Ibang klase! Apat na araw pa lang silang nakatira sa lugar ay marami nang naging kaibigan ang kapatid niya. Siya naman ay hindi naging palalabas ng bahay mula pa noon. Kuntento na siyang nasa bahay lang at taga-sunod sa utos ng mga magulang. Hindi rin nahilig sa pakikipagbarkada si Joel. Basta pagkagaling sa eskwela ay uwi kaagad tapos ay magpapahinga. Ganoon lang ang buhay niya.
Kinaumagahan, hindi niya na naramdamang katabi niya ang kapatid. Bahagya niyang iminulat ang mga mata at naaninag niyang nakabukas ang pinto ng silid nila. Naaninag niya ring may mukhang pasilip-silip sa gilid. Ikinagulat niya iyon. Nang bumangon siya, nawala na ang mukha. Kinusot niya ang mga mata at tumayo sa kinahihigaan. Lumabas siya ng silid at tumingin sa kaliwa at kanan. Wala siyang ibang nakita. Napakatahimik din ng paligid.
Nagpunta si Joel sa kusina at naabutang nagluluto ng almusal ang ina. “Ma, si Anjo?” tanong niya sa ina.
“Lumabas ng bahay,” sagot ni Lydia.
“Kanina pa?” tanong niyang muli.
“Mga alas sais. Kasama niya si papa mo. Magja-jogging daw sila.”
Tiningnan ni Joel ang orasan. Alas siyete y medya na. “Hindi pa ba bumabalik?” tanong niya sa ina.
“Hindi pa,” sagot ng ina.
“Tayong dalawa lang ba ang tao rito?”
Natawa ang ina sa itinanong niya. “Aba, e sino pa ba? E tayo lang naman ang nakatira rito saka umalis sina papa at si Anjo kaya tayong dalawa lang ang tao.”
Bahagyang napangiti si Joel. Oo nga naman. Sila lang ang nakatira sa bahay. Silang APAT lang.
“Bakit ba?” tanong ng ina.
Umiling si Joel. “Wala po. Para kasing may nakita akong batang sumilip sa kuwarto kanina.”
“Bata?” pagtataka ni Lydia.
“Akala ko nga si Anjo yun,” sabi ni Joel.
Napailing si Lydia, “Ay naku, Joel. Huwag mo nang takutin ang sarili mo. Halika, kumain ka na lang. Luto na ang pagkain.” Pinagsaluhan ng mag-ina ang nilutong sinangag at omelette. Hindi na nila nahintay pa sina Ernie at Anjo.
Tatlumpung minuto ang nakalipas nang dumating ang mag-amang Ernie at Anjo. Basang-basa ng pawis ang suot nilang damit. Hinubad ni Ernie ang suot na damit at isinampay. Si Anjo naman ay kaagad na nagtungo sa hapag-kainan at kumain.
“Kuya, kain tayo,” alok ni Anjo.
“Sige, tapos na,” sagot naman ni Joel.
Napalabas ng bahay si Joel nang may iutos sa kanya si Lydia, “Joel, anak, ibili mo nga ako ng limang sibuyas at sampung pirasong kalamansi. Ubos na pala yung stock natin.”
Matapos maibigay ang pera ay nagpunta na si Joel sa tindahan. Ang napuntahan niya ay yung pinakamalaking tindahan sa lugar.
“Pabili. May kalamansi ho kayo?” tanong niya sa tindero.
“Meron,” sagot nito.
“E sibuyas po?”
“Meron din,” sagot muli ng tindero.
“Pabili nga po ng limang sibuyas at sampung kalamansi.”
Inilagay ng tindero ang mga pinamili sa supot at nang iabot niya ito kay Joel ay may sinabi siya rito.
“Bagong mukha ka tutoy ha,” pansin ng tindero.
“Bagong lipat po kasi kami,” sagot ni Joel.
“Saan kayo nakatira? Sa Kalye Waling?”
“Sa Kalye Remedios ho.”
“Saan dun? Sa pulang bahay?”
“Opo, dun nga.”
Natigilan ang tindero at napatitig lang kay Joel.
“May problema po ba?” tanong ni Joel.
Umiling ang tindero. “Wala. Naitanong ko lang naman. O ano, tutoy, welcome to Vizcarra!”
Ngumiti si Joel. “Salamat po,” sabi niya sabay abot ng bayad.
“A e tutoy, huwag mo nang bayaran,” sabi sa kanya ng tindero.
“Bakit po? Baka naman malugi kayo niyan.”
“Ganyan talaga ang patakaran ng tindahang ito. Libre ang unang binili ng mga bagong mukha sa lugar na ito,” paliwanag ng tindero.
“Ay ganun ba? Dapat pala dinamihan ko na yung binili ko.”
Tumawa ang tindero, “Haha! O sige, ano bang gusto mong idagdag?”
“Piattos ho, paborito kasi iyan ng kapatid ko.”
Matapos pumitas ng Piattos ang tindero ay bumalik na si Joel sa kanilang bahay. Malayo pa lang ay natanaw niya nang may batang pasilip-silip sa kanilang bahay. Tumigil siya sandali at pinagmasdan ang bata. Nagpa-palit-palit ito ng puwesto; umaaligid sa may pintuan, sa may bintana.
Nagsimula nang maglakad si Joel. Binilisan niya ang lakad at balak na sitahin ang bata pero naudlot ang balak niyang gawin nang may marinig siyang boses na nanggagaling sa likuran niya na naging dahilan upang lingunin niya ito.
“Palagi siyang ganyan,” sabi nito.
Isang babae ang nakita ni Joel. Maputi ang balat nito, ang buhok na may bangs ay lagpas balikat, nakasuot ng pamasok na uniporme at may hawak-hawak na libro.
“Anong palagi siyang ganyan?” naguguluhang tanong ni Joel.
“Palagi siyang sumisilip sa bahay na iyan,” sagot ng babae.
Tumingin si Joel sa direksyon ng bahay nila ngunit pag tingin niya ay nawala na ang bata. Nang tingnan niya naman ang kausap niyang babae ay hindi niya na ito nakita. Kinabahan si Joel. Ipinagpatuloy niya na ang paglalakad papunta sa bahay nila. Nang nasa pintuan na siya, may narinig siya,
“Ngiiiyaaaw!” pusang itim.
Napahawak siya sa dibdib niya dahil sa pagkagulat nang makita ang pusang itim. “Ano ka ba, Joel? Pusa lang iyan!” sabi niya sa sarili. Binugaw ni Joel ang pusa, “Shoo!” at umalis naman ito. Pumasok na si Joel sa loob. Iniabot niya kay Lydia ang pinamiling kalamansi at sibuyas. Iniabot niya rin ang perang ibinigay sa kanya ni Lydia.
“Hindi nabawasan?” tanong ni Lydia.
“Hindi po ako siningil nung tindero. Libre raw po ang unang bili ng mga bagong mukha,” sagot niya.
“A talaga?” may pagkamangha sa tono ni Lydia.
“Punta muna ako sa kwarto, ma,” paalam niya sa ina. Pumunta na nga siya sa silid nila.
Wala si Anjo sa loob. Gusto niya sanang ibigay ang Piattos na nakuha niya ng libre. Tahimik ang paligid. Natigilan si Joel. Naninibago siya sa bagong tirahan nila. Nanatiling nakatayo si Joel sa loob ng kuwarto, nag-iisip. Iniisip niya yung nakita niyang batang sumisilip, yung babaeng bigla na lang nawala at yung pusang itim. Hindi man normal ay kinikilabutan siya sa mga nakita niya. Naistorbo siya nang may humablot bigla ng hawak niyang Piattos. Pag tingin niya, may kasama na siya sa loob ng kwarto: isang bata.
Nangilabot si Joel sa nakita niya. Duguan ang bata. Duguan na rin ang inagaw nitong balot ng tsitsirya. Kitang-kita niya nang malapitan ang bata. Wala itong mga mata. Dinukot kumbaga. Di na napigilan ni Joel ang nararamdaman na takot, napaatras siya at napasigaw.
“Aaaaaahhhhh! Ma! Pa! Aaaahhhhhh!”
Napasugod agad sina Lydia at Ernie sa kuwarto.
“Bakit? Anong nangyari?” nag-aalalang tanong ni Lydia.
Nahimasmasan si Joel nang makita ang ama’t ina.
“Anjo, ano ba iyan? Bakit sumisigaw ang kuya mo?” tanong ni Ernie sa anak.
“Hindi ko nga alam, kinuha ko lang naman itong Piattos. Sumigaw na siya ng ganyan.”
Tiningnan ni Joel ang batang nagsalita. Kapatid pala niya, pero bakit ganoon? Guni-guni lang ba ang nakita niya kanina? Hindi niya rin alam.
“Sa susunod, huwag ka kasing basta-basta nang-aagaw,” pangaral ni Ernie kay Anjo. “Humingi ka ng sorry sa kuya mo.”
Pero imbis na si Anjo ang mag-sorry, si Joel ang humingi ng paumanhin. “Sorry, Anjo,” sabi niya rito. Hinawakan niya ang ulunan ng kapatid at ginulo ang buhok nito.
“Pahingi ako nito ha,” masiglang sabi ni Anjo sa kanya.
Nginitian niya ang kapatid. “Para sa iyo naman talaga iyan.” Pinasalamatan siya ng kapatid. “Sige, labas muna ako,” paalam niya kina Lydia, Ernie at Anjo. Naiwan ang lahat na takang-taka dahil sa kakaibang ikinilos ni Joel.
No comments:
Post a Comment