No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 15, 2012

Rhythm of Heartbeat (14)



***
Chapter 14
A Smooth Plan

Sa nakaraang panahon.

     Sumapit ang ika-pitong araw ng taning na ibinigay ni Rich kay Rico. Nandito sila sa Unibersidad. Sa paglitaw ng haring araw, isang bagong umaga ang masisilayan, isang bagong simula. Nakatayo ang magkapatid at nag-uusap sa gitna ng mga estudyanteng dumadaan. Sa araw na ito, inaasahan ni Rich na hihiwalayan agad ni Rico si Mildred pero roon pala siya nagkamali.

     “Tatlong buwan?” labis na ipinagtaka ni Rich. “Tatlong buwan pa bago mo hiwalayan si Mildred? Bakit ganoon katagal? Bakit hindi na lang ngayon?” tanong niya kay Rico. Ano nga kaya ang dahilan ng kapatid niya?
     “May plano ako,” sagot ni Rico.
     “Plano?”
     “Sa loob ng tatlong buwan, pasasayahin ko si Mildred. Sa loob din ng tatlong buwan, susuyuin ko si Bernadette nang hindi nalalaman ni Mildred. Pag nakuha ko ang loob ni Bernadette, saka ko iiwan si Mildred.”
     “Paano pag hindi lang tatlong buwan ang inabot ng panunuyo mo kay Bernadette?”
     “Tatlong buwan lang, Kuya Rich. Three months ang target ko. Kaya ko yun!” kampante si Rico.

     Tumingin si Rich sa relo niya, “Malapit na ang first class ko.” Tumingin uli siya kay Rico, “‘Wag kang mag-alala, may tiwala ako sa iyo. Pag sumira ka sa usapan, ibubunyag ko sa mga kamag-anak natin ang sikreto ninyo ni Mildred. Ayaw ninyo naman sigurong mapahiya, ano?”

     Naghiwalay na sila at nagtungo na si Rich sa una niyang klase.

     Pinuntahan ni Rico si Mildred nang magkaroon ang dalaga ng libreng oras. May klase si Rico pero isinakripisyo niya ang oras niya para makasama si Mildred. Sinabi ni Mildred na hindi kailangang lumiban ni Rico sa klase pero sinagot siya ni Rico ng,

     “Hindi kailangan kundi dapat. Dapat kong gawin ito dahil mahal kita.”

     Laging sinasabi ni Rico na mahal niya si Mildred. Lagi niyang ipinadadama na mahalaga ito. Lagi silang masaya pag magkasama. Laging mahigpit na magkahawak ang kanilang mga kamay. Laging nararamdaman ni Mildred ang init ng yakap ni Rico at ang tamis ng halik nito. Hindi siya nagsasawang marinig ang boses ni Rico at ang lagi nitong sinasabi,

     “Mahal kita, Mildred.

     At sa bawat araw ay nadadagdagan pa ito,

     “Mahal na mahal kita, Mildred.”

     “Mahal na mahal na mahal kita, Mildred.”

     Pinaniniwalaan ni Mildred ang lahat ng sinasabi ni Rico. Nahuhulog lalo ang loob niya sa matatamis na salita nito. Masaya siya dahil kapag idinidikit niya ang tainga niya sa dibdib ni Rico, kapag pinakikinggan niya ang tibok ng puso nito, naririnig niyang isinisigaw nito ang pangalan niya. Ang pangalan niya… Mildred…

     Mahimbing siyang natutulog sa gabi. Walang pangamba sa dibdib niya. Alam niyang mahal siya ni Rico at hindi nito magagawang magtaksil. At bago matulog, iniisip niya si Rico; iniisip niya ang bukas, na magiging maayos din ang lahat. Sana nga balang araw ay matanggap din ng kamag-anak nila ang pag-iibigan nila.

     Mabilis na lumipas ang tatlong buwan. Ito na siguro ang tamang pagkakataon. Ito ang hinihintay ni Rich. Dito niya malalaman kung tumupad ba ang kapatid niya sa usapan o kung ibubunyag ba niya ang sikreto nina Mildred at Rico. Hindi naman kasi nila iyon napag-uusapan sa bahay.

     Hindi nagpakita si Rico buong araw. Bago pa makauwi sina Rich at Arthur (lagi silang sabay kung umuwi), ay nakatanggap sila ng mensahe. May nagsabi sa kanilang pinasasabi ni Rico na magpunta sila sa garden ng University. Gayundin ang natanggap ni Mildred at nang tanungin ni Mildred kung bakit, ang isinagot sa kanya ay,

     “Ipakikilala ka raw niya…”

     Kinabahan si Mildred. “Ipakikilala kanino?” At naisip niyang ipakikilala siguro siya ni Rico bilang girlfriend nito. Nandoon kaya ang ilang kamag-anak nila? Bakit naman sa ganoong lugar? Bakit hindi man lang sinabi ni Rico sa kanya? Gusto ba siyang surpresahin ng binata? Sumunod na siya at pumunta sa garden.

     Magkasamang pumunta sina Rich at Arthur sa garden. Napa-wow nga si Arthur nang makitang kakaiba ang ayos ng hardin at may ilaw sa paligid. May nakita silang bilog na lamesa at apat na upuan. Umupo sila pareho.

     “Yung ipakikilala ba sa atin ni Rico e yung babaeng sinasabi ninyong iniligtas niya?” tanong ni Arthur kay Rich.
     “Hindi ko alam,” sagot ni Rich. Hindi niya alam kung ano ba talaga ang pinaplano ng kapatid niya.
     “Actually, gusto ko ring ma-meet yung girl kasi based sa description mo e cute yung girl.”

     Ngumiti na lang si Rich.

     “Bakit ba ang tagal ni Rico? Nasaan na ba siya?” Hindi mapakali si Arthur.

     Dumating na si Mildred. Nagulat siya sa ayos ng garden. Talaga bang pinaghandaan ni Rico lahat ng ito at dito sa magandang hardin siya ipakikila ng binata? Hanggang sa napansin niyang may ibang tao.

     “Hello,” pagbati niya sa dalawang nakaupo. Napatingin sina Rich at Arthur sa kanya.
     “Hi!” tugon ni Rich. Hindi na nag-abala pa si Arthur na batiin siya.

     Nanatiling nakatayo si Mildred. “Bakit nandito sina Kuya Rich at Arthur?” tanong niya sa sarili. “Yung sinabi bang ipakikilala ako, ibig sabihin ba nun e kina Kuya Rich at Arthur ako ipakikilala ni Rico? Nasaan na ba si Rico?”

     Tinawag ni Rich si Mildred, “Mildred!”

     “Po?” sagot ni Mildred.
     “Upo ka,” paanyaya nito.

     Naglakad si Mildred papunta kina Rich at Arthur at umupo. Nakatahimik lang siya at kinakabahan.

     “Nasaan na ba si Rico?” tanong niya muli sa sarili.

     Tumingin si Mildred sa katabing bakanteng upuan at naisip niyang dito uupo si Rico at ipakikilala siya nito sa harap nina Rich at Arthur. Ilang sandali pa ay dumating na si Rico. Tumayo ang lahat nang dumating ang binata. Napawi ang lahat ng takot, kaba at hiyang nararamdaman ni Mildred.

     “Nandito na pala kayong lahat. Nainip ba kayo? Sorry dahil ngayon lang ako nagpakita. Ang totoo niyan, nagtatago ako sa likod ng mga halaman e! Hinihintay ko lang na dumating kayo,” paunang salita ni Rico, pakamot-kamot pa ng ulo.
     “Rico, may dahon ka pa sa ulo,” puna ni Mildred.

     Tinanggal ni Rico ang dahon, “Ay oo nga! Hehe! Thanks, Mildred!”

     Tiningnan ni Mildred ang suot ni Rico at ikinumpara sa suot niya, “Maayos ang suot ni Rico samantalang ako…”

     “Upo na kayo,” utos ni Rico. Umupo na ang lahat. Tinawag niya sina Rich at Arthur, “Kuya Rich, Arthur, gusto kong ipakilala sa inyo yung babaeng napaka espesyal sa akin. Gusto kong kayo ang unang makakilala sa kanya. Mahal na mahal ko ang babaeng ito.”

     Naantig si Mildred sa mga sinabi ni Rico. Dahil dito, hindi na siya nahihiyang ipagsigawan sa buong mundo kung gaano niya kamahal ang binata. Hindi siya makapaniwalang nagawa siyang ipakilala nito kina Rich at Arthur. Nananalangin nga siyang sana ay matanggap siya nina Rich at Arthur.

     “Mildred,” pagtawag ni Rico. Napatayo si Mildred sa kinauupuan nang tawagin siya ni Rico. Yun ay sa pag-aakalang siya ang babaeng tinutukoy ng kanyang pinsan. “Mildred, gusto kong ipakilala sa iyo,” tumingin si Rico kina Rich at Arthur, “at sa inyo Kuya Rich at Arthur, si Bernadette."

     Tila nadurog ang puso ni Mildred nang marinig ang pangalang binanggit ng kanyang pinsan.

     “Siya ang buhay ko, ang babaeng nililigawan ko,” pagpapatuloy ni Rico.

     Mula sa mga halaman ay lumabas si Bernadette. Para siyang isang prinsesa sa kanyang ayos ngayong gabi.

     “Hello po! Good evening po!” pagbati niya.

     Ipinakilala ni Rico sina Arthur, Rich at Mildred, “Ito nga pala si Arthur, ang bro namin. Si Kuya Rich, na-meet mo na siya kasi madalas ka namang nagpupunta sa bahay at ito si Mildred, ang pinaka close kong pinsan.”

     “Nice meeting you all!” masiglang wika ni Bernadette.

     Tumayo pa talaga sina Rich at Arthur para lapitan si Bernadette at nakipagkamay. Kung mayroon mang hindi natutuwa sa pangyayaring ito, si Mildred na siguro yun. Naisip niyang hangal sina Rich at Arthur para tanggapin nang buo ang babaeng iyon at mukhang masaya pa sila. Masaya ang lahat maliban sa kanya. Pakiramdam niya ay bigla siyang nanghina at napaupo siya.

     “Umupo na tayo at magkuwentuhan!” sigaw ni Arthur.

     Pero napansin ng lahat na kulang ang upuan. Sinabi ni Rico na sina Arthur, Rich at Bernadette na lang ang umupo, tatayo na lamang siya. Tumayo si Mildred sa kinauupuan niya at sinabing,

     “Dito ka na umupo, Rico. Uuwi na ako.”

     Tumakbo si Mildred. Tumakbo siyang umiiyak. Tumakbo siya papasok sa maraming puno at napahandusay nang marating niya ang wishing well.

     “Naniwala ako sa iyo. Akala ko totoo ka,” humihikbi niyang sinabi. “Bakit... Bakit mo tinupad ang hiling ko kung babawiin mo rin lang?” sigaw niya sa wishing well.

     Kumidlat at biglang bumuhos ang malakas na ulan.

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly