JANINE
EVE
ALDEN
DAN
ooo
JOMARI
Sabay-sabay kaming lumaki nina Jude at Jomari. Kababata ko sila. Laging kinatatakutan si Jude dahil sa mga hula at pangitain niya. Hindi siya kinakaibigan ng iba kasi nagdadala raw siya ng sumpa. Si Jomari ang tagapagtanggol ni Jude sa mga hindi naniniwala sa kanya. Ngayon, ibang Jomari na ang nakikita ko. Iba ang Jomari na kasama ko sa malamig na silid na ito sa Jomari na kilala ko noon.
Nagbigay siya ng nakakalokong ngiti. "Paano mo nalaman ang tungkol doon?" tanong niya sa akin. "Wag mong sabihing kagaya ka rin ng pinsan ko na nakakakita ng mga pangitain?"
Ipinagtapat niya sa akin ang lahat. Sapat na ang mga sinabi niya para kasuklaman ko siya.
Si Laila. Noon ay kaibigan lang ang turing niya rito pero dahil matalino si Laila, hinangaan niya ito nang lubos. Isang araw e nagpaturo siya sa isang subject na hirap siya. Pumunta siya sa bahay nina Laila at dahil walang iba tao, may nangyari sa kanilang dalawa.
Sinubukang suyuin ni Jomari si Laila sa pag-aakalang gusto siya ng kaibigan namin pero ang isinagot ni Laila?
"Gusto ko lang namang malaman kung ano ang pakiramdam kaya sinubukan ko pero di ibig sabihin nun e gusto na kita. Sorry, Jomari pero hindi ikaw ang priority ko."
Matagal na raw na nangyari yun pero dinamdam iyon masyado ni Jomari dahil masyadong naapakan ang pagkatao niya. Sa kabila noon, hindi niya ipinakita sa lahat na masama ang loob niya kay Laila.
Si Janine. Play girl siya kung ituring ni Jomari. Nakipag-inuman siya noon kina Janine at Eve sa isang bar. Naunang umuwi si Eve kasi sinundo siya ni Alden, at naiwan sina Janine at Jomari na magkasama. Imbis na sa kani-kaniyang bahay tumuloy, sa ibang lugar pumunta ang dalawa. Nang mag-umaga, pag gising ni Jomari ay wala na si Janine sa tabi niya. Nang magkaroon ng pagkakataon na makapag-usap ang dalawa, ang sinabi ni Janine,
"A ikaw ba yung kasama ko kagabi? I thought it was some other guy. Oh well, Jomari, kung anumang nangyari sa atin kagabi kalimutan mo na. Lasing lang ako nun. It happens all the time. Wag kang mag-alala, wala namang ibang makaaalam nito. Ayokong mapahiya sa mga kaibigan natin."
Si Eve. Sa kanya patay na patay si Jomari. Ipinadrawing pa nga niya kamakailan lang ang mukha ni Eve kay Jude. Sabi niya nagkaroon noon ng matinding away sina Eve at Alden, at si Jomari ang nilapitan ni Eve. Siya ang nag-comfort sa rito. Lingid sa kaalaman ng lahat na nagkaroon ng relasyon sina Eve at Jomari. Ipinadama ni Jomari kay Eve ang tunay na pagmamahal. Ibinigay din niya ang "kaligayahan" na hindi naranasan ni Eve kay Alden. Sabi raw ni Eve ay makikipag-break na siya kay Alden pero hindi iyon ang nangyari.
"Oo, pinaligaya mo ako pero hindi ko puwedeng isuko si Alden nang ganun na lang. Puwede bang dalawa muna kayo sa buhay ko?" sinabi ni Eve sa kanya noon.
Ganoon pala ang kuwento. Sabi ni Jomari masyado siyang nasaktan, na masyadong natapakan ang pagkalalaki niya. Tatlong babae, mga kaibigan pa man din namin, ay ginawa siyang basura.
"Ngayon, sabihin mo sa akin, Bianca, ako ba ang may kinuha sa kanila? Hindi ba't sila ang may atraso sa akin? Sobra na akong sumabog. Gusto ko silang patayin lahat dahil sa mga ginawa nila sa akin pero kumukuha lang ako ng tiyempo," sabi ni Jomari.
"Hindi pa rin sapat na dahilan yun para gawin mo sa kanila yun!" diin ko.
Inamin ni Jomari sa akin na ang hula ni Jude tungkol sa pagkamatay nina Laila, Janine, Eve, maski ang pumalpak na hula kay Alden ay hindi totoo. Kinuntsaba niya ang pinsan niya at ang sinasabi ni Jude mula noong pagkabata namin na nakakakita siya ng mga multo, maski ang pagkakatotoo ng panaginip niya, ay kasinungalingan at gawa-gawa lamang. Sinabi niya kay Jude ang plano niya kung paano niya didispatsahin ang mga kaibigan namin. Nag-iwan din siya ng note kina Laila, Janine at Eve na nakasulat sa isang pulang papel at nagsasabing, "Gusto mo bang malaman kung paano at kailan ka mamamatay? Kaya kong hulaan iyan." At sa huli ay nakalagay ang pangalan ni Jude na siyang nagpahatid daw ng mensahe at ang taong dapat lapitan sakaling interesado ka. Masuwerte namang kinagat nina Janine at Eve iyon, samantalang si Laila ay nagdalawang-isip pa pero pumunta rin kay Jude dahil sa pambubuyo nina Janine at Eve.
"Paano mo sila pinatay?" tanong ko.
Si Laila. Pinalabas ni Jude na inatake ng mad man, ng isang lasing, pero ang totoo? Si Jomari ang pumatay sa kanya. Inabangan niya si Laila magdamag at nang magkaroon ng pagkakataon, hinampas niya yun ng bote sa ulo at pinagsasaksak.
Si Janine. Siya raw ang pinaka matagal nang gustong gantihan ni Jomari. Alam niyang hindi mahigpit sa dorm nina Janine at Eve, nakakapasok ang sinumang gustong pumasok basta kilala at kaibigan ng may-ari. Nagkataong family friend nina Jomari ang may-ari ng dorm.
Nang pumasok si Janine sa banyo, siya namang dating ni Jomari. Pumasok siya sa bukas na pinto ng unit nina Eve noong kauuwi lang ng mga ito galing sa burol ni Laila.
Sinita siya ni Eve, "Jomari, bakit nandito ka? Mamaya makita ka ni Janine!"
Isinara ni Jomari ang pinto. "Ako'ng bahala," tugon niya tapos ay hinalikan si Eve.
Hindi nila pareho inaasahan na lalabas kaagad si Janine sa banyo.
"Eve... Jomari..." nakita ni Janine ang dalawa. Para hindi na makapagsalita at baka magsumbong pa kay Alden, inunahan na siya si Jomari. Tinakpan niya ang bibig ni Janine para hindi makapag-ingay, hinila niya ito papasok muli sa banyo at iniuntog ito.
"Jomari! Anong ginawa mo?" biglang-bigla si Eve.
"Ginantihan ko lang. Matagal nang may atraso sa akin iyang babaeng iyan," sabi niya.
Pinaalis siya ni Eve, "Lumabas ka na! Dali na! Alis! Ako nang bahala rito."
Si Eve. Ayon kay Jomari e pinaasa siya nito. Binigyan siya ng taning ni Jomari para makipag-break kay Alden.
"Kapag hindi ka nakipag-break kay Alden, mapipilitan akong gumawa ng hakbang," pananakot ni Jomari. Ang araw ng kamatayan ni Eve ang siyang petsa ng taning.
"Nadismaya ako, sabi niya makikipag-break na siya kay Alden. Hindi naman puwedeng dalawa kaming boyfriend niya pero anong ginawa niya? Nagpunta pa siya rito sa Tagaytay kasama ang mokong na yun! Pinatunayan niya lang na mas mahal niya si Alden," hinanakit ni Jomari.
Sinabi ni Jomari na noong magsabi si Eve na pupunta siya sa Tagaytay, sinundan niya na ang dalawa. Nag-check in din siya sa hotel kung saan sila nag-check in. Sinabihan niya si Eve sa pamamagitan ng isang text message na NAKIKITA NIYA SILA. Nang magmadaling araw, tinawagan ni Jomari si Eve.
"Lumabas ka ng room, nandito ako," sabi niya.
Lumabas si Eve na may dalang baril. Noong una'y natakot si Jomari pero alam niyang kaya niyang paikutin si Eve sa mga palad niya.
"Bakit may hawak ka niyan? Ibaba mo iyan, Eve," sabi niya.
"Tigilan mo na ako, Jomari. Pabayaan mo na kami ni Alden. Mahal ko siya, di ko siya kayang iwan!" sabi ni Eve at nakatutok kay Jomari ang baril.
"Wala akong masamang intensyon. Nasaan si Alden?"
"Tulog na," sagot ni Eve.
"Puwede bang pumasok muna tayo?"
Patalikod na pumasok si Eve sa loob ng silid habang nakatutok kay Jomari ang baril.
"Narito ako para magpaalam. Hindi na kita guguluhin. Alam ko at tanggap kong talo ako kay Alden," sabi ni Jomari.
Sa puntong iyon ay ibinaba ni Eve ang baril, sapat para maagaw ni Jomari at iputok ito sa kanya. Bumagsak si Eve.
Si Alden. Siya naman talaga ang puntirya ni Jomari at sabi niya tatanga-tanga si Dan kasi kinain niya ang pagkaing di para sa kanya. Siya tuloy ang nalason.
"Pero bakit... bakit hindi man lang nakita ang finger prints mo sa kahit na anong ebidensya o walang bakas mo sa eksena ng krimen?" tanong ko.
"Pag ikaw ba gagawa ng krimen, papayag kang mahuli kaagad? Mag-iiwan ka ba ng ebidensya para ikaw ang paghinalaan at makulong? Gumamit ako ng gwantes para walang bakas ng finger prints. Malinis akong mag-trabaho, Bianca," nagmamalaki pa niyang sinabi.
Hindi ako makapaniwala sa nalaman ko. Sana nga isang masamang bangungot lang ang lahat ng ito. Sana magising ako at makita ko pa ang mga kaibigan ko... lahat sila buhay at humihinga pa. Sana...
Tinabihan ako ni Jomari sa kama. Hinimas-himas niya ang buhok ko. "Ikaw Bianca, alam mo ba kung kailan at paano ka mamamatay?" tanong niya sa akin.
"Hindi! Pero sige, kung gusto mo akong patayin... Kung mamamatay man ako, huwag BUKAS! Sige na, ngayon na!" paghamon ko sa kanya.
Akala ko hindi tototohanin ni Jomari. Akala ko hindi niya papatulan ang hamon ko. Akala ko maaawa siya sa akin... pero hindi. Sinakal niya ako at nakita kong dumilim ang paligid ko.
ooo
No comments:
Post a Comment