Makulimlim ang langit. Tila nakikisama ang kalikasan sa pagluluksa ni Prinsesa Zurfc, panganay na anak nina Haring Tacki at Reyna Loura ng Hilagang kaharian ng Elenai. Ilang araw na lang ang nalalabi at ikakasal na siya kay Prinsipe Freedert ng Timog kahariang Tankape. Labis niyang ikinalulungkot ang pagpapakasal na ito sapagkat hindi niya mahal ang lalaking makakadaupang-palad, pero wala siyang magawa.
Binihag ng mga taga-Tankape ang kanyang ama at bunsong kapatid na si Prinsesa Anyd. Ang tanging paraan upang makalaya ang mga ito ay ang maipakasal siya sa Berdugong Prinsipe ng Timog at ipagsanib ang kanilang mga kaharian.
Nasa silid ang prinsesa nang may kumatok. Binuksan niya ang pinto ng kanyang silid at malugod na pinatuloy ang kanyang bisita.
“Ipinatatawag ninyo raw po ako, mahal na prinsesa,” bungad ni Exodus, ang pinakamagiting na kabalyero ng kanilang kaharian. Sobrang naging malapit ang dalawa sa isa’t isa dahil sa isang sikreto ni Exodus na nalaman ni Prinsesa Zurfc.
“Tulungan mo ako, Exodus. Pakiusap,” sumamo ng prinsesa.
“Anong tulong ang maibibigay ko sa inyo, mahal na prinsesa?” tanong ni Exodus.
“Samahan mo ako kay Pantas Bukaykay,” sagot ng prinsesa.
Nabigla si Exodus, “Kay Pantas Bukaykay? Bakit?”
“Dahil nasa kanya ang kasagutan,” sabi ni Prinsesa Zurfc. Nagpatuloy siya, “Madalas na sinasabi ng aking kapatid na malawak ang nalalaman ni Pantas Bukaykay. Sa palagay ko ay matutulungan niya ako para mapalaya ang aking ama at kapatid sa mga taga-Timog.”
Tumutol si Exodus sa ideya, “Alam ninyo naman pong pag humingi kayo ng tulong kay Pantas Bukaykay ay nangangahulugan iyon ng malaking kapalit.”
“Alam ko. Nakahanda ako sa anumang kapalit,” tugon ng prinsesa. “Nakikipaglaban si ama at tumutulong sa ibang kaharian pero sadyang malakas ang mga taga-Timog. Halos lahat ng kaharian ay nasakop na ng Tankape at tayo na lang ang nagiging matatag dahil sa pamumuno ni amang Tacki pero dahil bihag siya ng mga taga-Timog ngayon, ang buong kaharian ay paralisado. Humina na ang kalooban ni ina dahil nabihag si ama at si Anyd. Hindi niya na magamit ng wasto ang kanyang kapangyarihan. Ayokong tuluyan tayong mapasakamay ng mga imortal na yun.”
Si Exodus ay tahimik na nakikinig sa bawat sinasabi ng prinsesa at ninanamnam ang bawat salita nito. Nagpatuloy ang prinsesa,
“Matagal nang naghihirap ang bawat kaharian sapagkat hindi pa rin tumitigil ang Tankape sa paggawa ng masama. Nagnanakaw sila, pumapatay, samantalang tayo ay walang laban dahil imortal sila. At ngayon, ako, si ama, si ina, si Anyd at ang buong Elenai ang pinuntirya nila. Tayong lahat ay bikitma, Exodus!”
Tumagos sa puso ni Exodus ang mga sinabi ng prinsesa. Nahihirapan ang kalooban niya. Siya pa naman ang itinuring na pinakamagiting na kabalyero pero wala siyang magawa para bawiin sina Haring Tacki at Prinsesa Anyd. Tumalikod ang prinsesa. Biglang kumidlat ang kalangitan.
“Naghihinagpis ngayon si ina,” sabi ng prinsesa, nangamba sa biglang pagkidlat. “Exodus, ayokong magpakasal sa taong di ko mahal. Sigurado rin akong hindi papayag sina amang Tacki at Anyd na maging kasangkapan ng kasamaan ng mga taga-Timog.”
Bagama’t tutol ay nakapagdesisyon na si Exodus. “Sige, Prinsesa Zurfc. Sasamahan ko po kayo kay Pantas Bukaykay. Umalis tayo bago magbukang-liwayway.”
Kinakitaan naman ng ngiti sa mga labi si Prinsesa Zurfc. “Salamat Exodus. Salamat.”
Bago magbukang-liwayway, nilisan nina Prinsesa Zurfc at Exodus ang kaharian ng Elenai at tahimik na isinagawa ang kanilang balak. Sakay ng isang puting kabayo, tinungo nila ang teritoryo ni Pantas Bukaykay sa may disyerto, sa Kanlurang kaharian. Maalam at makapangyarihan si Pantas Bukaykay pero mahirap siyang hagilapin. Dahil marami ang nais magpakonsulta sa kanya ay iwinawaksi niya ang sarili sa ilalim ng buhangin. Hindi siya lalabas kahit na anong tawag mo kung hindi ka niya nais kausapin. Namimili rin naman ng “kliyente” ang pantas.
Umaga na nang marating nila ang disyerto. Mainit. Agad na bumaba ang dalawa sa sinasakyang puting kabayo. Malawak ang disyerto, hindi nila alam kung saan magsisimula pero nagbabaka-sakali ang prinsesa na kahit saang sulok ay lalabas ang pantas.
“Pantas Bukaykay! Pakiusap, magpakita ka! Tulungan mo ako, tulungan mo ang kaharian ng Elenai!” samo niya.
Nang marinig ang isang napakagandang tinig ay agad na nagpakita ang pantas. Kung pagmamasdan ay mukha siyang bata pero sa katunayan ay mahigit isandaang taong gulang na siya.
“Ikaw pala, Prinsesa Zurfc,” bati ng pantas. Takang-taka ang prinsesa kung paano nalaman ng pantas ang kanyang pangalan pero hindi niya na ito inintindi.
“Pakiusap, tulungan mo—” naputol ang sinasabi ng prinsesa nang magsalita si Pantas Bukaykay.
“Alam ko na ang pakay mo,” sabi nito.
“A-alam mo?” pagtataka ng prinsesa.
“Nababasa ko ang iniisip mo,” sagot ng pantas. “Ayaw mong magpakasal? Gusto mong puksain ang mga imortal ng Timog?”
Namangha ang prinsesa sa kakaibang galing ng pantas.
“Opo, Pantas Bukaykay,” tugon ng prinsesa.
“Tutulungan kita pero alam mo naman sigurong may kapalit ang bawal pagtulong ko,” sabi ng pantas.
“Nakahanda ako sa anumang kondisyon,” ani Prinsesa Zurfc.
Nagbigay ng nakakalokong ngiti ang pantas. “Kung gayon, maglakad ka ng tatlumpung hakbang. Pagkatapos ay huminto ka at maghukay sa buhangin,” ang ibinigay na panuto ni Pantas Bukaykay.
Ilalakad na ng Prinsesa ang kanyang mga paa nang bigla siyang hawakan ni Exodus sa braso. “Prinsesa, sigurado ka ba rito?” pigil niya. Tumango ang prinsesa. Nagbuntong-hininga si Exodus at bumitiw.
Naglakad na ang prinsesa ng tatlumpung hakbang sa disyerto, tapos ay huminto siya. Lumuhod siya at naghukay sa buhangin. Nakamasid lang sina Exodus at Pantas Bukaykay. Napakunot-noo ang prinsesa nang mapasakamay ang isang panulat.
“Isang panulat?” tanong ni Prinsesa Zurfc habang pabalik sa dating puwesto.
Nagpaliwanag si Pantas Bukaykay, “Ang panulat na iyan ay espesyal sapagkat puwede ka niyang dalhin sa ibang dimensyon.”
Nabigla ang prinsesa, “Ibang dimensyon?”
“Doon mo matatagpuan ang taong tatapos sa kasamaan ng mga taga-Timog,” sabi ng pantas.
“Sandali, ang ibig ninyo pong sabihin, wala po sa amin ang makawawaksi sa kanila?” tanong ng prinsesa.
“Isang banyaga lamang ang may kakayahang puksain ang kasamaan ng mga taga-Timog,” sabi ng pantas.
“Sino ang banyagang ito?” tanong ng prinsesa.
“Siya ang iyong pag-ibig, Prinsesa,” sabi ng pantas. “Hanapin mo siya. Gamitin mo sa tamang panahon ang panulat na iyan. Magaganap iyon sa araw ng iyong pagkaalipin pero huwag kang papayag. Umalis ka gamit ang panulat. Ikumpas mo sa hangin at lalabas ang isang lagusan. Iyan ay nilikha para sa ganoong gamit. Pumasok ka sa lagusan at hanapin ang banyagang aking tinutukoy. Huwag na huwag mong wawalain iyan kung gusto mo pang makabalik at mailigtas ang ama mo, kapatid, ang Elenai at ang lahat ng kaharian.”
Pagkatapos ng usapang iyon ay nagpaalam na si Pantas Bukaykay. Isang malaking ipo-ipo ang bumalot sa kanya at siya ay naglaho. Lingid sa kaalaman ng lahat na nakuha na ni Pantas Bukaykay kay Prinsesa Zurfc ang hinihingi niyang kapalit.
Tinitigan ni Prinsesa Zurfc ang panulat. “Isang banyaga… Ang aking pag-ibig… Pero sino? Paano ko malalaman?” tanong niya sa sarili.
“Gamitin sa tamang panahon… Sa araw ng pagkaalipin,” narinig niyang sinabi ni Exodus.
“Sa araw ng aking kasal, Exodus,” sabi ng prinsesa.
Binalot ng pangamba si Exodus sa sinabi ng prinsesa. Alam niyang isang malaking gulo ang mangyayari kapag tumakas ang prinsesa sa araw ng kasal niya. Mahirap maging kalaban ang Berdugong Prinsipeng si Freedert. Dahil wala nang dahilan para manatili sa disyerto ay nagpasya silang bumalik sa Elenai lulan ng kabayong si Patch.
No comments:
Post a Comment