“Kumusta ang first day?” tanong ni Joel kay Anjo.
“Masaya naman, kuya, marami na naman akong kaibigan,” tugon ni Anjo. Maganda na rin iyon. Kahit paano’y nakalimot siya sa multong kinatatakutan.
“A talaga? Mabuti kung ganoon,” sabi ni Joel. Masaya siya para sa kapatid. Naglakad na sila pauwi.
Dahil nabibigatan sa dala, si Joel na ang nagbitbit ng mga gamit ni Anjo. Narinig nilang may nagsalita mula sa likuran,
“Ang bait mo naman,” si Marie.
Nginitian ni Joel ang dalaga nang makita niya ito. “Ikaw pala,” sabi niya rito. “Sabay ka na sa amin,” alok niya.
Sandaling nag-isip si Marie, “Hmm.” Matapos ay pumayag na rin siya, “Sige.” Sinabayan niya ang magkapatid sa paglalakad.
Dahil masyadong tahimik si Marie, naisipan ni Joel na magbukas ng usapan. “Nakita kita kanina ha,” sabi niya.
“Saan?” tanong ni Marie.
“Sa school grounds,” sagot ni Joel. Sinabi rin niya kay Marie ang napansin niya, “Parang malungkot ka yata.”
“May iniisip lang siguro,” sabi ni Marie.
Nagpatuloy si Joel, “School mate pala kita. Anong section ka? Sino’ng adviser ninyo?”
Dahil hindi alam kung ano ang isasagot at dahil hindi na nagugustuhan ni Marie ang pagtatanong ni Joel, sinabihan niya ito ng, “Ang dami mo yatang tanong.”
Napahiya si Joel sa sinabi ni Marie. “Ay, hindi mo ba gustong tinatanong ka?”
“Hindi lang kasi ako sanay na nakikipag-usap sa mga tao,” sagot ni Marie.
Natawa si Joel sa sagot ng kausap, “Haha! Para namang hindi ka tao.”
“Hindi nga,” diretsong sagot ni Marie.
“Hindi ka tao?” pagtataka ni Joel.
“Dyosa kasi ako,” sagot ni Marie na may ngiti sa mga labi.
“Dyosa huh? Palabiro ka rin pala,” sabi ni Joel sa kanya. “Ano nga pala’ng pangalan mo?”
“Pangalan ko?” tanong ni Marie. Tumango si Joel. “Dyosa!” sagot niya.
“Haha! Pinanindigan mo na talaga iyan ha? O sige na nga, Dyosa na lang ang itatawag ko sa iyo.” Nagpakilala si Joel, “Ako nga pala si Joel,” sabay abot ng kanang kamay sa kausap para makipagkamay at pormal na magpakilala.
Huminto si Marie. Dahil doon ay napatigil din ang magkapatid na Joel at Anjo sa paglalakad. Tinitigan ni Marie ang kamay ni Joel, nag-aalinlangan na hawakan ito, tapos ay tumingin siya sa mukha ng binata.
“May problema ba?” tanong ni Joel.
Biglang-bigla na lang nagbago ang reaksyon ng mukha ni Marie, naalerto, at bakas sa mukha nito ang pag-aalala.
“Bakit?” tanong muli ni Joel. Walang anu-ano’y bigla na lang tumakbo si Marie. “Uy teka, Dyosa! Saan ka pupunta?” tanong ni Joel kay Marie. Naguluhan naman ang batang si Anjo sa ikinilos ng kanilang kasama.
“Bilis!” sabi ni Marie sa magkapatid. Sinundan naman siya ng mga ito.
“Saan tayo pupunta, kuya?” hinihingal na tanong ni Anjo kay Joel.
“Mukhang daan pauwi,” sagot ni Joel.
Pagdating nila sa Vizcarra, sa Kalye Remedios mismo, nakakita sila ng kumpol ng tao.
“Anong meron, kuya?” tanong ni Anjo sa kapatid.
“Hindi ko alam,” sagot ni Joel, naguguluhan sa mga nangyayari, nagtatanong sa sarili kung bakit may taong nagtitipon-tipon.
Nakiusyoso sina Joel at Anjo, pilit na tiningnan kung ano ba ang pinagkakaguluhan ng mga tao. Narinig nilang naghihinagpis ang isang ina,
“Joselito! Diyos ko! Ang anak ko!”
Nagulat si Anjo sa nasilip. Kilala niya si Joselito. Kasama niya itong naglalaro ng tagu-taguan. Wala nang buhay ang batang si Joselito. May mantsa ng dugo ang damit nito. Lumayo na ang magkapatid sa pinangyarihan. Patuloy rin sa pagdami ang mga taong nakikiusyoso. May dumating nang ambulansya para dalhin ang katawan ng batang musmos.
“Isa na namang biktima,” si Marie. Nagulat ang magkapatid sa bigla na lang pagsulpot nito sa likuran nila. “Hindi mo alam kung kailan siya aatake, hindi mo alam kung sino ang sunod niyang ihuhulog sa bangin.”
“Hindi malayong isa sa amin ang isunod niya, di ba?” tanong ni Joel kay Marie.
“Uubusin niya ang lahat ng bata rito, hanggang sa wala nang matira,” sabi ni Marie.
“Bakit ba niya ginagawa yun?” nakakunot-noong tanong ni Joel.
“Sinabi ko na sa iyo, gusto niya ng kalaro. Kaya bantayan mong maiigi si Anjo,” bilin ni Marie kay Joel. Tiningnan ni Joel ang takot na mukha ng kanyang kapatid.
Sumapit ang gabi. Hindi makatulog nang maayos sina Joel at Anjo. Pareho silang naglilikot sa higaan. Natatakot silang isa sa kanila ang susunod na magiging biktima.
“Ano ba naman itong nalipatang nating lugar,” sabi ni Joel sa kapatid. Mukhang may pagsisisi. Tahimik lang naman si Anjo. “Anjo,” pagtawag ni Joel sa kapatid.
“Bakit, kuya?” tanong ni Anjo.
“Walang iwanan ha,” sabi ni Joel.
“Wala,” tugon ni Anjo.
Yumakap si Anjo sa kuya niya at di niya namalayang nakatulog na pala siya. Sa kanyang panaginip, nakaririnig siya ng mga batang nagtatawanan.
“Taya! Taya! Si Alvin ang taya!” malinaw niyang naririnig ang halakhak ng mga ito sa panaginip niya.
“Ang daya ninyo, ako na naman ang taya!” angal ng batang si Alvin, nasa gulang na sampu.
“A basta, ikaw uli!” sabi ng isa nilang kalaro.
Walang nakikita si Anjo sa panaginip niya kundi puro kadiliman, pero malinaw niyang naririnig ang bawat sinasabi ng mga tauhan sa panaginip niya. Nagbago ang takbo ng istorya. Ibang eksena naman ang sumunod.
“O ano? Nandoon ka na naman sa lalaki mo?” sigaw ng isang lalaki. Nagagalit ito sa kanyang kausap.
“Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na wala akong lalaki, Berto?” sagot naman ng isang babae. Pigil ang salita niya dahil sa nakalapat na kamay ni Berto sa leeg niya.
“Sinungaling!” paratang ni Berto. “Nandoon ka na naman sa lalaki mo kaya gabing-gabi ka na umuuwi!”
“Utang na loob, Berto. Naghahanap-buhay ako nang matino!” paliwanag ng babae. Pilit na kumakawala sa mga kamay ni Berto.
Tunog ng bumukas na pinto ang sunod na narinig ni Anjo. Wala siyang nakikita. Naririnig lang niya nang malinaw ang bawat detalye. Pumasok ang batang si Alvin sa kanilang bahay at naalerto sa nasaksihan.
“Itay! Tama na po! Bitiwan ninyo po si Inay!” pakiusap ng bata.
“Inuutusan mo ako?” galit na tanong ni Berto.
“Nasasaktan na po siya, tama na po,” pag-awat ni Alvin.
“O sige, ikaw naman ang masasaktan ngayon!” pananakot ni Berto sa anak. “Alam mo, isa ka pa e! Wala ka nang ibang ginawa kundi maglaro nang maglaro sa labas! Wala kang silbi!” dumadagundong ang boses ni Berto. Dinig ito hanggang sa labas ng bahay.
Sunod na narinig ang isang kalabog. Itinapon ni Berto ang asawa at humampas ito sa pader. Sunod niyang napagbalingan ang anak.
“Peste kang bata ka!” sigaw ni Berto. Pinagbuhatan nito ng kamay ang anak.
“Aray ko po! Itay, tama na po!” hiyaw ni Alvin. Umalingawngaw sa kaloob-looban ni Anjo ang taghoy ng bata.
“Tama na po, Itay! Nasasaktan ako!” sigaw ni Anjo. “Itay, maawa na po kayo!” sigaw niyang muli. Nagpupumiglas si Anjo, naglilikot sa pagtulog. Ang pagsuntok niya sa mukha ni Joel ang nakapagpagising dito.
“Aray!” sambit ni Joel. Bumangon siya nang makitang nagwawala ang kanyang kapatid. “Anjo! Uy, Anjo!” pilit niyang inaawat ang nagwawalang kapatid. “Tama na!!!” sa pag-awat niyang iyon ay nagising ang kapatid niya. Nakahinga na nang maluwag si Joel. Tila wala namang kamalayan si Anjo sa mga nangyari.
Sa labas ng bahay nag-usap ang magkapatid.
“Ano na naman bang napanaginipan mo?” tanong ni Joel.
“Hindi ko matandaan,” sagot ni Anjo.
“Hindi mo matandaan? Alalahanin mo,” pakiusap ni Joel sa kapatid.
“Hindi ko matandaan, kuya,” sagot muli ni Anjo, umiiling.
“Sumisigaw ka kanina,” sabi ni Joel.
“Hindi ko alam yun,” sagot pa ni Anjo.
“Wala ka talagang maalala?” tanong ni Joel.
“Wala. Wala akong matandaan, kuya,” huling sabi ni Anjo. Kahit anong pilit niyang alalahanin ang panaginip niya ay hindi niya matandaan.
“Isa bang panaginip?” isang boses.
Nagulat ang magkapatid nang makita si Marie.
“Ano ka ba? Bakit bigla ka na lang sumusulpot?” tanong ni Joel kay Marie. Nakahawak siya sa kanyang dibdib, tila ninerbyos.
“Kanina pa ako nandito. Busy kasi kayong nag-uusap,” sabi ni Marie sa dalawa. Nilapitan niya si Anjo. “Hindi mo na ba maalala ang panaginip mo?” tanong niya rito.
“Hindi ko maalala ate e,” sagot ni Anjo habang nakatitig sa mga mata ni Marie.
“Sige,” sabi ni Marie. Pinagsabihan niya si Joel, “Joel, huwag mo nang pilitin na alalahanin pa ng kapatid mo ang panaginip niya kung hindi niya na matandaan. Baka sa mga susunod na araw, masabi niya rin sa iyo kung ano ba ang napanaginipan niya.”
“A, o sige,” pagpayag ni Joel.
Nang umalis si Marie, siniko ni Anjo ang kapatid niya. “Hindi ka ba nagtataka sa mga ikinikilos niya, kuya?” tanong niya rito.
“Minsan, oo. Napaka misteryosa niya kasi,” sagot ni Joel.
“Hindi mo ba nakita yung mga mata niya? Parang walang emosyon,” sabi ni Anjo.
“Alam mo, imbis na i-tsismis mo si Dyosa, alalahanin mo na lang yung napanaginipan mo,” sabi naman ni Joel. Natapos na ang kanilang usapan.
Sa paaralan. Habang naglalakad sa school grounds, nakita ni Joel na pasunod-sunod si Marie sa kaklase niyang si Mon. Siya naman ay hindi nagpahalata at sinundan ang dalawa. Tinitingnan ni Joel sina Marie at Mon habang naglalakad. Hindi maintindihan ni Joel kung bakit kanina pa salita nang salita si Marie at mukhang kinakausap si Mon, pero hindi naman ito pinapansin ng binata. Tumigil si Marie sa pagsunod kay Mon, sumuko gawa nang hindi naman siya pinapansin ng kausap. Si Joel naman ay napahinto nang tumigil si Marie sa pagsunod kay Mon. At si Mon, dahil naramdamang may sumusunod sa kanya, ay napalingon at nakita si Joel.
“Uy Joel,” tawag ni Mon kay Joel.
“O?” ang lumabas sa bibig ni Joel.
“Kanina mo pa ba ako sinusundan?” tanong ni Mon.
“Huh? Hindi,” tanggi naman ni Joel. “Bakit?”
Umiling si Mon at nilapitan si Joel, “Para kasing kanina pa may sunod nang sunod sa akin.”
“Meron nga,” sagot ni Joel.
“Meron?!” gulat na tanong ni Mon.
“Kanina pa may sumusunod na babae sa iyo pero hindi mo naman siya pinapansin,” sagot muli ni Joel.
“Babae? Sino?” tanong ni Mon.
Gusto sanang sabihin ni Joel na si Dyosa ang sumusunod kay Mon. Gusto niyang ituro ito pero hindi niya na ito nakita sa paligid.
“Nawala na e,” sabi ni Joel kay Mon.
“Sino kaya yun?” tanong ni Mon. Napataas-balikat na lang si Joel, nagkunwaring hindi niya alam kung sino ang babaeng sumusunod dito.
Dahil sa tawag ng kalikasan, nagpaalam muna si Joel kay Mon, “Mon, CR lang ako.”
“O sige,” tugon naman ni Mon. “Kita na lang tayo sa classroom.”
Naghiwalay na ang dalawa. Tinungo ni Joel ang CR at nang matapos ay lumabas na rin naman siya. Saktong paglabas niya ng pintuan, nakatawag ng kanyang pansin ang narinig niyang paghikbi. Sinundan niya ang paghikbing narinig at dinala siya ng boses sa isang makipot na hagdanan. Mukhang isang fire exit. Nakita niya ang babaeng umiiyak. Nakatakip ang mga kamay nito sa mukha.
“Dyosa, ikaw ba iyan?” tanong ni Joel. Napatingin sa kanya si Marie at nang makita niya si Joel ay pinahid niya ang kanyang mga luha. Nilapitan ni Joel si Marie. “Anong problema?” tanong niya muli rito.
“Si Mon. . .” sagot ni Marie. “Nagbago na siya.” Nagulat naman si Joel sa naging sagot ni Marie. “Maayos naman kami noong una pero. . . nagbago na siya.”
Tahimik lang si Joel. Hindi siya makapaniwala na may pagtingin pala si Dyosa kay Mon.
Nagbuntong-hininga si Marie. “Di bale na nga. Marami namang lalaki riyan, di ba?” tanong nito sa kanya.
“Oo naman,” tanging nasabi ni Joel. Di niya namalayang nakatingin lang pala siya kay Marie mula nang tumayo ito hanggang sa iwan siyang mag-isa sa makipot na hagdanang iyon.
No comments:
Post a Comment