No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Tuesday, April 20, 2010

Party Girl

Alas dos na ng madaling araw. Kung di lang talaga ako nag-aalala sa kanya di ko siya pagtiyatiyagaang hintayin. Madalas na siyang umuuwi sa di tamang oras. Minsan ayoko na siyang pagsabihan kasi sasabihin niya sinesermonan ko na naman siya. Pinaaalalahanan ko lang naman siya kasi naliligaw na siya ng landas.

Sa malayo pa lang tanaw ko na siya. Pasuray-suray siya sa daan at diyos ko po! Ang iksi ng suot! Palalagpasin ko ito ngayon, sige. Siguro sa tingin niya sexy siya sa damit niya. Buti na lang kamo at hindi binastos ng mga tambay sa kanto. Agad ko siyang nilapitan dala ang isang tuwalya.

"A-ano ba?" gulat na tanong niya nang ipatong ko ang tuwalya sa likuran niya. Doon niya napagtantong ako lang pala ito.
"Anong oras na? Uwi ba ito ng matinong babae?" tanong ko sa kanya sa mataas na boses para naman magtanda.

Inirapan niya ako, palibhasa lasing. "Paki mo ba?" mukhang galit pa.

Aalalayan ko pa sana siya umuwi pero hinawi niya ako, "Wag mo akong alalayan, malaki na ako at saka kaya ko ang sarili ko."

Pinabayaan ko na lang siyang umuwi ng bahay mag-isa. Pumasok siya sa pintuan at nagdire-diretso sa banyo. Narinig ko siyang dumuwal, paniguradong gawa ng kalasingan. Dali-dali akong lumapit para hagurin ang likuran niya. Nang mahimasmasan, pinainom ko siya ng tubig. Nang ibigay niya sa akin ang baso e umupo na siya sa sofa.

"Saan ka galing?" tanong ko. "Aga ng uwi mo a," sarkastiskong pagkakasabi ko.
"Diyan lang, nakipag-party sa mga kaibigan," sagot niya.
"Party na naman? E kahapon lang nakipag-party ka na ha," sabi ko.
"Minsan lang naman e!" katwiran niya.
"Minsan? E kung ang 'minsan' na yun e inaaraw-araw mo na, hindi na 'minsan' ang tawag dun," sabi ko.
"Matanda na ako, kaya ko na ang sarili ko," diin niya. Iyan ang palaging sinasabi niya.

Pinuna ko ang ayos niya, "Tingnan mo nga yang damit mo, ang iksi-iksi! Tapos ang kapal pa ng make-up mo. Mukha ka nang—" Pero kung galit ako, mas galit siya sa akin,

"Ano? Sasabihin mong mukha akong pokpok? Sawang-sawa na ako riyan, narinig ko na sa kapit-bahay iyan e! Sige lang! Lagi naman ako natsitsismis dito. Palibhasa kasi matatanda na yang mga tsismosang iyan, hindi nila nararanasang mag-party. Mamatay sila sa inggit. I hate them all!" Humagikgik siya.

Iniba ko ang usapan at ipinaalam ko sa kanya kung ano ang nangyari ngayong araw. "Umalis ka raw ng bahay pagkaalis ko sabi ni Bong. Alas sais ng umaga ang alis ko tapos maaga ka ring naglakwatsa, iniwan mo lang si Missy. Napilitan tuloy um-absent ni Bong para alagaan si Missy."

Nangatwiran na naman siya. "Kasalanan ko yun? E malaki na si Bong, kaya niya nang alagaan si Missy. Saka, ano pa bang pinoproblema mo e may nag-alaga na nga kay Missy?"

Sinagot ko siya, "Ang problema rito yung mga obligasyon sa bahay napapabayaan mo na. Alam mo namang nagtatrabaho ako para sa atin. Ano bang napapala mo sa mga party na iyan?"

Sa gitna ng pagtatalo namin ay may tumawag sa cell phone niya at sinagot niya yun, "Hello bhie? Oo nakauwi na ako. Yes, ngayon-ngayon lang." Inirapan niya ako. "Hay naku heto kauuwi ko lang sinermonan na naman ako." Bigla naman siyang napangiti ngayon. "Punta ka rito later? O sige, puwedeng mga bandang hapon na? Alam mo naman... I need to rest." Nagpaalam na siya sa kausap, "Sige. Bye bhie. Miss you, too. Love you much!"

Tiningnan niya ako nang masama pagkababa niya ng tawag. "Ano? Tatanungin mo na naman ba kung sino iyon?"

"Boyfriend mo?" isang malaking tanong ko.
"Obvious ba?" inirapan niya ako.

Galit na ako. "Alam mo dapat ikaw di ka na lumalabas ng bahay!"

"You wish! E lagi nga akong nakakulong dito, ngayon na lang nga ako lumabas. Saka nagsasaya lang naman ako. Wala ba akong karapatang maging masaya? At saka iyang sinasabi mong obligasyon, puwede ba huwag mong isinusumbat sa akin iyang mga obligasyon na iyan! Isampal mo iyang mga salita mo sa magaling mong ama. Iniwan niya tayo! Tinalikuran niya ang obligasyon niya sa atin!"

Nag-walk out siya pagkatapos. Ayoko na nga sanang makipagtalo kasi gabi-gabi na lang nangyayari ito mula nang iniwan kami ni papa. Pero hindi naman puwedeng di siya sitahin kasi hindi talaga siya tama. Matanda na nga siya pero wala namang pinagkatandaan. Malaki na nga siya pero lumaki nang paurong. Ang hirap pala talagang magpalaki ng magulang.

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly