No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, March 13, 2011

WALANG PAMAGAT (5)

Agad na bumalik sina Prinsesa Zurfc at Iane sa kwarto nang marinig na may ibang tao. Iniwan nilang nakabukas ang zipper ng pantalon ni Sid. Nadatnan ni Eunice na natutulog si Sid sa sofa. Ibinaba ni Eunice ang mga dalang gamit at ginising ang kuya niya. Natatawa pa nga siya dahil bumubungisngis ang kuya niya habang natutulog.

“Hoy! Bakit ka diyan natutulog?!” sigaw ni Eunice sa tainga ng kapatid.

Naalimpungatan si Sid dahil sa ginawa ng kapatid. “Kailangan talaga sa tainga ko sumisigaw?!” pasigaw niya ring sinabi nang magising.

Namangha si Eunice, “Wow! Kailan ka pa naglinis ng tainga?”

Binabaan ni Sid ang boses niya, “Kagabi lang. May pumasok kasing langgam kaya napilitan ako.”

Tumawa si Eunice. “May kama naman kasi bakit diyan ka sa sofa natutulog?” tanong pa niya.

“May bisita ako, nasa kwarto,” sagot ni Sid habang humihikab.
“Uy, ikaw ha? Dinala mo na naman si Ate Santina dito. Nag labing-labing na naman kayo no?” panunukso ni Eunice.

Natatawa si Sid sa panunukso ng kapatid, “Oo na lang sa labing-labing. Break na kami ni Santina no!”

“Sus! Di na naman bago sa akin yun. Kita mo pag sweldo mo, kayo na naman nun,” sabi ni Eunice.

Iniba na ni Sid ang usapan dahil ayaw niya munang maalala si Santina. “Eunice, ang ganda ng panaginip ko kanina,” abot tainga ang ngiti niya.

“Ano na naman? Nanaginip ka na may magandang babaeng humuhubad sa iyo?” hula ni Eunice.

Namangha si Sid sa tamang hula ng kapatid, “Ang galing ha! Paano mo nalaman?”

Tatawa-tawa si Eunice na nagsabing, “Bukas kasi zipper ng pantalon mo e!”

Pag tingin ni Sid sa pantalon niya, nakabukas nga ang zipper at tanggal din ang butones nito. “Walang hiya! Isang succubus!” bulalas niya.

“Naku ha! Kung ako ang succubus baka tinawanan lang kita,” sabi ni Eunice.
“Bakit, malaki naman ito ha?” pagtatanggol ni Sid sa sandata niya.
“Ayoko na nga makipag-usap sa iyo. Naco-corrupt ang inosente kong utak.” Iniwan pansamantala ni Eunice ang kapatid para magbihis ng damit pambahay. Nagpunta siya sa kwarto at nakita ang mga bisita ng kuya niya. “Hello,” pagbati niya kina Prinsesa Zurfc at Iane, nag-aalangan pa kasi ngayon lang niya sila nakita. Nginitian siya ng dalawa. Pamilyar kay Eunice ang suot nina Prinsesa Zurfc at Iane. Iyon ay mga damit niya. “Kaibigan kayo ni Kuya Sid?” tanong niya sa dalawa.

Oo na lang ang isinagot ni Iane. Doon lang nila nalamang Sid pala ang pangalan ng binatang kasama nila.

“Anong pangalan ninyo?” tanong muli ni Eunice.
“Siya si Shin,” sabi ni Sid nang ituro niya si Prinsesa Zurfc. Nagulat si Eunice dahil nasa likuran niya na pala ang kapatid niya. Itinuro naman ni Sid si Iane, “Siya naman si…” Napatingin si Sid sa nakapaskil na poster ni Marian Rivera na nakasuot ng costume na Darna, “…Marian.” Wala na kasi siyang maisip na pangalan. Ipinakilala ni Sid kina Prinsesa Zurfc at Iane ang kapatid niya, “Kapatid ko pala, si Eunice.”
“Nizz for short,” sabi ni Eunice.
“Kinagagalak ka naming makilala, Nizz,” sabi ni Prinsesa Zurfc. Nag nose bleed naman si Eunice sa malalim na pananalita ng prinsesa.
“Eunice na lang para walang arte,” sabad ni Sid.

Binigyan ng masamang tingin ni Eunice si Sid, “Kontrabida ka talaga kahit kailan!”

Ikinatuwa ni Prinsesa Zurfc ang kulitan ng dalawa. Di niya maiwasang malungkot sapagkat naalala niya bigla ang kapatid niyang si Prinsesa Anyd.

Matapos masermonan ni Sid si Eunice dahil gabi na siya umuwi at idinahilan ang paggawa ng project ay natulog na ito. Naglatag si Eunice ng karton at nahiga sa lapag malapit sa sofa. Sina Prinsesa Zurfc naman at Iane ay hindi makatulog dahil iniisip nila kung ano na kaya ang nangyari sa mundo nila.

“Ano na kaya ang lagay ng lahat?” tanong ni Prinsesa Zurfc kay Iane.
“Hindi ko po alam, prinsesa, pero sa tingin ko ay hindi maganda,” sagot ni Iane.

Nalungkot ang prinsesa. Binagabag siya nang maalala si Exodus. “Ano na kaya ang nangyari kay Exodus? Sana naman hindi siya sinaktan ni Freedert.”

Sa gitna ng pag-uusap ng dalawa, pumasok si Sid sa kwarto na may dala-dalang dalawang tasa ng kape. Ibinigay niya iyon kina Prinsesa Zurfc at Iane. Mainit ang tasa nang hawakan ng prinsesa. Sinilip niya kung ano ang laman.

“Ano ito?” tanong niya nang makita ang kulay kapeng tubig.
“Ang tawag diyan ay kape. Paboritong inumin yan dito. Madalas ding inihahanda yan pag may patay,” sagot ni Sid.
“Pag may patay?” pagtataka ni Prinsesa Zurfc. “Kataka-takang pinaghahandaan ninyo ang inyong patay.”
“Sino si Exodus?” biglang naitanong ni Sid.
“Bakit mo naitanong?” siya namang tanong ng prinsesa.
“Narinig ko kasi sa usapan ninyo,” sagot ni Sid.
“Si Exodus ang tumulong para makatakas ako,” sabi ng prinsesa.
“Makatakas saan?” si Sid.
“Sa aking kasal.”

Nagulat si Sid, “Tumakas ka sa kasal mo?!”

“Bago pa kami mapadpad dito, isinasagawa ang seremonya ng kasal ko at ang babaylang ito, si Iane, siya ang nagbabasbas sa amin ng makakaisang dibdib ko.”

Isinalaysay ng prinsesa ang mga naganap sa mundo nila bago pa sila mapadpad sa mundong kinabibilangan nila ngayon.

“Ang mundo namin ay tinatawag na Ternetin. Apat ang kaharian sa aming mundo. Ang kaharian sa Hilaga ay tinatawag na Elenai. Ang sa Timog ay Tankape. Ang sa Silangan ay Piyenef at ang sa Kanluran ay Culife. Ang mga mamamayan sa bawat kaharian ay may kani-kaniyang mahika o kapangyarihan.
“Ako si Prinsesa Zurfc. Isinilang ako sa angkan ng maharlika. Ako ang panganay na anak nina Haring Tacki at Reyna Loura ng Hilagang kahariang Elenai. May nakababatang kapatid ako, si Prinsesa Anyd. Ang lahi namin ay may kapangyarihang tubig. Ang kaharian sa Timog ay nagmamanipula sa apoy. Ang sa Silangan ay biniyayaan ng kapangyarihang hangin at ang sa Kanluran ay lupa.
“Payapa namang namumuhay ang lahat noon. Nagsimula ang gulo nang pumasailalim ang Hari ng Tankape na si Haring Ashcrow sa itim na kapangyarihan. Malaki ang inggit niya sa aking ama dahil sikat si ama at mahal siya ng mga tao. Gusto niyang maging katulad ni ama. Gusto niyang pamunuan ang lahat. Ibinenta niya ang kaluluwa niya sa demonyo kapalit ng pagiging imortal. Hindi lang siya ang naging imortal, maging ang lahat ng mamamayan sa kanilang lahi.
“Dahil sa kagustuhang sumikat at pamunuan ang lahat, nagsimula siyang manakop ng mga maliliit na bayan kasunod ay mga kaharian. Pinapaslang ang lahat ng lumalaban. Sinusunog ang lahat ng maibigan. Kahit na sabihing nasakop nila ang mga kaharian, may mga mamamayang ayaw mapasailalim sa kanilang kapangyarihan. Gumagawa sila ng mga plano nang palihim.
“Dumating ang araw na naghanda si amang Tacki para sa isang rebolusyon. Tinipon niya ang lahat ng kalalakihan at mga kabalyero ng kaharian namin upang magsagawa ng isang pag-atake para mapalaya ang ibang kaharian. Sa pag-atakeng iyon, sa gitna ng labanan, hindi namalayan ng lahat na nabihag ang aking kapatid na si Anyd. Sumali pala siya sa labanan at nagsuot ng baluti para hindi mamukhaan. Sinabi ni Haring Ashcrow na kung hindi sasama si amang Tacki sa kanila ay papaslangin nila ang kapatid ko. Natakot si ama na mapaslang ang kapatid ko kaya sumama siya kay Haring Ashcrow.
“Dahil doon, para kaming katawan na nawalan ng ulo. Sinabihan ni Haring Ashcrow ang aking ina na palalayain niya sina amang Tacki at Anyd pag pumayag akong maipakasal sa anak niyang si Freedert at kung mapasasailalim din ang kaharian namin sa Tankape.”

Nagtanong si Sid, “At pumayag ang iyong ina sa kasal na iyon?”

“Pumayag siya.” Tumulo ang mga luha ng prinsesa na agad niya ring pinahid. “Hindi ko mahal ang lalaking pakakasalan ko kaya sumangguni ako sa isang pantas at siya ang may dahilan kung bakit ako naririto ngayon.” At ikinuwento niya rin ang tungkol sa panulat.

Hindi alam ni Prinsesa Zurfc kung bakit niya ikinuwento ang buhay niya kay Sid gayung hindi niya pa gaanong kilala ang binata. Siguro ay ramdam niyang mapagkakatiwalaan ito kahit sa una ay mukha itong di katiwa-tiwala, mukhang manyakis, rapist at mukhang gagawa ng hindi maganda.

“So paano ninyo matatalo ang mga sinasabi mong mga imortal na taga-Tankape?” tanong ni Sid.
“Hindi ako kundi ang iibigin ko lamang ang makatatalo sa kanila. Isang lalaking mula sa mundong ito,” sabi ni Prinsesa Zurfc.

Nag-isip pansamantala si Sid at hinimas-himas ang kanyang baba. “Posible kayang ang kagaya ko ay magustuhan ng magandang prinsesang ito?” tanong niya sa sarili. Doon din niya naisip na kailangan niya nang bumili ng Master facial cleanser at Gatsby wax para magmukha siyang gwapo sa harap ng prinsesa.

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly