May batang patakbo-takbo.
Psst.
Psst.
At tinatawag si Anjo.
Anjo!
Psst.
Anjo!
Hinahanap ni Anjo kung saan nagmumula ang boses ng tumatawag sa kanya. Sa makapal na hamog ay nabuo ang pigura ng isang bata pero hindi malinaw kay Anjo ang mukha nito.
“Laro tayo,” pagyakag nito.
Dahan-dahang umiling si Anjo, “Ayoko.” Pero wala na siyang nagawa nang kumanta na ang bata.
“Tagu-taguan maliwanag ang buwan. Wala sa likod, wala sa harap.”
Tila naghahamon pa ito nang sabihin nito ang, “Nakatago ka na ba?” Pinagmamasdan lang ni Anjo ang malabong mukha ng bata. Kasabay nun ay ang nakakalokong pagngiti nito, “Nakikita pa rin kita.”
“Anjo, gising!” isang boses.
“Huhu huhu. Huhuhuhu,” hagulgol ni Anjo habang natutulog.
“Uy! Anjo!!!” paggising ni Joel sa kapatid.
Nagising si Anjo sa hampas ng unan na naramdaman niya. “Kuuuyaaa!” umiiyak niyang sinabi nang siya’y magising.
“Binabangungot ka,” sabi ni Joel habang inaalo ang kapatid.
“Nakakatakot,” pagpapatuloy ni Anjo.
“Ano bang napanaginipan mo?” nag-aalalang tanong ni Joel.
“Yung bata. . .” sagot ni Anjo.
“Joeeeel, gisingin mo na iyang kapatid mo. Kakain na!” ang pagtawag na narinig ni Joel galing kay Lydia. Mag-aagahan na sila.
Sinabihan ni Joel ang kapatid, “O, huwag ka nang umiyak. Baka tanungin pa tayo ni mama kung anong nangyari.”
Matapos pahirin ni Anjo ang mga luha ay lumabas na ang magkapatid sa silid nila. Naghilamos muna si Anjo. Nang lumabas na siya ng banyo e sumunod naman si Joel. Matapos maghilamos ni Anjo ay pumuwesto na siya sa mesa. Matamlay ang gising ng bata.
Si Joel naman ay nagsipilyo na muna ng ngipin. Ganito ang gawi niya pag umaga. Kinuskos niya ang mga ngipin niya pababa, pataas at paloob. Kinuskos niya rin ang mga bagang at ang kanyang dila. Nagmumog na siya at pagbuga niya sa iminumog na tubig na nanggaling sa babasaging baso, laking pagtataka niya nang puro dugo ang lumabas.
Tiningnan niya ang kanyang baso at laking pagkagulat niya nang makitang purong dugo, pulang-pula ang kulay, ang laman ng baso niya. Dahil sa pagkagulat ay nabitawan niya ang baso na naging sanhi ng pagkabasag nito, na siya namang nagpa-alerto sa mga tao sa hapag-kainan. Pagbagsak naman ng baso ay tubig lang ang laman.
Nanghinayang si Lydia nang makita ang basong nabasag ng anak. “Joel, kakaunti na nga lang ang baso natin, babasagin mo pa.”
“S-s-sorry po, mama. Dumulas po kasi sa kamay ko,” pagsisinungaling ni Joel. Akmang pupulutin na niya ang pirasong bubog nang pigilan siya ni Lydia,
“O! Wag mo nang pulutin! Mabububog ka pa niyan sa ginagawa mo e!”
“Sorry po uli,” sablay na naman si Joel.
“Sige na, lumabas ka na riyan at kumain ng almusal. Ako na ang maglilinis niyang nabasag mo,” sabi ni Lydia sa anak.
Matapos linisin ang bubog ay dumulog na rin si Lydia sa mesa. Habang kumakain ay napag-usapan ng pamilya ang tungkol sa lilipatang pampublikong paaralan ng magkapatid.
“Napa-enroll na namin kayo,” pagbibida ni Ernie sa mga anak. “Kung di sasama ang loob ninyo, lakarin ninyo na lang tutal e malapit na lang naman.”
Nagkakatinginan ang magkapatid at sa mga titig nila e parang nagtatanungan sila ng, “Ano, maglalakad na lang ba tayo?” Nasanay kasi silang hatid-sundo ng school service, pero dahil sa iba na ngayon ang sitwasyon, wala silang ibang magagawa kundi ang sumunod sa bawat sabihin ng kanilang mga magulang.
“Sige po, papa, lalakarin na lang namin,” tugon ni Joel. Si Anjo naman ay naging masunurin din.
Sumapit na ang gabi. May dalawang baranggay tanod na nag-uusap sa kanilang poste.
“Sira na naman yung bakod?” tanong ng una.
“Sira na naman,” sagot ng ikalawa.
“Gabi-gabi na lang ganyan, nakakapagod na. Ni hindi mo malaman kung magnanakaw o mabangis na hayop ba ang may pakana,” sabi ng una.
“Hindi ba matagal nang usap-usapan na yung bata nga raw ang may kagagawan niyan,” sabi ng ikalawa.
Umasim ang mukha ng unang tanod, “Naniwala ka naman dun?”
“Pare, sino bang hindi maniniwala dun? Alalahanin mo, mula noon hanggang ngayon binabakuran na yang bangin na yan,” sabi ng ikalawang tanod.
“Oo, alam ko,” tugon ng una.
Nagsalita ang ikalawang tanod, “Ang hindi ko lang maintindihan, matibay na materyales na nga ang ginamit dun nung nagbakod noong nakaraan, anong nangyari? Nasira pa rin! Ang hirap palang kalabanin ng masamang espiritu.”
Sandaling nagkaroon ng katahimikan. Umiling ang unang tanod at nagbigay ng negatibong pananaw, “Palibhasa kasi na-brain wash na kayo ng mga kuwento na yung batang multo nga ang sumisira sa bakod at pumapatay sa mga bata rito sa Vizcarra.”
“Pare, hindi ka pa rin ba naniniwala? Hindi yun basta-basta kuwento. Hindi pa ba sapat sa iyong nawala na yung anak ni Pia na pamangkin mo? Na nahulog siya sa bangin at namatay? Wala man lang nakakita kung anong nangyari. Punung-puno ng kababalaghan ang Kalye Remedios kaya walang gustong magbantay riyan e! Isa pa, pare, matagal nang sinasabi ng pamangkin mo sa iyong may multo ngang pumapatay sa mga bata rito, hindi ka lang kasi naniniwala.”
“Tama na,” sabi ng unang tanod. “Oo, hindi ko siya pinaniwalaan. Inaamin ko, kasalanan ko kung bakit siya nawala kasi hindi ko siya nabantayan.” Natapos na ang kanilang usapan.
Sa tahanan naman nina Joel ay naghahanda na ng gamit pang-eskwela ang magkapatid.
“Excited ka na bang pumasok, Anjo?” tanong ni Joel. Tipid na ngiti lang ang itinugon ni Anjo.
“Joel, ibili mo nga ako ng sigarilyo,” utos ni Ernie sa anak. Nag-alinlangan pa si Joel na sumunod sa inutos ng ama. Paano kasi, matagal na ring nagtatalo sina Ernie at Lydia sa bisyong iyon. “Sige na, minsan lang naman,” pakiusap ni Ernie. Sumunod na lang si Joel sa utos.
“Kuya, sama ako,” sabi ni Anjo. Isinama naman siya ni Joel palabas.
Nang nasa labas na sila at naglalakad, hindi maiwasang mapag-usapan na naman nila yung batang nakita nila.
“Natatakot ka ba sa kanya?” tanong ni Joel kay Anjo. Tumango si Anjo. Nagpatuloy si Joel, “Hindi ko alam kung ano ang gusto niya, hindi ko maintindihan kung bakit siya nagpapakita sa atin.”
Nakarinig ang magkapatid ng taong nagsalita, “Dahil gusto niya kayong kalaro.” Nang hanapin nila kung saan nanggagaling ang boses, nakita nila si Marie na nakatayo malapit sa isang kotse. “Gusto niya kayong kalaro,” ulit ni Marie. “Dahil malungkot siya,” pagpapatuloy niya. Pagkatapos sabihin iyon ay naglakad na palayo si Marie.
“Napaka weird talaga ng babaeng iyon. . .” isip ni Joel.
Nang sumapit na ang araw ng Lunes ay handa nang pumasok ang magkapatid sa paaralan. Plantsadong-plantsado ang kanilang uniporme. Kumpleto pa rin naman ang kanilang mga gamit pamasok. Nariyan pa rin ang bag na madalas nilang gamitin. Sa magkaiba ngunit magkatabing paaralan mag-aaral ang magkapatid. Magkaibang gusali kasi ang pampublikong paaralan ng elementary at high school, di gaya ng dati nilang paaralan na magkakasama ang grade school, high school at college. Si Lydia ang naghatid sa mga bata sa paaralan. Di rin niya nalimutang bilinan si Joel na daanan ang nakababatang kapatid pagkatapos ng klase.
Nang nasa silid-aralan na si Joel, ramdam niyang pinagtitinginan siya ng mga kaklase niya. Palibhasa kasi bagong mukha saka may hitsura rin naman kasi siya. Nang magsimula ang klase, tinawag ng guro si Joel para magsalita at ipakilala ang sarili. May ilang nagbulungan nang magpunta na siya sa harapan.
“I am Joel Salazar. I am a new student from St. Francis College. I am a residing at Numero 11 (Onse) Kalye Remedios, Vizcarra.”
Isang babae ang biglang tumayo nang sabihin niya ang lugar na tinitirhan niya. “Teka, taga Kalye Remedios ka?” tanong nito kay Joel.
Ilang segundo rin ang itinagal bago makapagsalita si Joel, “A, oo.” Pagkasagot niya ay bigla na lang humagulgol ang babae sa di malamang kadahilanan.
“Ayan na naman siya. Umiiyak na naman,” sabi ng kaklase nilang lalaki.
“Ok, Joel, you may take your seat,” alok ng guro nila. Umupo na si Joel at pinagmasdan ang babaeng umiiyak.
Nang mag-recess, kasalo ni Joel na kumain yung kaklase nilang lalaki na nagsabing, ‘Ayan na naman siya. Umiiyak na naman.’
“Pagpasensyahan mo na nga pala si Nina, ganun lang talaga siya. Madalas na siyang nagiging iyakin ngayon,” paumanhin ng kaklaseng lalaki na ang pangalan ay Raymond, o mas kilala sa tawag na Mon.
“May problema ba siya kaya siya ganun?” tanong ni Joel.
“Nagsimula yun nung mamatay yung bestfriend niya, na gf ko, last year lang,” sagot ni Mon.
“Gf mo? Sorry,” sabi ni Joel.
“Nahulog kasi siya sa bangin e! Patay na siya nang makita. Tumama yung ulo niya sa malaking bato. Sa Kalye Remedios nangyari yun, doon rin nakatira yung gf ko kaya ganun na lang ang iyak ni Nina nung sinabi mong sa Kalye Remedios ka rin nakatira,” kuwento ni Mon, tila naiiyak pa habang nagsasalaysay. “Dulong lugar ng Vizcarra ang Kalye Remedios, di ba?” tanong niya.
“Oo,” sagot ni Joel.
“Sa dulo ng Kalye Remedios, may bangin, tama?” tanong muli ni Mon.
“Hindi ko pa nakikita yung sinasabi mong bangin. Bagong lipat lang kasi kami―”
“A kaya pala,” sabad ni Mon.
“―pero may nakapagsabi na nga sa aking may bangin doon,” sagot ni Joel.
Nagpatuloy si Mon sa kanyang kuwento, “Doon siya nahulog. Restricted place na yun, nilagyan na rin nga ng bakod yun, hindi ko alam kung bakit doon siya natagpuan. Ang kataka-taka pa, ang sabi nila, laging may sumisira sa bakod at noong namatay yung gf ko, wasak na wasak yung bakod. Hindi naman sa tinatakot kita pero marami nang nawalang bata sa Vizcarra. Yung iba, hindi na nakita, yung iba naman, kung sakaling makita pa, patay na at doon lagi natatagpuan sa bangin.”
Natakot si Joel sa mga narinig niya mula kay Mon.
“Kaya ikaw, Joel, mag-iingat ka. Delikado sa Kalye Remedios,” si Nina. Sumulpot na lang bigla. “Baka matulad ka rin sa sinapit ni Marie.”
“Uy, Nina, huwag ka ngang ganyan!” saway ni Mon sa kaibigan.
“Marie?” tanong ni Joel.
Nang mabanggit ang pangalan ni Marie ay biglang humangin ng malakas. Sinubukang iiwas ni Joel ang mukha niya para makaligtas sa mga lumilipad na alikabok. Nang matapat ang kanyang paningin sa gawing kanan, nakita niya sa malayo ang kapit-bahay nilang tinawag niyang “weird”. Nakita niyang nakatayo si Marie at nakatingin sa kanila na may malungkot na mukha. Sa kabila noon ay nabighani siya sa mahabang buhok nitong inililipad ng hangin.
No comments:
Post a Comment