-- Jackie
"Tay, wag po!" paulit-ulit kong sinisigaw habang hinihila ako ni tatay papunta sa bagong bukas na Funeraria Paz na nasa kabilang kanto.
"Wiz ka na mag-inarte at times up na! Gora na tayo over there!" sabi niya nang ituro ang daan papuntang funeraria at patuloy akong kinaladkad sa lugar na ayaw kong puntahan.
Naiinis ako sa kanya! Sinabi niya kasi sa aking siya na raw ang bahala sa lahat basta't maka-attend ako ng JS Prom ngayong taon. Hindi kasi ako nakapunta noong nakaraang taon gawa nang kapos kami sa pera at walang pambili ng damit at kung anu-ano. Ok lang naman kung hindi ako maka-attend kaso ibinida niya noong nakaraang araw na solb na ang problema kasi may nakilala siyang magaling na make-up artist na hindi nagpapabayad at ang lahat ng minemake-up-an ay hindi umaangal. Sagot na rin daw nun ang damit na susuutin.
Manghang-mangha ako sa sinabi ni tatay kaya pumayag na akong um-attend ng JS. Naisip kong huling taon ko na rin kasi sa high school at sayang ang pagkakataon. Gusto ko pa man ding makasayaw si Renzo, yung crush kong campus heartthrob. Yun ay kung papalarin ako e mukhang hindi nga niya ako kilala.
Hindi ko naman sukat akalaing sa Funeraria Paz pala ako dadalhin ni tatay para pa-make-up-an. Kung alam ko lang talaga! Nakaaway niya kasi yung may-ari ng parlor na malapit sa amin. Palibhasa maraming ka-sorority iyon, banned tuloy kami sa lahat ng parlor. Ayaw naman ni tatay na manghiram ng make-up sa mga kapitbahay namin kasi mukhang dinurog na paso at local lang ang gamit nila. Baka raw magka an-an ako. Sayang daw ang pretty face ko.
Alam kong walang pera si tatay. Ok lang sa akin kahit sa public school ako nag-aaral. Kahit paano'y naaappreciate ko naman ang ginagawa niya. Biruin mo, tatay na siya, nanay pa. Saan ka pa? Pero hindi ko pa rin matanggap na pupunta kami sa Funeraria Paz ngayon.
"Tay, hindi na lang po ako a-attend!" mangiyak-ngiyak kong sinabi dahil kontra ako sa gusto niyang mangyari. Pero wala na rin akong nagawa kasi nagtaas na siya ng kaliwang kilay, senyales na naiinis na siya at malapit nang manuntok at maging tunay na lalaki. Ganoon siya pag galit siya. Nakakatakot!
Umayos ako ng tindig at sumunod na lang kay tatay. Napangiti siya nang hindi na ako umangal. Tinahak na namin ang daan papuntang funeraria at nang makarating, pumasok na kami sa Funeraria Paz. Nang nasa loob na kami, may hinanap siya,
"Bhe, nasaan si Maia?" tanong niya sa isang lalaking sumalubong sa amin na ewan ko ba kung embalsamador kasi mas mukha siyang bangkay.
"Sandali lang at may minemake-up-an pa," pa-cute na sagot niyon.
Yay! Napakagat ako ng labi nang marinig iyon. Mukhang may kliyente pang malamig na bangkay!
"Awkeii!" tugon ni tatay, tapos ay bumulong ng "Pa-sweet si kuya. Chakabelita naman! Hmp!" Natawa tuloy ako.
Ilang sandali pa'y nagpakita na sa amin si Maia. Mayroon siyang tig-isang kilong kapal ng blush-on sa magkabilang pisngi, pero in fairness, magandang bading si Maia. Nakipagbeso-beso si tatay kay Maia tapos ay itinuro ako nung isa.
"Itetch na pretty girl ba ang junakis mo?" tanong ni Maia.
"Yes, girl!" proud na sagot ni tatay.
"How come na nagkaroon ka ng junakis na ganyan ka-pretty? Nagpachupa-chups ka sa foranger?" usisa nung isa.
"Maia ha, bastos ng bibig. Walang breeding," puna ni tatay.
"Sorry 'te, Shih Tzu aketz," sabi ni Maia. Nagtawanan sila, tapos ay tumingin si Maia sa akin. "Tara na," pagtawag nito.
Napalunok ako. "Tay, sumama ka," sabi ko kay tatay. Parang ewan ako, takot na takot. Sumunod naman siya.
Naninindig ang mga balahibo ko habang dinadaanan namin ang mga naka-display na kabaong. Dinala kami ni Maia sa isang silid. Kakatwa pa dahil imbis na paupuin ako ni Maia ay pinahiga niya ako. Akala yata ay patay ako, pero siguro sa ganoong posisyon siya nasanay. Pagkatapos ay naglabas siya ng kung anu-anong pampaganda at kolorete na hindi ko alam kung ginamit niya sa patay, pero sa tingin ko ay positive. Si tatay naman ay nakamasid habang nilalapastangan ni Maia ang mukha ko. Hindi na ako umangal. Baka kasi masuntok na ako ni tatay.
Nang matapos ang pag-make-up ay buhok ko naman ang isinunod. Hindi ko na tiningnan ang hitsura ko dahil baka matakot lang ako. Sa isip ko ay naiiyak na ako, sobra! Pero kiber lang. Si tatay naman ay may kinakalikot na dalawang kahon. Ang sabi ni Maia ang laman daw nun ang susuutin ko para sa JS.
Tube na puti ang style ng gown at kung anu-anong beads at diyamante ang naka-design nang ilabas ang damit. Ang lambot pa ng tela nang hawakan ko. Namangha ako. Ayos ang damit, maganda nga, totoo! Kaso di kaya pagkamalan akong white lady nito? O baka naman akala ni Maia ililibing ako ng buhay? Yung sapatos ay terno sa damit, puti rin. Hindi naman ganoon kataas ang takong at nang isuot ko'y nakakalakad pa naman ako nang maayos.
Ilang sandali pa'y may tumunog na alarm clock. "It's time!" sabi ni Maia suot ang isang nakakalokong ngiti. Natakot ako bigla. Yun pala'y sinadya niyang mag-alarm para may control siya sa oras at hindi ako mahuli sa JS.
Lumabas na kami ng Funeraria Paz. Todo alalay pa sa akin si tatay habang walang tigil na sinasabi ang, "Ang ganda-ganda ng anak ko!" Naku ha, bolahin mo sarili mo, tay!
Ni-lead kami ni Maia sa sasakyan na gagamitin papunta ng eskwelahan. Nang makita ko ang sasakyan, parang mas gusto kong mag-commute na lang. Sino ba namang pupunta sa JS ang gaganahang sumakay sa funeral limousine na may tarpaulin pang "Funeraria Paz" na nakasabit sa harap?
"Ay bading! May tarp pa. Paki go away naman itetch," pakiusap ni tatay kay Maia nang mapansin ang tarpaulin.
"Keri na yan, bading, i-advertise nyo naman yung business namin!" tugon ni Maia. Pumayag na rin si tatay na huwag tanggalin yun kasi may utang na loob siya kay Maia.
"Tay ayokong sumakay riyan!" mangiyak-ngiyak ko na namang sinabi.
"Quiet ka na lang diyan at kukurutin ko yang singit mo!" Pinanlakihan ako ni tatay ng mata. Napilitan tuloy akong sumakay.
Hindi na sumama sa amin si Maia at nag-flying kiss pa nang umandar na ang limousine.
No comments:
Post a Comment