Nakaranas ako ng trapik sa daan dahil sa lintik na inaayos na tulay diyan sa Las Pinas, na siyang dinadaanan ko. Matapos ang dalawang buwan e natapos yung kaliwang bahagi ng tulay, ang tinira naman ngayon ay yung sa kanan. Ang kadalasang paghiling ko sa utak ko na sana ay may masakyan akong FX ay hindi natupad, bagkus ay nag-bus na lang ako pagpunta sa eskwelahan.
Araw ng Sabado, alas otso na. Alas nuebe ang klase ko. May review kami ngayon (para sa LET) at may quiz din pagkatapos. Late na ako! Bahala na. May pumapasok din kaya ng alas diyes. Nasita nga yung estudyante na yun nung nakaraan.
Maya-maya ay nagtext sa akin ang kaklase kong lalaki minsan (hehe!), wala na raw pasok. WALA NA DAW PASOK.
"Bakit?" tanong ko.
"Baha kasi sa Manila," sagot niya.
Baha? Umulan? E hindi ko nga naramdaman yung pag-ulan rito sa Cavite, kahit na sa Las Pinas.
"Malalaman mo pagdating mo rito," sabi ng kaklase ko. Sabi niya rin ay magkita pa rin kami sa Manila, para nga sa turo namin ngayon sa mga out-of-school youth.
Bumaba ako sa Gil Puyat at nag LRT papuntang Central Station. Pagdating ko ng Manila, nagulat ako sa nakita ko. Baha. BAHANG-BAHA. Hindi ko alam kung ano ang nangyari kung ba't bumaha ng ganun. Nakita ko rin ang ilang schoolmates nang makababa ako ng LRT.
"Pinaparusahan na tayo ng Diyos," sabi ng kaibigan/schoolmate ko na kasapi sa ikatlong kasarian.
Para makarating sa eskwelahan kahit wala nang pasok, nag cutting trip kami, nataga tuloy sa pamasahe. Dadaanan pa kasi namin yung kaklase kong nagtext sakin na walang pasok, na nabanggit ko kanina. Sabi niya kasi magkita kami sa simbahan ng San Sebastian.
Binabaha naman talaga ang Manila pero mas grabe ang pagbaha ngayon. Kung makikita mo lang sana ang paligid. Kung nandun ka lang nung mga panahong yun. Tinext ko na yung kaklase ko na nasa San Sebastian na ako.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating na siya at nagbahagi ng sentimiyento.
"Lumusong ako sa baha," sabi niya. Maya-maya'y naiyak, "Huhu! Ang kati ng paa ko. May alcohol ka ba?"
"Wala akong alcohol," tugon ko sabay tawa.
Sa Kuliglig. 2 in 1 (pedicab na may motor) BAHANG-BAHA.
No comments:
Post a Comment