Sa kasarapan ng kuwentuhan ay napatingin bigla si Joel sa dumaang babaeng nakasuot ng pamasok na uniporme at napansing pamilyar ang babaeng iyon. Napatayo si Joel sa kinauupuang puwesto at tinawag ang babae.
“Ate!” pagtawag niya rito bagama’t di niya naman ito kapatid. Napatingin sa kanya ang babae. Di nagdalawang-isip si Joel na lapitan at tanungin ang babae. “Di ba ikaw yung kausap ko kanina?”
“Kanina?” pagtataka ng babae.
“Oo, kanina! Kaninang umaga! May sinabi ka pa nga sa akin e! Sabi mo ‘Palagi siyang ganyan.’”
Sandaling nag-isip ang babae. “A oo, naalala ko na.”
Sa gitna ng pag-uusap ng dalawa, tinawag ni Mang Dennis si Joel, “Uy, tutoy!”
Napatingin si Joel kay Mang Dennis. “Po?” responde niya.
“Sino ba iyang kausap mo riyan?”
“Si ano po ―” Tatanungin sana ni Joel kung ano ang pangalan ng babae pero pag tingin niya’y wala na ito. “Nasaan na yun?” isip niya.
Kumagat na ang dilim. Naglalabasan na naman ang mga bata para maglaro. Gaya ng napagkasunduan kagabi, si Anjo ang taya sa larong tagu-taguan. Kani-kaniyang tago ang mga bata nang kumanta na si Anjo,
“Tagu-taguan maliwanag ang buwan... Nakatago na kayo.” At pagbilang ng tatlo, nagsimula na ang paghahanap ni Anjo. Matapos ang labinlimang minutong paghahanap ay nahanap niya na ang lahat ng mga kalaro maliban na lang sa isang batang babae, si Mimi. Masusing naghanap si Anjo at ilang sandali pa’y nahanap niya na ang kinaroroonan ni Mimi. “Boom Mimi!”
“Eeeeehhh!” pagtili ni Mimi nang mahanap siya ni Anjo. Nagpaunahan sina Mimi at Anjo sa pagpunta sa base, sa nangangalawang na poste.
“Save!” sigaw ni Anjo nang mailapat ang kanang palad sa nangangalawang na poste. Nanghinayang talaga si Mimi nang maunahan siya ni Anjo na mag-save. Ligtas na si Anjo sa pagiging taya at si Mimi na ang bagong taya.
“Tagu-taguan maliwanag ang buwan,” pagkanta ng siyam na taong gulang na si Mimi. “Wala sa likod, wala sa harap.”
Kani-kaniyang tago ang mga bata, maging si Anjo. Doon siya nagtago sa tabi ng basurahang di naman kalayuan sa lugar na kanilang pinaglalaruan.
“Pagbilang ko ng tatlo nakatago na kayo. Isa, dalawa, tatlo!”
Tumahimik ang paligid nang magsitago ang mga bata. Tahimik ding nagtatago si Anjo sa tabi ng basurahan.
“Game na?” tanong ni Mimi.
“Hindi pa!” tugon naman ng nakatatanda niyang kapatid na si Miko, labing isang taong gulang. Nataranta ito sa paghahanap ng mapagtataguan. “Game!” sigaw ni Miko nang makapagtago na.
Nagsimula nang maghanap si Mimi, “Boom, Kuya Miko!” matinis na boses niyang pagkakasabi nang mahanap ang kapatid, hanggang sa isa-isa niya nang nahanap ang mga kalaro. Si Anjo na lamang natitirang matibay na hindi pa nahahanap ni Mimi. Ilang minuto pa ang lumipas. Nasa tabi pa rin ng basurahan si Anjo. Naamoy niya ang masangsang na amoy ng basura. Kinakabahan na rin siya. Mukhang isa-isa na kasing nahanap ni Mimi ang kanilang mga kalaro. Kung siya man ang mahahanap, at kung di siya makakapunta kaagad sa base, siguradong siya na naman ang magiging taya pero dahil sa pagkainip, naisipan nang lumabas ni Anjo sa pinagtataguan. Ano naman kung maging taya siya? Nakakapanabik din namang maghanap sa mga nagtatagong kalaro.
Saktong pagtayo niya, biglang nagpatay-sindi ang ilaw ng poste na katapat niya. Ikinagulat niya iyon. Nanatiling nakatayo si Anjo at pinagmasdan ang patay-sinding ilaw na poste. Namatay ang ilaw, sumindi, namatay, sumindi, namatay, at pagsindi nitong muli, nanlaki ang mga mata niya nang makakita ng batang nakatayo roon na kani-kanina lang ay wala naman. Kilala niya kung sino ang bata. Yun yung tinutukoy niyang sumisilip sa screen na pinto ng bahay nila. Napako si Anjo sa kinatatayuan nang naglakad papunta sa kanya ang bata. Hindi siya gumalaw at nang napadaan na sa gilid niya ang bata ay ramdam niyang tumingin ito sa kanya. . . kahit na wala itong mga mata. Nalampasan na siya ng bata, kasunod noon ay narinig niyang nagtawanan ang kanyang mga kalaro sabay sabi ng,
“Si Anjo, si Anjo uli ang taya!”
Nagulat siya at napabalik sa realidad. “Ako? Di pa nga ako nahahanap!” isip ni Anjo. Sumilip si Anjo sa pinagtataguan at nakita niyang kumpol-kumpol ang mga kalaro niya at sinabing, “Ui Anjo, bukas ikaw uli!” Nagulat si Anjo nang makitang kasa-kasama ng kanyang mga kalaro ang bata. Ang ipinagtataka pa niya ay tinatawag nila ito sa pangalan niya. Nanghina ang katawan ni Anjo at napaupo. Napadaan naman si Joel at tinawag siya.
“Huy! Anong ginagawa mo riyan?” tanong nito.
“Kuya!” bulalas ni Anjo. Pilit niyang ibinalik ang lakas niya at niyakap ang kuya niya.
“Uy bakit?” tanong ni Joel. Hindi umimik si Anjo at basta lang nakayakap. Napakunot-noo si Joel, “Bakit, anong nangyari?”
“May. . . may multo. May nakita ako,” usal ni Anjo.
Mukhang may ideya na si Joel tungkol sa “multong” sinasabi ng kapatid. “Umuwi na lang nga tayo,” yakag niya. Hinawakan niya ang kamay nito at tinahak nila ang daan pauwi. Nang malapit na sila sa bahay, may tumawag kay Anjo,
“Anjo!” si Mimi. Hinarap siya ni Anjo na nakasimangot ang mukha. “O bakit?” tanong niya.
“Wala,” sagot ni Anjo. Dumiretso na siya ng lakad kasama si Joel.
Nilingon ni Joel si Mimi at nabigla nang makitang kasama nito ang misteryosang babaeng nakasuot uniporme na nakita niya kaninang umaga. Napatitig tuloy si Joel sa kanila. Narinig pa ni Joel na nagsabi ang babae ng,
“Mimi, pasok na.”
Kasunod nun ay nagpaalam na si Mimi. Marahil ay di niya nagustuhan ang pagtitig ni Joel sa kanya. Pagsara ng pinto ng bahay nina Mimi ay nagpatuloy na ang magkapatid na Joel at Anjo sa paglalakad papunta sa kanilang bahay.
Takot ang nangibabaw kay Joel nang may makita siya sa loob ng bahay nila. Nakatayo silang magkapatid sa pintuan at wala man lang nakapansin sa kanila. Kitang-kita ng dalawang mata ni Joel kung paano pagalitan ni Lydia ang bata ―ang batang pasilip-silip sa bahay nila.
“Anjo,” bulong niya. Tumingin ang kapatid sa kanya. “Yung bata.” Naririnig niyang nag-iingay si Lydia at pinagagalitan ang bata,
“Ang dungis mo na naman, Anjo!” bagama’t di si Anjo ang kausap nito, ang nakikita ng ina nila ay ang hitsura ni Anjo sa batang iyon.
Napayakap si Anjo kay Joel, “Sabi ko sa iyo may multo!” Umatras ang magkapatid at naglakad palayo.
“Ano ba yun?” tanong ni Joel sa kapatid. Naglagi muna sila sa tindahan ni Mang Dennis.
“Multo, kuya,” mahinang sagot ni Anjo.
“Galing iyon sa bangin sa dulo ng Kalye Remedios,” boses ng isang babae ―ang misteryosang babaeng pangangalanan nating Marie. “Doon siya nananahan.” Napatingin ang magkapatid sa kanya. Lumapit si Marie sa tindahan. “Pabili nga po,” sabi niya kay Mang Dennis pero hindi siya pinansin nito. Nakatingin lang si Mang Dennis sa magkapatid. Pagkatapos na hindi mapansin, hindi na lang bumili si Marie.
“Sino ang batang yun? Bakit siya tinatawag na “Anjo” ni mama e hindi naman si Anjo yun?” tanong ni Joel.
“Ligaw na kaluluwa,” sagot ni Marie. “Nakikita ninyo ang tunay niyang anyo dahil nabiyayaan kayo ng ikatlong mata.”
“Ikatlong mata? Third eye?” tanong ni Joel.
Pumagitna si Marie ng upo sa magkapatid. “Ang totoo niyan, pabago-bago siya ng anyo. Minsan niya na ring ginaya ang kapatid kong si Miko.”
“Ibig sabihin ay ginaya niya si Anjo? Ano bang kailangan niya?” tanong ni Joel. Tahimik na nakayuko si Anjo dahil sa pagkabalisa at takot.
“Mga kalaro,” sagot ni Marie.
“Kalaro?” pagtataka ni Joel.
“Marami na akong nasabi. Tama na yun,” pagwawakas ni Marie ng usapan.
Naiinis na napakamot ng ulo si Joel, “Hindi ko pa rin maintindihan!”
“Uy, tutoy,” pagsingit ni Mang Dennis sa usapan. Napatingin si Joel kay Mang Dennis. “Ok ka lang ba riyan? Pinagagalitan mo yata iyang kapatid mo?”
“Hindi naman po, Kuya Dennis,” sagot ni Joel. “May pinag-uusapan lang kasi kami ni ―” nawala na naman si Marie. Ni hindi man lang niya naramdamang umalis ito sa kanyang tabi. Si Anjo naman ay tahimik pa ring nakayuko at hindi sinabing umalis na ang kausap nila.
May napadaang tanod sa tindahan at sinabihan ang magkapatid, “Uwi na. Alas nuebe na.” Sumunod naman ang dalawa.
Nang nasa pinto na ng bahay, huminto muna ang magkapatid. “Ok ka lang ba, Anjo?” tanong ni Joel. Umiling si Anjo, napasimangot tuloy si Joel. “Pasok na nga tayo.” Bubuksan na sana ni Joel ang screen na pinto nang biglang lumabas si Lydia.
“Buti naman at umuwi ka na,” sabi nito kay Joel. “Ano bang ginawa mo sa labas?”
“Nagpahangin lang po, mama,” sagot ni Joel.
Higit na nasurpresa si Lydia nang makita si Anjo. “O, bakit nasa labas ka? Akala ko pumasok ka na sa kuwarto?”
Nagkatinginan ang magkapatid. “A, pasok na po kami, ma, curfew na e,” sabi ni Joel sa ina para man lang makaiwas sa maraming tanong. Nagmadali silang dumiretso sa kuwarto.
Laking gulat ni Joel nang may batang tumakbo palabas ng kuwarto nila. Nakita rin ni Anjo ang tumakbong bata. Sinubukan ni Joel na sundan ang bata. Kitang-kita niya kung paano ito lumabas sa bahay nila sa pamamagitan ng pagtagos sa screen na pinto.
No comments:
Post a Comment