"Hinding-hindi na ako pupunta sa computer shop kahit kailan!" pangako sa akin ni Ronnel matapos ko siyang sagutin pitong buwan na ang nakalilipas. Sa isang computer shop sa lugar namin nag-krus ang mga landas namin. Mahilig kasi siyang maglaro ng online games samantalang ako e madalas na bumibisita para mag-search sa internet.
Naalala ko pa noon magkatabi kami ng unit ng PC. Rinding-rindi ako sa ingay nila ng mga kaibigan niyang sigawan nang sigawan. Dahil hindi ako maka-concentrate sa paghahanap ng gusto kong hanapin sa internet e tumayo ako at pinindot ang power button ng unit niya.
Nagulantang siya nang gawin ko iyon, "Hey Miss! Bakit mo pinatay?!"
"Ang ingay mo e! Puwede namang maglaro ng tahimik, di ba? Nabili ninyo ba itong shop? Di lang kayo ang tao rito oi!" pagtataray ko. Pinagtinginan ako ng mga kasama niya. "O ano? Gusto ninyo i-off ko rin iyang mga PC ninyo?" pananakot ko. Awa ng Diyos tumahimik sila.
Nang paalis na si Ronnel, kinalabit niya ako. "Miss, anong number mo?"
"At bakit?" pagsusungit ko.
"Kasi may kasalanan ka sa akin. Pinatay mo yung PC habang naglalaro ako kaya ang bayad doon e yung number mo," sagot niya.
"E kung ayaw kong ibigay?" tanong ko.
"Edi hindi mo na makukuha itong USB mo." Pag tingin ko sa port wala na ang flash drive ko at hawak niya na yun.
"Akin na iyan!" sabi ko sa kanya.
"Number mo muna," kondisyon niya.
Nang ibigay ko ang number ko, doon na nagsimula ang lahat, at umasa rin ako sa pangako ni Ronnel na hindi na siya magbababad sa computer shop. Pero, sa loob ng pitong buwang iyon, hindi natupad ni Ronnel ang pangakong binitiwan niya.
"Lang hiya ka!" sigaw ko sabay hampas ng shoulder bag sa ulunan ni Ronnel nang makita ko siya sa computer shop. Sabi niya kasi sa akin kagabi susunduin niya ako sa school kinabukasan pero ilang oras na ang lumipas e wala pa rin siya kaya umuwi na lang ako mag-isa.
Ngingiti-ngiti pa ang mokong habang nakaupo. Napawi ang ngiti niya at nagulat nang makita ako. "Bebe!" sambit niya.
Inis na inis ako kasi nabali na naman yung pangako niyang susunduin ako, pero ang mas ikinainis ko e nung hindi man lang siya natinag at bumalik uli ang tingin sa monitor, at sinabing, "Teka, last game na."
Matapos matuwa dahil natalo niya na yung kalaban niya e nag-quit na si Ronnel, tinanggal ang headset na nakasuot sa kanya, nag-out at nag-abot ng bayad na singkwenta pesos kay Kuya Dave.
"Maaga uwi ninyo ngayon?" tanong niya pa sa akin.
"Alas sais na! Alas kuwarto uwian!" pagalit na sinabi ko.
"Ay alas sais na ba?" tila nagulat pa siya at nakuha pang tumingin sa nakasabit na orasan.
"Nagbabad ka na naman sa computeran!" yamot na sabi ko habang lumalabas at itinulak ko ang salaming pinto.
Napakamot ng ulo si Ronnel sabay sabing, "Sabi ko kasi kay Kuya Dave 30 minutes lang e!"
"Leche! E pang 3 hours promo nga yung binayaran mo!" Kulang na lang umusok ang ilong ko dahil sa sobrang galit.
"Di ko naman alam na naka-open time pala. Sabi ko kasi talaga kay Kuya Dave half hour lang," dahilan ni Ronnel.
Huminto muna kami sa labas ng computer shop. "Alam mo bang kanina pa ako hintay nang hintay dun?" mangiyak-ngiyak na tanong ko dahil nakalimutan na naman akong sunduin ni Ronnel. Hindi siya nakapagsalita. "Alam mo ba kung anong araw ngayon?" pagpapaalala ko sa kanya.
"Biyernes," sagot ni loko na ewan ko ba kung namimilosopo.
"Oo! Biyernes! 25! Wala ka bang naaalala?" tanong ko.
Natauhan si Ronnel. "Ay, oo nga pala!" sabi niya. Ang buong pag-aakala ko maaalala niya nang 7th monthsary namin ngayon pero bigla niyang sinabing, "May tournament pala kami mamayang 8 pm. Mananalo raw ng isang libo. Last na talaga ito, bebe ko, hinding-hinding-hindi na talaga ako pupunta sa computer shop."
Lalo akong nainis kaya iniwan ko na siya. Arrgh! I hate this day! Bakit ba ako nagkaroon ng boyfriend na ganito? Nagsisisi talaga ako kung bakit ko pa siya sinagot.
nyak.. bitin!! akala ko magbi-break na.. nyahaha!
ReplyDeletegusto talaga mag break e. hahaha
ReplyDelete