--text message that I received from a schoolmate. (Taray! Nag-English ako!)
Love her, nag-iisa lang yan kahit ganyan iyan...
Kaninang umaga binulabog ang pagtulog ko ng malakas na ingay. Hindi pa sana ako magigising pero dahil sa pagkanta ng nanay ko e napabangon ako.
"Ano yun?" tanong ko sa kapatid kong babae na katabi ko sa higaan. Ang tinutukoy ko ay yung ingay. Nakahiga pa ako nun. Mula nang mag-summer e sa kuwarto na nila mama ako natutulog kasama ng mga kapatid kong mas bata sa akin, may aircon kasi.
"Si mama kumakanta, nagulat nga ako e. Kanina pa iyan," sagot ng kapatid ko. Kasunod nun ay ang panggagaya sa linya ni Bendita, "Weirdo!"
"Baliw-baliw!" komento ko naman. Bumangon ako sa higaan at bumaba.
"Tell me where did I go wrong!" narinig kong pagkanta ng nanay ko pagbaba ko ng hagdanan. Di naman ako magaling kumanta pero alam ko naman kung ang tao e nasa tono o wala, at kung ako ang tatanungin mo, siya yung pangalawa.
"Ang ingay, natutulog ako," sabi ko pagbaba ko.
Nasa harap ng computer ang nanay ko, naka-headset at patuloy sa pagkanta. Hindi siguro siya aware na ang lakas ng boses niya kasi naka-headset. Nang silipin ko, nanonood pala siya sa YouTube ng kanta ni Joey Albert.
Ganyan siya kapag umaga. Lagi kaming nauunahan niyan na mag-computer. Ganun kasi ang policy rito, kapag nauna ka magising, ikaw unang gagamit, at susundan na yun ng mga susunod pang magigising.
Dati apat lang kaming magkakapatid na nag-aaway-away kung sino ang mauuna sa paggamit ng computer. Gumawa pa nga yung nanay ko ng pakulo na bunutan daw, swerte naman ako kasi number 1 ang nabunot ko, tapos sinulat niya pa sa bond paper sabay dikit sa pader kung ano ang schedule namin. Pero mula nang gumawa si mama ng facebook account kakumpetensya na namin siya. Buti na lang nga at tuwing June to August lang namin nakakasama yung tatay ko kasi kapag umuuwi yun dito, sa kanya lang ang computer magdamag.
Dumiretso ako sa banyo matapos kong sitahin ang nanay ko sa pag-iingay niya at doon ay naghilamos ako. Ginamit ko yung Olay na facial wash ni mama, wala naman kasi akong sariling facial wash. Nagnanakaw lang ako, pati nga facial wash ng kuya ko ninanakaw ko. Tumigil lang ako nang basahin ko minsan, Nivea for Men ang nakalagay. Kadalasan naman kasi sabon talaga ang gamit ko.
Pag labas ko ng banyo e dumiretso ako sa kusina at tiningnan kung may almusal kahit malakas ang kutob kong wala naman. Pag tingin ko wala nga. Kabisado ko na si mama. Maaabutan mo siyang nagcocomputer kapag umaga. Click siya nang click sa farmville o kung anong farm ang meron sa facebook, samahan mo pa ng fishville, lahat ng fish, cafe world pati na scrabble. Pagkatapos dun pa lang siya magluluto ng almusal. Napagsabihan ko na siyang napapabayaan niya na yung mga gawain dito sa bahay. Aminado naman siya.
Bigla kong naalala na Mother's Day nga pala ngayong araw kaya binalikan ko si mama para batiin siya. "Happy mother's day!" sabi ko in a sing-song manner. Di siya tumugon, nakatingin pa rin siya sa computer. Inulit ko, "Happy mother's day!" Deadma pa rin, naka-headset e! Tapos bigla siyang kumanta,
"Ikaw lang ang mamahalin!"
"Bad trip to a! Makaakyat na nga lang," isip ko.
No comments:
Post a Comment