Pagkagising pa lang nakita ko nang nakasilip si Clara sa blinds ng bintana namin. Dahil sa pagtataka e sumilip din ako at tinanong siya,
"Sinong tinitingnan mo riyan?"
"Yung weird na bagong lipat diyan sa tapat. Nandiyan na naman siya nakaabang," sagot niya.
Isang lalaki ang nakita ko. May katangkaran iyon, tama lang ang pangangatawan at kung tutuusin e may hitsura rin naman. Tinuro ko yung lalaki. "Ayun ba? Yung kumakain ng tokneneng?" tanong ko sa kanya.
Tumigil si Clara sa pagsilip at sumagot, "Oo, si Mr. Kwek Kwek." Aba! May bagong binansagan a!
"Ano namang problema mo kay Mr. Kwek Kwek?" tanong kong muli.
Naiinis siyang sumagot. "Pag lumalabas ako ng bahay lagi niya akong sinusundan! Alam mo yun, kinakausap niya ako e hindi ko nga siya gaanong kilala. FC naman! Gusto niya pa ngang kunin yung number ko e!" kuwento ni Clara.
"Edi ibigay mo yung number mo," sabi ko.
Sumagot siya nang nakataas ang kaliwang kilay, "Ayoko nga!"
"Edi wag. Wag mo na lang pansinin," mungkahi ko.
"Hindi ko naman talaga siya pinapansin kaya nga kinukulit ako," sabi ni Clara sabay alis. Pumunta siya sa kusina at dumulog sa hapag-kainan para mag-almusal.
Sumilip ako uli sa bintana at tiningnan si Mr. Kwek Kwek. Nakatayo lang siya sa labas ng bahay nila at nakatingin sa bahay namin. Nakakatakot! Parang stalker ang dating.
Nang lumabas ako kinahapunan, may sumisitsit. Hinanap ko kung sino, si Mr. Kwek Kwek pala.
"Hi bro!" pagbati niya sa akin. Tinugunan ko siya ng ngiti. Tama, feeling close nga siya gaya ng sabi ni Clara, o baka friendly lang talaga. "Diyan ka nakatira?" tanong niya sabay turo sa bahay namin.
"Oo," sagot ko.
"Ok," tatangu-tango niyang sinabi. "A, ako nga pala si Archie," pagpapakilala niya. "Bagong lipat lang kami rito and... wala pa akong gaanong kaibigan," dagdag pa niya.
Natawa ako sa sinabi niyang pangalan. "Archie?!" tanong ko bilang pagkumpirma sa pangalan niya.
"Oo, bakit?" balik na tanong ni Mr. Kwek Kwek.
"A, may kilala kasi akong Archie rin ang pangalan," sabi ko. Kung naiinis si Clara kasi kinukulit daw siya nito ni Mr. Kwek Kwek, siguradong mas maiinis siya pag nalaman niyang kapangalan ni Mr. Kwek Kwek ang ex boyfriend niya. "Jaybhi nga pala," pagpapakilala ko. Nakipag-kamay ako sa kanya.
"A Jaybhi, puwede bang magtanong?" paghingi niya ng permiso.
Hinulaan ko ang itatanong niya, "Itatanong mo ba kung kaanu-ano yung babaeng nakatira riyan?" Itinuro ko ang bahay namin.
Tila nahiya si Mr. Kwek Kwek, "Oo, ganun na nga."
"Kapatid ko," sabi ko.
"A, what's her name?" sunod na tanong ni Mr. Kwek Kwek.
"Clara," sagot ko.
"May boyfriend siya?" ikatlong tanong ni Mr. Kwek Kwek.
Teka... Nakakaamoy ako ng kakaiba. "Type mo?" bigla kong naitanong.
"Crush ko," pag-amin niya.
Napangiti ako sa nalaman ko. "Lakad kita gusto mo?" alok ko.
"Seriously?" tanong ni Mr. Kwek Kwek.
"Oo! Punta ka sa amin mamayang 7 p.m. Basta mag door bell ka lang. Pakikilala kita," sabi ko.
Lumiwanag ang mukha ni Mr. Kwek Kwek. "Ok, I'll be there. Thanks, bro," pagpapasalamat niya.
Sumapit ang alas siyete ng gabi. Ang sarap ng panonood namin ng TV nang biglang may nag-door bell. Siguradong si Mr. Kwek Kwek na yun. Kadalasang si Clara ang sumasalubong sa sinumang bisita. Ano kaya ang magiging reaksyon niya pag sinalubong niya si Mr. Kwek Kwek? Lumabas si Clara at bumalik nang may takot na mukha.
"O anong nangyari sa iyo?" tanong ko.
Nagpakita si Mr. Kwek Kwek at bumati, "Good evening." Pumasok si Clara na sinundan ni Mr. Kwek Kwek.
Pinatay ko ang TV. "Uy bro, upo ka," alok ko. Pinanlakihan ako ng mata ni Clara. Matapos magpasalamat e umupo si Mr. Kwek Kwek sa sofa. Ayos naman pala itong si Mr. Kwek Kwek, ang pormal ng suot kala mo aakyat ng ligaw.
"A sige, punta muna ako sa room," paalam ni Clara.
Akmang aalis na siya nang hilain ko siya. "Tabi raw kayo ng kapatid ko," sabi ko kay Archie. Inupo ko si Clara sa tabi niya at ipinakilala sa isa't isa, "Clara, si Archie. Archie, si Clara."
Nagulat si Clara, "Archie ang pangalan mo?"
"Yup," sagot ni Archie.
Naging big deal kay Clara ang tunay na pangalan ni Mr. Kwek Kwek. Para maiwasan ang tensyon, nagbukas ako ng usapan. "Ano iyang dala-dala mo?" tanong ko nang mapansin ang dala-dalang plastic ni Archie.
"A ito ba?" Nilabas ni Archie ang laman ng plastic.
"Kwek kwek?!" tanong ni Clara.
Napangiti si Archie. "Oo. Meron pa ako ritong balut at penoy. Nagdala na rin ako ng sawsawan para sa kwek kwek. May matamis, maanghang, may suka. Mayroon ding asin para sa balut at penoy."
Napa-wow ako sa mga dala ni Archie samantalang si Clara e tila nawirduhan lalo.
"Magbabalut ka ba?" natatawang tanong ng kapatid ko.
"A hindi, actually family business iyan. Meron kaming over 200 stalls nationwide," sabi ni Archie. May business ang pamilya, mayaman!
"Ano naman ang pangalan ng business ninyo, 'Mr. Kwek Kwek'?" tanong ni Clara.
"Actually yun nga. Kwek kwek kasi ang unang itininda ng grandfather ko. Siya ang nagpasimula ng business namin," sagot ni Archie.
Tila nagiging interesado na si Clara kay Mr. Kwek Kwek. Sumingit ako sa usapan, "O tama na ang kuwento, kain na muna!" Pinagsaluhan namin ang mga dala ni Archie. Matapos kumain e iniwan ko muna sila. Ayaw pa nga akong paalisin ni Clara pero sabi ko siya naman ang ipinunta ni Mr. Kwek Kwek at hindi ako.
Alas nuebe nang magpaalam si Archie. Mukhang naging ok naman ang pag-uusap nila ng kapatid ko at dahil sa pagbisita ni Archie e hindi na siya iniwasan ni Clara. Sa katunayan, madalas na silang magkasama at napapadalas na rin ang pagpunta ni Archie rito sa bahay.
Isang umaga e nakita ko na namang sumisilip si Clara sa blinds ng bintana ng bahay namin. Dahil sa pagtataka e sumilip din ako at nakita ko si Archie na nasa labas na naman ng bahay nila, kumakain ng tokneneng. Kinumusta ko ang lagay nila. "O kumusta naman kayo ni Mr. Kwek Kwek? Mukhang nakahanap ka na ng bagong love life a!" sabi ko kay Clara.
Tumigil si Clara sa pagsilip at sumagot, "Mabait naman siya. May sense naman kausap. Ok naman kasama and he likes me raw."
"E gusto mo rin naman ba siya?" tanong ko.
"Hindi ko alam. Siguro hindi pa ako ready. Siguro hindi pa ako tuluyang nakaka-get over kay Archie number one. Siguro ok na yung ikaw muna ang lalaki sa buhay ko, kuya Jaybhi," sagot ni Clara.
"Yun naman e! Ako lang daw ang lalaki sa buhay niya! Ok lang iyan. Di mo naman kailangang magmadali," sabi ko sa kanya. Binatak ko ang mga labi niya, "Smile, Ms. Iyakin!"
Ngumiti si Clara. "Tama," tugon niya. Niyaya ko na siyang kumain ng almusal. "Ano bang ulam?" tanong niya.
"Jaybhi hotdog. Mas masarap pa ito sa itlog ni Archie," pagbibiro ko. Nagtawanan kaming dalawa.
very good blog, congratulations
ReplyDeleteregard from Reus Catalonia
thank you