Nagtapat ng pag-ibig ang magiting na kabalyero sa dalaga pero dahil bata pa si Patrish at wala pang muwang sa pag-ibig ay tinanggihan siya nito. Naisipan ni Exodus na hingin ang tulong ni Pantas Bukaykay. Sinabi niyang gusto niyang makasama palagi si Patrish. Gusto niyang ibigin din siya nito, bagay na hindi binigo ng pantas. Iyon nga lang ay nangailangan ito ng malaking kapalit.

Isang umaga, habang nag-eensayo sa isang paparating na paligsahan sa pagtakbo sa isang malawak na bukirin, nakaramdam si Patrish ng pagbabago sa katawan niya. Unti-unti ay nag-anyong kabayo siya. Si Exodus ang nakasaksi sa pagpapalit-anyo niya sapagkat naroon siya upang bisitahin ang dalaga. Nang malaman ng pamilya ni Patrish ang sinapit niya, hindi nila iyon matanggap. Itinuring siyang malas, isang salot, ngunit hindi siya nawalan ng mahal sa buhay. Si Exodus lamang ang buong pusong tumanggap sa kalagayan niya at dahil doon ay inibig niya ang kabalyero. Isinama ni Exodus si Patrish sa Elenai at mula noon ay hindi na sila nagkahiwalay. Mula din noon ay tinawag na siya ni Exodus na “Patch” upang ikubli ang tunay niyang katauhan. Hindi na nakita ng kanyang pamilya si Patrish at pinalabas na lamang nila na yumao na ito, napaslang ng mga taga-Tankape. Tuwing gabi ay bumabalik siya sa pagiging tao.

Ang pagpapalit-anyong iyon ay nadiskubre ni Prinsesa Zurfc. Nalaman din niyang si Exodus ang responsable sa pagpapalit-anyo ni Patrish. Si Exodus din mismo ang nagsiwalat ng lihim niya. Sinabi niyang humiling siya kay Pantas Bukaykay pero di niya akalaing ang kapalit ng pag-ibig ni Patrish ay ang pagpapalit-anyo ng dalaga. Nakiusap si Exodus sa prinsesa na huwag sabihin kay Patrish ang nalalaman niya dahil ayaw niyang mapalitan ng pagkamuhi ang pag-ibig na ibinibigay ni Patrish sa kanya. Sumang-ayon naman ang prinsesa.

“Kailangan na nating makaalis sa lugar na ito,” sabi ni Patch.
“Hanapin natin ang mahal na hari at si Prinsesa Anyd,” mungkahi ni Exodus.
“Halika,” yakag ni Patch. Hinawakan niya ang kamay ni Exodus. Sumandal sila sa pader na bato at gamit ang kakayahan ni Patch, sumanib sila sa pader. Ito ay mabisang paraan para makapagtago. Sa ganitong kondisyon, malilibot nila ang palasyo nang hindi sila mapapansin ng mga bantay ng Tankape.

Sa isang espesyal na kulungan nakalagak sina Haring Tacki at Prinsesa Anyd. Nasa loob sila ng malaking bilog na gawa sa metal na binabalutan ng kulay asul na alab. Lumulutang sa ere ang kulungan, walang rehas o kahit na anong durungawan para man lang makita ng mag-ama ang mga nangyayari sa labas pero may maliliit na butas na nakatutulong upang marinig nila ang kahit na anong ingay. Nasa magkaibang kulungan ang mag-ama. Wala silang magawa pareho. Hindi nila magamit ng wasto ang kapangyarihan nila.

Kahit alam ni Haring Tacki na walang sinuman ang naroon para tulungan sila, hindi pa rin siya tumitigil sa pagsigaw ng, “Tulungan ninyo kami! Tulungan ninyo kami!”

Napuno na si Prinsesa Anyd sa ginagawang pagsigaw ng kanyang ama. “Ama, kahit anong sigaw mo riyan, walang tutulong sa atin.”

Makulit si Haring Tacki. “Mayroon,” sagot niya sa anak. Ipinagpatuloy niya ang pagsigaw, “Tulungan ninyo kami! Tulungan ninyo kami!”

Matapos ang paglilibot ay natunton na nina Patch at Exodus ang kinalalagyan ng mag-ama. Hindi muna sila kumawala sa pader na bato. Sinuri muna nila kung may nagbabantay sa paligid, walang ibang tao. Nang makatiyak, humiwalay na sila sa bato at lumapit sa kulungan ng mag-ama.

Tumingala si Exodus. “Haring Tacki!” pagtawag niya sa hari.

“Sino ang nariyan?” tanong ng hari.

Nang marinig ni Prinsesa Anyd ang boses ni Exodus ay nabuhayan siya ng loob. “Ama! Si Exodus, narito!” masiglang sigaw niya.

Nagsaya ang hari, “Si Exodus! Mahabaging bathala! Sabi na sa iyo, Anyd, epektibo ang pagsigaw ko. Natunton nila tayo.” Di niya nalimutang kumustahin ang kasal, “Anong nangyari sa kasal ni Zurfc sa mayabang na prinsipe?”

“Nakatakas ang prinsesa,” sagot ni Exodus.

Nagawa pang tumawa ng hari, “Haha! Mabuti lang ang ginawa niya!”

“Tumulong ako para makatakas siya. Sa kasamaang palad nabihag kami ng mga alagad ni Prinsipe Freedert pero heto, nakawala kami,” pagbabahagi ni Exodus.

Nangamba naman si Prinsesa Anyd, “Nasaan na ang kapatid ko?”

“Pumasok siya sa isang lagusan papunta sa ibang dimensyon,” sagot ni Exodus.

Nagulat ang prinsesa, “Ano? Ibang dimensyon?”

“Gagawa siya ng paraan para sugpuin ang mga taga-Tankape. Saka ko na lang ipaliliwanag. Mahalagang makaalis kayo rito,” sabi ni Exodus. Tinanong niya si Patch, “Paano natin sila mapakakawalan?”

Umiling si Patch, “Imposible.”

“Ano? Anong imposible?” hindi makapaniwala si Exodus.
“Mahirap patayin ang asul na alab. Sadya itong malakas. Hindi uubra ang kapangyarihang tubig mo at wala ring laban ang sa akin,” paliwanag ni Patch.
“Pero paano sila―” naputol ang pagsasalita ni Exodus nang may lumipad na apoy na pana patungo sa puwesto nila.
“Ang kabalyero! Nakatakas!” sigaw ng isang alagad. Nagsisuguran ang iba pang alagad at nagpaulan ng maraming panang apoy.

Naging mabilis ang pagkilos ni Patch. Pumadyak siya at nilamon sila ng batong sahig. Nawala silang pareho. Natagpuan na lang nila ang sarili na nasa labas ng palasyo.

“Umalis na tayo,” hinila ni Patch si Exodus.

Nilingon ni Exodus ang palasyo. “Paano sina Haring Tacki at Prinsesa Anyd?” tanong niya.

“Huwag kang mag-alala, naniniwala akong hindi sila papaslangin ni Prinsipe Freedert ngayon pa’t lumisan na si Prinsesa Zurfc. Manghinayang ka sa buhay mo. Pag napaslang ka, o tayo, mas lalo tayong hindi makatutulong sa kanila,” pangaral ni Patch. Natauhan si Exodus. Nagmadali nilang nilisan ang lugar.

Samantala, sa mundo ng mga tao. Narating na ni Sid ang kanyang bahay sa Quezon City. Mukhang walang tao kasi patay ang mga ilaw. Sinusian niya ang doorknob at binuksan ang mga ilaw.

“Pasok kayo,” sabi niya kina Prinsesa Zurfc at Iane.

Maliit lamang ang bahay ni Sid. Makalat pa nang ito’y datnan niya. Nagpunta siya sa kwarto at nagrereklamo habang inaalis ang mga nakakalat na libro sa higaan niya.

“Hay! Grabe talaga itong si Eunice! Iniwan na namang nakakalat ang mga libro niya.”

Ginala nina Prinsesa Zurfc at Iane ang mga mata nila sa paligid. “Mas maayos pa yung kulungan ng kabayo ni Exodus,” sabi ni Prinsesa Zurfc. Bumungisngis naman si Iane. Sumunod ang dalawa sa kwarto at nakitang naglilinis si Sid.

Itinuro ni Sid ang kama, “Dito na kayo matulog.”

Umupo muna si Prinsesa Zurfc sa kama. “Malambot din naman pala,” sabi niya kay Iane. Sinamahan siya ni Iane.

Hinalungkat ni Sid ang drawer ni Eunice at kumuha ng iilang damit. Ibinigay niya iyon sa dalawa. “Ito o, magbihis muna kayo. Sana magkasya sa inyo.” Umalis muna si Sid para makapagbihis ang dalawa.

Nang makapagbihis na, lumabas ang dalawa sa kwarto. Hinanap nila si Sid at nakita nilang nakatulog siya sa sofa.

“Natutulog siya,” sabi ni Iane.
“Ang panulat,” naalala naman ni Prinsesa Zurfc. Nakatingin siya sa zipper ng pantalon ni Sid. “Kukunin ko ang panulat,” sabi niya kay Iane.
“Dahan-dahan ka lang,” bilin ni Iane.

Lumapit si Prinsesa Zurfc sa natutulog na si Sid, lumuhod nang tahimik at dahan-dahang tinanggal ang butones ng pantalon ni Sid. Natigil siya nang sumipa si Sid na animo’y nakiliti. Nagpatuloy si Prinsesa Zurfc nang tumigil sa paglilikot si Sid. Dahan-dahan niyang ibinaba ang zipper ng pantalon ni Sid nang biglang…

Blag! kalabog ng bumukas na pinto.

“Kuya Sid!” pagtawag ni Eunice na nakababatang kapatid ni Sid. Sa wakas ay nakauwi na rin siya ng bahay.

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly