Ako na yata ang pinakamalas na tao sa mundo. Ikaw ba naman ang ligawan ng pinaka pangit dito sa classroom ewan ko na lang kung ano ang maramdaman mo. Gusto ko na ngang mag-drop. Araw-araw ang bigat ng pakiramdam ko lalo na pag tinitingnan niya ako tapos ngingitian pa, kita yung ngipin niya sa harap na may itim. Ilang beses ko na siyang binasted pero patuloy niya pa rin akong kinukulit.
"Santa por yu, Debe," sabi niya isang tanghaling mag-isa ako sa bench, sabay dukdok sa mukha ko ng bulaklak ng santan, yung kulay pula at nilalanggam pa. Muntik ko na ngang makain. Ngumiti na lang ako kasi I don't want to be rude to animals.
"Debbie. D-E-B-B-I-E. De-bi. Debbie!" pagtatama ko sa pagbigkas ng pangalan ko.
"Hirap naman. Sabi ko naman sa iyo BEBE na lang ang itatawag ko sa iyo para madaling bigkasin," hirit ni Renren.
"My God! Renren, mula nung high school tayo hanggang ngayon kinukulit mo ako. Ayaw mo ba talaga akong tantanan?" pagtataray ko.
"Ayaw!" sabi ni Renren na may diin. "Titigil lang ako kapag..." may dinukot siyang papel sa bulsa niya at binasa iyon, "...flat liner na ako." Mukhang hindi pa nga siya sigurado sa sinasabi niya at may kodigo pa ang mokong.
"Anong meaning nun?" tanong ko na may sarkastikong tingin.
"Flat liner... kapag... ano..." hindi niya na alam ang sunod na sasabihin.
"Kapag ano?" tanong ko.
"Hehe! Pinaliwanag na ito ni Ser Ramerez. Na-mental block lang ako. Ganito kasi ako kapag kausap ka," palusot niya.
Naasar ako kay Renren kaya tumayo ako sa kinauupuan, umalis at sinabing wag na wag niya akong susundan.
"Teka Bebe! Hindi mo ba tatanggapin itong santan ko? Matamis ito! Parang ikaw!" narinig ko pang sinabi niya.
"Iyo na iyang santan mo!" sigaw ko.
Nagpunta ako sa library pagkatapos para mag-aral. Habang nagbabasa, may narinig na lang akong nagsabi na,
"Hay... bagay talaga tayong dalawa."
Pag tingin ko, ang asungot na si Renren katapat ko na pala sa table. Nanlaki ang mga mata ko. "Di ba sabi ko wag mo akong susundan?"
"Labyu Bebe," sabi niya sabay nguso. Nandiri ako.
Nang mag-uwian, umeksena na naman si Renren. Palabas na ako ng classroom nang harangin niya ako.
"What?!" iritang tanong ko. Biglang naglabas si Renren ng pulang tela sa bag niya at inilatag iyon.
"Sige na, daan na sa red carpet, prinsisa ko," sabi niya. Nangantyaw ang mga kaklase namin.
"PRINSISA ka pala ni Renren e!" natatawang sabi ng isa.
"Magtatayo na ba kami ng Ren-Deb Fan's Club?" gatong naman ng isa pa.
"Shut up!" pagalit kong sinabi sabay alis. Ngiting-ngiti naman si Renren.
Hindi ko na ma-take ang nangyayaring ito. Araw-araw nakakatanggap din ako ng sulat kay Renren na iniipit niya sa locker ko. Aatakihin ako sa nerbyos kasi sumasagi sa isip kong death threat ang mga yun. May ilang beses ko nang iniwasan si Renren. Kulang na lang mag-disguise ako para di niya na ako masundan.
Isang gabing umuwi ako, habang naglalakad sa madilim na kalsada papunta sa bahay namin, nakaramdam ako na parang may sumusunod sa akin. Huminto ako saglit at nakiramdam sa paligid, pero sa ginawa kong paghinto, mas nakakuha pa pala ng tiyempo ang masamang loob at pinagtangkaan ako. Mula sa kung saan, sumulpot siya at tinutukan ako ng kutsilyo sa leeg.
"Akin na ang pera at cell phone mo!" sabi ng holdaper. Brusko ang pangangatawan nito at balbas-sarado. Ilalabas ko na sana ang wallet ko nang bigla na lang bumulagta ang holdaper at nang lumingon ako, nakita ko si Renren na may hawak na malaking bato.
"Renren?!" gulat na tanong ko. Sinundan niya na naman ako.
"Ligtas ka na, Bebe ko," sabi ni Renren sabay yakap sa akin.
"CUT!" sigaw ni Direk Mark Reyes. "Good take!" papuri niya.
Nagpalakpakan ang lahat ng nasa set. Nakahinga kami nang maluwag. Natapos ang taping noong araw na yun at tinanggalan na ng prosthetics si Arnie (na gumanap bilang Renren).
"Gwapo talaga ng boyfriend ko," isip ko. Nilapitan ako ni Arnie pagkatapos at pinunasan ang pawis ko.
i really like your entries. ang galing mong writer *clap clap* :D
ReplyDeletesalamat. salamat ^_^
ReplyDelete