Masayang musika. Tilian. Mga hindi magkamayaw na tao. Swerte pa kung ma-snatch-an ka sa gitna ng kaguluhan... GAYA KO. Kani-kanina lang hawak-hawak ko pa yung cell phone ko, pagtingin ko nagulat na lang ako kasi wala na sa kamay ko. Hindi ko alam kung paanong nangyari pero hindi na yun mahalaga. Ang mahalaga e matapos ang ilang taon e makikita ko na ang idol ko sa personal.
"Ladies and gentlemen, let us all welcome... Mandy!" sabi ng host.
Lumakas ang tilian ng mga tao nang lumabas na nga si Mandy. Hindi ko na muna inisip ang pagkawala ng cell phone ko. Mas mahalaga ang makita ko si Mandy. Nakakuha naman ako ng magandang pwesto. Ang ganda niya pala talaga sa personal, though mas gusto ko pag on-screen siya. Mas nafofocus kasi siya at mas litaw ang beauty.
"G-g-good morning," pagbati ni Mandy, tila nahihiya pa. Natuwa ang mga tao nang magsalita siya at yun na nga ang senyales na umpisa na ang event.
Nag-enjoy ako sa fan's day. May entertainment gaya ng live bands at games, at syempre picture taking. Kahit nawala ang cell phone kong may camera, nakapagpa-picture pa rin naman ako kasama si Mandy. Nanghila ako ng isang babaeng fan para litratuhan kami. May digi cam kasi siya. Di ko siya kilala pero buti na lang may magandang-loob siya at sinabing ia-upload niya ang picture namin ni Mandy, basta i-add ko lang siya sa facebook at ita-tag niya ako.
Nang matapos ang event, baon ko sa pag-uwi ang isang malaking ngiti. Hindi na nga lang ako nakapagpa-autograph kasi limitado lang ang puwedeng magpa-pirma. Unforgettable experience talaga. Kahit nawala ang cell phone ko, masaya pa rin ako kasi nakita ko ang hinahangaan ko. Sa susunod na fan's day pupunta uli ako. Sana nga next time makakuha na ako ng autograph ng idol kong si Mandy the talking Parrot. Ano, gusto mo bang sumama? : )
No comments:
Post a Comment