***
Parte ng Isang Pangarap (Tagpo 42-48)
TWEETY: Ryan! Alam ko na kung bakit nasabi ni Lena na si Ran ang may kagagawan ng hindi niya pagsipot sa laban! Pinainom ni Ran ng pampatulog si Lena dahil gusto niyang makasama at mapanood ang Championship! Gusto niyang siya ang pumalit kay Lena!
RYAN: (Magtataka) Bakit daw?
TWEETY: Hindi mo ba nakukuha? Si Ran ay may gusto sa iyo at siya ay kagaya ko!!!
RYAN: (Magugulat) What??? Is that true? O hindi! I’d rather die!
TWEETY: Shaks, pa emote-emote pa itong lalaking ito!
SA SILID-ARALAN…
LENA: (Nakaupo)
RAN: Lena, may sasabihin sana ako sa iyong isang mahalagang bagay.
LENA: Kung ano man iyan, huwag mo nang ituloy dahil alam ko na. Sinabi na ni Millie ang buo mong pagkatao. (Iiwas)
RAN: Lena, teka lang… Kailangan nating… (Hihinaan ang boses) mag-usap…
LENA: Wala tayong dapat pag-usapan! Naiintindihan mo?
RAN: Sinabi mo na kaibigan mo ako, di ba? Gusto ko talagang magkaroon ng kaibigan dahil sila lamang ang tumatanggap sa negatibong ugali ng isang tao. Nalaman ko kay Millie na ikaw pala ay taga-hanga ko. Sa ipinapakita mo ngayon sa akin, parang hindi mo kayang tanggapin ang buo kong pagkatao. Kung kaibigan nga ang tingin mo sa akin, bakit ganyan ka? Hindi ko gustong saktan ka. Pasensya na dahil kahit kailan, hindi ko kayang tanggapin ang pag-ibig na inaalay mo. Hindi sa natatakot ako pero dahil yun talaga ang nararamdaman ko. Hindi babae ang gusto ko…
LENA: Pero, pwede ka pa rin namang magbago kung gugustuhin mo, di ba?
RAN: Hindi mo ba ako kayang tanggapin?
LENA: Ang sa akin lang naman ay nakakapanghinayang ka, Ran. Matagal na akong humahanga sa iyo at masakit talagang malamang ganyan ka.
RAN: Gusto kong intindihin mo ako. Irespeto mo kung ano man ang katayuan ko. Igalang mo kung ano man ang nasa loob ko. Tanggapin mong kahit kailan ay hindi tayo pwede!
RYAN: (Biglang papasok sa eksena) Dapat ay sinabi mo na sa amin iyan dati pa nang sa gayon ay hindi na humantong sa ganito ang lahat.
LENA: Ryan…
RYAN: Bakit ganoon Ran? Bakit nilihim mo sa amin na isa kang… kagaya ni Tweety?
TWEETY: Pwede ba, ako ang orig at iba na talaga pag orig.
RYAN: Ikaw Ran, ang taong pinaka mimithi ni Lena. Bakit nagawa mo siyang lokohin?
RAN: Pasensya na kung nagawa ko iyon. Kung nagulo ko man ang buhay ninyo, humihingi ako ng kapatawaran. (Luluhod sa harap ni Lena) Patawad, pinagsisisihan ko ang lahat ng naging kasalanan ko.
LENA: Tumayo ka na riyan. Hindi ako sanay na may taong lumuluhod sa harap ko.
RAN: (Tatayo)
TWEETY: (Kay Lena) Ano na ang balak mong gawin ngayon, girl?
LENA: Ang bawat tao ay may karapatang magpatawad at patawarin, kahit gaano man kabigat ang kasalanang nagawa. Ang Diyos nga nagawang magpatawad, tao pa kaya. (Kay Ran) Pinapatawad na kita, Ran. Basta, huwag mo nang gawin ang bagay na iyan sa iba. Maliwanag ba?
RAN: Lena, pangako…
RYAN: (Aakbayan si Ran) Ran, pare ko, kailangan mong maintindihan na… ang gusto ay isang babae at wala na akong ibang gusto kundi si Lena.
RAN: (Malulungkot)
RYAN: Huwag kang sumimangot. Magiging kamukha ka ni Tweety, sige.
RAN: Ano? Sige, ngingiti na ako. (Ngingiti)
RYAN: Sana maintindihan mo na si Lena lang talaga ang gusto ko. Kahit na hindi ako ang gusto niya, siya pa rin ang babae sa puso ko.
TWEETY: Kinikilig ako!
RYAN: (Hihingi ng tawad kay Lena) Lena, so-sorry na, ha! Sorry sa masasakit na sinabi ko.
TWEETY: (Tutulak-tulakin si Lena)
LENA: Oo na!
TWEETY: Okay, ha! Nagkapatawaran na tayo. Sa ngayon, mas makabubuti kung iisipin natin ang nalalapit na graduation!
LAHAT: Tama! Ang graduation!
ARAW NA NG PAGTATAPOS…
RYAN: (Nakaupo sa bench) Nakakatawa! Dati, bola lang ang hawak ko. Ngayon, magiging diploma na. Minamahal kong court, iiwan na kita. Minamahal kong paaralan, iiwan na kita. Minamahal kong Lena…
LENA: (Uupo sa tabi ni Ryan) Tinawag mo ako?
RYAN: Lena! Uh… Pasensya na kung nagiging ma-drama na ako ngayon. Syempre, di ba, graduation na tapos, magiging college na tayo. Tapos… Tapos, wala na…
LENA: Bakit wala na? Nakalimutan ko, hindi ba’t ang sabi mo sa akin ay sasabihin mo yung babaeng gusto mo sa graduation?
RYAN: (Mapapangiti) Nga pala, nagtapat na ako sa kanya, alam mo ba iyon? Kaso, ang sabi niya, hindi daw iyon dapat dahil magkaibigan lang kami. Kaibigan lang, kaibigan lang, kaibigan lang…
LENA: Talaga? E, sino ba siya?
RYAN: Huh? A… e…
LENA: Di bale, kilala ko na naman siya. Ryan, paano kung… nagbago ang isip niya. Tapos, bigla na siyang pumayag?
RYAN: (Masayang-masaya) Hindi ba siya nagbibiro?
LENA: Bakit naman siya magbibiro, hindi naman oras ng pagbibiro ngayon?
RYAN: (Yayakapin si Lena) Lena, ikaw lang ang mahal ko. Kahit mawalan man ng hangin ang bolang gamit ko, ikaw lang talaga.
LENA: Pati ba naman dito, ina-apply mo pa rin ang basketball?
RYAN: Syempre naman! Pero alam mo, mas mahalaga ka pa rin kaysa sa bola ng basketball. Dahil iyon, may presyo, nabibili ng kahit na sinumang tao. Samantalang ikaw, wala at di basta-bastang nakukuha ng ibang tao. Isa lang talaga ang dapat na magmay-ari sa iyo.
LENA: At ikaw iyon?
RYAN: Well, sino pa nga ba? E, ako lang naman ang nandito.
LENA AT RYAN: (Magtatawanan)
***
RAN: Ang pagiging Valedictorian ko ay bunga ng aking pagsisikap sa pag-aaral at ng aking mga inspirasyon sa buhay. Una sa lahat, nais kong magpasalamat sa Panginoon, sa mga magulang ko, sa mga kaibigan kong sina Lena Madrid, Ryan Cristobal at Timothy a.k.a. Tweety Santos. Kay Millie na walang sawang sumuporta at nagpaliwanag sa akin ng lahat. Sa minamahal kong gitara dahil kung wala ito, wala akong kadamay sa panahong ako’y nalulungkot. Sa aming guro at kaklase, sa ating minamahal na punong-guro, sa mga estudyante, alam kong kumalat na ang tsismis tungkol sa akin. Hindi ko ikinahihiya ito. At sa mga taong tumanggap sa tunay kong pagkatao. Basta, ito lang ang masasabi ko: GGG, Girls, Guys and Gays, mabuhay kayong lahat! Salamat po.
***
MILLIE: Lena… (Ibabalik ang kwintas)
LENA: (Tatanggapin ang kwintas)
MILLIE: Huwag kang mag-alala, alam namin ni Ran na sa iyo lang talaga ang puso ni Ryan. Sana ay maging maligaya kayo at sana, matupad ninyo ang lahat ng iyong mga pangarap.
***
RYAN: (Hawak ang kwintas) Lena, sa totoo lang, ang kwintas na ito ay bigay sa akin ni mama. Ibigay ko raw ito sa pinaka importanteng tao sa buhay ko. Pero… (Itatapon ang kwintas)
TWEETY: Ano ka ba, bakit mo tinapon?
RYAN: Tweety, hindi pwedeng hatiin ko ang kwintas para sa inyong dalawa.
TWEETY: (Na touch) Ryan! Nakakainis ka talaga!
RYAN: (Aakbayan sina Lena at Tweety) Kayong dalawa ang mga taong pinaka importante sa buhay ko!
TWEETY, RYAN at LENA: (Magyayakapan)
***
LENA: Alam ninyo, napagtanto ko na mahirap, malungkot at nakakaiyak talaga ang pagtatapos. Mahirap, dahil marami tayong pagsubok na pinagdaanan. Pero, nalampasan natin ang lahat ng iyon. Malungkot, dahil nalaman kong kauri pala nito ni Tweety si Ran.
TWEETY: Aba! Masaya ako doon, no!
LENA: At nakakaiyak dahil—
(Dadating ang Varsity Team)
NIKE: Oki doks, picture-picture tayo!
(Magkakagulo ang Varsity Team, makikisali rin ang iba)
RYAN: Uy, huwag naman kayong manulak! (Maaapakan si Lena) Lena, ano nga pala yung sinasabi mo?
LENA: Ang pagtatapos… nakakaiyak ito dahil… Ryan, inapakan mo ang paa ko! Aray ko!!! (Paghahampasin si Ryan)
RYAN: (Tumatawa pa) Teka, hindi ko naman sinasadya!
LENA: (Mag-iisip) Tanggap ko na ang lahat. Si Ran, parte lang siya ng aking pangarap at si Ryan, siya talaga ang katotohanan. Hindi na ako hihiling ng kahit na ano pa. Tinatanggap ko na si Ryan sa aking buhay…
(Kanya-kanyang pose sila. Nag flash na ang ilaw ng camera)
***W A K A S***
OoOoO
PAGPAPAKILALA SA MGA TAUHAN
Pangunahing Tauhan
Lena Madrid- Mabait, maganda, kaso mahiyain. Nasa ika-apat na taon sa mataas na paaralan, ang tangi niyang pangarap ay maging kaibigan at kaklase ang taong pinakagusto niya, si Ran. Tinanggihan niya ang pag-ibig ng kanyang matalik na kaibigan, si Ryan, ngunit sa huli’y tinanggap rin ito. Kanya ring natanggap na si Ran ay parte lang ng kanyang pangarap at si Ryan talaga ang katotohanan.
Ryan Cristobal- Matalik na kaibigan ni Lena na naging kaklase niya mula unang pangkat sa Mababang Paaralan hanggang ikatlong taon sa Mataas na Paaralan. Kaligayahan niya ang nakikitang masaya sa piling ni Ran si Lena ngunit sa kabila nito ay nasasaktan rin. Siya ay magaling maglaro ng basketball at kasapi sa Varsity Team ng paaralan.
Ran Arnaiz- Isang gwapo at matalinong tao. Ang pinakagusto at hinahangaan ni Lena dahil sa kanyang talento sa pagtugtog ng gitara. Mayroong isang lihim na pinagkatagu-tago ngunit natuklasan rin ng grupo ni Lena. Sa kabila nito, hindi siya ikinahiya ng grupo. Malaki ang kanyang pasasalamat sa pagdating ni Lena sa kanyang buhay.
Timothy Santos- Mas kilala sa tawag na Tweety, siya ang kaibigang matalik nila Lena na kasapi sa ikatlong kasarian. Humahanga rin kay Ran ngunit nagkaroon ng sama ng loob sa kanya nang malamang niloloko lang pala sila nito.
Millie Deogracias- Kaibigan ni Ran na tanging sumusuporta sa kanya. Pilit niyang inilalagay si Ran sa tamang landas. Siya ang nagsiwalat ng lihim nito.
Iba pang tauhan
Lara-Ate ni Lena at kanyang kasundo sa lahat ng bagay.
Rey- Ama ni Lena na magaling rin sa basketball.
Nike, Mac, Kevin at Jay- Miyembro ng Varsity Team na kasama ni Ryan sa paglalaro. Lahat sila ay nagmula sa seksyon 1.
Mai at Jane- Magkaibigang walang ginawa kundi ang magpapansin.
Bb. Laxa- Guro ng Seksyon 1.
Coach Miguel- Coach ng Varsity Team.
Bakla #1, 2 at 3- Mga baklang kaibigan ni Tweety na nag-uusap-usap tungkol sa isang bagong ka-pederasyon.
ANG TAGPUAN
•Sa eskwelahan, unang araw ng klase- ang araw na pinakahihintay ng lahat ng mag-aaral sapagkat makikita na naman nila ang kanilang mga kaibigan, mga dating kamag-aral at ang mga taong gusto nila. Ito ang araw na nalaman ni Lena na kamag-aral niya si Ran. Dito rin naganap ang pagtatapat ni Ryan ng pag-ibig kay Lena pati na rin ang masayang graduation (pagtatapos).
•Sa Principal’s office- dito kumukuha sina Lena at iba pang mag-aaral ng kanilang seksyon at permit upang makapasok sa silid-aralan.
•Ang silid-aralan ng seksyon 1- dito inihatid ni Ryan si Lena matapos malamang seksyon 1 pala siya. Ito rin ang silid kung saan naganap ang unang pag-uusap nina Lena at Ran.
•Bahay ni Lena- kasama niya dito ang kanyang ate at ama. Sa kabilang street ay ang bahay ni Ran.
•Bench- kung saan madalas mag-usap sina Lena at Ryan.
No comments:
Post a Comment