Sawimpalad
Sa araw na ito, isang nilalang ang pinalayas dahil sa kanyang kabiguan. Nagtitipon ang lahat at nakikinig habang ginagawad ng mga nakatatanda sa kanya ang parusa.
“Nabigo kang nakawin ang kristal ng punong si Dariva kaya’t ika’y aming patatalsikin. Binagsak mo ang pagsusulit. Hindi ka karapat-dapat mamuhay sa lugar na ito. Hindi ka na maaaring bumalik pa sa Niev KAILANMAN!”
Ang hatol na iyon ay hindi biro. Hindi rin naman ito ang unang pagkakataon na may pinatalsik sa Niev (Nyev kung iyong bibigkasin), ang bayan ng mga mang-uumit.
Si Jiro. Isang Nievas, tawag sa nakatira sa Niev. Maliksi ang pangangatawan at tunay na kay kisig. Mayroon siyang buhok na kulay berde at pambihira ang ganda ng kanyang mga matang kulay lila. Ang tangi niyang armas ay isang malaking kalawit na kung tawagin ay ‘Milne’ na namana niya pa sa kanyang mga ninuno. Binigay iyon sa kanya ng kanyang lolo bago pa bawian ng buhay.
Inatasan siyang nakawin ang kristal ng pinakamagandang punong si Dariva ngunit hindi niya nagawa. Pinangunahan siya ng takot na baka siya’y parusahan ng mga kaluluwa ng Lun at ang awa na rin sa magandang puno. Pinaniniwalaang ang kristal ng mga puno ay nagbibigay ng walang kapantay na kagandahan kaya naman maraming nagtatangkang magnakaw nito. Kaparusahang malupit ang matatanggap ng sinumang mang-umit. Ang gubat kung saan nananahan ang magandang puno ay tinatawag na Lun. Ang mga kaluluwa ang siyang tagabantay ng sagradong lugar na ito.
Habang nag-iimpake ng mga damit, pumasok sa kanyang lungga (tirahan) si Fienna, isang babaeng may lihim na pagtingin kay Jiro.
“Bakit mo naman binigo ang mga nakatatanda?” tanong nito.
“Ang inatas nila sa akin ay sadyang kayhirap,” matapang niyang pagsagot.
“Mahirap bang kunin ang kristal ni Dariva? Kung ako’y kayang-kaya kong gawin iyon.”
“Kaya mo rin bang tanggapin ang ibibigay sa iyong kaparusahan ng mga kaluluwa ng Lun?” Natahimik si Fienna. Nagpatuloy si Jiro, “Ang Lun ay isang sagradong lugar. Ang mga kaluluwa ang tagabantay. Isang mabigat na parusa ang matatanggap ng sinumang manira at lumapastangan sa kanilang mga puno. Hindi ako mamamatay ng walang dangal.”
“Dangal na ring maituturing ang pagnakaw mo sa kristal ni Dariva! Kapupurihan ka ng mga Nievas dahil unang-una ay nakapasa ka sa pagsusulit, ikalawa’y dahil nagawa mo ang nakaatas na tungkulin ng mga nakatatanda sa iyo. Iyon din ang patunay na isa kang mabuting mang-uumit at maaari kang manirahan sa Niev hanggang sa huling sandali ng iyong buhay!”
“Kapupurihan din ba ako ng mga kaluluwa ng Lun kung aalisin ko ang kagandahan ng puno nila?”
“Isa lang naman iyon!”
“Kahit na. Ilagay mo kaya ang sarili mo kay Dariva. Ako ay dadating at uumitin ko ang kristal ng kagandahan mo, Fienna. Hindi ba’t napakasakit nun? Mas nanaisin ko na lamang na patalsikin ako sa Niev kaysa umitin ang kristal. Naiintindihan mo?”
Lumabas na ng lungga si Jiro. Nakasunod sa kanya si Fienna. Umakyat siya sa entablado at binasbasan ng mga nakatatanda.
“Maging matiwasay sana ang pamumuhay mo sa ibang lugar. Nawa’y may tumanggap sa iyong mabubuting nilalang gayon pa’t ang lahi natin ay kinasusuklaman ng lahat ng kaharian.”
Tinanggal na kay Jiro ang kwintas na nagsisilbing susi ng Niev.
“Humayo ka at huwag ka nang babalik pa sa Niev, BIGONG MANG-UUMIT!”
Sa pagsara ng tarangkahan ng Niev para sa kaawa-awang si Jiro ay tumulo ang mga luha ni Fienna. “Sana nga’y may tumanggap sa iyong mga mabubuting nilalang, Jiro…” panalangin niya.
Sa paglalakbay na ito, hindi alam ni Jiro kung saan siya dadalhin ng kanyang mga paa. Sa hilera ng bato sa labas ng Niev, tumigil siya. Kinatok niya ng kanyang Milne ang mga bato at pinakiusapan.
“Lumabas kayo diyan. Nais ko kayong kausapin.”
Mga hamog ang lumabas mula sa mga bato. Nagkorte itong tao. Marami sila at dahil akala nila magandang balita ang dala ni Jiro, nagkantahan sila.
“Tama na! Tama na! Hindi magandang balita ang dala ko,” saway ni Jiro.
Nagbulungan ang mga hamog.
“Nasaan na ang aking ama’t ina?” tanong ni Jiro.
“Narito anak! Sa itaas ng puno!” sigaw ng kanyang ama.
“Pumasa ka ba sa pagsusulit?” usisa ng kanyang ina.
Nakita ng isang hamog ang kanyang liig. “Wala na sa kanya ang susi ng Niev!” sigaw nito.
Nagbulungan uli ang mga hamog. Para sa kanila ay isa itong kahihiyan. Bumaba sa puno ang mga magulang ni Jiro, may pangamba sa kanila.
“Wala na sa iyo ang susi ng Niev?” tanong ng kanyang ama.
“Ang ibig sabihin ba nito ay pinatalsik ka?” palagay ng kanyang ina.
May sumigaw, “Isa itong kahihiyan!”
Hindi nakilala ni Jiro kung sino ang hamog na nagsalita ngunit kung natatandaan niya ang boses nito, walang iba kundi ang kanyang lolo. Lumapit ito sa kanya, mabilis ang pagkilos ng hamog at ito ay ikinagulat niya.
“Ikaw pa lamang ang kauna-unahang napatalsik sa angkan natin! Bakit hindi mo ginawa ng mabuti ang inatas sa iyo?”
“Ang inatas nila sa akin ay umitin ang kristal ni Dariva sa kagubatan ng Lun!” sagot ni Jiro.
Takot na takot ang mga hamog. Para bang pinangingilagan talaga ang kagubatan ng Lun.
“Hindi ko ginawa,” dagdag ni Jiro.
“Dapat ay ginawa mo!” sigaw ng kanyang lolo. “Mas mahirap ang nakaatas, mas may pagkakataon kang mahirang na bayani. Ang iyong ama ay naging bayani dahil sa pagnakaw niya ng mga sangkap ng mahiwagang likido ni Danika, ang mangkukulam ng Silangan.”
“At siya’y pinatay ng mga paniki ni Danika,” sarkastikong pagkakasabi ni Jiro.
Para bang napahiya ang kanyang lolo at nagwika na lamang ito ng, “Kahit na! Naging bayani naman siya!”
“Lolo, ang Lun ay ikalawa sa pagiging sagrado sa Elid. Minsan na ninyong nakuwento na may isang nilalang na nagnakaw sa medalyon ng Elid. Kamatayan ang naging kaparusahan niya sa kamay ni Gohn, isang kabalyero ng Yvret at ang hinirang na bayani ng Elid. Nais ninyo bang madungisan ang dangal ng ating pamilya? Ang paglapastangan sa isang sagradong lugar ay isang kahihiyan!”
“Ngunit kahihiyan din ang hindi pagtupad sa inatas na tungkulin!” tiyuhin naman niya ang nagsalita. “Mas masahol para sa ating mamamayan ng Niev ang mapatalsik kaysa dungisan ang isang sagradong lugar.”
Umapila si Jiro, “Ngunit kayo ay hindi na isang mamamayan ng Niev! Kapag namatay na ang isang Nievas, hindi na sila itinuturing pa na mamamayan sapagkat sila’y nagiging hamog. Hamog na halos hindi makita at sa kasamaang palad ay hindi na pinapansin ng kahit sino. Nagsisilbi na lang silang tagamasid at tagabulong sa mga nakatatanda. Habang-buhay na alipin!
“Mas masahol pa iyon kaysa sa gaya kong pinatalsik. Mas mainam na rin ang maaga kong pagkakatalsik dahil makakahanap pa ako ng ibang lugar na matitirhan. Hindi na ako maaaring bumalik sa Niev. Maaaring isa nga akong mang-uumit ngunit babaguhin ko ang aking kapalaran. Sawang-sawa na ako sa kasamaan. Ang pagiging magnanakaw ay hindi isang karangalan!!!” At siya'y nagpaalam, “Aalis na po ako, aking mga kamag-anak.”
Biglang-bigla ang kanyang mga kamag-anak sa narinig nila kay Jiro. Nais nilang patulan si Jiro ngunit wala na silang kakayahan, sila ay mga hamog na lamang. Ang tangi na lamang nilang magagawa ay ang magbigay ng opinyon.
“Siya na nga lang ang natitira sa angkan natin, pinatalsik pa!”
“Mukhang sa kanya na titigil ang kasaysayan ng ating angkan!”
“Siya ang pinakanakakahiya sa atin!”
“Hindi ko alam kung kanino nagmana ang batang iyon,” sabi ng ama ni Jiro.
“Ginagamit niya ang utak niya kaysa abilidad,” sambit naman ng kanyang ina.
Nagtalu-talo lalo ang mga hamog.
“Akala siguro ng anak ninyo ay magiging marangal siya ngunit hindi! Siya ang pinakasawimpalad dito! Namatay tayo na isang mabuting mang-uumit ngunit siya’y duwag at wala man lang naiambag. Kapag tayo’y kanyang tinawag, hindi na ako magpapakita. Kung pwede nga lang bawiin ang Milne sa kanya!” maktol ng kanyang lolo.
Nagsipasukan na ang mga hamog sa bato. Ang mga nakahilerang bato pala’y nagsisilbing kanilang libingan.
Habang naglalakad ay nag-iisip si Jiro, “Kapag namatay ako ay magiging hamog din akong gaya nila. Ito ang sumpa ng mga Nievas. Habang-buhay akong kasusuklaman. Ayaw kong mangyari iyon. Hahanap ako ng paraan upang maging kaiba sa kanilang lahat. Marahil ang aking ama ay isa ngang bayani ng Niev ngunit hihigitan ko siya. Hindi lang sa Niev makikilala ang aking pangalan kundi pati na rin sa ibang kaharian.”
Nagpatuloy siya sa paglalakad at sa sobrang lalim ng iniisip ay hindi niya napansing nabitawan niya ang Milne.
“Ako ay isang bigong mang-uumit… Bigong mang-uumit…” usal niya.
Samantala, kinuha ng isang nagtatagong lalaking Nievas ang Milne at ibinigay kay Fienna. Iyak naman ng iyak ang dalagang Nievas.
No comments:
Post a Comment