No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (Ang Pagwawakas)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...


Kabanata 1

***
Kabanata 28

               
       Wala na akong nabalitaan sa barkada ko mula noong umalis ako sa lugar na tinitirhan namin. Hindi ko na rin nalaman kung ano ba ang naging reaksyon ni Marvin nang magpunta siya sa bahay. Marahil ay gulat na gulat yun nang madatnang wala nang tao roon at umalis ako nang walang pasabi.

       Malayo ang lugar na nilipatan namin ng pamilya ko. Napilitan din si Ate Diana na lumipat ng eskwelahan na sadyang ikinais niya. Ang kagandahan naman nito ay credited ang ilang subjects niya. Ako naman ay nag-aral din ng Kolehiyo sa parehong eskwelahan na pinasukan ni Ate Diana. Bagong mundo ang kinabilangan namin. Bagong mga kapit-bahay ang pinakisamahan namin. Wala rin akong nakitang kakilala noong high school na nag-aaral sa paaralang pinasukan ko noong Kolehiyo. At ngayon, naririto ako sa aking Alma Mater noong high school. Kaharap ko ang batch mates ko. Makalipas ang ilang taon, nakasama ko na rin sa wakas ang barkada ko. Siguradong may tampo sila sa akin dahil naglaho na lang akong parang bula noon. Bakas naman iyon sa itinanong ni Gng. San Jose sa akin, “Bakit ganoon? Simula noong magtapos ka ng fourth year ay wala na kaming nabalitaan sa iyo?” Siguro ang pinaka nagtampo ay si Marvin kaya nga hindi niya nagawang makarating ngayon, at ayon pa kay Gng. San Jose (na noon ay si Bb. Aragon) ay may sakit ang kapatid niya ngayon.

       “Nagpaulan kasi kahapon kaya hayan, may sakit na tuloy ngayon,” ang sinabi ni Gng. San Jose. Iniba niya na ang usapan. “O sige, anyway, ang iyong gagawin ay hawakan itong mikropono, tumayo ka rito sa gitna at ibahagi mo naman ang iyong mga naging KARANASAN dito sa paaralan natin. Puwede ba yun?”
       “A, opo,” sagot ko. Tumayo ako sa gitna at huminga nang malalim. Lahat ay nakatingin sa akin. Kinakabahan ako. “Paano ko ba uumpisahan ito?” tanong ko sa sarili. “Alam ko na!”

     Binalikan ko ang nakaraan at nagkuwento ng ilang karanasan sa aking dating paaralan. Matapos kong magbahagi ng ilan sa mga naging karanasan ko noong high school, pinalakpakan ako ng lahat. Marahil ay bumalik din sa alaala nila ang lahat ng ikinuwento ko. Nagbahagi kasi ako ng ilang 'di malilimutang karanasan tulad na lamang ng ilan sa mga sinalihan kong school events. Ikinuwento ko rin ang 'di malilimutang sandali ng JS Prom noong fourth year. Hindi ko na ibinahagi pa ang JS Prom noong third year. Syempre, isinama ko na rin ang graduation. Bukod doon ay marami pang iba. Sinabi ko ring masaya ako dahil nagkaroon ako ng mga kaibigang tulad nina Angel, Gelo, Arlene, Marvin at lahat pa ng mga naging kaklase ko at nakasalamuha ko noong high school. Hindi ko rin nakalimutang batiin ang mga naging guro ko noon. May nakaligtaan pa pala akong sabihin. Nakalimutan kong isama si Carl sa mga taong binati ko. Nang sabihin ko ang pangalan niya, narinig ang kantyawan ng mga kalalakihan sa likuran. Maging ang mga babae ay napapangiti.

       Nang matapos akong magsalita sa harapan, pinaupo na ako ni Gng. San Jose. Lumakad na ako pababa ng stage at tinabihan ko si Angel. Tuwang-tuwa si Angel. Sabi niya’y ang galing-galing ko raw magsalita. Impromptu speaking kasi iyon.

       “Talaga ito,” sabi ko sa kanya.

       Maraming nakapagsabing ang laki na nga ng ipinagbago ko pero para sa akin, ako pa rin ito. Ako pa rin ang dating Denise na iyakin. Siguro kaya lang nila nasabi iyon ay dahil sa matagal nila akong hindi nakita. Napansin ko rin naman ang pagbabago sa batch mates ko, partikular sa pisikal na anyo. Ang iba din sa kanila ay nalaman kong may mga asawa’t anak na samantalang ako, heto, dalaga pa rin. Naghihintay ako ng tamang lalaki para sa akin at sa pagkakaalala ko ay may pinangakuan ako noong third year high school na after twelve years ay sasagutin ko siya.

       Bilang bahagi ng aming Alumni Homecoming ay nagkaroon ng mga palaro. Nakisali ang ilan sa mga ka-batch ko. Nakatutuwa dahil sa pagsali nila sa mga palaro ay naramdaman muli nila kung paano maging bata. Kami naman ni Angel ay 'di rin pahuhuli sa ganito at nakisali rin kami.

       Naging tahimik ang lahat nang magkaroon ng kainan. Nagkani-kaniyang puwesto ang lahat at tahimik na nagkuwentuhan. Noong una ay kami lang ni Angel ang magkasama ngunit kinalaunan, lumapit si Gelo sa amin at sinamahan kami. Iba na ang hitsura ni Gelo. Nakita ko ngang may tumutubo siyang bigote at balbas. Mamang mama na kung siya’y iyong tingnan. Makulit pa rin naman siya tulad ng dati. Nang tanungin ko nga siya kung may asawa na siya, sumagot siya ng,

       “Meron na. May isang anak na kami.”
       “A talaga?” Natuwa ako sa narinig ko. Sinabi niyang ka-batch namin ang napangasawa niya. Nang tanungin ko kung sino, sabi ni Gelo ay,
       “Ano bang pangalan nun? Angelica Delos Santos y Olivares yata.”

       Siniko siya ni Angel. Natawa ako sa sinabi ni Gelo sa pag-aakalang nagbibiro lang siya nang sabihin niyang si Angel ang napangasawa niya pero nakumpirma kong totoo pala. Nakita ko ang wedding ring sa mga daliri nila. Akalain mo yun! Sila pala ang nagkatuluyan. Sabagay, sobrang malapit sila sa isa’t isa noong high school kami. Nakibalita rin ako ng tungkol kay Marvin. Si Gelo na naman ang nagkuwento.

       “A si Marvin ba? Ayun, pari na siya ngayon.”

       Nasamid ako. “Pari???” tanong ko.

       “Ay naku, ‘wag kang magpapaniwala riyan kay Gelo. Exaggerated na naman iyan,” sabi ni Angel.
       “Hehe!” pagtawa ni Gelo. “Nagulat ka ba, Denise?”

       Binigyan ko siya ng masamang tingin.

       “Yung kaibigan kasi nating yun, Denise, matindi yun. Biruin mong 'di man lang nagkaroon ng girlfriend kahit na isa,” pagbabahagi ni Gelo.
       “A talaga?” reaksyon ko.
       “Matindi kasi ang tama nun sa’yo,” sabi niya. “E ikaw, may boyfriend ka siguro ngayon.”
       “Wala,” sagot ko.
       “E nagkaroon ka naman siguro ng boyfriend before, ano?” tanong niya sa akin. Umiling ako. “Hindi???” gulat na naitanong ni Gelo. “E matindi ka rin pala!” Nagtawanan kami. Nagpatuloy siya, “Alam mo, every night kung yayain kong gumimik yung si Marvin. Todo tanggi naman. Mabuti pa nga si Carl e! Paminsan-minsan nakikisama.”
       “Siyanga pala,” singit ni Angel. “Nangibang-bansa ka pala ano, Denise?” Dahil sa tanong niyang iyon ay naiba na ang usapan.
       “Oo,” sagot ko.
       “Alam mo nakakatampo ka,” sabi ni Angel sa akin. Na-guilty tuloy ako. “Wala kaming balita sa iyo. Kita mo ngayon, nangibang-bansa ka pala, hindi namin alam. Tapos dati hindi ka man lang nagsabi sa amin na aalis pala kayo, na lilipat kayo ng bahay. Hindi namin malalaman kundi pa sinabi sa amin ni Marvin.”

       Umiwas ako ng tingin. “A yun ba?” Sinubukan kong magpaliwanag, “Kasi naman biglaan din yun. 'Di ko nga rin akalain yun e! After ng graduation natin, pag gising ko kinabukasan, nagulat ako dahil pinag-impake kami ni papa. Hindi talaga ako handa kaya hindi na ako nakapagpaalam sa inyo.”

       “A ganoon ba?” malungkot na tanong ni Angel.
       “Pasensya na kayo ha kung hindi na ako nakapagpaalam,” paumanhin ko kina Angel at Gelo. Gaya nga ng sinabi ko noon, hindi ko naman talaga sinabi sa kanila ang tungkol sa paglipat namin.
       “Ang hirap kasi nun, wala kaming contact number mo,” sabi ni Gelo. “Kung alam mo lang kung ano ang nangyari kay Marvin noon. Sobra siyang umiyak. Naging matamlay rin siya. Hindi pa nga kumain ng ilang araw yun,” dagdag niya.

       Nag-alala ako nang husto. Ganoon pala ang nangyari kay Marvin noon.

       “Nag-away pa nga sila ni Carl e! Sabi ni Carl sa kanya, Ano ka ba, papatayin mo ba ang sarili mo? Babae lang ‘yan! Marami pa namang iba riyan!” pagpapatuloy ni Gelo. “Pero hayaan mo na yun, Denise, ang tagal na nun e! Sayang nga lang at wala si Marvin ngayon.”

       Nagawa pang isingit ni Angel ang, “Hanggang ngayon buo pa rin pala yan.” Ang bracelet na suot ko ang tinutukoy niya. Ibinigay ito sa akin ni Marvin noon.

       “A oo,” tugon ko. “Ang tagal kong iningatan ito. Sabi ko kasi dati kay Marvin na makikita niya pang suot ko ito pag dating ng Alumni Homecoming natin.”
       “Matindi ka talaga, Denise!” pang-aasar ni Gelo.
       “Hay naku, tumigil ka na nga!” saway ko sa kanya.

       Matapos ang aming pag-uusap, nagpaalam ako kina Angel at Gelo na pupunta ako sa CR. Nadatnan ko si Rhea roon na naglalagay ng make-up. Binati niya ako,

       “Hi Denise!”

       Kinumusta ko rin naman siya.

       “Ang ganda-ganda mo wala ka pa ring asawa?” sabi niya sa akin.

       Nginitian ko lamang siya. Kinumusta ko rin kung ano ba ang naging buhay niya.

       “Heto single mom,” sabi niya. “Pero wala naman akong pinagsisisihan e! Syempre, kaya ko namang buhayin ang anak ko kahit mag-isa lang ako.”

       Nasabi rin niyang naging boyfriend niya si Neo noon. Umabot ito ng isang taon pero naghiwalay rin sila. Masyado kasing babaero si Neo at 'di niya nagustuhan iyon. Mabuti naman daw silang magkaibigan ngayon.

       Marami pang kuwento ang ibinahagi sa’kin ng batch mates ko nang magkita-kita nga kami sa Alumni Homecoming. Iyon ay sari-saring kuwento ng kanilang pagkabigo at tagumpay, mga problemang kanilang naranasan na kanila rin namang nasolusyunan. Nakakapagod ang isang buong araw na kuwentuhan ngunit sa isang buong araw na kuwentuhang ito, hindi ko man lang nakausap ni isa kina Arlene at Carl. Matapos makipagkuwentuhan ay sumimple ako ng alis at nagpunta sa garden ng Alma Mater ko. Mas maganda ang garden ngayon kaysa dati. Presko at sariwa ang hangin sa lugar na ito, gawa na rin ng mga puno. Maya-maya’y may kaluskos akong narinig at nang tumingin ako sa paligid, nakita ko siya, si Carl, na nakatayo. Napakakisig ng kanyang tindig. Kinabahan ako.

       “Hi,” pagbati niya sa akin.

       Nagpalinga-linga ako baka kasi may iba siyang binabati pero wala naman akong nakitang tao sa paligid. Kami lang ang tao sa garden.

       “Oo, ikaw, Denise,” sabi niya sa akin.

       Mula nang magkagalit kaming dalawa noon, ngayon —sa puntong ito, niya lamang ako kinausap.

       “H-Hi,” pagbati ko rin naman sa kanya.
       “Kumusta ka naman?” tanong niya sa akin.
       “Mabuti. Mabuting-mabuti,” sagot ko. “E ikaw?” tanong ko sa kanya.
       “A eto, ayos lang din naman,” sagot niya. “Long time no see ha, ten years,” sabi niya. Nagbigay lang ako ng ngiti. “Wala si Marvin e, may sakit. Sayang naman at hindi ka niya nakita ngayon.”
       “Oo nga e, sayang. Gusto ko pa naman siyang makita,” tugon ko.
       “A Denise, puwede ba kitang kuhanan ng picture?” tanong sa akin ni Carl.
       “Ha? Ako? Kukuhanan mo ng picture?” tanong ko naman kay Carl, baka kasi nagkakamali lang ako ng dinig.
       “Oo, kung puwede lang sana. Ipapakita ko kay bro,” sabi niya. Pumayag ako sa pakiusap niya. Kinuha niya ang cell phone niyang may camera mula sa kanyang bulsa at kinuhanan niya ako ng litrato. Nagpasalamat siya pagkatapos, “Thanks.”
       “Patingin nga,” sabi ko kay Carl. Lumapit ako sa kanya at tiningnan ang kuha ko. Maayos naman ang pagkakakuha ko. Ibinulsa niya na ang cell phone.
       “So, kailan ang balik mo niyan sa ibang bansa?” tanong niya na naman sa akin.

       Nag-isip ako sandali, “Hmm. Kung wala akong ibang aasikasuhin, maybe next week e bumalik na rin ako. Ang ipinunta ko lang naman dito ay yung Alumni Homecoming natin.”

       “Puwede ka bang mag-extend ng stay mo?” tanong ni Carl sa akin.
       “Bakit?” naitanong ko sa kanya.

       May ibinigay sa akin si Carl na isang sobre, isang imbitasyon. Nang buksan ko iyon, tumambad sa akin ang mga salitang Aragon-Cruz Nuptial.

       “Ikakasal na kasi kami ni Arlene next month,” sabi niya. “Kung makakapag-extend ka pa ng stay mo, puwede ka bang um-attend ka sa kasal namin?”

       Sa totoo lang, hindi ko inaasahan ang ganito. Ewan ko, dahil pagkabasa ko ng imbitasyon, pakiramdam ko’y pinunit-punit ang puso ko, pinira-piraso. Matagal na panahon na iyon, maraming taon na ang nagdaan. Inakala kong nakalimutan ko na ang nararamdaman ko para kay Carl pero bakit ganoon? Bakit ganito ang nararamdaman ko? Naririto pa rin ba ang pagmamahal ko sa kanya? Nang kausapin niya kasi ako, pakiramdam ko ay unti-unting bumabalik ang nararamdaman ko para sa kanya. Hay Denise! Huwag kang ganyan! Tama na! Puwede ba sa pagkakataong ito huwag ka nang magpakatanga? Wala na si Carl sa pagkakahawak mo. Magkasintahan na sila ni Arlene gaya nga ng sabi ni Angel at ngayon ay ikakasal na sila. Tumigil ka na!

       Sandali ko pang tinitigan ang imbitasyon at saka ako nagsalita.

       “Sige, titingnan ko kung makaka-attend ako sa kasal ninyo.”
       “Titingnan mo?” tila nagtatampo si Carl.

       Binago ko ang sinabi ko. “O sige na, pupunta ako.” Nagbigay ako ng ngiti.

       “Thanks, aasahan ko iyan.” Tumalikod na si Carl at iniwan akong mag-isa sa garden. Hawak ko ang imbitasyon. Naiwan akong mukhang tangang nakatitig sa kapirasong papel na iyon. Napabuntong-hininga ako at umalis na rin pagkatapos.

       Nang matapos na ang programa para sa Alumni Homecoming, nagkani-kaniyang uwi na ang lahat. Nagkuhaan din kami ng picture nina Gelo at ng iba pang ka-batch ko. Hindi man namin nagawang makapag-usap, nakita ko namang ngumiti si Arlene nang mapansin niyang hawak ko ang imbitasyon. Nagulat sina Angel at Gelo nang makitang hawak ko ang imbitasyon at nang sabihin kong si Carl ang nagbigay nun.

       “Pupunta ka ba?” tanong ni Gelo.
       “Oo naman!” galak ko pang sinabi. Nagkatinginan ang mag-asawa.

       Lumabas na kami ng campus. Madilim na rin. Lumapit ako sa kotse kong nakaparada sa labas ng eskwelahan.

       “Wow! Nice car!” namamanghang sabi ni Gelo.

       Sinabi ko sa kanilang ihahatid ko sila. “Sakay na kayo. Saan ba ang bahay ninyo?”

       “Naku huwag na, Denise, nakakahiya naman sa iyo,” pagtanggi ni Angel.
       “Ano ba naman kayo? Para naman kayong hindi kaibigan niyan e!” pagtatampo ko sa kanila.

       Nakumbinsi ko rin silang sumakay at inulit na naman ni Gelo yung sinabi niya kanina, “Matindi ka talaga, Denise!”

       Papasakay na kami sa sasakyan nang may mamataan kaming padating na kotse.

       “Wooahh!” sigaw ni Gelo. “Si Marvin!”
       “Ano? Si Marvin?” 'di makapaniwala si Angel.

       Tila napako naman ang mga paa ko at hindi na ako nakagalaw sa puwestong kinatatayuan ko nang marinig ko ang pangalan ni Marvin. Pumarada ang kotse 'di umano ni Marvin at nagmadaling lumapit si Gelo, kinatok ang bintana at nang bumukas iyon ay sinabi niyang,

       “Bilis, pare! Baba!”

       Bumaba nga mula sa kotse si Marvin. Pagkababa niya’y nakita niya ako. Nagkatinginan kaming dalawa. Kakaibang kaba ang naramdaman ko dahil matapos ang sampung taon, sa wakas ay nakita ko rin ang mukhang iyon… Ang mukhang kaytagal ko nang hindi nakikita… Ang mukha ng binatang pinangakuan ko noon.

       Kakaibang ekspresyon ng mukha ang nakita ko mula kay Marvin. Para ngang iiyak na siya nang makita ako. Ilang sandali pa’y lumakad ang kanyang mga paa at lumapit siya sa akin.

       “Denise,” pagtawag niya sa akin. Abot-tainga ang ngiti ko nang marinig kong tinawag niya ang pangalan ko. Ang tagal ko ring hindi narinig ang boses niya. “Ang tagal mong nawala,” sabi niyang nanginginig ang tinig. Nagulat ako nang yakapin niya ako nang mahigpit. Naramdaman kong mainit ang katawan niya. Nilalagnat siya. Humingi pa siya ng paumanhin sa akin. “Sorry, I’m late. Peste kasing lagnat ‘to.” Sobrang late na nga siya dahil dumating siya kung kailan uwian na.
       “Picture-picture!” narinig kong isinigaw ni Gelo. Ang loko ay sinamantala ang pagkakataon at kinuhanan kami ng litrato na nasa ganoong posisyon.

       Ipinakita ko kay Marvin ang bracelet na ibinigay niya sa akin noon. Sa puntong ito ay napaiyak na siya dahil napatunayan niyang tinupad ko ang sinabi kong aalagaan ko ang pulseras na iyon. Masaya ako. Sobrang saya. Siguro nga hindi si Carl ang tamang lalaki para sa akin. Siguro nga’t kay Arlene siya nakalaan. Siguro nga’t nag-over react lang ako nang makita kong nakasulat ang mga apelyido nina Carl at Arlene sa imbitasyon. Siguro nga si Marvin talaga ang taong itinadhana para akin. Siguro... Balang araw ay magiging masaya rin ako... Siguro...

       Nilisan na namin ang paaralang naging pangalawang tahanan ko noong high school sa loob ng dalawang school year. Nang lingunin ko iyon, napangiti ako. Hinding-hindi ko malilimutan ang paaralan ko dahil dito ko nakilala ang mga taong kukumpleto sa buhay ko. Ito ang nagpapabalik sa akin ng mga alaala ng aking kabataan —mga alaala noong high school ako! Taas noo kong sasabihin sa maraming tao na ako ay isang proud alumna ng Alma Mater ko. Masasabi ko ring hindi ako basta isang pangkaraniwang estudyante noong high school ako. Dahil noong high school ako, hindi lang ako basta natuto ng aralin sa klase. Dahil noong high school ako ay umibig din ako.

...WAKAS...

6 comments:

  1. hi! i would really really love to read your stories kahit di ako on line. wish you have e'book or pdf copies of your stories! that would be very wonderful. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. awww... too bad wala ako nun. I only have the copy on MSWord. pwede na ba yun? send ko na lang po sa e-mail ninyo?

      Delete
  2. Ahy. Anlungkot ng ending.. :( pls post ung music of the heart ata. Thanks! Very nc story..

    ReplyDelete
    Replies
    1. Music of Love po, nasa gilidpo yung category. pa click na lang po ng Link under NOBELA (KUNO)

      Delete
  3. Ahy. Nkaphone kc aq. Anyways thanks! Love reading ur stories. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. pakilala naman po kayo. wala po kasing name na lumalabas. :)

      Delete

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly