Alas sais kinse ng umaga. Mula sa mahimbing na pagkakatulog ay ginising ako ng nakababata kong kapatid na si Gigi at natatarantang sinabing may sunog sa kahilerang bahay namin, at dahil gawa sa kahoy at dikit-dikit ang mga bahay rito, paniguradong mabilis na kakalat ang apoy. Mukhang di rin maaapula kaagad gawa nang masikip kasi eskinita ito.
Napabalikwas ako sa kinahihigaan at dali-daling bumangon. Pinanghihinayangan ko ang naputol na panaginip kong nilalagyan ko ng sunblock ang likod ng girlfriend kong si Nina dahil lalangoy kami sa beach.
Wala pa ako sa katinuan, at binalak ko pang magsipilyo at maghilamos (gawain ko kasi yun pagkagising) nang makita kong nagkakagulo na sa loob ng bahay at kani-kaniyang hakot ang pamilya ko ng mga damit at gamit na puwedeng isalba.
"O Andrew! Bakit nakatayo ka pa riyan? Por Diyos por santo naman itong batang ito! Kilos na!" sabi ng nanay ko habang dala-dala ang rice cooker namin at kalan.
Buhat-buhat ng tatay ko at ng kapatid kong si Ramon ang maliit naming ref. "Huy! Tumulong ka rito!" utos sa akin ng tatay kong naka-pajama pa.
Tangay-tangay naman ni Gigi ang kanyang mga laruang paper doll at naiiyak dahil nawawala raw si Marimar, na kung tutuusin e magkakamukha lang naman ang mga paper doll niya.
Natauhan ako nang mag-ring ang cell phone ko. Naalala kong naka-charge pala iyon sa saksakan malapit sa hinihigaan ko. Tinatawagan ako ng girlfriend ko.
"Hello Spongebob ko, tinext ako ni Ramon may sunog daw diyan sa a," sabi ni Nina.
"Oo, ito nga natataranta silang lahat dito," tugon ko.
"O ikaw, nasaan ka?" tanong niya.
"Dito sa kama, malayo pa naman siguro yung apoy. Dulo pa naman itong bahay namin," sabi ko.
Pinagalitan niya ako, "Sira! Ano ka ba! Kumilos ka na!"
"E hindi ko alam kung anong isasalba ko," dahilan ko.
"Yung Spongebob na tuwalyang bigay ko sa iyo," sabi niya. Doon nagsimulang kumilos ang mga paa ko. Kinuha ko ang basket na lalagyan namin ng mga damit, nagtungo ako sa banyo at inilagay ko sa basket yung tuwalyang sinasabi niya.
Nagsunod-sunod ng pagbibigay ng instructions si Nina ng mga gamit na dapat kong isalba habang inaalala yung mga bagay na ibinigay niya sa akin.
"First monthsary... yung tuwalyang Spongebob. Nakuha mo na?" Oo ang isinagot ko. "Second, yung panyong Spongebob, di ba dalawa yun? Yung checkered na blue saka yung may pagka white? Yung white ang cute nga ng embroidered na Spongebob doon, naka-brief lang. Hehe! Kunin mo yung mga yun.
"Third, yung mug na Spongebob. Kasama pa nga niya si Patrick doon.
"Fourth, yung slippers na pambahay na Spongebob. Remember, binili pa natin sa SM yun? Last pair na nga yun kasi ang laki ng paa mo.
"Fifth, yung unan na Spongebob. Sabi mo, di ba, gusto mo ng pillow para may nayayakap ka pag wala ako?
"Sixth, yung stuff toy na Spongebob. Pinag-ipunan ko pa yun for six months. Worth 1000 plus kasi e! Last piece na nga rin yun.
"Seventh, yung pouch bag na Spongebob, limited edition yun. Ang dami ko ngang kaagaw na collectors e!
"Eight, yung wallet na Spongebob. Sira na kasi yung wallet mo, di ba? Kaya ayun, binilhan kita nun.
"Ninth, yung t-shirt na Spongebob. Amazing yun sabi mo kasi glow in the dark yung print. Nung nagpunta ka rito sa amin, sinuot mo yun, di ba? Tapos lights off pa sa kuwarto ko. Ang cute nga tingnan e!
"Tenth, yung picture frame na Spongebob na may collage ng pictures natin.
"Eleventh naman yung diary na Spongebob. Ewan ko lang kung sinusulatan mo yun."
Hindi ako mahilig sa Spongebob. Si Nina ang may gusto nun. Katwiran niya kasi pag nag-break kami at isinauli ko sa kanya lahat ng ibinigay niya e magagamit pa niya. Nagkumahog akong kunin ang lahat ng iyon kasi binurara ko lang sa loob ng bahay yung iba.
Nagpatuloy siya, "Twelfth yung —"
"Wala pa tayong anniversary!" pagputol ko sa sinasabi niya.
Tumawa siya, "Haha! Oo nga pala. Sorry Spongebob ko, excited lang. Yung mga sulat ko sa iyo, yung pictures natin, yung resibo ng unang kinain natin, yung resibo ng unang bus na sinakyan natin, yung ticket ng unang movie na pinanood natin —"
Natulilig na ang tainga ko sa mga sinabi sa akin ni Nina at pinatay ko na ang cell phone ko.
"Andrew, lumabas ka na riyan!" pagtawag ng tatay ko sa akin mula sa labas.
Lumabas na ako ng bahay dala-dala ang basket at nagulat ako nang makita ko si Nina na may galit na mukha.
"Kanina ka pa riyan?!" tanong ko.
"Oo kanina pa at bakit mo ako binabaan ng telepono?" galit na tanong niya.
Sinubukan kong magpaliwanag pero di na ako nakapagsalita nang sampalin niya ako at sabihing, "Break na tayo!" sabay kuha ng dala-dala kong basket at lumakad palayo.
Habang nag-iiyakan sina mama, papa at Ramon nang tupukin ng apoy ang bahay namin, naiwan naman akong nakatulala dahil sa bilis ng mga pangyayari.
Tinapik ni Ramon ang balikat ko at sinabing, "Ok lang iyan, kuya, nasagip ko naman lahat ng mga damit mo."
"Ayun si Marimar!" sigaw naman ni Gigi at may kinuha sa likuran ko. Nakadikit pala ng scotch tape si Marimar sa suot kong sando.
Nang lamunin na ng apoy ang bahay namin e saka pa lang dumating ang mga bumbero at ilang mga tao sa media para mag-interview.
"Kinidnap po ng kuya ko si Marimar," sabi ni Gigi sa isang taga-media.
No comments:
Post a Comment