***
RECESS…
RYAN: (May mararamdamang halong lungkot at pagkainis pero hindi ipahahalata) Talaga? Ano namang na-feel mo? Kasi kung si Tweety ang nasa kalagayan mo, ang sasabihin nun ay todo kilig siya at magtiti tili iyon. Malandi yung bading na iyon, e!
LENA: Masaya, syempre! (Iibahin ang usapan) Siyanga pala Ryan, kailan ba ang laban ng team ninyo?
RYAN: Matagal pa siguro.
LENA: Excited na ako! Sana manalo uli kayo.
RYAN: (Mapapangiti) Syempre, kung manonood ka, mananalo kami. Kahit nakapikit ako, basta alam kong nanonood ka, yakang-yaka na iyan!
LENA: Yabang nito!
RYAN: May maipagmamayabang naman, e! O, akala ko ba friends na kayo ni Ran e nasaan na siya?
SA LOOB NG SILID-ARALAN…
RAN: (Nag-iisa at malungkot na tumutugtog ng gitara)
LENA at RYAN: (Papasok)
RAN: (Mapapahinto sa pagtugtog)
RYAN: Sige, ituloy mo lang iyan. Huwag ka nang mahiya sa amin.
RAN: A oo, sige. (Itutuloy ang pagtugtog) Nakita ninyo ba si Millie?
RYAN: A… Hindi! Hindi namin siya nakita. Bakit mo ba siya hinahanap?
RAN: Kasi hindi ako sanay na iniiwan niya ako.
RYAN: Pareho pala tayo! Alam mo ba ako, kapag may laban kami at hindi ko nakikita si Lena na nanonood, kinakabahan ako. Hindi ako maka-concentrate. Gusto ko, palagi lang siyang nandoon para mag-cheer at syempre, para magdala ng pagkain. Hehe…
RAN: Nakakainggit naman kayo.
RYAN: Naku, hindi ka dapat mainggit! Kasi, ang turing sa akin ni Lena ay kaibigan lang samantalang sa iyo ay…
LENA: (Sisikuhin si Ryan, bubulong) Huwag kang madaldal diyan!
RAN: Ay ano?
RYAN: Ay isang idolo! Ang galing mo raw kasing tumugtog ng gitara.
RAN: (Mamumula ang mukha) Hindi naman.
RYAN: Alam mo ba, itong si Lena, sobrang bait niyan. Lagi siyang may pagkain para sa akin! Kapag may laban kami, lagi lang siyang sumusuporta. Mabait ang kaibigan kong ito.
RAN: Mukha nga. Kaya nga gusto ko, maging kaibigan ko rin siya. Pwede ba iyon, Ryan?
RYAN: (Mapipilitan) Oo naman! Saka, alam ko namang yun din ang gustong mangyari ni Lena.
RAN: Nakakatuwa naman kayo. Sasama ako sa inyo, pwede ba?
RYAN: Lahat ng taong gustong makipagkaibigan sa amin ay tinatanggap namin. Shake hands tayo, pre! (Makikipagkamay) Kung hindi mo pa ako kilala… Pero syempre, kilala mo na ako. Ako si Ryan Cristobal at ang isa pa naming kaibigan ay si Timothy Santos. Pero, ayaw niyang tinatawag siyang Timothy; gusto niya, Tweety. Ito si Lena at tatlo kami sa grupo. Pero ngayon, apat na tayo.
SA BENCH… Pagkatapos ng ensayo ng Varsity…
LENA: Paano mo nagagawa iyon? Yung nakikipag-usap ng walang hiya-hiya?
RYAN: Yun ba? Sus! Ang dapat mong tandaan, huwag kang mahihiya kasi di na yun uso.
LENA: Malakas ang loob mo. Ako nga, hindi ko pa kayang kausapin si Ran.
RYAN: Huwag mo kasing isiping may gusto ka sa kanya. Ganoon nga ang ginagawa ko!
LENA: Asus! Kanino naman?!
RYAN: (Mang-aasar) Ssseeecccrrreeettt!
LENA: (Hindi makapaniwala) Bestfriend, may crush ka rito sa campus?! Ang daya! Kailangan sabihin mo sa akin kung sino, ha!
RYAN: Oo! Pero, hindi pa ngayon. Baka sa graduation.
LENA: Alam ba niyang may gusto ka sa kanya o sinabi mo na ba? Ang swerte naman nung babaeng iyon, mapupunta siya sa iyo! Sana, ganyan din si Ran sa akin…
SA BAHAY NI LENA…
LENA: (Magmamano sa ama) Magandang hapon po.
REY: Bakit ngayon ka lang umuwi?
LARA: Nanood na naman iyan ng practice ni Ryan.
REY: Alam mo ikaw, manang-mana ka sa mama mo! Noong nabubuhay pa iyon, adik sa basketball. Dati, noong kabataan pa namin, aba, idol ako nun!
LENA: Talaga papa? Idol kayo ni mama? Weh?!
REY: Oo, crush na crush nga ako nun. Hahawakan ko pa lang yung bola, titili na. Number one fan ko iyon. Tingnan mo ngayon, kami ang nagkatuluyan. Kaso, maaga naman siyang natuluyan. Hay naku! Kumusta na nga pala ang eskwela?
LARA: (Sisingit) Ay Lena, ano? Classmate mo ba yung gwapong magaling mag gitarang nakatira riyan sa kabilang street?
LENA: Oo, ate! Seatmates nga kami, e!
LARA: Talaga? Ano, mabait?
LENA: Oo. Pero… hindi ako masyadong kinakausap. Kanina nga, tumutugtog siya ng gitara, malungkot yung tunog. Pero, magaling siyang tumugtog!
LARA: Hmm… Siguro broken hearted.
LENA: Ewan!
KINABUKASAN…
RYAN: (Masayang magbabalita) Lena, sa January raw yung Championship!
LENA: A talaga?
RYAN: Sana ako ang maging MVP. Tapos malay mo, paglaki natin, ako na ang pinaka magaling na player!
LENA: Galingan mo, ha!
RYAN: Oo basta para sa iyo!
RAN: (Mula sa malayo ay makikita sina Lena at Ryan na nag-uusap, aalis)
SA LOOB NG SILID-ARALAN…
RAN: (Mag-isa na naman; tumutugtog ng gitara, malungkot ang himig) Bakit ganoon? Nagseselos ba ako? Hindi! Hindi dapat ito!
MILLIE: (Papasok) Kanina pa kita hinahanap!
RAN: Hindi ko maintindihan kung bakit nagagalit ako kapag nakikita ko silang magkasama!
MILLIE: (Magtataka) Sino? (Magbibigay ng hinala) Sina Lena at Ryan ba? Teka Ran, huwag mong sabihing may gusto ka kay Lena.
RAN: (Mapapatigil sa pagtugtog) Kay Lena? Hindi! Wala! Wala akong gusto sa kanya!
MILLIE: Normal lang naman iyan. Mukha naman siyang mabait at maganda pa siya, di ba?
RAN: Millie, si Ryan… May… gusto ka pa ba… sa… kanya?
MILLIE: Uhmm… Dati. Pero ngayon, wala na. Bakit mo natanong?
RAN: (Hahawakan ang kamay ni Millie) Pakiusap, tulungan mo ako. Ilayo natin sila sa isa’t-isa!
MILLIE: (Bibitiw kay Ran) Ano bang iniisip mo? Sisirain mo sila para lang makuha mo si Lena?
RAN: Sinabi ko na sa iyong hindi si Lena!!!
MILLIE: Hindi si Lena? Sino? (Mabibigla, tatakpan ang bibig) Si RYAN??? O hindi!!!
SA BAHAY NI LENA…
(Magri ring ang telepono)
LARA: (Sasagutin ang telepono) Si Lena? Teka lang, ha! (Tatawagin si Lena) Hoy Lena! Telepono para sa iyo.
LENA: Sino iyan?
LARA: Aba, malay! Edi, sagutin mo para malaman mo!
LENA: (Kukunin ang telepono) Hello?
BOSES: Hello Lena! Bukas, susunduin kita. Pag labas mo ng bahay ninyo, nandyan na ako sa tapat. Sabay tayong sumakay ng tricycle at jeep, ha! Bye!
LENA: Teka!
TELEPONO: Tut… tut… tut…
LENA: (Magtataka, ibababa ang telepono)
LARA: Anong sabi?
LENA: Susunduin daw ako. Pag labas ko ng bahay bukas, nasa tapat siya ng bahay natin at sabay raw kaming sumakay ng tricycle at jeep.
LARA: Asus! Sino naman kaya iyon?
LENA: (Itataas ang balikat na nangangahulugang hindi niya alam) Boses lalaki. Hmmm… Sino kaya iyon? Si Ryan ba? Baka naman si Ran? Si Tweety kaya?!
LARA: Hindi, imposibleng si Tweety.
LENA: Bakit?
LARA: Boses lalaki nga, e! Bakla iyon. Ang boses nun, parang inipit na daga.
LENA: Ganoon?
KINABUKASAN…
LENA: (Lalabas ng bahay) Sino kaya yung… (Makikita si Ran na dala ang kanyang gitara) Si Ran?! (Maglalakad papunta kay Ran, mag-iisip) Siya kaya yung tumawag at nagsabing sabay kami sa tricycle at jeep?
RAN: (Mapapansin si Lena) Lena, gusto mo bang sumabay sa akin sa pagpasok sa school?
LENA: (Maaabala sa kanyang pag-iisip) Huh? O sige!
***
No comments:
Post a Comment