No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (12)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...



***
Kabanata 12

     Naglakad ako palayo kay Carl. Inalis ko na rin sa isip ko ang mga salitang binitiwan niya, “Mahal kita,” tutal e hindi naman iyon para sa akin. Isang simpleng salita kung tutuusin pero may mabigat na kahulugan. Kahit ganoon, sa pandinig ko’y umaalingawngaw pa rin ang pangalang binanggit niya,

     “Dara.”
     “Dara.”
     “Dara.”

     Iyon lang naman ang pangalang alam niya. Kailan kaya siya titigil sa pagsabi nun? Dara, sino ka ba talaga?

     Matapos ang pangyayaring iyon, hindi muna kami nagkibuan. Ang tamlay ng araw ko noong hindi kami nag-usap ni Carl. Natapos ang araw na hindi kami nagpansinan hanggang sa nag-uwian at nagpasya akong humiwalay muna sa kanila. Balak kong umuwi nang mag-isa. Nang tanungin ako ng barkada kung bakit, ang isinagot ko na lamang ay, “Basta.” Hinayaan nila akong umalis.

     Nagtungo ako sa likod ng aming paaralan. Sa likod kasi, sa pagkakaalam ko, ay may maliliit na puwesto ng tindahan. Pumunta ako sa isang tindahan at bumili ng makakain. Sa tindahang iyon ay may binebentang fishball. Kumuha ako ng stick at tumusok ng ilang piraso. Nagbayad ako. Nang isinawsaw ko sa sauce ang binili ko, dumating si Rhea at tumusok din siya ng fishball.

     Naubos na namin ang binili namin nang tinanong niya ako, “Anong ginagawa mo rito mag-isa? Iniwan ka nina Carl?” 

     “Hindi. Hindi lang ako sumabay sa kanila,” sagot ko.
     “Himala!” tila nagulat pa siya. “May tampuhan ba kayo?” tanong niyang muli.
     “Tampuhan? Wala naman.”
     “Sinungaling ka, Denise,” paratang niya sa akin. Nagulat ako. “Kung hindi mo alam, nasa garden din ako kaninang recess.”

     Nasa garden siya? Ibig sabihin ba nun ay narinig niya ang mga pinag-usapan namin ni Carl?

     “Ano, nagulat ka?” sabi ni Rhea sa akin. “Nasa garden ako every recess. Doon ako nag-i-stay. Para naman,” may dinukot siya sa bulsa niya, isang stick ng sigarilyo at lighter, “walang makakita sa aking naninigarilyo ako sa loob ng campus. Wala rin naman gaanong nagpupunta roon.” Isinubo niya sa bibig niya ang sigarilyo at sinindihan iyon. Nang ibuga niya ang usok, tinanong niya ako, “Gusto mo?” Tumanggi ako.

     Nagpatuloy siya, “Gusto ko lang sanang mag-sorry sa iyo, Denise, kasi narinig ko yung mga pinag-usapan ninyo kanina at nakita ko ring niyakap ka ni Carl. Hindi ninyo siguro ako napansin kasi busy kayo sa lambingan ninyo at nagtatago rin naman ako.” Hindi ko alam kung bukal ba talaga sa puso niya yung pagso-sorry niya. Ang arte niya kasi magsalita.

     “Ok lang yun,” sabi ko sa kanya.
     “Alam mo kasi, Denise, don’t be too ambitious,” sabi ni Rhea. Ano raw? Ambisyosa ako? “Hindi purkit magkasama kayo ni Carl, close kayo, nagtatawanan kayo at niyakap ka niya ay gusto ka na talaga niya. Ganoon talaga siya. Malapit siya sa mga babaeng tatanga-tanga kasi isa rin siyang tanga.”

     Ano bang gustong mangyari ni Rhea? Bakit niya sinasabi sa akin ito? Naghahamon ba siya ng away?

     “He’s cool, yes. Kaya maraming gustong makipagkaibigan sa kanya. He’s smart, too, kahit hindi halata. Pero alam mo ba yung attitude ni Carl, nakakasuka.”

     Ano ba talagang problema ng babaeng ito? Sinisiraan niya ba si Carl sa akin?

     “Sinisiraan mo ba si Carl?” ang bigla ko na lamang naitanong sa kanya.
     “Sinisiraan?” tanong ni Rhea. “Of course not!” Napangisi siya, “Yun naman kasi ang totoo e! Arogante siya at walang modo kaya mas makabubuti kung lalayo ka sa kanya.”
     “Bakit ko naman siya lalayuan e kaibigan ko si Carl? Kahit na ganoon siya, tanggap ko siya at nirerespeto ko siya.”

     Natahimik si Rhea. “It’s up to you,” iyon na lang ang nasabi niya. Tinapon niya ang hinihithit niyang sigarilyo at tumalikod siya sa akin. “Siyanga pala,” pahabol niyang sinabi at humarap uli siya sa akin. “Si Dara.”

     Si Dara? Dara na naman ba ang maririnig ko?

     “Gusto mo bang malaman kung sino siya?” tanong ni Rhea sa akin.

     Malaman kung sino si Dara? Oo! Gusto kong malaman!

     “Oo,” agad kong isinagot.
     “Si Dara, classmate namin siya noong grade school. Bestfriend siya ni Arlene pero inagaw siya ni Carl. Sabihin na nating puppy love iyon pero para kay Carl, si Dara ang first love niya. Kaso…” dumilim ang mukha ni Rhea.
     “Kaso ano?” tanong ko.
     “Patay na siya,” sagot ni Rhea. Nabigla ako sa sinabi niya. Tumalikod na muli siya at umalis na.

     Naiwan akong nag-iisip. First love ni Carl si Dara? Kaya ba sinabi ni Carl na alaala na lang si Dara kasi patay na siya? Pero paano? Anong nangyari? Isa pa, ramdam kong hanggang ngayon ay naroroon pa rin ang pagmamahal ni Carl sa kanya.

     Kinagabihan, hindi ako nakatulog dahil sa nalaman ko. Iniisip ko si Carl. Sa kabila ng mga ngiti niya, alam kong sa loob niya ay malungkot siya at pinahihirapan siya ng mga alaala ni Dara. Hay! Ano bang nangyayari sa akin? Bakit ba masyado akong apektado? Problema na ni Carl iyon, hindi ko na problema iyon. Hindi ko na siguro kasalanan kung bakit siya malungkot.

     Nang magkita kami kinabukasan, humingi siya ng tawad sa akin, “Denise, sorry nga pala kahapon ha.” 

     At hayan na naman ako, pinatawad ko na naman siya. “Ok lang yun,” tugon ko.

     “‘Wag kang mag-alala, sa susunod hindi na kita yayakapin!” ipinangako niya sa akin. Nanghinayang tuloy ako bigla. Haha! Ok lang naman kahit yakapin niya ako. Kahit ilang beses pa kung iyon ang makapagpapanatag ng loob niya.
     “Buti naman kung ganoon,” sabi ko kay Carl. Ba’t ba ang plastic ko?
     “Pero umamin ka, Denise, nagustuhan mo yung pagyakap ko sa iyo no?” sabi niya sa akin. Ang kapal talaga ng mukha nitong lalaking ‘to.
     “Ang kapal mo talaga, Carl! Alam mo kung ano yung naramdaman ko? Nakakakilabot, nakakadiri, ewan ko ba!” natatawa kong sinabi sa kanya.

     Nginitian niya lang ako. Nakapagtataka. Pag nakikipagtawanan kasi siya sa akin, dinig hanggang labas ng classroom yung tawa niya pero ngayon nakangiti lang siya. Iniisip niya pa rin siguro yung first love niya.

     “Carl, magmahal ka na lang kaya ng iba,” sinabi ko sa kanya.
     “Ano?” tanong niya, 'di yata niya inaasahang sasabihin ko iyon.
     “Para naman hindi mo na siya naiisip. Para naman hindi ka na nalulungkot,” sagot ko. Umiwas siya ng tingin. Kilala niya na kung sino ang tinutukoy ko.
     “Sino naman ang mamahalin ko?”

     Wala naman akong ibang naiisip na puwede niyang mahalin. Alangan namang sabihin kong ako na lang ang mahalin niya. Nakakahiya naman yun. 

     “Si Arlene,” mungkahi ko.
     “Hindi na no!” iritang sabi niya. At tinawag niya ang pangalan ko, “Denise.”
     “Bakit?” tanong ko.
     “Puwede bang ikaw na lang ang mahalin ko?” Namula bigla ang mukha niya.

     Ako ang mamahalin niya? Hindi nga? Puwede ba, Carl, nabiktima mo na ako noong unang beses at hindi na mauulit iyon.

     Tinawanan ko na lang siya, “Tigilan mo nga ako, Carl.” At humingi ako ng paumanhin, “Hindi ako marunong magmahal e! Pasensya ka na.”

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly