“Maibaaaaaaaaaaaa taya!” sabay sabay nilang pagwika. Mukhang naging ritwal na nila ito gabi-gabi. Isang batang lalaking nagngangalang Anjo, nasa gulang na sampu, ang naging biktima ng laro. Napakamot siya ng ulo.
“Ako na naman? Kagabi ako na ang taya ha?” pag-angal niya.
Tawanan lang ang itinugon ng kanyang mga kalaro. Kakamot-kamot-ulong lumapit si Anjo sa isang nangangalawang na poste. Doon ay ikinurus niya ang kanyang mga braso at idinampi ang mukha, partikular na ang mga mata, sa naka-krus na braso at pakantang nag-usal ng mga salitang tila ritwal na.
“Taguuu-taguan maliwanag ang buwan.”
Kumaripas ng takbo ang kanyang mga kalaro. Karamihan ay mga batang babae at may ilang batang lalaki, may mga uhugin at ang iba’y walang tsinelas. Mayroon din namang isang batang lalaking nakisali sa laro na hindi napansin ng iba. Kanina pa siya pasilip-silip at nakatago sa likod ng isang puno.
“Walaaaaa sa likod, walaaaaa sa harap.”
May ilang nagtago sa puno, ang iba nga’y umakyat pa. May ilang sa ilalim ng kotseng nakaparada isiniksik ang maliit na katawan. Nagpatuloy si Anjo sa pagkanta. Natutukso pa ngang manilip.
“Pagbilang ko’ng tatlo nakatago na kayo.”
Nagbubungisngisan ang mga batang nakatago sa kani-kanilang puwesto. Nagbilang na si Anjo.
“Isa.”
“Dalawa.”
“Tatlo!” sigaw ng isang pamilyar na boses.
Napahiwalay si Anjo sa poste nang marinig ang boses ng nakatatanda niyang kapatid, si Joel, nasa gulang na labinlima.
“Ano? Hindi ka pa uuwi?” itinanong nito.
“Naglalaro pa kami e!” dahilan ni Anjo, maasim ang mukha.
“Alas nuebe na, uy,” matigas na sabi ni Joel. “Gusto mong hulihin ka ng mga tanod?” tanong niya sa kapatid. “Gabi na,” dagdag pa niya.
Kani-kaniyang labas sa pinagtataguang lungga ang mga batang kalaro ni Anjo. Nagkumpol-kumpol ang mga iyon at lumapit sa magkapatid. Tiningnan sila isa-isa ni Joel.
“Uuwi na kami. Umuwi na rin kayo,” sabi niya sa mga ito. Naglakad naman papalayo ang mga bata at nagsiuwian na sa kanilang mga bahay-bahay matapos sabihing si Anjo pa rin ang taya bukas ng gabi.
Magkasunurang naglakad ang magkapatid. Tila may pagtatampo pa si Anjo dahil sa naudlot na laro. Pagdating sa bahay ay agad na pinapunta ni Joel si Anjo sa banyo.
“Maglinis ka nga ng katawan. Ang dumi-dumi mo!” Sinunod naman ni Anjo ang sinabi ng kapatid.
Apat na araw na ang nakalilipas mula nang dumating ang kanilang pamilya sa lugar na kung tawagin ay Vizcarra. Kapansin-pansin naman dahil wala pa sa ayos ang iba nilang gamit. Bumagsak ang kabuhayan ng pamilya nina Joel dahil sa pagkalugi sa negosyo. Napilitan tuloy silang manirahan sa mas maliit na bahay. Ang iba sa mga pag-aari nila ay nailit. May mga natira pa namang gamit. Mag-aaral na rin ang magkapatid sa pampublikong paaralan.
Sa kasalukuyan, abalang nag-aayos ng gamit ang kanilang ama. Sa katunayan nga ay katulong si Joel sa pag-aayos bago pa siya lumabas ng bahay upang tawagin si Anjo. Ang kanila namang ina ay nagluluto pa lang ng hapunan.
Umupo si Joel sa sofang nakapuwesto malapit sa pinto at nagbasa ng pahayagan. May kalumaan na ang pahayagan. Nadatnan nila iyon doong pakalat-kalat nang lumipat sila. Nakatawag ng kanyang pansin ang isang kuhang nagpapakita ng mga taong umiiyak, babae at lalaki, na sa palagay niya ay mag-asawa. Binasa niya ang nilalaman. Ang dahilan ng hinagpis ng mag-asawa ay ang pagkamatay ng kanilang anak. Ipinakita ang lugar ng pinangyarihan. Sa isang bangin nahulog ang isang batang lalaki. Pagkabagok ng ulo ang naging sanhi ng pagkamatay ng batang nasa gulang na sampu. Kakatwa dahil kahit na malayo ang kuha ng mga litrato at hindi niya maaninag kung sino ang mga iyon, pakiramdam ni Joel ay pamilyar ang mga taong nasa litrato. Hindi pa siya natatapos sa pagbabasa nang marinig niyang nagsalita ang kapatid niya,
“Kuya, may tao sa labas.”
Napatingin agad si Joel sa pintuan ngunit wala naman siyang nakita sa screen na pinto.
“May tao?” tanong niya kay Anjo na mukhang kanina pa nakalabas ng banyo at malinis nang tingnan.
“Nakita ko e! May bata. Sumisilip,” sagot ni Anjo.
Ibinaba ni Joel ang binabasang pahayagan at lumapit sa pintuan. Habang naglalakad ay tinanong niya ang kapatid,
“Babae o lalaki?”
“Lalaki,” sagot ni Anjo.
Binuksan ni Joel ang screen at tiningnan kung may tao nga ba sa labas. Wala naman siyang nakita kundi isang pusang itim. Bumalik na si Joel at sinabi kay Anjo,
“Wala namang tao. Pusa lang.”
“A, baka umalis na. Kanina pa kasi siya nakatingin sa iyo, kuya.”
“Talaga? Kanina pa?” pagtataka ni Joel.
“Nakatingin sa iyo e! Nung nagbabasa ka,” sabi ni Anjo.
“Baka kalaro mo?”
“Hindi,” agad na sagot ni Anjo. “Ok,” naman ang naging tugon ni Joel. Nagtungo na si Anjo sa silid nila para magbihis. Magkasalo sina Anjo at Joel sa iisang silid-tulugan, di tulad noon na magkahiwalay sila ng lugar na pinagpapahingahan.
Nang matapos si Anjo ay sabay-sabay silang dumulog sa mesa at pinagsaluhan ang masarap na putaheng inihanda ni Lydia, ng kanilang ina. Magkatabi ang magkapatid sa mesa. Masarap ang kanilang kuwentuhan. Naputol ang kanilang tawanan nang may mapansin si Anjo. Sinabihan niya si Joel,
“Kuya, ayun na naman yung bata,” sabay turo sa pintuan.
Nang tumingin naman si Joel ay wala siyang nakita. Napatingin ang mga magulang nila at wala ring nakita.
“Wala naman, Anjo,” sabi ni Joel.
“Ano ba yun, Anjo?” tanong ni Ernie, ang kanilang ama.
“May bata po kasi e,” sagot ni Anjo.
“Sabi mo, di ba, yun yung bata kanina?” paglilinaw ni Joel.
“Oo, kuya. Nakatingin sa atin e,” sagot ni Anjo.
Itinigil pansamantala ni Joel ang kanyang pagkain, tumayo sa kinauupuan at tumingin na naman sa labas. Wala siyang ibang nakita kundi yung itim na pusang nakita niya kanina. Mukhang hindi umalis sa puwesto.
“Shooooooo! Shoooo!” pagbugaw ni Joel sa pusa. Matapos niya itong mapaalis ay isinara niya ang screen, maging ang kahoy na pinto ng kanilang bahay.
No comments:
Post a Comment