Madilim na pero ngayon palang talaga magsisimula ang buhay sa lungsod. Habang naglalakad sa maingay na daan ay nag-iisip ang binatang si Sid.
“Wala ka na ngang pera, nawalan ka pa ng trabaho, nawala pa pati girlfriend mo. Hay buhay!” sentimiyento niya.
Natapos na kasi ang maliligayang araw niya bilang security guard sa pinagtatrabahuhang pawn shop. Dahil wala nang pera pang-date ay iniwan na siya ng kasintahan niyang si Santina. Bagsak ang balikat ng binata sapagkat ilang beses na siyang nag-apply sa iba’t ibang klase ng trabaho pero bigo pa rin siyang makahanap ngayon. Bago tuluyang umuwi ay naisipan niyang dumaan sa simbahan ng Baclaran, tutal malapit na rin naman siya ngayon sa nasabing lugar. Ipinagpasa-Diyos na lang niya ang lahat.
“Sana naman po, Bro, bago matapos ang araw na ito ay may magandang mangyari sa buhay ko,” panalangin niya.
Matapos ang maiksing dasal ay lumabas na siya ng simbahan at naglakad-lakad, mag-aabang din sana ng masasakyan pauwi nang may madaanan siyang urinal. Doon sumagi sa isip niyang naiihi na pala siya. Pumasok siya sa urinal, binuksan ang zipper ng pantalon at censored na. Nanginig pa ang katawan niya nang ilabas ang huling patak.
“A enjoy,” usal niya nang makaihi nang matiwasay at lumabas siya ng urinal na isinasara pa ang zipper.
Pagsara niya ng zipper ay nakarinig siya ng kakaibang tunog. Lumingon siya at nakita sa pader ng urinal ang isang tuldok ng liwanag na habang tumatagal ay papalaki nang papalaki. Napako ang tingin niya sa liwanag at takang-taka, iniisip na baka ito ay liwanag galing kay Bro, pero hindi rin. Napanood niya na ang mga ganitong eksena sa pelikula at alam niyang “alien” ang lalabas dito. Swerte na lang siya kung hubad na babae ang lalabas dito. Nagulat siya nang tamaan siya ng isang malakas na pwersa. Parang may malakas na hanging dumaan sa katawan niya.
Nanlaki ang mga mata niya nang makarinig siya ng sigaw na nanggagaling sa liwanag na kalauna’y naging lagusan. Naging mabilis ang mga pangyayari. Iniluwa ng lagusan ang dalawang babae at kasama siyang tumilapon ng mga ito.
“Aray,” usal ni Sid. Hindi siya makabangon dahil nadaganan siya ng dalawang babae. Di nagtagal ay umalis sa ibabaw niya ang isang babae, isang dalagita, at namula ang mukha ni Sid nang makita ang mukha nito. “Ang cute niya,” sabi niya sa sarili.
Nang mapansin ng dalagita na nakadagan siya kay Sid ay dali-dali siyang bumangon. Siya naman ding bangon ng isa pa. Napatingin si Prinsesa Zurfc kay Sid. Nagtama ang kanilang mga paningin. Dumagundong ang puso ni Sid.
“Bakit ganoon?” tanong niya sa sarili. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Pakiramdam niya ay tumibok uli ang puso niya sa ika-limampung pagkakataon.
Sinubukang tumayo ni Prinsesa Zurfc pero nakaramdam siya ng pagkirot sa kanang paa niya. “Aray!” daing ng prinsesa. Sa pagkakataong ito ay inalalayan siya ng dalagita at tinanong,
“Prinsesa, ayos lang po ba kayo?”
“Ang paa ko,” sabi ng prinsesa.
Takang-taka si Sid kung bakit tinatawag ng dalagita na “Prinsesa” ang kasama nito. Kahit na nakahiga ay napansin niyang kakaiba ang kasuotan ng mga babaeng kasama niya ngayon. Magarang puting damit ang suot ng prinsesa na pinapalamutian ng kumikinang na bato samantalang ang sa dalagita ay malamlam na asul na kasuotang gawa sa satin, tila napakalambot at napakaiksi rin. Ang katawan ng dalagita ay kumikinang na parang pinahiran ng espesyal na pulbos. Si Sid naman ay nahiya sa suot niyang puting polo shirt at kupasing pantalon. Inisip niyang kakaibang mga nilalalang ang kasama niya ngayon. Nasaksihan niya ang paglitaw ng mga iyon sa lagusan sa pader ng urinal. Hindi naman siya nakainom lalong hindi epekto ng droga.
Bumangon si Sid. Sa kanyang pagbangon, nang itukod niya ang kamay niya, ay may nakapa siyang matigas na bagay: isang panulat. Dahil kakaiba ang anyo nito ay pinulot ni Sid ang panulat at tuluyan nang tumayo. Sa kanyang pagtayo, doon niya napansing nakatigil ang lahat ng nasa paligid niya. Nakahinto ang mga taong naglalakad, pati mga sasakyan ay hindi gumagalaw. Nabitin din sa ginagawa nila ang mga asong naglalampungan. Bawat sulok na tingnan niya, walang kumikilos. Kumbaga, naka-“freeze” ang lahat. Silang tatlo lang ang nagsasalita.
“Ang paa ko, masakit,” patuloy na pagdaing ng prinsesa.
Nag-alala si Sid sa kalagayan ng prinsesa at nagpasyang tulungan ang dalawa. “May matutuluyan ba kayo? Kung wala, sumama kayo sa akin,” mungkahi ni Sid.
Sandaling nagkaroon ng katahimikan. Nagkatinginan ang prinsesa at ang dalagita. Pinagmasdan ni Prinsesa Zurfc si Sid at sinabing,
“Salamat, pero kaya na namin ang sarili namin.” Tila walang tiwala sa pagmumukha ni Sid.
Nais lumayo ng prinsesa sa lugar na kilalagyan nila ngayon. Inalalayan ng dalagita ang prinsesa para makatayo. Nagsimula na silang maglakad papalayo nang makatayo ang prinsesa dahil sa pag-alalay ng dalagita nang may bigla siyang maalala.
“Ang panulat!”
“Panulat?” tanong ng dalagita sa prinsesa.
Sinilip ng prinsesa kung nasa dibdib niya pa ang panulat pero hindi niya iyon nakita roon. Hindi rin niya maalala kung saan niya iyon inilagay nang ikumpas niya ito.
“Wala! Nasaan?” natataranta ang prinsesa.
Sinadyang umubo ni Sid, “Ehem!” Nakuha niya ang atensyon ng dalawa. Nang-aasar niya pang iwinagayway ang panulat. “Ito ba ang hinahanap ninyo?”
Nabalot ng tensyon ang prinsesa. “Ibigay mo sa akin iyan!” sabi niya.
“Kung hindi kayo sasama sa akin, hindi ko ibibigay ito,” sabi ni Sid.
Nagkatinginan ang prinsesa at ang dalagita.
“Gusto lang siguro niya tayong tulungan. Hindi mo ba napansin? Ang lahat sa paligid natin ay nakatigil, at bukod sa iyo at sa akin ay siya lang ang nananatiling gumagalaw,” sabi ng dalagita.
“Mahirap magtiwala. Hindi natin kilala ang nilalang na iyan. Hindi natin alam ang lugar na ito,” tugon ng prinsesa.
“Iyon na nga, prinsesa. Hindi natin alam ang lugar na ito. Wala tayong kakilala rito pero nandiyan ang lalaking iyan, nagpiprisintang tumulong.”
Nakuha pang manakot ni Sid, “Bahala kayo. Mapanganib sa lugar na ito.”
“Madali lang namang kunin iyon e! Para saan pa ba ang mahikang taglay ko?” ani Prinsesa Zurfc. Gagamitin sana niya ang kapangyarihan niya pero nasurpresa siya dahil walang lumabas na tubig nang ikumpas niya ang kanang kamay niya.
Sa puntong iyon, ang lahat ng bagay sa paligid ay gumalaw na. Naging maingay muli ang paligid. Napailing ang dalagita,
“Prinsesa, sa tingin ko, wala nang bisa ang mga kapangyarihan natin. Hindi ko na kayang patigilin ang oras.”
Ipinagtaka rin ni Sid ang biglang paggalaw ng lahat. “Ano, ayaw ninyo pa rin?” tanong niya sa dalawa. Gusto lang naman niyang makatulong dahil alam niyang hindi sila taga-rito. Isinuksok ni Sid ang panulat sa harapan ng kanyang pantalon, malapit sa zipper. “Sige, maiwan ko na kayo. Uwi na ako sa amin,” paalam niya. Sa pagkakataong iyon ay nagbago ang desisyon ni Prinsesa Zurfc.
“Sandali lang!” pigil niya sa paalis na si Sid. “Saan ba kami puwedeng tumuloy?”
“Sa bahay ko,” sagot ni Sid.
“Saan iyon?” tanong ng prinsesa.
“Quezon City pa e,” muling sagot ni Sid. Blangko ang ekspresyon ng mukha ng prinsesa. Sinundan iyon ni Sid ng, “Sumunod na lang kayo sa akin. Huwag kayong mag-alala. Hindi ko naman kayo sasaktan e.”
At ganoon na nga ang nangyari, sumunod sina Prinsesa Zurfc at ang dalagita sa kanya. Naging maginoo rin naman si Sid nang akayin niya si Prinsesa Zurfc dahil hindi ito makalakad ng maayos. Pinara ni Sid ang isang bus. Natakot pa sina Prinsesa Zurfc at ang dalagita na sumakay sa bus kasi ngayon lang sila nakakita ng ganoon.
Samantala, sa Timog kahariang Tankape. Nagngingitngit sa galit ang Berdugong Prinsipeng si Freedert dahil sa pagkawala ni Prinsesa Zurfc. Sobra lalo ang naramdaman niyang galit nang iharap ng mga alagad ang kabalyerong si Exodus na siyang tumulong para maitakas ang prinsesa.
“Nasaan si Zurfc?” galit na tanong niya.
“Hindi ko alam,” sagot ni Exodus.
“Ayaw mong magsalita ha?” Sinikmuraan ng prinsipe si Exodus. “Nasaan na siya?” galit na galit siya. Hindi nagsasalita si Exodus.
“Pumasok siya sa isang lagusan kasama ang isang babaylan,” sabi ng isang alagad.
“Sino ang babaylang iyon?” tanong ni Prinsipe Freedert. Sumagot ang alagad.
“Ang parehong babaylan na nagsagawa ng seremonya ng inyong pag-iisang dibdib, ang babaylang si Iane.” (Bigkas: I-ya-ne)
Lalong tumindi ang galit ni Prinsipe Freedert. “Naka plano ang lahat ng ito! Aaarrrggghhhh!!!” sigaw niya. Hindi niya mapigilan ang galit niya. Nabalutan ng nagliliyab na apoy ang buo niyang katawan. “Alisin sa harapan ko ang kabalyerong ito! Sunugin ninyo ang kaharian ng Elenai! Paslangin ang mga mamamayan! Huwag kayong magtitira ng buhay!” utos niya sa mga alagad.
Dinala ng mga alagad si Exodus. “Hindi ninyo puwedeng gawin iyan!” sabi niya habang nagpupumiglas.
Noong gabing iyon, binalot ng lagim ang kaharian ng Elenai. Bagama’t wala sa mga mamamayan ang napaslang dahil nag-anyong tubig sila sa bisa ng kapangyarihan ni Reyna Loura para man lang makatakas, ay sinunog ng mga taga-Tankape ang lahat kanilang ng mga bahay at ari-arian. Pansamantala sila ngayong nanahan sa bundok. Sa ilalim ng maliwanag na buwan nanalangin si Reyna Loura,
“Pakiusap, huwag ninyo pong pababayaan ang anak kong si Zurfc, ganoon na rin sina Tacki at Anyd.”
Kay ganda ng bilog na buwan. Sadya ring mahiwaga dahil kasabay ng paglitaw ng bilog na buwan ay ang pagbabago ng anyo ng kabayong si Patch. Nagkatawang-tao siyang muli.
No comments:
Post a Comment