No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Thursday, October 7, 2010

Leigh

"Ano ba ang pakiramdam ng mawalan ng minamahal sa buhay? Masakit ba? Gaano kasakit?" tinanong ko kay Russel iyan noon nang pumanaw ang daddy niya. Hindi siya sumagot, pero sapat na ang pagluha niya para malaman kong sobrang bigat ng nararamdaman niya. At sa pagkawala niya, nahanap ko na rin ang kasagutan sa mga tanong ko.

--Leigh



Naaalala ko pa ang huling sandali na magkasama kami ni Russel tatlong taon na ang nakalilipas. Nasa hardin kami ng bahay nila. Nagmamasid ang mommy at kuya niya sa amin habang inaalalayan ko siyang maglakad sa damuhang madalas niyang apakan noon. Ilang sandali pa’y nagyaya na siyang umupo kasi ayaw niya nang maglakad, nahihirapan na raw siya.

“Tumingin ka sa mga bituin,” sabi niya nang makaupo kami; sa kaliwa siya, ako sa kanan. Mula pagkabata namin ay hilig niya nang tingnan ang mga bituin, tapos bigla-bigla na lang siyang tuturo sa kalangitan at sasabihin niya kung anong constellation ang nakikita niya mula sa mga bituing tinitingnan namin. Tangu lang naman ako nang tango, kunwari ay naiintindihan ko ang mga sinasabi niya.

Higit kong minahal ang masayang mukhang nakikita ko sa tuwing nagkukuwento siya tungkol sa mga bituin. Para kasing walang kapantay na saya ang lagi niyang nararamdaman. Ngunit ngayon, iba ang mukhang nakikita ko. Naiiyak na lang ako habang pinagmamasdan ko siya kasi alam kong kaunti na lang ang nalalabi niyang sandali rito sa mundo. Alam kong lubos na siyang pinahihirapan ng sakit niya… brain cancer. Yun ang isang bagay na hindi ko matanggap.

Maya-maya pa’y humilig siya sa kaliwang balikat ko. “Leigh,” pagtawag niya. “Hindi ko na kaya,” dugtong niya.

Napalunok ako nang marinig ko ang sinabi niya at naramdaman ko na lang na dumadaloy na ang mga luha sa pisngi ko. “Russel, huwag kang ganyan,” sabi ko. Pasinghot-singhot na ako. Mababaw kasi ang mga luha ko.

Umalis si Russel sa pagkakasandal sa balikat ko at mukhang naalarma. “Umiiyak ka ba?” tanong niya. Hindi ko na naitago yun dahil nagtuloy-tuloy na ang daloy ng mga luha ko. “Bakit ka... umiiyak?!” malaking tanong niya. Umiiling lang ako. “Huwag ka nang... umiyak,” sabi niya at nagawa niya pang pahirin ang mga luha ko. Pero habang dumadampi sa balat ko ang kamay niya, tila ayaw tumigil ng mga luha ko… kasi alam ng mga ito na ilang sandali na lang ay wala nang pupunas sa kanila kaya sinasamantala na nilang tumulo.

“Leigh, ano ba... wag kang ganyan,” sinabi niya sa akin… malumanay na pagkakasabi. Alam kong hirap na siya at pinipilit na lang na kumuha ng lakas. Sa pagkakataong iyon ay inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko, magkadikit ang aming mga ulo, magkatapat ang mga ilong, gayundin ang mga labi, at hinabilinan niya ako,

“Huwag kang magpabaya... sa sarili. Huwag kang mag-alala, palagi... din naman kitang... babantayan. Palagi…” sabi niya sa akin. Tahimik lang ako, pigil ang mga hikbi, at sa puntong iyon ay napaiyak na rin siya.

“Leigh…” pagtawag niya sa pangalan ko. “Mahal na... mahal kita,” bulong niya. Nagsimula na naman ang pagbuhos ng mga luha ko.

Sa huling sandali tinanong niya ako, “Puwede ba... kitang... maging girlfriend?” Hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob para itanong sa akin iyon noon kahit may pagkakataong nagpaparamdam siya ng pagtangi sa akin at kahit madalas ay pabiro siya kung magsabi ng “I love you.”

Pumayag ako kahit alam kong huli na ang lahat. Hiningian niya ako ng permiso para halikan ako, na hindi ko naman ipinagdamot.

“Dito ka lang... sa tabi ko.” Hinawakan niya nang mahigpit ang mga kamay ko. “Gusto ko pagpikit ko… mukha mo ang huling makikita ko… Gusto ko… ikaw ang pinakahuling tumatak sa alaala ko.”

Wala akong ibang magawa kundi ang umiyak. At pagkasabi niya nun… wala na. Tuluyan niya na akong iniwan.

“Russel! Russel…” tinatawag ko pa siya noon pero wala na. Masakit. Napakasakit. Niyakap ko na lang siya kahit alam kong hindi na na yun mararamdaman. Naging positibo na lang ako at inisip na mabuti na rin dahil natapos na ang mga paghihirap niya.

Pagkatapos, lumapit ang mommy niya sa amin kasunod ang kuya niyang doktor. “It’s ok, Leigh, it’s ok,” sabi ng mommy niya at hinagod nito ang likod ko.

Ayokong magpaalam kay Russel kasi alam kong nandiyan lang siya sa paligid at nangako siyang patuloy niya akong babantayan. At mula noon, ipinangako ko sa sarili kong wala na akong ibang mamahalin kundi si Russel lang… si Russel at ang kanyang mga alaala.

2 comments:

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly