Dalawang buwan na pala ang lumipas mula nang mag-break kami ni Eric. Aaminin ko, masakit. Gabi-gabi umiiyak ako. Naaalala ko yung mga panahong magkasama kami, lalo na pag Sabado. Yun na lang kasi ang araw na puwede kaming lumabas gawa ng pareho kaming abala sa trabaho.
Dalawang taon din ang itinagal ng relasyon namin, kaya nga sobrang sakit marinig mula sa kanyang ayaw niya na sa akin kasi may iba na siyang mahal. Alam kong wala akong laban kasi magkasama sila sa trabaho. Iyon pa nga yung babaeng kinukuwento niya sa akin noon.
"Alam mo mhe, madalas akong ilibre ni Celine ng lunch. Nakakatipid nga ako e," may halong biro niyang sinabi sa akin noon... at ngayon sila na pala.
Habang nakahiga ako sa kama at nagmo-moment, iniisip ko yung mga masayang pagsasama namin. Naalala ko yung pamamasyal namin sa SM, paghiga sa damo ng Luneta, at higit sa lahat, ang pagkain namin ng hotdog.
Naging paborito ko lang naman yung hotdog mula nang bumili si Eric sa isang stand sa seaside ng MOA at sinubuan niya ako. Noong una naiilang ako, pero sa paglabas-labas namin, nasanay na rin ako. Ang sweet niya kasi pag sinusubuan niya ako ng binibili niyang hotdog on stick, minsan corndog, tapos pinupunasan niya yung bibig ko kapag nalagyan ng catsup o mayonnaise.
Nakahiga ako ngayon sa kama at umiiyak. Alam mo kung bakit? Kasi nakita ko si Eric. Sabado, pumunta ako sa seaside sa MOA at nagmuni-muni. Di inaasahang makikita ko siya roon. Paniguradong hindi niya ako napansin dahil sa dami ng tao. Nandoon siya sa lugar na madalas naming paglagian, kasa-kasama ang babaeng tinutukoy niyang si Celine na ipinalit niya sa akin. Alam kong siya yun kasi kasama siya ni Eric sa primary photo sa Facebook.
Nakita ko nga si Eric. Bumili siya ng hotdog on stick sa stand na binibilhan namin noon. Pagkatapos, tinabihan niya si Celine. Nalungkot ako at umalis na lang nang makita kong sinubuan niya si Celine ng hotdog... parang yung ginagawa niya sa akin noon. Nakita ko pa ang tawanan nila nang malagyan si Celine ng mayonnaise at pinahid ni Eric iyon ng panyo niya.
No comments:
Post a Comment