ooo
JANINE
Nagulat ang lahat sa pagkamatay ni Laila at hindi nila inakalang magkakatotoo ang sinabi ni Jude. Madaling araw, masyado pang maaga. Papasok na si Laila sa University. Coding ang kotse nila kaya napilitan siyang mag-commute. Wala siyang kasama. Out of the country ang parents niya at kataka-takang sabay-sabay na nag day-off ang mga katulong nila.
Kinapanayam ko si Jude at sinabi niyang, "Nakita ko sa pangitain... Naglalakad siya at mag-aabang sana ng masasakyan nang may biglang sumaksak sa kanyang lasing mula sa likuran. May dalang bote iyon, pinalo muna siya sa ulo bago pagsasasaksakin. Nasa likuran niya ang lasing kaya hindi niya napansin."
"Ganoong sitwasyon ba ang sinabi mo kay Laila?" tanong ko.
Umiling siya, "Sinabi ko lang kung kailan siya mamamatay at katiting na detalye kung paano. Yun lang naman ang hiniling niya. Natatakot daw siyang malaman lahat."
Ang masama pa nun walang nakasaksi sa pangyayari. Nakita na lang na ganoon si Laila, patay na. Hindi mahuhuli o makukulong ang salarin dahil ayon na rin sa nakita ni Jude wala iyong mukha, pero hindi ako kumbinsido. Pakiramdam ko alam ni Jude kung sino. Tinatago lang niya.
Si Janine naman ang natakot dahil sa nangyari. "Eve... what if... what if mamatay rin ako? Sabi ni Jude, di ba, in the end of this week? Three days na lang weekend na!" nag-aalalang sabi niya. Pinakikinggan ko lang sila.
Pinakalma siya ni Eve, "Calm down, Janine! Hindi totoo yun! Malay mo, di ba, set-up lang ni Jude yun?"
Umapila si Jomari, "Sobrang paratang iyan, Eve. Hindi naman gagawa ng ganyan ang pinsan ko, saka magkasama kami the whole night."
Kababata ko rin si Jomari. Nagsasama ang pamilya niya at ni Jude sa isang malaking bahay na pamana ng lolo at lola nila. Alam niya ang lahat tungkol kay Jude pati ang kakayahan nito.
"Well, let's see if Janine will be dead this weekened," nakangising sabi ni Eve.
"That's enough, Eve!" sayaw ni Alden na boyfriend ni Eve... na ayon kay Laila ay siyang papatay sa kanya.
Hindi alam ni Alden ang tungkol sa pagpapahula nina Eve at Janine, pero dahil sa pag-uusap na naganap, nalaman na rin niya. Hindi niya na inalam kung ano ang ginawang hula ni Jude sa girlfriend niya.
Noong hapong iyon, nakita ko si Jude sa library. Nasa sulok siya, sa tagong parte ng library at mukhang nakatulog na. Nilapitan ko si Jude at nakita ko sa mesa ang isang bond paper na may drawing. Dahan-dahan kong inangat ang kamay niyang nakadagan sa papel at tiningnan ko kung ano ang iginuhit niya.
"Si Eve ito a," sabi ko sa sarili. Nagising bigla si Jude at nakitang hawak ko ang papel. Tila nagulat siya at mabilis na binawi ang papel.
"Bakit ba nakikialam ka ng gamit ng may gamit?" tanong niya.
"Bakit mo drinawing si Eve?" tanong ko naman.
Hindi siya sumagot, bagkus ay tumayo siya at nagbabalak umalis.
"Sige, ok lang kahit hindi mo sagutin," sabi ko. Natigilan si Jude. "Gusto ko lang sanang malaman kung ano ang hula mo kay Janine," pakiusap ko. Tiningnan ako ni Jude. Nagpatuloy ako, "Sabi ni Laila madudulas daw si Janine sa banyo. Yun daw ang nakita mo."
"Alam mo naman pala, bakit mo pa ako tinatanong?" tanong ni Jude.
Tinanggap ko na lang ang nalaman ko. "Totoo nga. Mamamatay na nga si Janine. Sige," iniwan ko na si Jude.
Hindi na muling napag-usapan sa barkada ang hula kay Janine at nang sumapit ang araw ng Biyernes, kinagabihan, habang nagbabantay kami sa burol ni Laila, biglang humagulgol si Janine.
"Bianca, I'm scared. Weekend na tomorrow. Alam mo na kung anong mangyayari," sabi niyang umiiyak.
Pinatahan ko siya dahil ayon na rin kay Eve ay nakaka-distract sa ibang bisita. Alam kong pagod na rin si Janine kaya kung anu-ano na lang ang naiisip. Ilang araw na rin kasi kaming napupuyat sa pagbabantay sa burol ni Laila. "Shhhh... Tahan na, Janine," sabi ko.
"I'm gonna die. I'm gonna die..." paulit-ulit niyang sinabi.
Nang magkaroon ng pagkakataon na maiwan kaming dalawa ni Janine, may ibinigay siya sa aking scapular.
"Wear it, panlaban sa bad spirits," sabi niya. Isinuot ko ang bigay niya. "Bianca, thanks for being a good friend. Alam mo, ikaw kasi yung taga-comfort sa amin. When I'm with you, I always have this feeling na there's someone that understands me well. Thank you, Bianca."
Niyakap ko si Janine dahil nagsimula na naman siyang umiyak.
"Mamamatay na ako bukas," sabi niyang umiiyak.
Yun na ang huling pakikipag-usap ko kay Janine kasi kinabukasan namatay na siya. Oo, nadulas sa banyo gaya ng sinabi ni Jude.
ooo
No comments:
Post a Comment