No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Saturday, April 24, 2010

Anghel

Naniniwala ka ba sa mga anghel? Kung oo, magagawa mong mabasa ang kuwento sa ibaba.


Noong bata pa ako madalas akong kuwentuhan ni papa tungkol sa mga anghel. Sabi niya sila yung mga banal na espiritung may puting pakpak. Mayroon silang lumiliwanag na bilog na lumulutang sa ulunan nila o yung tinatawag na "halo". Mayroon silang maamong mukha at mayroon ding lumiliwanag na awra. Sabi ni papa hindi natin sila nakikita kasi nga espiritu sila pero kahit ganoon, nandiyan lang sila palagi sa tabi natin. Bawat isa sa atin may anghel na gumagabay at nagbabantay ng bente-kwatro oras. Sabi niya hindi tayo pinababayaan ng mga anghel na malagay sa kapahamakan.

Maraming magagandang bagay ang ikuwento ni papa sa akin tungkol sa mga anghel kaya naniwala akong mabubuti nga sila. Naalala ko nga noong maliit pa ako madalas ko silang iguhit sa papel gaya ng pagkakalarawan sa akin ni papa: may pakpak, may halo, may maamong mukha at may lumiliwanag na awra. Pinupuri ako ni papa dahil sa mga iginuguhit ko. Sa katunayan nga mayroon din siyang iginuhit na anghel. Namangha ako kasi mas maganda ang iginuhit niya kaysa sa akin. Dinikit ko yun sa dingding ng silid ko kasama ang ilang iginuhit ko.

Lumaki akong naniniwalang mayroon akong sariling anghel. Pinangalanan ko pa nga siyang Angelo. May pangalan din pala ang anghel ni papa, sabi niya Cassandra raw.

"Kapangalan ko ang anghel mo, papa?" tanong ko. Nginitian ako ni papa. Siguro kaya ako pinangalan ni papa na Cassandra kasi yun ang pangalan ng anghel niya.

Biglang nagbago ang pagtingin ko sa mga anghel nang tumungtong ako ng unang taon sa mataas na paaralan. Napatunayan kong masasama sila! Sa mga nakalipas na buwan noon napansin kong naging matamlay si papa.

"Papa, ok ka lang?" minsang naitanong ko sa kanya.

Tinugunan niya ako ng ngiti. "Syempre. Bakit, anak?" sabi niya.

"Para kasing ang tamlay mo," pansin ko.
"May iniisip lang si papa," sabi niya. Pagkasabi niya nun, biglang-bigla na lang may lumabas na dugo sa ilong niya.
"Papa! May dugo!" sigaw ko kasabay ng pagturo sa ilong niya.
"Ito naman, para dugo lang." Pinahid ni papa ang dugo sa ilong niya. "O wala na. Magic, di ba?" Ngumiti siya. Doon ko naisip na may karamdaman si papa pero pinagdidiinan niyang wala naman. Natural lang daw na may lumalabas na dugo sa ilong paminsan-minsan.

Isang araw, nagpaalam si papa sa akin. Sabi niya di raw muna siya makauuwi ng bahay kasi magtatrabaho siya sa malayo. Nalungkot naman ako pero sabi niya huwag daw akong mag-alala kasi kasama naman niya ang anghel niya sa pupuntahan niya.

Gabi-gabi pinagdarasal ko si papa pati na rin si mama. Gabi-gabi, kahit hindi niya ako sinasagot, sinasabi ko sa anghel ko na sana naman bantayan niya rin si papa.

Buwan ng Nobyembre, in-excuse ako ni mama sa klase kasi may pupuntahan daw kaming mahalaga. Nagmamadali si mama nang paandarin niya ang kotse. Nagtaka ako kasi sa ospital pala ang punta namin. Dumiretso kami sa isang silid at pagpasok namin, may doktor at mga nurse. Nag-aalalang tiningnan ni mama ang doktor. Nakita kong umiling ang doktor at pagkatapos nun humagulgol si mama. Hindi ko naiintindihan ang mga nangyayari hanggang sa umalis ang doktor at mga nurse, at naiwan kami ni mama sa silid. Nabigla ako nang makita si papa, nakaratay at wala nang buhay.

"Papa!" sigaw ko. Nilapitan ko siya sa kama. "Mama, ano ito?" tanong ko kay mama pero hindi niya ako sinagot, bagkus ay niyakap niya ako nang mahigpit at sabi niya, "Kinuha na siya ng angel niya."

Umiyak ako nang umiyak. Nagalit ako sa anghel ni papa kasi makasarili siya, kasi kinuha niya si papa sa amin!

"Sabi ni papa hindi siya uuwi ng bahay kasi magtatrabaho siya sa malayo at kasama niya ang angel niya. Ang selfish ng angel ni papa! Kinuha niya si papa!" paghihinanakit ko.

Lalo akong nagalit nang ipaliwanag ni mama sa akin ang lahat. Huli na nang malaman kong may leukemia pala si papa at yun ang tumapos sa buhay niya. Doon ko sinimulang kuwestiyunin ang lahat.

Sabi ni papa nandiyan lang ang mga anghel palagi sa tabi natin, na ginagabayan at binabantayan nila tayo ng bente-kwatro oras, na hindi nila tayo pinababayaan na malagay sa kapahamakan. Pero bakit? Bakit ganoon ang nangyari kay papa? Bakit pinabayaan ni Angelo na mawala ang papa ko? At bakit sinabi ni mama na kinuha na siya ni Cassandra na anghel niya?

Nang makauwi ako sa bahay, pinunit ko ang lahat ng mga nakadikit na drawing sa dingding ng silid ko.

"Cassandra, huwag!" pag-awat ni mama sa akin.
"Hindi sila totoo! Walang kuwenta iyang mga anghel na iyan! Pinabayaan nila si papa! Wala silang kuwenta! Kinuha nila si papa sa akin!" umiiyak kong sinabi.

Pinakalma ako ni mama, "Cassandra, tahan na, anak, tahan na."

Tumanda akong sumasalungat sa paniniwala ng nakararami tungkol sa Diyos at tungkol sa mga anghel. Isang araw umalis na lang ako sa bahay. Nagpaalam ako kay mama sa pamamagitan ng sulat na iniwan ko lang sa silid ko. Nagpakalayu-layo ako para hanapin ang sarili ko at para mabigyan ng kasagutan ang mga katanungan ko, hanggang sa nakarating ako sa isang bayang may kakaibang kuwento. Bulung-bulungan sa bayang iyon ang isang lalaking nakakakita raw sa mga bagay rito sa mundo na hindi natin nakikita.

"Alam mo bang nakakakita ako ng mga anghel?" narinig ko na lang bigla sa isang lalaking nasa tabi ko nang magpunta at umupo ako sa tabing-dagat. Natawa ako sa sinabi niya. Hindi kaya siya yung lalaking tinutukoy ng mga tao?
"Talaga?" nakangisi kong sinabi.
"Dayo ka rito kung hindi ako nagkakamali," sabi niya.
"Paano mo nalaman?" tanong ko.
"Sa ayos mo, sa kilos mo, sa pananalita mo," sabi niya. Lumayo ako ng tingin. "May dinaramdam ka?" tanong niya.
"Hindi ako naniniwala sa mga anghel," sabi ko.
"Totoo sila," diin niya. "Naniniwala ka ba sa sinabi ko kaninang nakakakita ako ng mga anghel?" tanong niyang muli.
"Hindi. Sino ka ba para makakita ng mga anghel?" sagot ko.
"Bawat isa sa atin may nagbabantay na anghel." Tinawanan ko ang sinabi niya. Ganyan din kasi ang sinabi ni papa sa akin noon. "Kung iguguhit ko ba ang anghel na nagbabantay sa iyo, maniniwala ka na sa akin?"

Itinaas ko ang balikat ko, "Siguro."

Dumukot siya ng lapis at papel sa bulsa niya. "Lagi akong nagdadala nito," sabi niya. Nagsimula na siyang gumuhit. Minasdan ko siya habang gumuguhit. Ang sarap niyang tingnan. Habang tinitingnan ko siya, naaalala ko si papa. Napakaswabe tingnan ng pagkumpas niya ng kamay. Nang matapos, ibinigay niya sa akin ang papel. Tatlo ang nakita ko sa iginuhit niya.

"Ikaw yung nasa gitna. Yung nasa gilid mo, yun ang nagbabantay sa iyo," paliwanag niya.

Namangha ako kasi ang husay ng mga kamay niya. Kopyang-kopya niya ang mukha ko. Para ako nakakakita ng totoong tao sa guhit niya pero hindi lang iyon ang napansin ko. Pinagmasdan ko ang mga iginuhit niya sa gilid ko. Nakita ko ang karaniwang pagsasalarawan sa mga anghel: may pakpak, may halo, may maamong mukha, may lumiliwanag na awra. Napaiyak ako nang mamukhaan ang sinasabi niyang anghel na nagbabantay sa akin na iginuhit niya. Ang unang nasa iginuhit niya sa kanan ay ang papa ko. Tandang-tanda ko pa ang mukha niya dahil lagi ko iyong tinitingnan sa litrato. Ang isa pang iginuhit niya ang lubusang ipinagtaka ko. Pinahid ko muna ang mga luha ko bago magtanong, "Teka, hindi ba ikaw ito?" Pero pagtingin ko'y wala na ang lalaking katabi ko. Inuuto lang ba niya ako? Pero hindi, alam kong hindi niya kilala ang papa ko!

Maya-maya'y umalon ang dagat at humampas sa akin ang tubig. Nawala na lang bigla sa kamay ko ang papel na hawak ko. Pagkatapos, may nahulog na puting balahibo sa tabi ko kung saan nakaupo ang lalaki kanina. Pagtingin ko, may nakasulat sa buhangin.

"Angelo," pagbasa ko.

Nagsimula na naman akong umiyak nang maalala ko ang nakaraan. "Papa, may angel ako, ang pangalan niya Angelo," sinabi ko noon kay papa.

"Ako naman may angel din, ang pangalan niya Cassandra," sabi ni papa.
"Kapangalan ko ang angel mo, papa?" tanong ko.

Nginitian ako ni papa at hinalikan sa noon. "Mahal na mahal ko ang angel ko," sabi niya.

Naalala ko rin ang sinabi ni mama nang pumanaw si papa, "Kinuha na siya ng angel niya."

Naisip ko na ako siguro ang anghel ni papa na ang pangalan ay Cassandra na kumuha sa kanya para maging anghel ko. Umuwi ako sa amin matapos ang pangyayaring iyon. Humingi ako ng paumanhin kay mama kasi umalis ako nang di nagpapaalam ng personal. Pumunta ako sa silid ko at tiningnan ang dingding nun. Alam kong hindi ko na maibabalik ang mga pinunit kong drawing noong bata pa ako kaya gumawa na lang ako ng panibago. Hindi man ako ganun kagaling gumuhit gaya nina papa at Angelo, alam kong magiging masaya sila pag nakita ang pinaghirapan ko. Niyakap ako ni mama matapos makita ang iginuhit ko sa dingding mismo ng silid ko. Iginuhit ko si mama, ako, at sina papa at Angelo.

Alam kong mahirap paniwalaan ang mga anghel pero base sa naranasan ko, ako na mismo ang nagsasabi... totoo sila kahit hindi natin sila nakikita. Basta maniwala ka lang, hindi nila tayo pinababayaan.


...WAKAS...

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly